Sektor Singko, taong 4068.
Maingay ang mga tao sa maliit na kampo sa gitna ng Sektor Singko. Halos magtulakan ang mga tao upang makakuha ng supply ng totoong pagkain. Iyon ang isang beses sa isang buwan na donasyon ng Siyudad ng Siklo sa lahat ng mga sektor sa labas ng malahigante nitong pader.
Nakipaggitgitan si Faizal sa mga tao. Lahat ay gustong makakuha ng maipanglalaman tiyan, mapabata man o matanda. Wala nang patakaran roon na kung sino ang nauna sa pila ay iyon din ang unang makakakuha ng isang supot ng tinapay, patatas, o kung papalarin ay isang supot ng bigas. Ang mahalaga ay ang makahablot ng pagkain. Wala rin namang pakialam ang mga nakamaskarang guwardiya sa mga nagkakagulong tao. Animo’y mga robot na nakatayo lamang sa sulok. Ni hindi niya alam kung saan nakatingin ang mga ito. Pare-parehong kulay itim ang uniporme ng mga guwardiya, mahahaba ang mga kakaibang baril na hawak, at ang mga nakangiting kulay itim rin na maskara ay may nakaguhit na pulang letrang ‘S’ sa noo. Tanda na pag-aari ito ng siyudad.
Napaismid si Faizal. Ganoon naman ang Siklo. Minamarkahan ang lahat ng pag-aari nito. Wala nang bago roon. Kaya kahit saan siya lumingon ay may nakikita siyang pulang letrang ‘S.’
“Ayos. Matutuwa rito si Lucille,” bulong niya nang makahablot ng isang supot ng patatas. Lumayo na siya sa kumpol ng mga tao, takot mahablot mula sa kaniya ang hawak. Dahil sa kanilang sektor, ang kumakalam na sikmura ng mga tao ang umiiral at hindi ang pag-iisip ng mga ito. Wala nang pinagkaiba ang tama sa mali.
Hind talaga doon nagsimula ang buhay niya. Ang una niyang alaala ay ang taong 2020, nang unang inilabas ng NASA ang balitang tatama raw ang Apophis-99942 sa Earth. Isang asteroid na maihahalintulad sa asteroid na umubos sa lahi ng mga dinosaur ilang milyong taon na ang nakakaraan. Nasa isang Town Square siya nang mga panahong iyon, abala sa pagte-text sa ka-blind date sana niya nang inilabas ang balita. Labing-pitong taong gulang pa lamang siya ng mga panahong iyon. Inisyal pa ngang sinabi na 2029 daw iyon magaganap ang kolisiyon ng asteroid sa mundo na hindi natuloy sa taong nasabi.
At nang taong 2068, binura ng asteroid ang kalahati ng mundo. Hindi mabilang na tsunami na may mga higanteng alon, at sunud-sunod na mga paglindol ang tumapos sa buhay ng marami. Ang mga kontinente ay muling naging isang malaking lupain, at ang pagkasira ng iba’t ibang laboratoryo ang nagdulot ng bagong ebolusiyon. Animnapu’t limang taon siya ng mga panahong iyon, at sa pagkakaalala ni Faizal, siya ay namatay. Sigurado siya roon. Namatay siya kasama ang dating asawa at mga anak. Kaya ngayon ay hindi niya lubos maisip kung bakit nabubuhay pa rin matapos ang dalawang libong taon.
Ngayon ay taong 4068.
Iba na ang kaniyang hitsura. Matikas at malakas. Kulay asul ang mga mata at may morenong kutis. Sa taong ito, siya ay isang dalawampu’t dalawang taong gulang na lalaki na anak ng lalaking nagngangalang Matias. Wala na ang kulubot niyang balat. Hindi niya alam kung reinkarnasiyon bang matatawag iyon. Basta ang alam niya, naalala niya ang lahat ng nangyari sa dati niyang buhay. At ang David, na una niyang pangalan, ay Faizal na ngayon. Wala siyang ideya kung ilang henerasyon siyang muling nabuhay. Namuhay siya noon bilang si Ayah, isang batang babaeng namatay sa sakit sa puso. Malec, isang binatilyong pinatay ng sarili niyang ama. Josi, na namatay sa katandaan, at Noel, na namatay naman sa aksidente. Ngunit sa lahat ng mga naging katauhan niya, naalala pa rin niya ang pinakauna niyang buhay.
Iyon lamang ang ilan sa mga napagdaanan niyang mga buhay na tumatak sa kaniya. Ngunit mas marami pa roon ang napagdaanan at naging pangalan niya.
Ang bagong henerasyon ng mga tao ay nakatira na ngayon sa iba’t ibang sektor na maihahalintulad sa isang pamayanan. Ito ang mga taong kaapu-apohan pa ng mga natirang tao noong 2068. Hindi niya alam kung paano muling naitayo ng mga tao ang sibilisasyon pagkatapos ng pangyayaring iyon. Ni hindi niya matandaan kung kailan nagkaganito ang mundo, o kung ito pa ba ang dating Earth.
Basta ito na ang kalagayan ng mundo ngayon. Ang mundo ng taggutom at sakuna.
Ang kaniyang ama ang dating gumagawa ng pagpila sa donasyon. Ngunit noong labing-pitong taong gulang pa lamang siya, naputulan ito ng isang paa nang mahulog mula sa isang mataas na puno habang kumukuha ng makakain nilang magkakapatid. Ngayon, sa lumipas na limang taon, siya na ang pumalit dito; ang gumagawa ng karamihan sa mga bagay na ginagawa nito noon.
Itinago niyang supot ng patatas sa loob ng makapal na pang ginaw na gawa sa balat ng oso. Mabilis ang kaniyang paglalakad patungo sa gitna ng kagubatan na nagsisimula nang mabalot ng niyebe. Ramdam niya sa kaniyang mga paa ang lamig ng dinaraanan, dahil manipis lamang ang pagkakagawa sa kaniyang sapatos na gawa rin sa balat ng hayop.
Matagal-tagal na noon nakakita siya ng ibang hayop sa kakahuyang iyon, at matagal-tagal na rin noong lumipat sila ng tirahan sa puso ng kagubatan na napalilibutan ng matataas na bato. Iyon lamang kasi ang ligtas na lugar sa ngayon sa kanilang sektor. Siyam na taong gulang pa lamang siya noon nang magsimula ang malawakang taggutom. Nagkaubos ang supply ng pagkain sa lahat ng sektor, at ang dati nang mataas na pader ng siyudad ay tila mas tumaas pa. Tila inihiwalay ng mga taong siyudad and sarili sa mga mahihirap na katulad nila.
Nagkaubos ang kanilang mga pananim, nagsimulang magnakawan ang mga tao ng mga alagang hayop; manok, bibe, baboy, lahat ng maaring maging pang laman tiyan. Kinalaunan, nang mangagsiubos ang poltri, natuto nang kumain ng ibang hayop ang nasa sektor nila. Palaka, daga, at kahit mga insekto. Nakita niya kung paano nagpatayan ang kanilang kapitbahay para sa isang pusa. Hindi magkandamayaw ang mga tao kung paano patatahimikin ang maiingay na mga tiyan.
Kumalat ang balita na nagkakaroon na ng kanibalismo sa ibang sektor. At nang makarating ang balitang iyon sa kanilang sektor, napagtanto ng kaniyang ama na si Matias kung gaano kadelikado ang manirahan pa sila kasama ng ibang tao. Kaya naman nagsimula nilang iimpake ang mga mahahalagang gamit, at naglakbay patungo sa gitna ng kagubatan, kung saan sila ligtas sa mga gutom na tao. Malayo ang lugar na iyon sa maliit na kabayanan at napalilibutan ng matatas na bato. Mayaman ang kakahuyan sa mga bungang-kahoy. Kaya naman sa tuwing may nagagawing ibang tao roon ay agad silang pinagtatago ng ama sa isang maliit na silid sa ilalim ng bahay nilang tagpi-tagpi ng kahoy.
Sa mga nakalipas na taon ay marami nang nagbago. Namatay ang kaniyang ina nang ipanganak nito ang bunso niyang kapatid na babae na si Lucille na ngayon ay pitong taong gulang na. At nang mapilay ang kaniyang ama, si Corbin, ang labing-anim na taong gulang niyang kapatid na lalaki ang tumutulong sa kaniya sa mabibigat na gawain. Naging tahimik ang kanilang buhay. Ngunit hindi talaga pang habang-buhay ang lahat ng bagay. Dahil ngayong taon, marami nang nakadiskubre ng kakahuyang iyon, at nagkaubos na ang mga bungang-kahoy. At mga tao, bilang mga ganid at makasariling nilalang, sinunog ang mga puno upang walang ibang makinabang. Giit ng iba, tutal pinagmumulan lamang iyon ng sakitan, na kalaunan ay nauuwi sa kitilan ng buhay, mas maigi pang sunugin na lamang ang mga iyon at gawing abo. Kaya naman ang inaasahan na lamang nilang pagkukunan ng pagkain ay ang maliliit na isda sa sapa, at ang mga palaka at igat sa putikan sa likod ng malalaking bato. Ngunit ngayong dumating na ang taglamig at nagyelo na ang sapa at putik, umaasa na lamang sila sa kaunting imbak ng pagkain at sa isang beses sa isang buwan na donasyon ng Siklo.
Paniguradong marami uling kikitilin na buhay ang taglamig na iyon, tulad na lamang noong nakaraang taglamig na halos umabot ng isang taon. Hindi na rin niya matandaan ang kailan ang unang beses ng pagiging hindi normal ng klima at kondisyon ng panahon. Matagal-tagal na rin noong magsimulang mas humaba kaysa normal ang panahon. Minsan ay inaabot ng isang taon ang tagtuyot, mahaba ang mga buwan ng tag-ulan, at ngayon nga ay ang taglamig.
Nakarating siya sa matataas na bato na may makipot na daanan. ‘Eleanor Stephanos,’ kinapa niya ang nakaukit na pangalan ng kaniyang ina sa bato, malamig iyon sa dulo ng kaniyang mga daliri. Hindi iyon ang pangalan ng kaniyang ina sa dati niyang buhay. Ngunit sa buhay niya ngayon, ay naging malapit na malapit siya kay Eleanor bago ito binawian ng buhay.
Inukit niya doon ang pangalan ng ina pagkatapos nilang sunugin ang bangkay nito. Noong ipinaalam sa kaniya dati ng kaniyang ama na susunugin na lamang nila ang bangkay ng kaniyang ina ay orihinal siyang hindi pumayag. Ngunit ipinaliwanag nito sa kaniya noon na kailangan nilang gawin iyon, dahil may ilang tao na hinuhukay ang bangkay ng isang taong kamamatay lamang, at kinakain iyon na animo’y isang masarap na karne ng baboy. At dahil ayaw niyang maipanglaman tiyan ang bangkay ng pumanaw niyang ina, pumayag siyang sunugin na lamang ito at itago ang mga natira nitong abo bilang respeto at pag-alala.
Nagpatuloy si Faizal sa paglalakad. Kinadkad niya sa bato ang naipong nyebe sa ilalim ng kaniyang sapatos. Naabutan niya ang kaniyang ama na mahigpit ang hawak sa saklay at pinapaypayan ang maliit nilang kalan, paminsan-minsan ay hinihipan iyon.
“Tay,” pagtawag niya sa atensiyon nito. “Mano po.”
“O, Zal, nakauwi ka na pala,” inabot nito ang isang kamay sa kaniya at idinikit naman niya iyon sa noo niya. “Kamusta sa bayan?” Nilingon nito ang pinanggalingan niya. “Sinigurado mo bang walang nakasunod sa iyo rito?”
Hinubad niya ang pang ginaw na suot at isinabit iyon sa nakausling kahoy malapit sa maliit nilang pinto. “Katulad pa rin ng dati. Nagkakagulo para rito,” inilapag niya ang supot ng patatas sa kanilang kahoy na lamesa. “Maingat naman ako, ‘tay.”
“Mabuti. Alam mo namang mahirap na masundan sa panahon ngayon. Ang lugar na ito lamang ang ligtas para sa iyo at sa mga kapatid mo.” Bumalik na ang kaniyang ama sa ginagawa nito.
“Nasaan sina Lucille at Corbin, ‘tay?” Tanong niya. Kumuha siya ng baso, kumadlo ng tubig sa banga at ininom iyon. Lucille at Corbin, ang dalawa niyang kapatid sa kasalukuyang buhay. Ngunit sa lahat ng mga nauna niyang buhay, wala siyang naging kapatid miski isa. Kaya naman sa pagkakaroon ng kapatid ngayon, ipinangako niya sa sarili na proprotektahan niya ang mga ito.
“Magkasama sa labas. Inutusan ko si Corbin na ipagsibak ako ng kahoy.”
Pagkarinig niya doon ay agad siya pumunta sa sibakan nila ng kahoy. Nakita niya ang kapatid na buong lakas na sinisibak ang malalaking sanga ng mga puno na hindi tuluyang nilamon ng apoy nang sunugin ang kagubatan. Kahit malamig ang paligid ay butil-butil ang pawis nito sa noo. Kinolekta nila iyon bago pa magtaglamig at hinatak gamit ang mga lubid. Hindi kalayuan kay Corbin ay nakaupo sa mababang bato si Lucille at nakatalikod sa kaniyang direksiyon. Nang tuluyan siyang makalapit dito at nakita niyang isinusulat nito sa niyebe ang itinuro niya ritong alpabeto kahapon, gamit ang isang mapayat na kahoy. Baliktad pa ang pagkakasulat nito sa ibang letra. Kaya naman kumuha siya ng mapayat ding kahoy at itinama iyon. Ang kanilang ina ang nagturo sa kaniya na sumulat, bumasa at magbilang bago ito pumanaw. At ngayon, siya na ang nagtuturo ng mga iyon sa mga kapatid.
Sa totoo lamang, sa ilang beses niyang nabuhay, ilang beses rin niyang napagdaanan ang pagbabasa, pagbibilang at pagsulat. Kaya naman parang wala na lamang iyon sa kaniya. May mga ibang lengguwahe rin siyang kayang salitain at basahin, ngunit wala miski isa ang pinagsasabihan niya niyon, kahit pa ang mga miyembro ng pamilyang kinabibilangan ngayon.
“Kuya Faizal!” Nakangiting tawag sa kaniya ng kapatid na bahagyang nagulat. Inalis niya ang kulay pulang ginantsilyong scarf sa kaniyang leeg at inilagay iyon sa leeg ng bunsong kapatid. Naramdaman niya ang lamig sa kaniyang leeg nang mawala ang proteksiyon niyon.
“Malamig dito sa labas, Lu. Dapat sumama ka na lang kay Tatay sa loob. Sinindihan niya ang kalan. Mainit sa loob ng bahay,” aniya at inayos ang buhok nito.
“Walang kasama si Kuya Corbin,” simpleng sagot nito, at sinimulan namang isulat ang sariling pangalan sa niyebe. Nakita niyang baliktad ang letrang ‘e’ nito at nagmukha iyong ‘9,’ ngunit hindi na niya iyon itinama. Bagkus nagkatinginan lamang sila ni Corbin. Nagkibit-balikat ang kaniyang kapatid bago ipinagpatuloy ang pagsisibak ng kahoy.
“Ano ang naiuwi mo, Kuya?” Tanong ni Corbin.
“Isang supot ng patatas,” inipon niya ang mga nataga nang kahoy.
“Kamusta sa bayan?” Muling tanong nito.
“Pareho kayo ng tanong ni Tatay,” sagot niya. “Magulo.” Miski isang beses ay hindi pa nakararating ng bayan ang dalawa niyang kapatid. Pinagbawalan iyon ng kaniyang ama, na sinang-ayunan naman niya. Delikado roon, at hindi niya magagawang isugal ang buhay ng dalawang kapatid sa pagbaba sa kabayanan. “Pahirapan sa pagkuha ng pagkain.”
Minuto lamang ang lumipas nang umalingawngaw sa buong lugar ang malakas na tunog ng mga sirena na nanggagaling sa mga higanteng trumpeta sa itaas ng pader. Paniguradong ang tunog na iyon ay kumalat na rin sa walo pang mga sektor. Napatigil siya sa pag-iipon ng mga kahoy, at ganoon din ang kaniyang mga kapatid. Maging ang kanilang ama ay napalabas ng bahay. At mula sa kanilang kinatatayuan, kitang-kita niya kung paano umangat sa bawat paligid ng dekagonong pader ng Siyudad ang isang malaking screen na animo’y malahiganteng telebisyon. Kasunod ng malakas na alingawngaw ng mga trumpeta ay ang magiliw na tugtugin na nanggagaling naman sa malalaking screen.
At isa lamang ang ibig sabihin ng mga pangyayaring iyon.
Tatlong araw na lamang ay magsisimula na ang Grandiosong Palaro.