CIRLYN
Pasado alas nuebe na nang gabi. Kakaubos lang din ng paninda namin. Kaya naman ay unti-unti na rin kaming nagliligpit ni Nanay ng mga gamit para ipasok sa loob. Sold out uli kami ngayong araw. Kahit na nakakapagod at pinagpawisan ako ng bongga sa sobrang init ay ayos lang dahil ubos naman ang tinda namin. Worth it lahat ng ngalay ko sa pagpapaypay. Ayos lang din kahit na mag-amoy usok ako at sumakit minsan ang mata ko atleast kumita kami today. Ang saya lang talaga. Salamat din kay Lorkan dahil karamihan sa paninda namin ay ito ang bumili para ipulutan nila ni Conrad.
"Sige na, 'Nay! Pahinga na kayo. Ako na ang bahala rito," saad ko kay Nanay.
"Sigurado ka?"
"Opo. Ipasok niyo na lang 'yang mga tupperware na pinaglagyan tapos magpahinga na po kayo. Ako na po ang bahalang maghuhugas niyan mamaya. Tatapusin ko lang itong mga natira."
"Okay, sige," aniya at binitbit na ang mga lagayan papasok.
Agad ko nang pinatay at nilinis ang mga natirang baga sa ihawan pagkatapos ay itinabi ko na rin iyon sa may gilid ng bahay namin. Pinunasan ko na rin ang lamesa na ginamit namin saka binitbit na ang mga natitira pang mga gamit sa loob.
Pagdaan ko sa may sala ay nakita kong tahimik na sina Lorkan at Conrad. Napansin kong mukhang lasing na yata ang mga ito. Si Conrad kasi ay halos nakapikit na at nakahiga na sa upuan. Hindi ko alam kung tulog na ba ito. Pero malamang gano'n na nga. Samantalang ang kainuman naman nitong si Lorkan ay nakasandal na rin sa kinauupuan nito. Nakapikit na rin ang mga mata at hindi na rin gumagalaw pa.
Natuon din ang tingin ko sa kalat na nasa ibabaw ng lamesita. May natira pang laman ang isang bote na hindi nila naubos. Halos nangangalahati pa lamang iyon. Maliban sa apat na bote ng gin na wala ng laman na nasa ibabaw ay mayroon pa palang nasa baba na tatlo. Mukhang nakarami yata ang mga ito. Mga pasaway talaga.
Ang sabi ko sa kanila ay ubusin na 'yong pang-apat na bote kanina dahil magda-drive pa si Lorkan pauwi pero hindi talaga nagpaawat.
Hindi ko napansin na bumili pa pala ang mga ito ng alak. Ngayon ko lang din na-realize na nakailang beses na nagpa-ihaw si Conrad sa amin kanina. Kaya naman pala. Mukhang nag-enjoy yata ang mga ito. Panay pa kasi tawanan ng mga ito at dinig na dinig ko iyon sa labas habang nag-iihaw ako.
Tsk!
Napa-iling na lamang ako habang tinitignan ko ang sitwasyon nilang dalawa.
Agad ko nang itinuloy sa kusina ang mga bitbit ko. Ipinatong ko lang iyon sa lababo at saka bumalik sa sala para ligpitin ang mga bote na pinag-inuman nila. Pagkatapos niyon ay susubukan kong gisingin ang mga ito. Kailangan pa kasing umuwi ni Lorkan. Magda-drive pa ito at tiyak kong mahihirapan na ito. Lumapit ako kay Condrad at tinapik ito.
"Hoy, Conrad! Gumising ka na diyan," sabi ko sa kanya.
Agad naman itong nagising. Unti-unti itong nagmulat ng mata nito na para bang naalimpungatan bigla. Agad rin itong bumangon nang makita ako saka umayos nang upo. Natigilan pa ito saglit.
"Pumasok ka na ro'n sa kwarto," sabi ko sa kanya. "Doon ka na mahiga. Sabi ko naman sa inyo ubusin niyo na ang iniinom niyo kanina, eh."
"Pasensya na, ate," nasabi lang nito at hindi na kumontra pa. Mabilis na rin itong tumayo at pumasok na sa kwarto. Iniwanan na kami nito.
Kinuha ko na muna ang mga plato na pinaglagyan nila ng pulutan at dinala sa kusina saka ako bumalik dala ang basahan at pinunsan naman ang lamesita. Nang malinis ko iyon ay nilapitan ko na rin si Lorkan para gisingin ito. Anong oras na rin kasi at medyo malayo pa ang uuwian nito.
"Lorkan," tawag ko sa kanya.
Hinintay ko na dumilat ito pero hindi man lang ito gumalaw o tumugon.
"Lorkan!" ulit ko pa pero ganoon pa rin.
Nanatili lang itong walang reaksyon. Mukhang nakatulog na yata talaga ito dahil sa dami ng nainom nila. Habang nakatingin ako sa kanya ay hindi ko napigilan pa ang sarili ko na tignan ito nang malapitan. Kaya naman ay sinamantala ko na rin ang pagkakataon na malaya akong pagmasdan ito nang husto lalo na ang mukha nito. Ngayon ko lang din siya matititigan nang ganito kalapit kahit na ilang beses na kaming nagkaharap na dalawa. Hindi ko kasi magawa ito kapag nagkikita kami dahil nahihiya ako at baka kung ano pa ang isipin nito kapag nahuli niya ako. Mahirap na.
At infairness naman dito wala namang duda na may itsura talaga ito. Makinis ang mukha nito at mukhang alaga ang balat. Namumula-mula pa ito dahil naka-inom. May katangusan din ang ilong niya. May kakapalan din ang magkabilang kilay. Mahaba rin ang mga pilik mata nito at kitang-kita iyon habang nakapikit ito. Napansin ko rin na may iilang mumunting mga patubong bigote sa ibabaw ng nguso nito at maging sa may baba nito hanggang sa dumako na ang tingin ko sa labi nitong medyo naka-awang pa. Mamula-mula rin iyon at halatang kissable lips ito. Natigil pa ako ro'n.
Bigla akong napalunok habang tinitignan iyon. Nag-iba rin ang pakiramdam ko at hindi ko alam kung bakit. May naramdaman akong kakaiba na hindi ko ma-explain habang nakatitig sa kanya. May kung ano pang biglang pumasok din sa isip ko pero bago pa ito tuluyang magising at mahuli niya ako ay agad ko na iyong binalewala at kinalimutan. Mabilis akong dumistansya sa mukha nito saka sinubukan na muling gisingin ito.
"Lorkan!" gising ko ulit sa kanya pero this time ay sinubukan ko nang tapikin ito nang mahina.
Medyo nagulat pa ako nang bigla itong gumalaw. Napalayo ako konti mula sa kanya. Hanggang sa nakita kong unti-unti na itong nagising at nagmulat ng kanyang mga mata. Halos namumungay pa iyon at namumula dahil halatang naalimpungatan ito. Mukhang naka-idlip na nga talaga ito dahil sa kalasingan. Medyo nagulat pa ito nang makita ako. Agad itong umayos nang upo at inayos ang saril. Naihilamos pa nito ang mga palad sa mukha.
"Kaya mo pa bang umuwi?" tanong ko agad sa kanya.
Tumango lang ito bilang sagot. Nanatili lang itong nakatulala saglit.
"Bakit ba kasi kayo uminom nang marami? Sabi ko naman sa inyo ubusin niyo na 'yon kanina, eh. Alam mo namang magda-drive ka pa."
Hindi pa rin ito sumagot. Nakatigil lang ito na parang malalim ang iniisip. Napapapikit pa ito.
"Gusto mo bang magkape muna?" tanong ko pa sa kanya para sakaling mawala ang antok nito.
Sumenyas lang ito ng okay sign. Pero hindi ko alam kung anong ibig sabihin nito niyon. Naguluhan ako bigla sa sagot nito. Kung ayos ba na ipagtimpla ko siya o ayos lang na huwag na.
"Gusto mo ba o ayaw mo?" ulit ko para mas klaro.
"Hindi na." Dinig kong mahinang sagot nito.
"Sigurado ka? Magda-drive ka pa, ha? Alalahanin mo nakainom ka pa."
"Kaya ko," muli nitong sagot sa akin.
"Okay. Ikaw ang bahala. Basta mag-iingat ka," sabi ko pa sa kanya.
Ilang saglit pa ay tumayo na rin ito mula sa pagkakaupo nito. Siguro ay okay na ang pakiramdam nito. Habang nakatayo ito ay muntikan pa itong matumba. Nataranta ako dahil do'n. Lalapitan ko sana ito para alalayan pero hindi ko na nagawa pa dahil agad naman itong nakabawi ng balanse nito. Nakatayo na muli ito nang maayos.
Dahil do'n ay mas nag-alala ako para kay Lorkan. Baka hindi na nito kayanin pa na magmaneho at makauwi sa kanila dahil sa sitwasyon nito ngayon. Halata namang hindi na nito kaya at hindi pa okay ang lagay nito. Nakainom pa rin ito. Baka kung anong mangyare pa sa kanya habang nasa daan ito. Konsensya ko pa kapag nagkataon.
"Sure ka ba talagang kaya mo pa?" nag-aalala kong tanong sa kanya. "Dito ka na lang kaya matulog ngayong gabi at bukas ka na nang umaga umuwi. Late na rin naman," suhestyon ko pa sa kanya.
"'Wag na!" tanggi nito. "Kaya ko pa naman mag-drive. Pasensya ka na at naabala pa kita," aniya.
"Ano ka ba?! Ayos lang. 'Wag mo nang alalahanin pa 'yon. Welcome ka naman dito sa amin."
Nakita kong napangiti pa ito sa akin dahil sa sinabi ko. Halos mawala pa ang namumungay nitong mata dahil do'n.
"Sure ka, ha? Na uuwi ka talaga."
Tumango ito.
"Okay. Sige, kung ayaw mo talagang paawat," sabi ko na lang. "Basta mag-iingat ka."
"Concern ka talaga sa akin, no?" aniya pa at ngumiti pa sa akin.
"Ayoko lang mapahamak ka," sagot ko.
"Okay. Salamat sa concern. Appreciate it. Sige," aniya at saka ito marahan na naglakad palapit sa pinto.
Medyo hindi diritso ang lakad nito kaya agad akong lumapit sa kanya para alalayan ito. Hinawakan ko siya sa braso nito. Hindi pa rin ako kumbinsido na kaya nito na umuwi sa kalagayan nito. Hindi pa rin nawawala ang pag-aalala ko sa kanya. Kung marunong nga lang akong mag-drive ay ako na mismo ang maghahatid sa kanya pauwi para masigurong okay at safe itong makaauwi kaso nga lang hindi ako marunong. Kaya hindi ko rin siya maihahatid at masasamahan.
"Ayos lang pero thank you," aniya.
Napilitan akong bitawan siya at hayaan itong maglakad palabas papunta sa nakaparada nitong sasakyan. Pinanood ko lang muna siya saglit saka ako marahan na sumunod sa likod nito. Baka kasi matumba ito bigla.
Malapit na ito sa kotse niya nang bigla na lamang itong natumba na ikinagulat ko. Nataranta ako. Nagmadali agad akong lumapit sa kanya para tulungan ito.
"Ayos ka lang ba?" tanong ko agad sa kanya pero hindi na ito sumagot pa. Nakita kong nakapikit na uli ito at mukhang hindi na nito kaya pang tumayo. "Sabi ko naman sa 'yo, eh. 'Wag ka nang umuwi pero ang tigas din ng ulo. Puro ka kaya mo pero ang totoo ay hindi mo talaga kaya," litanya ko pa sa kanya.
Wala na akong pakialam kung marinig pa nito ang mga pinagsasabi ko sa kanya. Naiinis lang ako sa kanya. Totoo naman kasi iyon. Pinipilit niya lang talaga ang sarili niya.
Kaya kahit na nabuwesit ako sa kanya ay agad ko na rin siyang tinulungan para itayo. Hindi ko naman pwedeng pabayaan at hayaan ito rito. Baka pag-tripan pa ito at mapahamak pa ito.
Unti-unti ko siyang inangat. Medyo nahirapan pa ako dahil sa sobrang bigat nito. Halos sinalo ko lahat iyon hanggang sa medyo nabalanse ko na ito. Dahan-dahan ko na siyang inakay papasok sa loob ng bahay para doon na ito patulugin pero bago pa kami tuluyang makarating pa sa pinto ay bigla na lamang itong sumuka na labis kong ikinagulat. Kumalat iyon sa damit nito at maging sa damit ko ay dumikit din iyon.
"Ay, shuta!" nasabi ko na lang dahil sa inis ko.
Wala na akong nagawa pa kundi ang mapasimangot na lamang dahil do'n. Gustuhin ko mang pagalitan ito pero useless din. Magsasayang lang ako ng laway sa taong wala namang kamalay-malay. Kapag minamalas nga naman talaga. Halos maduwal pa ako nang maamoy ko ang suka nito. Pisti!