CIRLYN
"Mga buwesit kayo!"
Mahinang sambit ko na lumabas sa bibig ko habang nakatingin ako kina Mary Grace at sa mga kasamahan kong nasa audience at pinapanood ako. Sinimangutan ko pa ang mga ito bilang tanda na hindi ako natutuwa sa pinaggagawa nila sa akin. Buwesit na buwesit ako. Gusto kong murahin ang mga ito dahil pinagkaisahan nila ako. Nakikita kong tuwang-tuwa pa ang mga ito at halatang nang-iinis lalo na si Mary Grace na tawang-tawa. Masasabunutan ko talaga ito mamaya.
Wala na kasi akong nagawa pa nang hilahin at ipagtulakan nila ako ng mga kasamahan ko papunta sa harap ng stage para maging volunteer na tikman ang niluto ni Chef Lorkan. Wala talaga akong planong makisali sa pakulo nila pero itong buwesit na kaibigan kong si Mary Grace ang salarin at pasimuno. At sinamahan pa ng mga kasamahan pa naming kasabwat din. Pinagtulungan nila ako. At muntikan pang sumubsob. Buti na lang at hindi ako nadapa kung hindi sobrang kahihiyan iyon.
Kung tutuusin ay sila naman ang may gusto na pumunta kami rito sa food bazaar para sa free taste na hinahabol nila. Panay reklamo pa si Mary Grace kanina na wala man ni isang pa-free taste do'n sa mga stall na pinagbibilhan at inikutan namin tapos ngayong meron na ay ako ang isinalang nila. Dinamay pa talaga nila ako. Mga siraulo talaga. Kung hindi lang talaga nakakahiyang mag-back out at mag-walk out ay baka kanina ko pang ginawa. Kainis talaga! Nanggigigil ang kalooban ko sa totoo lang.
Kasalukuyang nang andito na ako sa taas ng stage at katabi ang emcee. Samantalang si Chef Lorkan naman ay nasa isang gilid kung saan naroon ang niluto nito. Medyo kinakabahan ako. Andaming tao ang nakatingin at nanonood. At feeling ko ay mas dumami pa iyon. First time kong mapasali sa mga ganito kaya naman kabado talaga ako.
"Okay! Habang nagsasalin si Chef sa plato nang niluto nito ay tanungin muna natin ang ating maswerteng volunteer. Anong pangalan natin, Miss?" tanong sa akin ng emcee.
"Cirlyn Ramos," medyo kabado ko pang sagot. Nanginig pa ang boses ko.
"Ilang taon?"
"28."
"Single?"
Tumango ako.
"Oy! Sakto! Single din si Chef. Baka naman may chance."
Dahil do'n ay biglang nagtilian pa ang mga nasa audience lalo na ang mga kasamahan ko na parang kinikilig. Napatingin din ako kay Chef Lorkan na nagsasalin pa rin ng niluto nito. Nakita kong napapangiti rin ito. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ako. Pakiramdam ko ay napasubo ako.
"Ready to mingle?"
Bigla akong nag-alangan kung sasagutin ko ba iyon o hindi. Sa totoo lang ay wala pa sa isip ko ang makipag-relasyon. Hindi ko pa talaga siya priority as of now. Andami ko pang problema at responsibilidad sa pamilya namin. Simula ng mamatay si Tatay ay inako ko na ang lahat ng responsibilidad sa nanay at mga kapatid ko. Kaya naman sobrang importante sa akin ang trabaho ko at wala pa akong panahon na magka-boyfriend sakaling may magparamdam sa ngayon.
"Not yet sa ngayon," sagot ko.
Muli ay narinig ko ang naging reaksyon ng mga audience. Halatang na-disappoint ang mga ito sa naging sagot ko. Hindi yata iyon ang inaasahan nila.
"Bakit naman?" tanong ng emcee.
"Family first."
"Good daughter si Ms. Cirlyn. Okay rin naman 'yan. Pero if ever, sabihin nating merong nagparamdam willing ka bang i-intertain?"
"Tignan natin," sagot ko. "Hindi naman ako nagko-close ng doors pero as of the moment hindi pa talaga ako handa. May mga priorities pa akong kailangan na unahin," sagot ko.
"Pero atleast may chance pa rin," pagtatapos ng emcee. "Anyway, mukhang ready na ang pagkaing niluto ni Chef na titikman ni Ms. Cirlyn."
Hawak ang isang plato kung saan nakalagay ang pagkain ay unti-unti na ring lumapit si Chef Lorkan sa amin. Nakangiti pa itong nakatingin sa akin. Pasimple rin akong ngumiti sa kanya. Halos nagkatitigan pa kaming dalawa saglit.
"Okay, tikiman na!" anang emcee.
Aabutin ko na sana ang plato para ako na ang humawak niyon pero bigla na lamang akong nagulat nang inilayo ni Chef Lorkan iyon sa akin. Nagtaka ako. Napatingin agad ako sa kanya.
"Hi, Ms. Ramos. Nice to meet you again," nakangiting bati ni Chef Lorkan sa akin.
"Anong ginagawa mo?" mahinang tanong ko sa kanya sa halip na gantihan ang pagbati nito.
"Tinutulungan ka," sagot nito sa akin.
"Hindi na kailangan," tanggi. "Kaya ko naman hawakan iyan."
"Ako na," giit pa rin nito.
"Akala ko ba titikman ko 'yang niluto mo? Ba't parang ayaw mo naman?"
"Oo, nga. Pero Ms. Ramos, let me help you. Sumakay ka na lang sa plano ko. 'Wag mo naman akong pahiyain sa tao. 'Wag ka na ring kumontra pa."
"Wow, ha? Ano ba kasing binabalak mong gawin?"
"Basta. Makisama ka na lang," anito.
"Paanong makisama? Eh, hindi ko nga alam kung anong gagawin."
"Just go with the flow."
"Chef? Ms. Cirlyn? May problema ba?" biglang singit ng emcee sa amin ni Chef Lorkan dahilan para pareho kaming maagaw ang atensyon at mapatingin dito. "Naghihintay na ang audience natin na malaman kung anong lasa ng niluto ni Chef kung masarap ba o hindi," dagdag pa nito.
"Pasensya na," sabay pa naming sabi.
"Okay, in a count of three. One... Two... Three...!"
Hindi na ako nakakontra pa nang makita kong si Chef Lorkan na mismo ang sumandok sa plato gamit ang kutsara saka inilapit sa bibig ko para subuan ako. Bigla akong nahiya sa gagawin nito. Natigilan pa ako saglit. Iyon pala ang plano nito. Hanggang sa narinig ko nang nagtilian ang mga tao.
"Naks! Ang sweet naman ni Chef may pasubo pa! Napaka-swerte naman ni Ms. Cirlyn. Sana all talaga!" anang emcee. Mas lalo pang lumakas ang tiliang naririnig ko. "Ako rin Chef after!" biro pa nito na naging dahilan naman para biglang magtawanan ang mga nanonood. "Joke lang, Chef!" bawi nito.
Kaya ang ending ay wala na akong nagawa pa kundi ang ibuka na lamang ang bibig ko para tanggapin ang pagkaing nasa kutsarang isinusubo nito. Ayoko na ring tumagal pa. Baka mainip na ang mga nanonood. Medyo kumalat pa sa gilid ng labi ko ang sauce pero nagulat pa ako nang bigla nitong pahirin iyon. Napatulala na lamang ako dahil sa ginawa nito. Hindi ko inaasahan iyon. Ngumu-nguya akong nakatitig sa kanya.
"Mukhang ninanamnam ni Ms. Cirlyn ang pagkain. Maya-maya ay tatanungin natin siya kung anong lasa ng niluto ni Chef."
"Anong lasa?" Dinig kong mahinang tanong ni Chef Lorkan sa akin.
Bago ako sumagot ay nilulon ko muna iyon.
"So this is it. Malalaman na natin kung pasok ba sa panlasa ni Ms. Cirlyn ang pagkain. The big question is kung masarap ba?" tanong ng emcee sa akin at inilapit sa may bibig ko ang mikroponong hawak nito.
"Yes! Masarap. Tamang-tama ang lasa. Malambot ang karne at nag-blend ang lahat ng ingredients," nakangiting sagot ko.
"Wow! Thank you, Ms. Cirlyn for your honest feedback. Palakpakan naman diyan!" saad pa ng emcee sa lahat. At nagpalakpakan nga ang mga taong nanonood.
Napalingon ako kay Chef Lorkan na nasa may gilid ko. Nakita kong nakangiti siya. Halatang natuwa ito sa sinabi ko.
"Thank you!" anito pa sa akin.
"Welcome!" tugon sa kanya.
KASALUKUYAN na kaming naglalakad nina Mary Grace, Niña, Virgie at Aiza palabas na ng mall. Tawanan pa ang mga ito habang nagkukuwentuhan ng mga nangyare kanina pero ako ay tahimik lang na nakasunod sa kanila. Hindi ako nagsasalita. Naiinis pa rin ako sa ginawa nila sa akin kanina. Pinagkaishan nila akong lahat. Pagkatapos kong magbigay ng komento sa niluto ni Chef Lorkan ay agad na rin akong bumaba ng stage. Doon na kasi nagtatapos ang demonstration ni Chef Lorkan. At iyon na rin ang huli naming pag-uusap. Pero may kasunod pa iyon na ibang guest speaker naman kaso hindi na kami nanood pa. Anong oras na kasi. Pagtingin ko sa cellphone ko ay halos mag-aalas-sais na pala ng gabi. Hindi na namin namalayan iyon.
"Oy, Girl! Ang tahimik mo diyan," pansin sa akin ni Mary Grace at nilingon ako.
"'Wag mo akong kausapin. Buwesit ka!" naiinis kong sabi sa kanya.
"Galit yarn?" ani Niña.
"Obvious ba?" sabi ko rito at sinimangutan ito. "Talagang pinagkaisahan niyo kong lahat. Mga leche kayo!"
Sa halip na seryosohin ang galit ko ay nagtawanan pa ang mga ito. Parang hindi man lang natakot. Mas lalo lang akong nabuwesit nang marinig ang tawanan nila.
"Bakit ka ba nagagalit? Hindi ka ba nag-enjoy sa moment niyo ni Chef Lorkan? Hindi ka ba nasarapan sa pinatikim niya sa 'yo?" tanong ni Mary Grace na ngumingisi pa.
"Oo, nga, sis! Kainggit ka nga, eh. Gusto ko rin sana kanina pero kinailangan kong magpaubaya para sa 'yo," ani Niña na parang nanghihinayang pa.
"Dami niyong alam!"
"Ang arte mo, no? Eh, parang gustong-gusto mo naman no'ng sinusubuan ka ni Chef Lorkan kanina."
"Sana all! Sinusubuan!" singit muli ni Niña saka tumawa.
"Inggit us!" sabay pang sabi nina Virgie at Aiza.
"Ewan ko sa inyo. Sarap niyong pagbuhulin lahat," sabi ko at iniwanan sila. Nauna akong naglakad sa mga ito dahil sa inis ko. Maya-maya pa ay hindi ko napansin na nasa tabi ko na pala si Mary Grace at sumasabay na rin sa paglalakad ko. Mukhang hinabol niya ako para sundan.
"Oy, Girl. 'Wag ka na magalit diyan. Sorry na!" aniya pero hindi ko ito pinansin. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Naisip ko lang kasi na baka iyon na ang time para matapos na ang namagitan sa inyo. Para magkaayos na kayong dalawa. Para magkausap na kayo. Para mapatawad mo na rin siya. Saka may dapat ka ring ipagpasalamat sa kanya 'di ba?"
Tumigil ako sa paglalakad ko at nilingon ito. "At ano naman?"
"Eh, 'di ba nga? Sinuntok ng magaling mong kapatid si Chef Lorkan. Malamang kung nagsampa ng kaso iyon sigurado nasa kalaboso pa rin 'yang kapatid mo. Kaya pasalamat talaga siya," paalala ni Mary Grace sa akin.
Oo, nga pala! Isa pa iyon. Nawala na sa isip ko. Sa totoo lang ay ilang araw din akong nag-alala para sa kapatid ko. At baka bigla na lamang itong damputin ng mga pulis. Kaya may isang beses pa nga na sinubukan kong puntahan si Chef Lorkan para kausapin ito tungkol do'n sa nangyare at makiusap sana na 'wag nang magsampa ng kaso pero nalaman ko kay Mary Grace na nakaalis na pala ito ng bansa kaya hindi na rin natuloy ang plano ko. Doon ko napagtanto na hindi ito nagsampa ng kaso. Napanatag ako at maging ang nanay ko at sobra talaga akong nagpapasalamat dahil do'n.
"Tama na ang pride, Girl. Napatunayan naman na ni Chef Lorkan na wala siyang kasalanan. Nakabalik ka na rin naman na sa trabaho. Malaya pa rin naman ang kapatid mo. Okay na at tapos na ang lahat. Ikaw na lang talaga ang hindi. Para maka-move on ka na rin. Nage-gets mo ba ang sinasabi ko, Girl?" saad ni Mary Grace sa akin.
"Oo, gets ko," tugon ko.
"Kung gano'n if ever na subukan muli ni Chef Lorkan ang kausapin ka eh, 'di gora na agad. 'Wag ka nang magdalawang isip pa. Wala namang mawawala sa 'yo kapag ginawa mo iyon. Saka para naman gumaan din ang kalooban mo. Mabuti pa rin ang wala kang sama ng loob diyan sa dibdib mo."
"Pag-iisipan ko."
"Anong pag-iisipan ka diyan? Gawin mo na!" utos pa nito.
"Fine!" napilitan kong sagot. Mas mabuti na rin siguro para matapos na at para makapagpatuloy na rin kami sa kanya-kanya naming mga buhay.
"Ganyan nga. Go, Girl. Goodluck!" ani Mary Grace na natuwa sa naging sagot ko.
"Hoy! Hintayin niyo naman kami, mga sis!" sigaw ni Niña. Malayo na kasi ang agwat namin sa kanilang tatlo kaya hinintay na muna namin ang mga ito.
Pero nagulat ako nang biglang sumulpot sa likuran ng mga ito si Chef Lorkan na tumatakbo. Nagmamadali ito na para bang may hinahabol at hindi ko alam kung sino.
"Ms. Ramos!" Dinig ko pang tawag nito sa akin. Hanggang sa tumigil ito sa harap namin ni Mary Grace.
"Hi, Chef!" bati pa ni Mary Grace sa kanya.
Tumango lang ito sa bati ni Mary Grace. Mas natuon ang tingin nito sa akin.
"May kailangan ka ba?" tanong ko sa kanya.
"Uuwi ka na?"
Tumango ako. "Bakit?"
"Pwede ka bang makausap over dinner? If okay lang sa 'yo," anito na halos hinihingal pa.
Natigilan ako saglit. Napalingon ako kay Mary Grace. May sinesenyas ito at mukhang nakuha ko na ang ibig nitong sabihin.
"Sige na, Girl. Sumama ka na. Kailangan niyo talaga 'yan to clear things," kumbinsi nito sabay tulak pa sa likod ko.
"Please?" pakiusap pa ni Chef Lorkan.
Naisip kong mukhang ito na yata ang tamang panahon para makapag-usap kami. Total ay narito na rin lang naman ako. Why not na pagbigyan ko na ito. Sabi nga ni Mary Grace wala namang mawawala kapag ginawa ko.
"Okay, sige!" pagpayag ko.
"Yes!" reaksyon pa ni Chef Lorkan na natuwa sa naging sagot ko.
This is it!