IKAAPAT

1600 Words
Nakita ni Faizal mula sa bintana ng tren ang pagkaway ng kaniyang mga kapatid at ng kaniyang ama. Kumaway rin siya sa mga ito pabalik, bago siya tinalikuran ng mga ito. Sigurado siyang uuwi na ang tatlo pabalik sa barung-barong nila na nasa puso ng kagubatan. Hindi niya inalis ang tingin sa papalayo nitong mga likod. Kahit madilim na ang paligid ay kita niya kung paano ipinasan ni Corbin si Lucille sa likod nito. Sa kaniya na nakasalalay ngayon ang kinabukasan ng buo nilang pamilya. Napuno siya ng determinasyon. Siya ang dapat manguna sa palaro. Siya dapat ang maging Kampeon. Sa oras na umandar ang tren na iyon, wala nang lugar ang kahit anong pagkakamali. Hindi man niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya sa loob ng Siklo, ang alam lang niya ay hindi siya puwedeng magkamali. Dahil sa bawat pagkakamali niya, bumababa ang tiyansa na mapaganda niya ang buhay ng kaniyang ama at mga kapatid. Tinatalo ng malalakas na yabag ng napakaraming manlalaro ang hugong ng tren. Prente siyang naupo at niyakap ang maliit niyang purtamuneda na may lamang apat na pirasong nilagang patatas. Iyon lamang ang baon niya at wala nang iba pa. Walang matalim na bagay, wala kahit anong maipangproprotekta sa kaniyang sarili. Sinabi din naman iyon sa napakalaking anunsiyo na inilagay ng mmga guwardiya sa kabayanan tatlong araw na ang nakalilipas. Animo'y kasinglaki iyon ng mga billboard sa kanilang Town Square noon; noong nabubuhay pa siya bilang si David. Sinabi sa anunsiyong iyon ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga manlalaro. Kabilang sa mga dapat gawin ang pagpaparehistro dalawang araw bago magsimula ang laro, at ang pagpunta sa nag-iisang estasyon ng tren, dalawang oras bago magsimula ang laro. At isa naman sa mga natandaan niyang kabilang sa hindi dapat gawin ay ang pagdadala ng matatalim na bagay tulad na lamang ng kutsilyo, itak, parte ng basag na bote at iba pa. Sa ibaba nga ng anunsiyong iyon ay may mukha ng kambal na sina Pahimakas at Tadhana. Dahil sa anunsiyong iyon pakiramdam niya ay ligtas nga ang pagsali sa Grandiosong Palaro. Ngunit ngayong nakasakay na siya sa tren na iyon ay kakaibang kaba ang kaniyang nararamdaman. Sa kanilang sektor pa lamang ay halos mahigit isang daan na ang sumaling manlalaro. Paano pa kaya ang iba pang mga Sektor? Paniguradong nasa libo na naman ang mga manlalaro ngayong taon. Ang tren na iyon ay eksklusibo lamang para sa kanilang Sektor. May sa gilid 'Singko' niyon na nakasulat sa malalaki at pulang letra. Kada isang Sektor ay may sari-sariling tren na naghahatid sa mga manlalaro, na magtatagpo sa iisang lugar. Kung ano ang lugar na iyon? Hindi niya alam. Wala siyang ideya pati na rin ang dalawang magkatabing manlalaro sa harapan lamang niya. Sa mga ito kasi niya narinig ang impormasyong iyon. Nayakap niya ang sarili. Ramdam niya sa kaniyang balat ang hangin na may kasamang maliliit na butil ng niyebe, kahit pa makapal ang suot niyang pang ginaw na gawa sa balat ng hayop. Saglit siyang tumayo upang isara ang bintana sa gilid lamang niya, at eksaktong kauupo lamang niyang muli ay isang malakas na anunsiyo ang pinakawalan ng pahinante ng tren sa mga tao sa labas. Lumabas sa isang maliit na screen ang isang minutong oras na ibinigay na palugit ng pahinante para sa mga manlalaro na gusto pang humabol. Nagsunud-sunod ang mga manlalaro na sumakay sa tren dahil sa palugit na minuto. Ang iba sa mga iyon ay pamilyar na mukha sa kaniya; mga mukha ng ilang tao na palaging nakikipag-unahan sa pagkuha ng pagkain sa kabayanan. "Tapos na ang palugit!" Iyon ang malakas na sigaw ng pahinante sa isang mikropono. Kusang sumara ang lahat ng mga pintuan pagkatapos niyon, at mula sa kabilang bintana, kita niya ang mga tumatakbong manlalaro na naiwan ng tren. Ang kamay ng mga iyon ay pilit na inaabot ang bintana, na animo'y mga kaluluwang gustong makasakay sa bangka ni Charon; ang tagapaghatid ng mga kaluluwa sa Griyegong Mitolohiya. Nakarinig siya ng malakas na ingay ng pag-aaway mula sa labas ng tren. Maging sa gilid din ng nakasarado na niyang bintana ay may nag-aaway. Dumadagundong ang mga bakal dahil sa mararahas na pagkatok roon ng mga manlalarong hindi nakaabot sa palugit. Isang matandang lalaki ang nakita niyang nagpupumilit makapasok sa bintana, ngunit mabilis na lumapit ang isang guwardiya roon at sinipa sa mukha ang matandang lalaki. At dahil mahigpit ang hawak ng matandang lalaki sa bintana ay hindi ito kaagad nakabitaw sa bintana. Pinagsisipa ito ng guwardiya, paulit-ulit, sa mukha, sa kamay. Namilog ang kaniyang mga mata dahil sargo na ang dugo sa mukha ng matandang lalaki. Hindi na niya napigilan ang sarili. Napatayo siya mula sa kinauupuan. "Tama na iyan!" Buong lakas na sigaw niya. Ngunit tila walang naririnig ang guwardiya, patuloy lamang ito sa pagsipa sa matandang lalaki. "TAMA NA SABI IYAN---" Natigilan siya nang itutok nito sa kaniyang mukha ang isang may kahabaang baril. "Huwag kang mangialam," matigas ang tinig na sabi nito mula sa loob ng suot nitong maskara. Isang malakas na sipa pa ang pinakawalan nito at tuluyan nang napabitaw ang matandang lalaki sa bintana. Bakas na lamang ng dugo nito ang naiwan roon. "Isara na ang mga bintana!" Malakas na sigaw ng pahinante. Isa-isang sumarado ang bintana nga tren pagkatapos niyon. Para silang nakulong sa isang pahabang kuwarto. Inalis na ng guwardiya ang baril sa kaniyang mukha at isinukbit iyon sa bewang nito. "Bumalik ka sa kinauupuan mo." Matigas na sabi nito bago binunggo ang kaniyang balikat at nilagpasan siya. Wala na siyang nagawa kundi ang sundin ang sinabi nito. Tahimik siyang bumalik sa upuan niya kanina. Sa pangyayaring iyon, isa lamang ang napatunayan niya, na totoong tao ang mga guwardiyang iyon, hindi mga robot na nakatayo lamang sa tuwing nagkakagulo sa pagkuha ng pagkain sa kabayanan. "MAGSISIMULA NA ANG INSPEKSYON! TUMAYO ANG LAHAT!" Pagkasabi niyon ng pahinante ay nagbisor ito sa buong tren. Halos sabay-sabay silang tumayo at isa-isa silang kinapkapan ng mga guwardiya, tiningnan iyong maigi ng pahinante. Tumapat ito sa kaniya. Isang ngiti ang ibinigay sa kaniya ng pahinante at hindi niya iyon nagustuhan. Dapat ay ngiti rin ang isukli niya roon hindi ba? Ngunig hindi niya iyon magawa. Natatakot siya sa ngiti nito. Parang bang ipinararating niyon na may nagawa siyang hindi maganda; na may nagawa siyang hindi dapat. Inalis nito ang kakaibang sumbrero sa ulo saka umupo sa bakanteng upuan sa tabi niya. Agad siyang lumayo rito at halos sumiksik na sa may bintana. "Kabutihan ang ginawa mo kanina," anito sa baritonong tinig. Nakatingin ito sa iba pang mga manlalaro na kasalukuyang kinakapkapan. "Ngunit alam mo ba na ang unang gumagawa ng kabutihan sa mga pelikula ang siyang una ring namamatay?" Doon lamang ito tumingin sa kaniya at ang ngiti nito ay mas naging nakakatakot pa sa kaniyang paningin. "Hindi ka dapat masyadong maging mabuti. At hindi ka dapat masyadong mangialam. Hindi magandang gawain iyon." Isang babala iyon, ngunit hindi niya alam king para saan. Para bang sinasabi nito na siya ang susunod na mamamatay kapag nakialam siya tulad kanina. Para bang sinasabi nito na sa ganoong mga sitwasyon, mas mabuting magbingi-bingihan at magbulag-bulagan na lamang siya. Tama nga ang kaniyang hinala na ang pagsubok na sawayin ang guwardiya kanina ay nakuha ang atensyon nito. Hindi iyon nagustuhan ng pahinante kaya naman personal pa itong lumapit sa kaniya upang balaan siya. Nakita niya ang purtamuneda niyang mahigpit niyang yakap sa loob ng kaniyang pang ginaw. Mas humigpit pa ang yakap niya roon. Pilit naman iyong kinuha ng pahinante mula sa kaniya. Nakipag-agawan pa siya ngunit tuluyan na iyong nakuha mula sa kaniyang kamay. Sinilip ng pahinante ang laman niyon, umismid nang makita ang laman niyon, saka ibinalik sa kaniyang mga kamay. Tumayo na ito at pinagpagan ang uniporme na akala mo ay nadumihan dahil lamang sa pagtabi nito sa kaniya. Isinisigaw ng bawat kilos nito ang pangmamaliit nito sa kaniya. Gustong kumuyom ng kaniyang kamao dahil doon, ngunit pinanatili niyang kalmado ang sarili. Wapang mabuting maidudulot kung ngayon pa lamang ay may makakaaway na siya. Ni hindi pa nga umaalis ang tren mula sa kanilang Sektor. Baka hindi na siya makaabot sa loob ng Siyudad kapag nagkataon. "Kung ako sa iyo ay kakainin ko na iyan ngayon pa lang. Ang bitbit mo ay mas delikado pa sa kahit anong matalim at nakamamatay na bagay." Tumalikod na ito. "Baka hindi pa umaandar ang tren na ito ay patay ka na dahil sa mga patatas na iyan. Wala rin namang maitutulong iyan pagpasok ninyo sa Siyudad." Iyon ang huli nitong sinabi bago siya iniwan. Sinenyasan nito ang guwardiya na kakapkap sana sa kaniya. Nakita niyang nag-usap ang dalawa, tumango-tango ang guwardiya, at nilagpasan na siya. Hindi na siya kinapkapan pa ng guwardiya, bagkus umusad na ito sa mga manlalaro na nasa likuran lamang ng kaniyang upuan. Isa lamang ang napagtanto niya sa pangyayaring iyon: may ranggo sa lugar na ito. Ang nga katulad niya ang nasa pinakamababang antas, at ang sumunod naman doon ay ang mga guwardiya. Sinusunod ng mga guwardiya ng Siklo kung sino man ang may mas mataas na ranggo sa kanila. At sa loob ng tren na iyon, ang pahinante ang may maituturing na may pinakamataas na posisyon. Sinunod niya ang abiso ng pahinante. Palihim niyang kinain ang mga baon niyang nilagang patatas, at eksaktong natapos siyang kumain ay isang malakas na kalabog ang gumulat sa kanilang lahat. Agad siyang napatayo at tiningnan ang pinanggalingan ng kalabog. Ganoon din ang ginawa ng ibang manlalaro. Nanggaling ang ingay sa likurang bahagi ng tren. At doon tumambad sa kanila ang dalawang lalaking nagpapatayan para sa isang tela.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD