CIRLYN
Sunod-sunod ang mga nabili ng tinda naming ihaw-ihaw. Madilim na kasi at ganitong mga oras na ay dagsa na ang nagpapa-ihaw. 'Yong iba kasi ay inuulam at ang iba naman ay ginagawang pulutan sa inuman. Kaya tuloy hindi ako magkamayaw sa kakapaypay sa dami ng mga nakasalang. Buti na lamang at kasama ko na ang bunso kong kapatid na si Tin-Tin kaya kahit paano ay may katulong na ako. Kanina pa kasi itong dumating mula sa eskwelahan. Himala nga na hindi ito umuwing late ngayon. Hindi katulad noong mga nakaraang araw na halos gabi-gabi na ito uumuwi dahil daw sa ginagawa nilang group project. Pero natapos na raw nila iyon at naipasa na rin kaya naman maaga na ngayon ito umuwi.
"Okay na ito, Tin. I-plastic mo na," sabi ko sa kanya matapos kong tanggalin ang limang stick ng adidas sa ihawan.
"Sige, ate. Akin na," aniya.
Agad kong iniabot sa kanya iyon at hinayaan itong ibalot iyon. May natitira pa kasing ibang nakasalang kaya binalikan ko iyon para baliktarin at baka masunog. Pinahiran ko rin muli iyon ng sauce at pinagpatuloy ang pagpaypay ko.
"Ate, may sasabihin ako." Dinig kong saad bigla ni Tin-Tin matapos nitong iabot sa lalaking naghihintay sa may gilid ang binili nito.
"Ano 'yon?" tanong ko habang tuloy pa rin ako sa pagpaypay.
"Ang pogi ni Kuya Lorkan, no?" aniya na parang kinikilig pa.
Dahil do'n sa sinabi nito ay napalingon ako sa kanya. Medyo nabigla ako na marinig iyon.
"Anong sabi mo?"
"Ang sabi ko ang pogi kako ni Kuya Lorkan," ulit pa niya.
Agad ko siyang kinurot sa tagiliran nito dahilan para mapaigtad ito. Lumayo ito sa akin.
"Aray ko naman, ate! Bakit ba?" aniya na napangiwi sa ginawa ko.
"Ang bata-bata mo pa pero andami mong nalalaman," sabi ko sa kanya. "Mag-aral ka nang mabuti. Hindi 'yong kung anu-ano ang inaatupag mo."
"Nagsasabi lang naman ako ng totoo, eh."
"Tumigil ka. Wala akong pakialam. Sa ganyan nagsisimula kaya natututong lumandi ang iba."
"Sila 'yon. Hindi ako, no?"
"Siguro may boyfriend ka na, no? Kaya late ka na palagi umuuwi."
"Huh? Wala, ah," tanggi ni Tin-Tin. "'Di ba sabi ko naman sa 'yo group project lang iyon."
"Sigurado ka?"
"Oo, naman."
"Siguraduhin mo lang kung hindi kakalbuhin talaga kita," panakot ko sa kanya at binalikan ang ginagawa ko.
"Oo, nga, ate. Grabe ka talaga. Sinabi ko lang naman na pogi si Kuya Lorkan pero iniisip mo naglalandi na agad. Hindi ba pwedeng na-appreciate at napansin ko lang. Ang kj mo naman, 'te. Parang hindi ka naman dumaan sa ganito."
"Aba't---" Muli akong bumaling sa kanya at pinanlakihan ko siya ng mata. "Hoy! Bago ako nagga-ganyan tapos na ako sa pag-aaral ko. Bago ako nag-boyfriend nasa legal na edad na rin ako. May trabaho na at tumutulong kay Nanay. Kaya 'wag mo akong sasabihin na kj. Umayos-ayos ka nga diyan, Tin-Tin at baka hindi kita matantiya at masabunutan kita. Magtapos ka muna ng pag-aaral mo saka mo ko sabihan ng ganyan," litanya ko sa kanya.
"Oo, na!" napilitan na lamang nitong sang-ayon at napasimangot.
"Galit ka?" tanong ko pa sa kanya. Pero hindi ito sumagot.
Gusto ko lang naman siyang makapagtapos muna nang pag-aaral nito. Siya na lang ang inaasahan kong makakatulong ko. Kaya naman hangga't maari ay ayaw kong magbo-boyfriend ito habang nag-aaral para iwas problema kapag nagkataon. Nasa ganyang mga edad pa naman nagiging masyadong mapupusok ang mga kabataan ngayon. Lahat ay nagiging curious at sinusubukan ang mga bagay-bagay na hindi pa dapat. Pinoprotektahan at pinapaalalahanan ko lang naman siya kaya ako nagagalit. Gusto ko lang siyang mapabuti at ayaw ko lang din siya na mapahamak at pagsisihan niya sa huli. Wala naman sigurong masama na pagsabihan ko ito.
Agad ko na ring tinanggal sa ihawan ang mga natitirang nakasalang dahil luto na rin ang mga iyon at ibinigay sa kanya para ipabalot. Napilitan itong tanggapin iyon at agad na ipinlastik para ibigay sa isa pang customer. Iyon na kasi ang huling nabili at kanina pang naghihintay.
"Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko sa 'yo, Tin-Tin?" tanong ko muli sa kanya.
"Oo, ate," aniya na parang napilitan.
"Mabuti. Para rin sa'yo naman 'yan kaya sana makinig ka sa mga sinasabi ko. Maiintindihan mo rin ako kapag nasa lugar mo na ako."
"Oo. Tinatandaan ko naman. Pero may isa pa akong tanong ate. Curious lang ako."
"Ano na naman iyan?"
"Boyfriend mo ba si Kuya Lorkan?"
"Ano?" Hindi ko inaasahan iyon. "Hindi, ah!" tanggi ko agad sa kanya.
"Eh, nanliligaw?"
"Lalong hindi rin."
"Kung gano'n, ba't palagi siyang nandito? Imposibleng naman wala siyang dahilan. Alangan namang si Nanay ang pinupuntahan niya rito."
"Nataon lang na may pinuntahan siya rito malapit sa atin kaya napadaan siya. Hindi sa kung ano pa mang dahilan. Kaya kalimutan mo na 'yang pinagsasabi at iniisip mo dahil baka marinig ka pa ni Lorkan. Nakakahiya sa kanya."
Napatingin pa ako sa may pinto ng bahay namin at baka biglang lumabas si Lorkan mula sa loob at marinig ang pinag-uusapan namin. Baka kung ano pang isipin nito.
"Pero sa totoo lang, ate. Bagay kayong dalawa," aniya at sinabayan pa nito ng panunukso.
"Sssh! Tumigil ka. Gusto mo na naman bang makurot?" sabi ko sa kanya.
"If ever na manligaw siya sa 'yo, ate, sagutin mo na agad. Wala ka ring magiging problema sa akin kasi approved din siya. Boto ako sa kanya," saad pa rin ni Tin-tin na ayaw pa ring tumigil.
"Sabi ko tumigil ka na, eh. Imposible iyang pinagsasabi mo. Wala pa akong oras magka-boyfriend ngayon. Mahirap lang tayo kaya matuto tayong lumugar at huwag maging ambisyosa."
"Grabe ka naman, ate. Malay mo naman."
"Ah, basta! Tumigil ka na diyan. Ang dami mong nalalaman. Pumasok ka na ro'n sa loob at mag-aral. Wala naman nang nabili kaya ako nang bahala rito."
"Okay, sige," aniya.
Napilitan itong sumunod. Pero bago pa ito tuluyang pumasok ay muli pa itong lumingon sa akin.
"Oy, ate! Tiwala lang," aniya na may kakaibang ngiti na parang kinikilig pa ito.
"Baliw! nasabi ko at muntikan ko pang maibato sa kanya ang pamaymay na hawak ko. Sa takot nito ay napakaripas ito nang takbo papasok sa loob ng bahay. Sakto namang may nabili na rin ulit kaya naman nabaling ang atensyon ko para asikasuhin ito.
PAUBOS na 'yong paninda namin nang pinalitan ako ni Nanay sa pagtitinda. Kaya naman ay pumasok na rin ako sa loob ng bahay. Tuloy pa rin sa pag-iinuman sina Lorkan at ang kapatid ko na si Conrad sa sala. Kanina pa ang mga itong nagkukwentuhan at nagtatawanan. Dinig na dinig ko pa ang mga boses nila kanina sa labas.
"Ate!" tawag sa akin ni Conrad nang makapasok ako. Napalingon ako sa kanya. Nakita kong medyo namumungay ang mata nito.
"Bakit?"
"Okay pala 'tong kainuman si Kuya Lorkan. Nakakatuwa."
"Ano ka ba?! Sakto lang," saad naman ni Lorkan na napapangiti pa.
Nakita kong medyo namumula na rin ang mukha nito pero mukhang hindi pa naman sobrang lasing. Napansin ko pa ang tatlong bote ng gin na wala nang laman na nasa ibabaw ng lamesita. Pang-apat na bote na ang kasalukuyan nilang iniinom.
"Oy, Conrad! 'Wag mong lalasingin masyado 'yang si Lorkan at uuwi pa iyan. Magda-drive pa iyan pauwi," paalala ko sa kapatid ko.
"Alam ko, ate. Kaya 'wag kang mag-alala. Hindi naman kami magpapakalasing ng todo," ani Conrad.
"Tama!" sang-ayon din ni Lorkan sa sinabi ng kapatid ko. "Hindi naman ako basta-basta nalalasing," dagdag pa niya.
"Kahit na! Mahirap pa ring umuwi kapag nakainom. Mas okay pa rin na hindi ka lasing. Baka kung ano pang mangyare sa iyo sa daan at kami pa ang sisihin mo."
"Walang mangyayare sa akin. Ano ka ba?! Kaya ko ang sarili ko. Saka bakit ko naman kayo sisihin. Eh, ako naman ang nagda-drive," ani Lorkan na tinungga ang inabot na tagay sa kanya ng kapatid ko. Napangiwi pa ito saglit saka uminom ng chaser na juice.
"Sinasabi ko lang. Pinaalalahanan lang kita."
"I know. Salamat sa concern, babe," aniya at tumawa pa matapos nitong sabihin iyon. Nag-peace sign pa ito sa akin para sabihing nagbibiro lang ito.
Sinimangutan ko siya dahil sa sinabi nito. Parang gusto kong mainis kay Lorkan. Pahamak talaga. Hindi ko alam kung nananadya ba ito o nambubwesit lang. At sa totoo lang ay hindi ako natutuwa roon. Hindi porke't okay na kami ay okay na rin niya akong tawagin ng kung anu-ano lalo na sa harap ng kapatid ko. Baka kung ano pang isipin nito tungkol sa aming dalawa. Kinakabahan tuloy ako dahil tiyak na narinig iyon ni Conrad. Hindi pa naman ito lasing kaya hindi imposible iyon. At mukhang hindi nga ako nagkamali.
"Anong sabi mo kuya?" tanong ni Conrad na nagulat sa narinig.
"Wala!" tanggi nito na nakatingin sa akin.
"Hindi, eh. May iba akong narinig na tinawag mo kay ate," hindi pa rin kumbinsidong tanong ni Conrad.
"Wala nga. Lasing ka na yata, eh. Kaya kung anu-ano na ang naririnig mo," ani Lorkan sa kapatid ko. "Inom na! Sa 'yo na 'yang tagay." At inabot ang baso sa kapatid ko na sinalinan nito ng alak. Wala nang nagawa pa ito kundi ang tanggapin iyon at inumin.
"Alam niyo ubusin niyo na 'yan at umuwi ka na rin Lorkan," sabi ko sa kanilang dalawa para matapos ang usapan. At sabay tinalikuran ko na sila.
Nakahinga ako bigla. Buti na lang at naniwala si Conrad sa palusot ni Lorkan at hindi na ito nangulit pa tungkol sa narinig nito. Sana lang ay hindi na maalala iyon ni Conrad bukas. Tiyak kasing hindi niya ako titigilan. Nagtuloy ako sa kusina para kumain ng hapunan.