Punung-puno ng determinasyon ang boses ni Faizal nang sabihin niya ang mga katagang: "Ipapatong natin ang mga bangkay sa lata."
Ngunit hindi iyon nagustuhan ni Mayta. Napatayo ito mula sa marumi at malamig na sahig.
"Nababaliw ka na ba?" Galit na hinarap ng babae si Faizal. Mahigpit nitong hinawakan ang leegang parte ng damit ng lalaki dahil sa narinig. "Gusto mo na ba talagang mamatay ha?"
"Ano ba ang sinasabi mo, Mayta? Gagawin natin ito para pare-pareho tayong mabuhay." Hinayaan lamang niya ito kahit na nasasakal na siya sa mahigpit nitong pagkakahawak sa kwelyuhan niya. Tinitigan ni Faizal si Mayta diretso sa mga mata nito upang iparating na sigurado na siya sa kanilang gagawin.
"Alam mo ba kung gaano karaming oras ang kailangan para mabuhat ang lahat nang mga iyan? Akala mo ba, nasa atin ang lahat ng oras sa mundo?!" Nanggigigil nitong sabi. Hindi na nito kailangang sabihin na malaki ang pagkadisgusto nito sa ideya ni Kapalaran. Kitang-kita na niya iyon sa ekspresyon at sa tono pa lamang ng pananalita ng babae.
"Kung lahat naman tayo kikilos, magagawa naman natin, hindi ba?" Giit niya.
Trenta minutos. Sa loob ng bulwagang iyon, ang natitirang trenta minutos na lamang na iyon ang magdidikta sa kanilang buhay. At patuloy sa pag-andar ang oras. Nauubos iyon nang nauubos dahil sa pagtatalo-talo nila.
Sa pagkakatong ito, hindi na oras ang papatay sa kanila kundi ang kawalan nila ng teamwork at maayos na plano. Dalawang linya pa ng mga sugatang manlalaro ang nasa loob ng puting linya. Hindi lang basta mga sugatan iyon. Dalawang linya iyon ng mga may katandaan ng manlalaro na malamang ay hindi na kayang tumakbo. Kapag hindi pa sila kumilos ngayon, pare-pareho silang mamamatay.
Binitawan siya ni Mayta at humarap sa iba pang mga manlalaro roon. "Sigurado ba kayo na ipagkakatiwala ninyo ang mga buhay ninyo sa ideya ng batang iyan?" Sigaw nito. "PUWES, AKO HINDI! Bahala kayo sa mga buhay ninyo! Sama-sama kayong mamatay!"
Umugong ang bulong-bulungan sa paligid. Pinagtitingin sila ng iba pang mga manlalaro partikular na si Kapalara na walang kamuwang-muwang, at tila walang pakialam. Patuloy pa rin ito sa pagguhit sa sahig ng mga walang katuturan na bagay. Puro mga hugis na lamang iyon na halatang guhit ng isang bata. Halos karamihan sa mga manlalaro ay nagdududa na sa plano nila na nagmula kay Kapalaran.
"Mayta! Mamatay tayo pare-pareho rito. Sama-sama tayong mamamatay dahil sa ginagawa mo." Galit na ang tono ni Drago. Walang sabi-sabi nitong hinatak ang parteng leegan ng damit ni Mayta. "Itikom mo ang bibig mo."
"Bitawan mo ako, Drago. Bitawan mo ako, bago mo pa makita ang hinahanap mo." Matapang ding sabi ni Mayta at tinitigan sa mga mata si Drago kahit pa di hamak na mas malaki rito ang lalaki. Wala itong takot na nakipagtitigan kay Drago at hinatak din ang leegang parte ng damit ng lalaki.
"Itigil na nga ninyo iyan, mga bata." Saway ni Tatang sa mga ito. "Hindi ngayon ang oras para sa mga ganitong bagay."
"Huwag kang mangialam dito, tanda!" Halos sabay naman na sigaw nina Mayta at Drago sa matandang lalaki. Hindi pa rin nito binibitawan ang isa't isa.
"Aba'y mga walang modo. Sige bahala kayong magpatayan." Napailing-iling ang matanda. Tinalikuran na sila ni Tatang. "Matanda na ako at malapit na ring mamatay. Akala ba ninyo ay natatakot pa akong mamatay ngayon. Mas gugustuhin ko pang ilaan ang natitira kong oras para matulog kaysa sawayin ang mga katulad ninyong parehong mayabang at mapagmalaki."
"Tatang, sama ako sa'yo." Hinabol ni Santiago si Tatang.
"Huwag mo nga akong sundan!" Reklamo ni Tatang at pilit itinataboy si Santiago.
"Sige na, 'Tang." Pangungulit ni Santiago. "Hindi naman din ako natatakot mamatay e."
"Sa totoo lang, wala na tayong ibang pagpipilian, Mayta. Kung may iba kang plano na nalalaman, bakit hindi mo sabihin ngayon sa amin." Si Zita na ang nagsalita. Walang kangiti-ngiti sa mukha nito at halatang hindi nagugustuhan ang pagsasayang nila pare-pareho ng oras.
Tumingin si Zita sa iba pang mga manlalaro.
"Woohoo!" Pumalakpak nang malakas si Santiago bago siniko si Tatang na katabi lamang nito habang nakaupo sa maruming sahig. "Narinig mo 'yon, Tatang. 'Yan ang apprentice ko! Woohoo!" Sumipol pa ang lalaki na ikinaikot lamang ng mga mata ni Zita. May kasama pa iyong mumunting iling ba para bang hindi makapaniwala sa pagiging happy-go-lucky ni Santiago.
Kung umasta ang lalaki ay para bang wala sila sa kalagitnaan ng laro. Ano pa bang aasahan niya kay Santiago?
Wala namang nakasagot maski isa sa mga manlalaro roon sa tanong ni Zita. Dahil aminin man nilang lahat o hindi, wala naman na talagang may iba pang ideya kung paano nila lalagpasan ang Tumbang Preso ngayon. Kahit si Faizal, hindi na rin alam ang gagawin kaya naman ang ideya ni Kapalaran na lamang ang nag-iisang paraan na nakikita niya.
Walang anu-ano'y bumukas ang isang parte ng pader ng bulwagan. Hindi mahahalatang may lagusan pala roon dahil pulidong-pulido ang kulay niyon. Mula roon ay lumabas ang dalawang guwardiya dala ang mahahabang nitong mga baril.
Natigil sa pagtatalo sina Mayta at Drago, at unti-unting nabitawan ang damit isa't isa. Ngunit ang mas ikinatigil nilang lahat ay nang lapitan ng dalawang guwardiya si Kapalaran na nakaupo sa maraming sahig at patuloy sa pagkukulay gamit ang mga putol na daliri. Walang anu-ano'y sinimulang sipain ng mga guwardiya si Kapalaran.
Napaigik ang bata. Tila isang sanggol na nayakap ni Kapalaran ang sariling mga binti. Humigpit ang hawak nito sa mga putol na daliri at nagsimulang pumalahaw ng iyak. Sa ilang mga sandali ay kapwa sila tila natuod sa kani-kaniyang kinatatayuan.
Kahit si Tatang na matagal na sa Palaro ay natigilan na animo'y hindi makapaniwala sa nakikita. Iyon kasi ang kauna-unahang beses na nakialam ang mga guwardiya sa kalagitnaan ng laro.
Nang tila bumalik ang kamalayan ni Faizal ay dali-dali siyang tumakbo patungo kay Kapalaran.
"TAMA NA 'YAN!" Galit na galit na sigaw niya habang tumatakbo. Ngunit hindi natinag ang mga guwardiya. Patuloy sa pagsipa ang mga ito sa patpating katawan ni Kapalaran. Dumudugo na ang ilong ng batang babae at nabitawan na rin nito ang mga putol na daliri. Patuloy ito sa pag-iyak habang yakap ang sarili.
"TAMA NA!" Muling sigaw niya at buong lakas na itinulak ang isa sa mga guwardiya. Napaupo ito sa sahig, ngunit nang makatayo ay agad nitong itinutok ang dulo ng mahabang baril sa mukha niya.
Ang isa namang guwardiya ay sinipa ang likuran ng tuhod niya. Napaigik siya dahil sa pagtama ng matigas nitong combat shoes sa buto niya. Napaigik siya sa sakit at napaluhod sa tabi lamang ni Kapalaran. Ngayon, dalawang baril na ang nakatutok sa kaniyang mukha.
Nang akmang sisipain muli si Kapalaran ay kaagad niyang iniyakap ang mga bisig dito. Prinotektahan niya ang bata mula sa pagsipa ng mga guwardiya. Nag-igting ang kaniyang panga sa bawat sipa ng mga ito sa kaniyang likod.
"Tama na 'yan." Narinig niya ang boses ni Santiago. Hinawakan nito sa balikat ang isang guwardiya. Hindi niya alam kung gaano kabilis nakarating sa puwesto nila si Santiago, ngunit segundo lamang ang nakalipas ay nakita na rin niya ang mga paa nina, Mayta, Drago at Zita. Tinulungan siyang tumayo ni Zita, at tinulungan naman niya si Kapalaran.
"Huwag kayong mangialam. Ito ang utos ng Siklo," sabi ng isang guwardiya at ipiniksi ang balikat na hawak ni Santiago.
"MANAHIMIK KA!" Tila naubos ang pasensya ni Drago. Isang malakas na suntok ang ibinigay nito sa mukha ng guwardiya. Tumalsik ito sa sahig at halos madurog ang kalahating parte ng suot na maskara.
Nagsimulang magkagulo ang paligid. Nakipagsuntukan si Drago sa mga guwardiya; walang takot sa dalang baril ng mga ito. Nakapagtataka lamang na hindi binaril ng mga guwardiya ang lalaki. Malamang ay dahil sa isang mahalagang manlalaro si Drago. Puro ang mga dulo lamang ng mahahabang baril ang inihahampas ng mga ito sa mukha at katawan ni Drago.
Tinulungan ni Santiago si Drago. Nakipagsuntukan ang dalawang lalaki sa dalawang guwardiya at dahil sa lakas ng palitan ng bawat suntok, tuluyan nang bumagsak ang maskara ng dalawa. At ganoon na lamang ang pagkabigla nilang lahat nang tumambad sa kanila ang mukha ng mga guwardiya. Mga bata pa ang mga ito. Kung hindi siya nagkakamali ay kaedad lamang ang mga ito ng kapatid niyang si Corbin. Mukha lamang malaki ang dalawa dahil sa suot nitong mga bakal na uniporme.
Duguan na ang mukha ng dalawang guwardiyang binatilyo. Maging sina Santiago at Drago ay hindi rin makapaniwala. Unti-unting nabitawan ng mga ito ang dalawang guwardiya. Kasunod niyon at ang muling pagbukas ng isang parte ng pader. Mula roon, isang lalaki ang lumabas. Guwardiya rin ito base sa nakangiting maskara nito. Ngunit hindi kulay pula ang letrang "S" sa suot nitong maskara. Bagkus, kulay ginto iyon. Mukhang tanda iyon na mas mataas ang ranggo nito kaysa sa iba pang mga guwardiya. Iba rin ang kasuotan nito. Hindi iyon uniporme ng mga guwardiya roon. Bagkus, isa iyong kulay itim na tuxedo iyon na pinartneran ng kulay gintong kurbata at gintong bulaklak sa bandang dibdib nito.
At ang dala nitong baril, hindi mahaba. Isang tingin pa lamang niya, alam na niyang isang Nagant M1895 Revolver ang hawak ng guwardiya. Hindi makapaniwala si Faizal roon...
Araw iyon ng Sabado at wala silang pasok sa eskwela. Sa isang normal na mag-aaral, weekends ang dapat sana ay pahinga. Ngunit hindi para kay David. Iyon ang araw kung kailan niya mahahapit ang mga komisyon niyang artwork. At para naman sa kaibigan niyang si Elizar, iyon ang araw upang tumambay sa kuwarto niya.
"David, tingnan mo ito."
Hindi siya sumunod sa sinabi ni Elizar. Ni hindi niya ito tinapunan ng tingin. Nanatili ang mga mata niya sa drawing tablet niya. Kakaunting oras na lang ang natitira upang matapos niya ang panibagong kabanata ng fantasy-thriller na w******l niya. Bago lamang iyon at isang beses sa isang linggo kung i-update niya iyon. Buwanan kung makuha niya ang sahod niya roon. Hindi ganoon kalaki, ngunit mas mabuti na kaysa wala. Naipangdadagdag niya iyon sa gastusin niya sa pag-aaral.
"David, tingnan mo." Sa ikalawang pagkakataon ay hindi niya tinapunan ng tingin si Elizar, ngunit sumagot siya.
"Eli, pwede bang tigilan mo muna ang pangungulit?" Napasulyap siya sa oras. "Shît."
Binilisan niya ang pagkukulay, binura ang mga dapat burahin, at siniguradong pulido na ang bawat panel, bago niya iyon ipinadala sa editor niya sa pamamagitan ng email. Tila nakahinga siya nang maluwag nang matapos na niya ang ginagawa.
"Tingnan mo 'to."
"Ano ba kasi 'yan, Eli?"
Ipinakita sa kaniya ni Elizar ang cellphone nito. Kumunot ang noo niya nang makitang isang iyong website ng online forum, at ang kasalukuyang naka-flash sa screen ng cellphone ni Elizar at isang baril. May isang dilaw na numero sa gilid niyon, tanda na isa iyong ebidensiya na dapat i-turn over sa mga pulis.
"Pamilyar sa iyo, David?"
Tumango-tango siya. Isa iyong Russian Revolver. Paano hindi magiging pamilyar iyon sa kaniya? Ang isa kasing karakter sa piksyonal na w******l niya ay paglikha ng mga baril ang kapangyarihan. Kaya naman ilang baril na rin ang inaral niya ang function at prinaktis idrowing. At isa ang revolver sa mga iyon.
"Mukhang lumang bersyon na. Para saan ba 'yan?" Tanong niya.
"Naalala mo iyong kinukwento ko sa'yo kahapon? Iyong lalaking pumatay sa landlady niya roon sa karatig na barangay tapos tinago sa kuwarto yung bangkay? 'Yong nabalita sa telebisyon? Ito raw 'yung ginamit. May isang napadaan na kinuhaan ng larawan at ipinost dito sa online forum." Natitigan na lamang niya ang larawan ng baril. Sa pagkakatanda niya, hindi pa nahuhuli ang suspek na iyon. Ini-scroll ni Elizar ang screen pataas. "Tingnan mo itong mga comment," anito.
From Anonymous User:
Serial Killer daw ang lalaking 'yon. Pinag-iingat ang lahat. Huwag na kayong lumabas ng gabi.
From User12345:
Malapit lang dito sa amin 'yan. Maraming nakakita na palagi silang nag-aaway, bago biglang nawala 'yong biktima. Iyon pala pinatay na at tinago sa ilalim ng kama yung bangkay. Kung di pa nangamoy, hindi pa malalaman na patay na pala. Baliw daw 'yong suspek. Nakakatakot.
Ngunit isang komento ang nakaagaw sa pansin ni Elizar at iyon ang itinuro nito sa kaniya. Mula iyon sa isang tao na may username na TheClueFor_068.
From TheClueFor_068:
Sabi rito sa amin pinatay niya yung biktima matapos magbunganga. Landlady ng suspek 'yong biktima, at matagal na kasing di nakakabayad ng renta. Pinahiya raw 'yong suspek kaya niya pinatay 'yong landlady niya. May mga nagsasabi pa na mad scientist daw 'yan at balak pag-eksperimentuhan 'yong bangkay kaya tinago.
"Totoo kaya 'tong sinabi ni TheClue? Ang daming nag-reply sa comment niya. Sabi totoo raw at marami ring nakakita ng mga kakaibang ilaw galing sa bintana ng suspek bago ito biglang nawala." Tutok na tutok na ang mga mata ni Elizar sa cellphone nito. Napailing-iling na lamang si David doon, at nagsimulang mag-browse ng mga pribadong mensahe niya. Tinitingnan kung may bagong nagpapakomisyon sa kaniya.
"Halata namang hindi. Wild lang ang imagination ng mga tao dahil hindi pa nahuhuli 'yong suspek," aniya. "Kung anuman ang totoong ikinamatay ng biktima, ang suspek lamang ang nakakaalam."
Bigla na lamang nagbalik sa kasalukuyan si Faizal.
Nagmula pa sa Russia ang baril na iyon. Paano nagkaroon ng ganitong klase ng baril sa panahong ito? Isa pa, matagal nang nabura ang Russia. Nang binura ng asteroid ang kalahati ng mundo, nagsimulang maging isang malaking kontinente na lamang ang lahat ng kalupain. Muling nabuo ang Pangea.
Maliban na lamang kung may isang maalam na gumawa ng mga baril ng Russia ang nabubuhay pa sa ngayon. Ngunit imposible rin naman iyon. Ang mga tao sa makabagong sibilisasyon ngayon ay kaapo-apuhan na ng mga taong nakaligtas noong 2068. Kung ganoon, kanino nanggaling ang baril na iyon?
Ang sumunod na nangyari ay ikinabigla ng lahat. Binaril ng kadarating lamang na lalaki ang dalawang binatilyong guwardiya sa ulo. Butas ang ulo ng mga ito at dilat pa ang mga mata nang bumagsak sa maruming sahig ang bangkay ng dalawa. Parang gustong manghina ng mga tuhod niya nang makitang naliligo na sa sariling dugo ang bangkay ng mga ito.
"Patawarin ninyo ako sa hindi magandang tanawin." Iyon ang sabi ng lalaki. Ang tinutukoy nito ay ang dalawang bangkay. "Ngunit kasama sa aming batas ang pagbabawal na ipakita ang aming mga mukha."
Nagmamadali siyang tumakbo patungo sa may gilid ng pader at isinuka ang laman ng tila bumaliktad niyang sikmura. Paano iyon nagawa ng lalaki sa sarili nitong mga kasamahan? Isa pa, binatilyo lamang ang dalawang iyon. Tila naglalaro lamang sa labinlima at labing-anim ang edad ng mga ito.
Bumukas ang malaking telebisyon at agad na ipinakita roon ang nakangiting mukha ni Pahimakas. Pinunasan ni Faizal ang kaniyang bibig at napatingin sa telebisyon.
"Mga mahal naming manlalaro, patawad sa mumunting komosyon. Ako ang nag-utos sa dalawa nating magiting na binatilyo na gawin kung anuman ang kanilang ginawa. Iyon ay upang matigil na ang agam-agam patungkol sa aking anak na si Kapalaran. Nasa inyo nang mga kamay ang inyong suwerte at kapalaran magmula pa nang kayo ay magrehistro bilang opisyal na kalahok ng Grandiosong Palaro. Ang Palaro ay walang kinikilingan at walang kalahok na pinapaburan. Anumang mangyari sa bawat isa sa inyo sa loob ng bulwagang ito ay nakabase sa kung ano ang kapalaran na nakaguhit sa mga palad ninyo, at sa kung gaano karami ang inyong suwerte. At ganoon din ang kay Kapalaran. Si Kapalaran ay isa lamang sa libo-libong mga kalahok ng Palaro at hindi ikinokonsidera bilang aking anak."
Napatingin si Faizal kay Kapalaran na panay pa rin ang pagdurugo ng ilong. Lumuhod ang bata at isa-isang pinulot ang mga putol na daliri na laruan nito kanina. Hindi niya alam kung wala ba itong naiintindihan sa nangyayari o talagang wala na itong pakialam sa sinasabi ng sarili nitong ina.
Kumuyom ang kaniyang kamao dahil sa narinig. Anong klaseng ina si Pahimakas upang hayaan ang anak na sumali sa Palaro? Hindi lamang iyon, pinasipa pa nito ang sariling anak. Hanggang saan ang kayang gawin ng mga taong ito upang protektahan ang kalidad ng Grandiosong Palaro?
Muling bumukas ang parte ng pader. Lumabas mula roon ang apat na guwardiya na may mga dalang stretcher. Inilagay ng mga guwardiya sa stretcher ang bangkay ng dalawang namatay na binatilyo at pinagtulungang buhatin ang mga iyon. Nagpatiuna na sa pagpasok sa parte ng pader ang guwardiya na may gintong "S" sa maskara. At bago pa man sumara ang parte ng pader, nakita niya... Kitang-kita niya... na isang kuwarto iyon na may napakaraming screen. Bawat galaw nila, pinanonood. Kung sino ang nanonood? Hindi niya alam.
Ngunit malamang, ang buong Siklo iyon. Pinanood ng buong Siklo ang Palaro.
Sa larong ito, hindi mahalaga kung kadugo ka o kamag-anak. Lahat sila rito, mga laruan lamang. Lahat sila, tila mga piyesa lamang sa larong chess na kikilos base sa kung ano ang gusto ng mga nagpapatakbo ng laro. Sa larong ito, hindi mahalaga ang buhay nila.
Ang mahalaga, mabigyan nila ng aliw ang mga manonood.