DALAWA

1829 Words
Hindi maalis ni Faizal ang mga mata sa higanteng screen. Kasalukuyang ipinalalabas doon ang mga kasalukuyang buhay ng mga nagkampeon sa Grandiosong Palaro. Ang lahat nang nananalo, kasama ng mga pamilya ng mga ito, ay habang-buhay nang magiging residente ng Siklo at maggagantimpalaan ng apatnapu’t apat na milyong piso.   Ipinapalabas sa screen ang magagandang pasilidad ng Siklo at ang napakaraming masasarap na pagkain na parang nasa isang magarbong handaan; na para sa katulad nilang kumakalam ang mga tiyan, ay isa nga namang nakatatakam na premyo. Animo'y isang magiliw na patalastas ng isang game show ang nasa higanteng screen. At ang mga screen lamang na iyon ang makulay na bagay sa gitna ng puting nyebe. Hindi niya alam kung kailan nagsimula ang palarong iyon. Nang ipinanganak siya at magkaisip ay narooon na ang palaro. Ganoon din ang sabi sa kaniya ng ama. Magmula't sapul daw nang magkaisip ito, hanggang magkaasawa at magkaanak ay naroroon na ang palaro. At ni isang beses ay wala pang nananalo na nanggaling sa kanilang sektor.   Isang beses sa isang taon sa loob ng bente-kuwatro oras. Isang buong araw; iyon ang durasyon ng laro. Wala nang ibang impormasyon tungkol doon. Ni isa man sa kanila ay walang ideya kung ano ang nangyayari sa laro. Ni minsan ay hindi pa iyon ipinalalabas sa screen, at mas nakadadagdag iyon sa kuryosidad nilang mga taong-labas. Malalaman na lamang nila na may nagkampeon na isang araw matapos ang palaro.   Ang lahat ng pumasok sa mataas na pader ng Siklo ay hindi na rin muling lumalabas. May usap-usapan na kahit matalo ang isang manlalaro sa laro ay may konsolasyon pa rin na premyo, at iyon ay ang pagtira ng natalong manlalaro sa isang nayon sa loob ng siyudad na kung tawagin ay Bumagsak na Sundalo. Iyon ang madalas na bulong-bulungan sa bayan. Hindi niya alam kung totoo iyon, ang alam lamang niya, isa rin iyon sa dahilan kung bakit marami ang sumasali sa palaro, lalo na iyong mga taong kinalimutan na ang kanilang pamilya at mas piniling unahing isalba ang kanilang mga sarili. May mga nagsasabi rin na Laro ng Lahi lamang daw ang bumubuo sa Grandiosong Palaro. Ngunit lahat ng mga iyon ay pawang espekulasyon lamang.   Palaisipan pa rin sa kaniya kung bakit tila hindi nauubos ang kanilang populasyon. Kung sabagay, hindi rin naman lingid sa kaniyang kaalaman ang pagkalat ng morpina at iba pang ilegal na g*mot sa kanilang sektor. Ipinupuslit iyon mula isa iba pang sektor. Ginagamit iyon ng ilang tao upang maibsan ang pananakit ng tiyan dahil sa gutom. At dahilan karamihan sa mag-asawa ay wala sa tamang katinuan, marahil ay walang kasawaang pagniniig na lamang ang ginawa ng mga ito. Kapansin-pansin din ang pagdami ng bata sa kanilang sektor. Wala na halos ang mga kaedad ng kaniyang ama na marahil mga sumali sa palaro. Kung hindi matatanda, mga batang kaedad ni Lucille na lamang at kaedad niya ang natira.   “Ang mga laro ng Siklo ay magsisimula na. Nasa inyong kamay ang inyong kapalaran. Nawa’y mapasainyo ang suwerte.” Iyon ang anunsiyo ng dalawang babae sa screen. Kilalang-kilala ng lahat ang babaeng iyon; si Tadhana at Pahimakas, ang kambal na punong-abala ng palaro.   Wala halos pinagkaiba ang mukha ng dalawa. Parang repleksyon sa isang salamin, maliban na lamang sa nunal sa itaas lamang ng labi ni Pahimakas. Dahil sa kakaibang kondisyon ng mga ito ay hindi normal ang pagkaputla ng balat ng mga ito, pilikmata, kilay, at ng mahabang buhok. Mas pumuti pa ang kambal sa suot na pulang bestida, pulang lipstick, at pulang-pulang koronang bulaklak ng red poppies sa ulo. Para itong mga dugo na bumahid sa puting-puting niyebe.   Magmula nang magtaggutom ay nangamatay na rin ang mga bulaklak. Ngunit hayun ang kambal, parang hindi tumatanda, at taon-taon may sariwang korona ng red poppies sa ulo. Natapos ang anunsiyo sa nakangiting mukha ng mga ito. Kasunod niyon ay muling pagbaba ng mga screen sa loob ng pader.   At ang kasunod pa ay purong katahimikan.   Matagal na niyang gustong sumali sa palarong iyon. Kaya nga lamang ay labis ang pagtutol ng kaniyang ama roon. Ilang beses niya iginiit dito na wala namang mawawala kung susubok siya, isang araw lamang naman iyon. Ngunit kahit anong paliwanag niya ay hindi pa rin ito pumayag. Ayon rito, ilalagay siya ng kaniyang kuryosidad sa kapahamakan. Naiintindihan naman niya ito. Dahil kung sakaling totoo nga ang mga usap-usapan sa bayan tungkol sa Bumagsak na Sundalo, ibig sabihin din niyon ay habang-buhay na niyang hindi makakasama ang mga kapatid.   Nagkatinginan sila ng kaniyang ama. Makahulugan ang tingin niya rito at tila naintindihan naman agad iyon ng tatay niya. Sunud-sunod na pag-iling ang ibinigay nito sa kaniya na nanganahulugan ng hindi nito pagpayag sa pagsali sa palarong iyon. Tuluyan na itong tumalikod at paika-ikang bumalik sa loob ng bahay. “Lucille, tulungan mo akong magluto ng hapunan,” pagtawag nito sa bunsong anak.   “Opo, itay!” Binitawan nito ang nilalarong kahoy at mabilis na sumunod sa ama pagpasok sa kanilang maliit na barong-barong.   Itinuloy naman niya ang pagpupulot ng mga nasibak nang mga kahoy. “Corbin, ako na riyan. Tulungan mo na lang si Tatay.”   “Sige, Kuya.” Ibinaba nito ang hawak na palakol at kinuha ang mga naipon niyang kahoy. “Sasali ka ba sa palaro?”   Nginisian niya ang kapatid bago ginulo ang buhok nito. “Pumasok ka na sa loob. Kapag narinig ka ni Tatay, paniguradong mapagagalitan ka niyon. Alam mong hindi tayo puwedeng sumali sa palaro.”   Sumimangot ito bago pumasok ng bahay, habang siya naman ay pinagpatuloy ang trabahong naiwan ng kaniyang kapatid.     GABI. Limang anino ang mamamataang umaaligid sa maliit na barong-barong nina Faizal. Armado ang mga ito, at maingat ang bawat paghakbang ng mga paa sa niyebe. Pare-parehong may takip ang kalahati ng mukha ng mga ito. Sumisenyas ang mga ito sa isa’t isa sa kung sino ang mauunang pumasok. Sinipa ng pinakamalaking miyembro ng grupo ang kahoy na pintuan, at ang buong pamilya na kanina ay mahimbing lamang na natutulog ay pare-parehong naalimpungatan; napabangon mula sa pagkakahiga sa mababang papag na kahoy.   Ginising sina Faizal ng nag-uumpisang panganib. Isang mahabang baril ang nakatutok sa kaniyang mukha, at ang unang pumasok sa kaniyang mahilo-hilo pang isip ay ang maprotektahan si Lucille na katabi lamang niya. Itinago niya ang kapatid sa kaniyang likuran.   “Sino kayo? Anong kailangan niyo sa amin?” Tanong ng kaniyang ama. May nakatutok ding baril sa tapat ng mukha nito, pati na rin kay Corbin. Itinaas ng kaniyang kapatid ang dalawang kamay na parang isang nahuling magnanakaw, kabaliktaran ng sitwasyong kasalukuyan nilang pinagdadaanan: sila ang ninanakawan. Gayon din ang ginawa ng kaniyang ama. Itinaas nito ang dalawang kamay habang hindi inaalis ang mga mata sa dulo ng baril.   “Manahimik ka, tanda! Kung ayaw ninyong masaktan, itikom ninyo ang bibig ninyo.” Malakas na sabi ng lalaking nagbabantay dito. “Hindi namin kayo sasaktan, basta’t manahimik lamang kayo.” Sumenyas iyon sa dalawa pa nitong kasamahan na base sa hubog ng katawan ay mapag-aalamang babae. Pare-pareho kasing may takip ang bibig hanggang ilong ng mga ito, at pare-pareho ring nakasuot ng mga pang barbarong kasuotan na pinatungan ng kappa na gawa sa balat ng hayop.   Nagsimulang maghalukaykay sa maliit nilang kusina ang dalawang babaeng miyembro ng grupo. Alam na niya kung ano ang mga ito: mga magnanakaw ng pagkain. Isa-isang inilagay ng mga ito sa maliit na telang sako ang mga nakasabit nilang mga tinuyong laman ng daga, mga pampalasa na siya mismo ang nanguha sa kagubatan, pati na rin ang kanilang mga patatas. Hindi pinatawad ng mga ito pati ang mga natira nilang tinapay sa mesa na pinaghirapan pa niyang maluto gamit ang harina na tiniyaga niyang makuha mula sa almirol ng patatas.   “Kuya Faizal…” narinig niyang bulong ni Lucille sa kaniyang pangalan. Nanginginig ang boses nito at mahigpit ang hawak sa likurang laylayan ng kaniyang damit.   “Huwag kang matakot, Lucille. Kailangan lamang nila ng kaunting pagkain.” Pinatatag ni Faizal ang boses kahit maging siya ay nakararamdan ng mumunting kaba. Dumako ang mata nito sa dulo ng baril na nakatapat sa kaniyang mukha. “Hindi nila tayo sasaktan.” Hindi siya sigurado kung si Lucille ba ang kaniyang pinaniniwala sa mga katagang iyon, o ang kaniyang sarili.   “Saan ninyo nakuha ang mga armas ninyo?” Lakas-loob na tanong niya. Hindi naman sumagot ang lalaki sa harapan niya. Oo nga at madali lamang magpuslit ng morpina sa kanilang sektor ngunit ibang usapan na kapag armas. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng baril ng mga sibilyan.   Kumunot ang noo niya nang makitang may letrang ‘S’ ang baril sa gilid. Pagmamay-ari ng Siklo. Isa lamang ang ibig sabihin niyon: maaring nanggaling ang baril sa kung sinong guwardiya. “Paano kayo nakakuha ng baril?” Muling tanong niya.   “Mas mabuting wala kang alam, bata.” Tunog matanda na ang boses nito, at nang tingnan niya ito sa mata, nakita niyang ang kulubot na bata sa gilid niyon pati na rin sa noo nito. Kung susumahin ay mas matanda pa ang lalaking kaharap kaysa kaniyang ama; parang lolo na niya ang kaharap. “Kayang patayin ng kuryosidad ang isang kuting,” dugtong pa nito.   “Nakuha na namin ang lahat. Tiba-tiba tayo, maraming naipong pagkain ang mga taong ito.” Anunsiyo ng isang babae. “Maaari na tayong umalis dito.” Nauna nang lumabas ang dalawang babae bitbit ang mga ninakaw nitong pagkain.   “Huwag kayong gagawa ng kahit anong hakbang kung ayaw ninyong pasabugin ko ang mga ulo ninyo.” Pananakot ng lalaking nagsisilbing lider, hindi inaalis ang pagkakatutok ng baril sa kanila. Mabagal itong umatras patungo sa pintuan.   “Huwag kang lumapit,” babala niya nang makitang unti-unting yumuyukod ang lalaking kaharap. Mas isiniksik pa niya si Lucille patago sa kaniyang likod. Ngunit tumawa lamang ang matandang lalaki at inalis na ang baril na nakatutok sa kaniyang mukha. May kinuha itong kung ano sa maliit na purtamuneda na nakasabit sa bewang neto. Isa iyong maliit na bakal na pang-ipit sa buhok na may disenyong bulaklak na Freesia. Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng bulaklak na iyon: tiwala, pagkakaibigan… at kalayaan. Inilagay iyon ng matandang lalaki sa buhok ng kaniyang kapatid.   “Arnulfo! Tigilan mo na iyan! Umalis na tayo!” Sigaw ng lider na nakalabas na sa pintuan.   “Kung gusto mo talagang malaman ang kasagutan sa tanong mo, maging isa kang kuting. Gamitin mo ang kuryosidad mo at sumali sa palaro. Ngunit dapat ay handa ka ring mamatay,” bulong ng lalaki sa kaniya. Pagkatapos ay mabilis itong sumunod sa mga kasamahan.   “Lucille, dito ka lang.”   “Faizal, huwag mo na silang sundan!” Dinig niyang sigaw ng kaniyang ama na hindi niya binigyan ng pansin. Dire-diretso niyang tinakbo ang pintuan kahit wala siyang suot na sapin sa paa. Gusto niyang itanong sa matandang lalaki kung ano ang ibig sabihin nito. Ngunit paglabas niya ay naitago na ng dilim at mga bumabagsak na niyebe ang bakas ng mga magnanakaw…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD