IKATLO

1426 Words
“Madali kayo ng kilos, mga anak.” Aligagang sabi ng ama ni Faizal. “Hindi na ligtas ang lugar na ito.” Hinagilap nito ang saklay na nasa tabi lamang ng kanilang mababang papag. Samantala siya ay kakapasok lang muli sa bahay matapos subukang habulin ang mga bandido. Paika-ika nitong tiningnan kung may mga natira pa sa nailabas nilang pagkain, ngunit wala. Sinimot ng mga bandido ang lahat ng maaaring maipanglaman tiyan mula sa kanilang kusina. Walang natira sa mga iyon maliban sa kanilang banga na may imbak ng tubig. Nagkatinginan sila ni Corbin. “Anong ibig sabihin mo, itay?” Tanong ng kaniyang kapatid. “Aalis na tayo dito, anak. Simulan na ninyong ipunin ang mga mahahalagang gamit,” sagot ng kaniyang ama. “Ilagay ninyo sa mga sako. Bilis.” “Bakit kailangan nating umalis, itay? May mga pagkain pa naman sa ilalim.” Ang tinutukoy ni Corbin na ilalim ay ang maliit na sikretong kuwarto sa ilalim ng kanilang bahay. Doon nila iniimbak ang iba pa nilang pagkain. Sila mismong dalawa ng kaniyang ama ang naghukay niyon bilang paghahanda sa mga pangyayari na katulad ng ngayon; paghahanda sa mga nakawan. “Dahil hindi na ligtas dito! Hindi man natuloy ang pagsabog ng mga ulo natin ngayon, paniguradong mangyayari na iyon sa susunod! Nakita niyo ba ang armas ng mga taong iyon?!” Tumaas ang boses ng kanilang ama. “Hindi kalaunan, madidiskubre na ito ng mga tao, at bilang na lang ang mga araw bago may dumating na namang mga panibagong bandido! At kapag nangyari iyon, paniguradong tutuluyan na tayo ng mga iyon!” Nagsimulang pumalahaw ng iyak si Lucille dahil sa histerikal na pagsigaw na iyon ni Matias. Agad naman itong nilapitan ni Corbin at pilit na pinatahan. Nakita na lamang ni Faizal kung paano nanghihinang napaupo ang kaniyang ama sa kahoy nilang sahig. Naiintindihan naman nya kung bakit ito nagkakaganoon. Isa itong pilay, balo, at may tatlong anak na kailangang pakainin, mabantayan, at siguraduhin ang kaligtasan mula sa masahol sa mundong iyon. Pero maaari naman niyang mabago iyon. Maaari itong isang maging pilay, balo, ngunit wala nang mga anak na kailangang problemahing pakainin, mabantayan o masigurado ang kaligtasan. Dahil siya na ang bahala doon. Kapag nanalo siya sa Grandiosong Palaro, maaari niyang mabago ang lahat ng iyon. Ang seguridad nila, ang walang katapusang pera at pagkain, maayos na bahay sa loob ng Siklo, lahat iyon makukuha niya sakaling siya ang manalo; na sisisguraduhin naman niyang mangyayari.   “Tay,” pagtawag niya sa atensiyon nito. “Huwag mo akong simulan, Faizal,” sabi nito nang hindi tumitingin sa kaniya. Tila tono pa lamang ng kaniyang pananalita ay alam na kaagad ng kaniyang ama ang mga susunod pa niyang sasabihin. Tila alam na kaagad nito kung saan papunta ang kanilang usapan. “Kailangan kong sumali doon.” Hindi nanghihingi ng permiso ang kaniyang tono. Buo na ang kaniyang desisyon. Kahit hindi siya payagan ng kaniyang ama, sasali pa rin siya. Galit na tumayo ang kaniyang ama at paika-ikang lumapit sa kaniya. “Huwag mo akong subukan.” Saglit nitong idinako ang tingin kay Corbin. “Corbin, kumilos ka na.” Tumingin sa kaniya ang kapatid, nagpapalit-palit ang tingin sa kanilang dalawa ni Matias, hindi alam kung sino ang dapat sundin. Sa huli ay tumayo ito at tinulungan ang ama kahit labag sa loob nito. Alam niya na parehas sila ng pag-iisip ni Corbin, naiintindihan nito ang gusto niyang mangyari. “Kapag nanalo ako doon, hindi na nating poproblemahin ang lahat ng ito!” Matapang niyang sabi, mataas ang boses. Sinusubukan niyang paganahin ang rasyunalidad ng ama. “Hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa iyo sa loob ng pader na iyon!” Mataas na rin ang boses ng kaniyang ama at hindi nagpapatalo sa argumento. Nakita niya kung paano nito pilit pa ring inilalagay sa telang sako ang ilan sa kanilang mahahalagang gamit. “Kaya nga mas lalo kong kailangang sumali. Paano kung matagal na panahon na pala tayong dapat sumali doon? Paano kung mas magandang buhay ang naghihintay sa atin doon?” “Faizal! Ano ba ang hindi mo maintindihan sa HINDI LIGTAS?!” “KAHIT SAANG PARTE NG SEKTOR NA ITO TAYO MAGTAGO, HINDI PA RIN LIGTAS!” Sumabog ang kaniyang prutrasyon at nasigawan ang ama. Natahimik sila pareho pagkatapos ng pagsigaw na iyon. Nagkatinginan silang dalawa at binalot ng katahimikan. Maging siya ay nagulat sa sarili. Sa buhay niyang ito, palagi lamang siyang kalmado at tahimik. Ni isang beses ay hindi pa niya nasigawan ang ama at ang mga kapatid. Ang pagpupumilit lamang pala niyang makasali sa laro ang makakagawa niyon. Tama, ugali iyon ng dati niyang buhay na si Malec; mainitin ang ulo, palasigaw, at lahat ay gagawin upang makuha ang gusto. Malalim siyang napabuntong-hininga. “Ang pader lang na iyon ang makakapagpabago ng buhay natin; ng buhay ni Lucille, ni Corbin.” Sa isang iglap ay humina ang kaniyang boses. “Isa pa, isang araw lang naman iyon. Wala namang mawawala sa loob ng bente-kuwatro oras.” “Paano kung matalo ka at totoo nga ang Bumagsak na Sundalo? Ano ang gagawin mo kapag hindi ka na nakalabas sa Siklo? Hindi mo na ako makikita uli at ang mga kapatid mo.” May pag-aalangan pa rin sa boses ni Matias ngunit nasa bingit na iyon ng pagpayag. “Hindi mangyayari iyon,” punung-puno ng determinasyon niyang sagot. Saglit na natahimik ang kaniyang ama, tila nag-iisip. “Kailangan mong manalo.” Nang tumingin sa kaniya ang ama ay may pag-aalala at lungkot na ang mga mata nito. Lumapit siya sa ama at niyakap ito. “Huwag kayong mag-alala, sisiguraduhin ko na ako ang magiging kampeon. Magtiwala kayo sa akin, iaalis ko kayo mula sa lugar na ito.” Naramdaman niya ang pagsama rin sa yakap nina Corbin at Lucille. *** Malakas ang hugong ng tren. Maitim rin ang usok na inilalabas niyon. Kahit madilim ang kalangitan ay kitang-kita niya iyon. Ayon sa malaking orasan sa gilid ng tren, alas dyis ‘y media na ng gabi, at pagpatak ng alas dose ay opisyal nang magsisimula ang laro. Hindi mabilang ang mga tao na naghihintay na makasakay doon. Ang iba ay nakapila katulad niya at nagpapaalam sa kani-kanilang mga pamilya. Ngayon ay iilang oras na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Grandiosong Palaro, at ang napakahabang tren na iyon ang susundo sa lahat ng mga nagbabalak sumali. Nasisigurado ni Faizal na kapag sumakay siya roon ay wala na talagang atrasan. Sa loob lamang ng ilang oras, maaari nang magbago ang kaniyang kapalaran at ang kapalaran ng kaniyang buong pamilya. “Lucille,” iniluhod niya ang isang tuhod upang maging magkapantay ang mukha nilang dalawa ng bunsong kapatid. “Huwag kang magkukulit. Ipangako mo sa akin na palagi mong aalagaan si Tatay, maliwanag ba?” Hindi niya mapigilang isipin na iyon na ang huli niyang pamamaalam sa kaniyang pamilya. “Opo, Kuya Faizal.” Niyakap siya nito ng mahigpit. “Bumalik ka kaagad, Kuya.” Umiiyak nitong sabi. Tinatapik-tapik naman niya ang likod nito. “Oo, babalik ako agad, huwag kang mag-alala. Hindi mo mamamalayan nakabalik na si Kuya.” Pagbibigay niya sa kapatid ng kasiguruhan. Ito ang kauna-unahang beses na mahihiwalay siya sa mga ito, kahit pa isang araw lamang iyon, maraming bagay ang maaaring mangyari. At isa na roon ang pagkatalo na maaaring magresulta sa habang-buhay niyang pagkakawalay sa pamilya. Iyon ang dapat niyang maiwasan. Sabi nga ng kaniyang ama, kailangan niyang manalo. Tumayo siya at si Corbin naman ang binigyan ng mabili na yakap. “Ikaw muna ang papalit sakin. Bantayan mo maigi si Lucille, habang wala ako. Tulungan mo si Tatay.” “Opo, Kuya.” Tumango-tango ang kaniyang kapatid. “Kailangan mong manalo.” Nangingilid din ang luha sa mga mata nito, at kita niya kung paano ang ginagawang pagpipigil ng kapatid upang mapigilan ang pagtulo niyon. “Balikan mo kami, Kuya.” Tinapos niya ang yakap at ginulo ang buhok nito. “Ano ba iyang iniisip mo, Corbin. Syempre babalikan ko kayo.” O tignan mo nga naman ang pagkakataon, iyon nga ang unang beses ng kaniyang mga kapatid na makapunta sa kabayanan, ngunit para naman ihatid siya sa isang laro na walang kasiguraduhan ang magiging resulta. “Mag-iingat ka.” Iyon ang sabi sa kaniya ng ama bago siya binigyan ng yakap. Walang namutawing salita mula sa kaniyang bibig, basta tumango-tango lamang siya bilang pagsagot. At nang matapos ang yakap, walang lingon-likod niyang tinalikuran ang mga ito at sumakay na sa tren. Hindi siya lumangon, dire-diretso lamang siya sa kaniyang bagong kapalaran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD