LORKAN
KAKAALIS lang ng mga kasamahan ni Cirlyn. Pagkatapos nitong pumayag sa imbitasyon ko ay naiwan na rin kaming dalawa. Hindi na kami lumabas pa ng mall. Napagpasyahan naming dito na lang kami mag-uusap. Kasalukuyan na kaming nag-lalakad at naghahanap ng makakainan. Kapwa kaming tahimik na dalawa. Halatang pinapakiramdam namin ang isa't-isa. Medyo nahihiya pa ako at hindi ko pa alam kung paano ko sisimulan na magbukas ng usapan. Pero ayokong sayangin ang pagkakataon na 'to baka magbago pa ang isip nito kaya nilakasan ko na lamang ang loob ko. Tumikhim muna ako at nagtanggal ng bara sa lalamunan bago magsalita.
"Saan mo pala gustong kumain?" panimula ko. "May prefered ka bang resto or gustong kainin?"
"'Wag na!" tanggi ni Cirlyn. "Hindi na kailangan. Actually gusto rin kitang makausap kaya pumayag ako."
"Gano'n ba? Pero mas okay na pag-usapan natin iyan habang nagdi-dinner." Napatingin ako sa relo. Magse-seven pm na. "Almost dinner time na rin. I know gutom ka na rin. For sure nabitin ka ro'n sa patikim kanina. And don't worry it's my treat. Pasasalamat ko na rin dahil sa pag-volunteer mo ro'n sa demo ko," sabi ko.
"Wala iyon. Napilitan lang naman akong sumali kasi hinila at pinagtulungan ako ng mga katrabaho ko. Wala na rin akong nagawa pa dahil tinulak na nila ako papunta sa harap. Ayoko namang mag-inarte at gumawa ng eksena ro'n kaya no choice," ani Cirlyn. "Buwesit kasi si Mary Grace," dagdag pa nito na sinisisi ang kaibigan.
Medyo natawa ako. "Nakita ko nga kanina. Pinagkaisahan ka nila. Mukhang nabiktima ka ni Mary Grace. Ang kulit talaga ng kaibigan mong iyon, no?" wika ko.
"Sinabi mo pa! Kung hindi lang talaga nakakahinayang magbawas ng kaibigan baka matagal ko nang ginawa sa kanya."
"Parang mga braders ko rin. Ganyan na ganyan din sila. Ang kukulit at pasaway pero maasahan naman. Laging andiyan para tulungan ako at makinig sa mga problema ko."
"'Yon nga. Hindi ko rin magawang itakwil kasi may silbi rin naman minsan. Napapakinabangan din. Siya pa rin naman ang nilalapitan ko kapag may mga problema ko," ani Cirlyn.
Napangiti ako habang pinapakinggan ko siya na nagkukuwento. Naisip kong pareho pala kami. Kaya naman siguro nagkakaintindihan at naka-relate kami sa isa't-isa ay dahil may common denominator pala kaming dalawa pagdating sa mga set of friends namin. And that's a good thing to know. Nakakatuwa lang din na unti-unti ko ring nakikilala ito.
"So, kumusta ka na pala?" tanong ko.
"Ayon ayos lang. Gano'n pa rin naman. Wala namang nagbago. Nakabalik na rin ako sa work ko," sagot nito.
"That's good to hear," sabi ko. "Mabuti naman kung gano'n. Pasensya ka na sa mga nangyare. Nadamay ka pa."
"Ayos lang. Naiintindihan ko naman na ngayon. Na-realize ko na wala ka naman talagang kasalanan sa mga nangyare. Biktima ka lang din. At hindi mo naman ginusto iyon. Pasensya ka na rin sa mga inasta ko," hinging paumanhin nito.
"So, ibig sabihin ba niyan pinapatawad mo na rin ako? Tinatanggap mo na rin ang sorry ko?"
Napabuntong-hininga muna ito.
"Sa totoo lang, kung tutuusin ay wala ka naman dapat talaga ihingi ng sorry, eh. Inosente ka naman talaga at walang kinalaman do'n," aniya.
"Meron pa rin. Kasi dapat hindi ako naging pabaya. Dapat naging alerto ako. Dapat naisip ko na pwedeng mangyare ang mga gano'n kasi pagkain ang inihahanda namin pero masyado akong naging kampante. And pakiramdam ko ay may responsibilidad pa rin ako. Kung hindi dahil do'n hindi ka naman masususpende sa trabaho mo. Hindi mo kailangan magtinda ng ihaw-ihaw para may income ka."
Biglang napatingin sa akin si Cirlyn. Parang bang nagulat ito sa sinabi ko.
"Paano mo alam na nag-iihaw-ihaw ako?" pagtatakang tanong ko.
"Siyempre nakita ko no'ng nagpunta ako sa inyo," sagot ko.
"Ay, oo nga pala. Nakita mo pala iyon. Iyon 'yong first day ko sa pagtitinda. At sobra akong natuwa dahil naubos ang paninda ko no'n," nakangiting kwento ni Cirlyn.
"Pero biglang nawala ang saya mo no'ng dumating ako," dugtong ko sa sinabi nito.
"Medyo. Kasi hindi talaga kita ine-expect no'n. And that time naiinis talaga ako sa 'yo dahil nga sa pagkakasuspende ko. Ikaw kasi ang sinisisi ko."
"Kaya nga nagpunta ako sa inyo kasi nalaman ko kay Mary Grace na nasuspende ka pala. I was so guilty. Sinisisi ko rin ang sarili ko no'n dahil kasalanan ko kung bakit nagyare iyon sa 'yo."
"Hayaan na natin iyon. Tapos na rin naman na. Nakabalik na rin naman ako sa work ko kaya ayos na rin," sabi ni Cirlyn.
"So, okay na ulit tayo?" tanong ko sabay tingin sa kanya.
"Yes. Okay na," tugon niya.
"Kukunin mo pa rin ba akong food provider uli sa event niyo kung sakali?"
"Pag-iisipan ko. Pero sa ngayon kasi iba na ang naka-assign diyan, hindi na ako."
"Ay gano'n ba?"
"Oo. Saka nasa heads na rin ang desisyon kung papayag sila o hindi."
Kapwa naagaw ang atensiyon namin ni Cirlyn nang makarinig kami ng parang komosyon.Para bang may nagkakagulo. Napatigil kami saglit sa paglalakad at nagkatinginan na dalawa.
"Ano 'yon?" tanong ni Cirlyn sa akin.
"Hindi ko alam," sagot ko rin sa kanya. Napatingin ako sa paligid namin.
Kasunod niyon ay naririnig na naming may mga nagsisigawan na mga tao at ang lalakas pa ng mga boses. Hindi namin alam kung anong nangyayare at kung saan banda iyon. Hanggang sa biglang sumulpot ang isang lalaki na tumatakbo sa may unahan. May hawak itong bag at nagmamadali ito papunta rito sa gawi naming dalawa ni Cirlyn. Bigla akong kinabahan. Papalapit na ito. Bawat madaanan nito ay nasasagi nito. Halatang may tinatakasan.
"Tigil!" Dinig ko pang sigaw ng mga humahabol dito at nakita kong ang mga security guard ng mall iyon at may kasamang dalawang babae na humahabol din at nakasunod.
Naging alerto ako. Wala akong ideya sa kung anong totoong nangyayare pero base sa nakikita ko ay mukhang masamang tao ang tumatakbo at paparating. Siguro ay hinablot nito ang bag na iyon at isa sa dalawang babae ang may-ari. Papalapit na ito at plano ko sanang patirin ito para matumba pero sa bilis nitong tumakbo ay hindi ko na nagawa pa dahil bigla na lamang nitong itinulak nang malakas si Cirlyn para tumabi. At nagulat ako sa ginawa nitong iyon. Napakabilis ng mga pangyayare.
"Aaahhh!" Dinig ko pang reaksyon ni Cirlyn nang itulak siya ng lalaki.
Kaya imbes na gawin ang naisip ko ay hindi ko na tinuloy pa. Mas inuna ko nang intindihin na saluhin si Cirlyn bago pa ito tuluyang tumumba sa sahig at masaktan. Sakto lang na nasalo ko siya bago ito tuluyang bumagsak. Hawak ko na siya sa mga bisig ko at nagkatinginan na lamang kaming dalawa dahil sa nangyare. Ilang segundo rin iyon na nasa ganoon kaming posisyon. Dumaan na rin ang mga security guard at ang dalawang babae sa likod namin na humahabol pa rin pero 'di na naman inintindi pa iyon.
"Ayos ka lang?" nag-alala kong tanong sa kanya matapos ng maikling sandali.
"Huh? Ah, oo," sagot nito na mukhang nagulat pa sa tanong ko. Tuluyang humawak ito sa akin at dali-dali ko siyang inaalalayan na itayo.
"G*go talaga iyon!" mura ko sa lalaking tumulak sa kanya. "Sure ka bang ayos ka lang? Walang masakit sa 'yo?" paninigurado ko pa.
"Oo. Salamat, ha?" aniya sa akin habang inaayos ang sarili. .
Ngumiti ako. "Wala iyon. Basta ikaw!"
Napangiti rin ito.
"So, tara na?" aya ko. "Nagugutom na ako."
"Okay, sige," sang-ayon nito at nagpatuloy kami sa paglalakad para maghanap ng makakainan.
KAKAPASOK lang namin ni Cirlyn sa isang seafood restaurant na napili ko. Sabi kasi nito ay ako na lang daw ang bahala. Kahit saan naman daw ay okay lang sa kanya. Medyo na-miss kong kumain ng seafood kaya nang makita ko ito ay dito ko na lang siya dinala. Mabilis naman kaming nakaupo dahil konti lang naman ang mga customer. Pagkaupo namin sa table ay agad na rin kaming nilapitan ng isang waiter saka binigyan ng menu para makapili ng oorderin. Hinayaan kong umorder si Cirlyn ng gusto nito pero sabi uli nito ay bahala na ako. Kaya naman isang seafood platter na lamang ang inorder ko para sa aming dalawa. May alimango, sugpo, pusit at tahong na iyon. Pagkakuha ng order namin ay umalis na rin ang waiter para ipaluto ang order namin. Naiwan kami saglit.
"Sure ka bang okay lang sa 'yo rito?" tanong ko sa kanya. "Pwede pa tayong lumipat sa iba kung ayaw mo habang hindi pa naluluto ang order natin."
"'Wag na," tanggi nito. "Andito na tayo, eh. Nakakahiya nang umalis. Naibigay mo na ang order natin."
"Sure ka, ha?"
"Oo, nga."
"Baka may allergy ka sa seafood."
"Wala naman. Papayag ba akong kumain dito 'pag meron."
"Naninigurado lang ako. Mahirap na. Baka rin kasi napipilitan ka lang. Kanina pa kita tinatanong kung saan mo gusto pero puro bahala na lang ako ang sagot mo."
"Kasi nga, ikaw naman ang nag-aya. Saka ikaw naman ang manlilibre at magbabayad nito. Wala naman akong karapatan mag-inarte, no?"
"Meron!" kontra ko. "Pero ayaw mo lang. Nahihiya ka pa rin ba sa akin? Akala ko ba okay na tayo?"
"Oo, nga!"
"'Yon naman pala, eh. 'Wag kang mahihiyang magsabi, magreklamo o kumontra sa akin. Hindi naman ako nangangagat kapag sinalungat mo ako. Mas gusto ko nga 'yong kinokontra ako kasi para malaman ko kung anong mas okay. Medyo nasanay na kasi akong, ako lagi ang nasusunod sa lahat. Ako ang laging sinusunod. Sa akin ang huling salita. Na-gets mo?"
"Oo. In short sawa ka nang maging boss," ani Cirlyn.
"Hindi naman sa gano'n pero wala lang akong choice. Kailangan, eh," nasabi ko na lang. "Oo, nga pala, maalala ko. 'Di ba may sasabihin ka rin sa akin kanina," pag-iiba ko sa usapan. Bigla ko kasing naalala iyon.
Nakita kong bigla itong umayos ng upo at saka tumingin sa akin. Mukhang nakalimutan din yata nito iyon. Medyo na-curious kasi ako kung anong sasabihin nito. Buti nga naalala ko pa.
"A-ah... yong tungkol pala do'n sa ginawa ng kapatid ko sa 'yo. Pasensya ka na sa kanya, ha? Akala niya kasi hina-harass mo 'ko no'ng nakita niya tayo kaya naman hindi na nakapagpigil pa," aniya.
Napangiti ako. Akala ko kung ano nang importante ang sasabihin nito. 'Yon lang pala.
"Ah, iyon ba? Wala iyon. Naiintindihan ko naman 'yong kapatid mo kung bakit niya ginawa iyon," dagdag ko pa.
"Ako na ang humihingi ng pasensya para sa kanya. Saka salamat na rin dahil hindi ka nagsampa ng kaso laban sa kanya."
"At bakit ko naman gagawin iyon?" nasabi ko.
"Kasi nasaktan ka."
"Dapat lang sa akin iyon kasi ang kulit ko. 'Wag mo nang intindihin pa iyon. Never pumasok sa isip kong magsampa ng kaso dahil lang do'n. Saka ayoko na ring dagdagan pa ang pinoproblema mo."
Nakita kong parang na-relieved ito dahil sa sinabi ko. Parang nakahinga ito nang maluwag at nawalan ng inaalala. Mukhang nag-aalala ito ng husto na magreklamo ako dahil sa ginawa ng kapatid niya sa akin.
"'Yon lang bang sasabihin mo?" tanong ko.
Tumango ito. "Salamat. Akala ko talaga magsasampa ka ng kaso."
"Ano ka ba?! Maliit na bagay lang iyon. Hindi na dapat pinapalaki pa iyon. Saka okay na rin naman ako. Kaya kalimutan na natin iyon. Let's move on and start anew. Pwede ba?"
"Oo, naman."
"So, can we be friends?"
"Iyon lang pala. Oo, naman!" masaya nitong tugon.
Mabilis kong inilahad ang kamay ko sa kanya para makipagkamay. Napatingin pa ito saglit pero agad din nitong tinanggap iyon.
"So, it's official. We're friends now!"
"Oo, nga. Ang kulit mo!" aniya at ngumiti sa akin. Napatawa na lamang din ako.
Ilang saglit pa ay dumating na rin ang order namin. Natakam pa ako nang makita ang mga seafood na freshly cooked at halos umuusok pa. Ang dami rin ang servings. Nakita ko pa ang reaksyon ni Cirlyn na parang nalula pa ito sa dami ng inorder ko. Mas lalo akong nagutom. Pinagsaluhan namin iyong dalawa ni Cirlyn habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan na parang matagal ng magkaibigan.
Habang kumakain kami ay inaasikaso ko rin siya. Pinagbubukas ko pa siya ng alimango, pinagbabalat ng sugpo at pinaghihiwa ng pusit. Panay pa ang tanggi nito na kaya raw nito at hindi ko na kailangan pang gawin iyon pero hindi ako nagpaawat. Siguro ay nahihiya ito dahil sa ginagawa ko sa kanya. But I just want to make her feel special. I also want to celebrate with her kasi finally ay okay na kami. Nagkaintindihan at na-settle na rin ang mga hindi natapos at naayos. Sobrang saya ko lang din dahil nakasama ko uli siya. At hoping na ito ang simula ng lahat at hindi pa ito ang huli na magkasama kaming kakain. Sana!