CIRLYN
KAKATAPOS ko lang maghugas ng mga pinagkainan namin. Kasalukuyan ko nang sinasalansan iyon sa dish rack para matuyo. Samantalang ang nanay ko naman ay nagsisimula nang magtuhog ng mga ititinda ko para mamaya. Matapos kong gawin iyon ay nakisali na rin ako sa kanya para tulungan ito sa ginagawa. Dalawa lang kaming natira rito sa bahay. Umalis na kasi Conrad para pumunta sa pinapasukan nitong construction samantalang si Tin-Tin naman ay pumasok na rin sa eskwelahan.
Nagsimula na akong magtuhog ng isaw nang biglang nagsalita ang nanay ko.
"Anak, baka pwede mo namang kausapin 'yong Chef na kakilala mo na sinuntok ng kapatid," aniya na halatang nag-aalala pa rin. Napapansin kong simula kanina ay tahimik ito. Siguro ay iniisip pa rin nito ang mga sinabi ko kagabi. Ang pwedeng kahinatnan ni Conrad dahil sa ginawa nitong pagsuntok kay Chef Lorkan.
"Bakit naman po?" tanong ko.
"Para 'wag nang magsampa ng kaso sa kapatid mo," aniya.
"'Nay, hindi ko ka-close iyon. At sa tingin ko hindi na niya ako kakausapin pa dahil sa nangyare. Nasaktan 'yong tao. Tiyak ko ring hindi niya palalampasin iyon. Kung bakit pa kasi padalos-dalos 'tong si Conrad, eh," sisi ko sa ginawa ng kapatid ko.
"Nadala lang naman siya. Nadinig mo naman ang paliwanag niya kagabi 'di ba?"
"Oo, nga, 'Nay. Pero huli na. Nasaktan na niya si Chef. At wala na tayong magagawa pa kundi ang maghintay sa kasong isasampa niya."
"Eh, 'di ba sabi mo kaya siya nagpunta kagabi dito ay para humingi ng pasensya sa 'yo?
"Opo."
"Eh, 'di patawarin mo na para quits na kayo. Para hindi na siya magsampa ng kaso sa kapatid mo."
"Ang tanong nga, 'Nay ay kung kakausapin pa niya ako dahil sa nangyare. Malamang ay hindi na rin iyon interesado pa."
"So, ano nang gagawin natin ngayon?" tanong ni Nanay sa akin na tumigil saglit sa ginagawa. Nakita kong mas lalo itong nalungkot at nag-alala. "Kawawa naman 'yong kapatid mo. Ang bata pa niya para makulong," ani Nanay.
"'Yon nga. Pero sa ngayon magdasal na lang tayo na hindi nito maisip na magsampa ng kaso dahil tiyak kalaboso talaga ang bagsak ni Conrad. Pero titignan ko rin kung anong magagawa ko," sabi ko na lang para naman hindi masyadong mag-alala si Nanay. Tiyak ko kasing hindi na naman ito makakatulog sa kakaisip.
Nakakainis rin kasi itong si Conrad. Hindi man lang nag-iisip bago sumugod. Masyadong nagpadala sa bugso ng damdamin nito. Nagdagdag pa talaga ng problema. Hirap na hirap na nga kami tapos gumawa pa ng iisipin at alalahanin. Nagpapakahirap na nga ako magtinda para may pantustos kami kasi wala akong trabaho. Tapos mamomoroblema pa ako kung saan ako maghahagilap ng ipapyansa rito kung sakaling magsampa nga ng kaso si Chef Lorkan.
Mabuti sana kung mayaman kami na hindi problema ang pera. Sa pagkain pa nga lang nagkukulang na kami. Mabuti rin kung malaki ang sinasahod ko at ang kita nito sa pagko-konstraksyon. Kaso sakto lang naman, minsan ay kulang pa nga sa pang-araw-araw naming gastusin. Ayoko sanang maging praning pero hindi ko mapigilan. Ayoko sanang isipin pero imposible naman iyong balewalain. At ayoko rin sanang intindihin pero hindi ko rin matiis ang nanay kong nakikitang namomoroblema. Mas lalong hindi ko ring kayang matiis ang kapatid ko na pabayaan at hindi tulungan.
Nagpatuloy kami ni Nanay sa ginagawa namin. Marami-rami rin kasi itong mga tutuhugin. Medyo malaki-laki rin kasi ang kinita ko kagabi. Nabawi ko rin agad ang kapital ko. Kaya naman nagdagdag pa ako ng konti sa tinda ko. Baka sakaling mas dumami na ang bumili ngayon dahil alam na ng mga tao na nagtitinda ako. Kaka-start ko pa lang naman kahapon pero naka-sold out agad ako. Sana ganoon din mamaya.
Biglang naagaw ang atensyon ko nang marinig kong tumutunog ang cellphone ko na nakapatong sa mesita. Agad kong binitawan at itinigil ang ginagawa ko. Naghugas muna ako ng kamay saka ko tinignan iyon. Nakita kong si Mary Grace ang tumatawag. Mabilis kong sinagot iyon.
"Oh, Girl. Kamusta na?" bungad ni Mary Grace sa akin.
"Ayos lang naman, Girl. Medyo busy lang sa ihaw-ihaw business," sagot ko.
"Wow! Sana all!"
"Anong sana all ka diyan?! Pansamantala lang naman ito habang wala pa akong work. Kaysa naman walang income," sabi ko sa kanya.
"Kunsabagay. Okay na rin 'yan, 'no? Atleast may pinagkakaabalahan ka habang andiyan ka sa inyo."
"'Yon nga! Ba't ka pala napatawag? Anong latest chicka diyan? Nagtaka ba 'yong mga Marites kung bakit nawala ako?"
"Siyempre!"
"Anong sinabi mo?"
"Ano pa? Eh, 'di vacation mode ka. Pero hindi ko sinabing suspended ka," ani Mary Grace.
"Mabuti naman. Salamat, Girl."
"No worries. Oo, nga pala, Girl. May tanong ako. Nagpunta ba diyan sa inyo si Chef Lorkan?" biglang tanong nito.
"Bakit alam mo?" pagtataka ko.
"Siyempre! Ako ang nagbigay ng address mo sa kanya."
"Kaya naman pala. Ikaw pala ang salarin."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Kaya pala andito kagabi. Nagulat pa ako biglang sumulpot sa harap ng bahay namin."
"Tumawag kasi siya rito sa opisina at hinanap ako. Tinatanong niya sa akin kung saan ka raw nakatira. Hindi mo raw kasi sinasagot ang tawag niya," kwento nito.
"Kasi nga ayaw ko siyang makausap."
"At bakit?" eksaherada nitong reaksyon.
"Kasi nga wala nang dapat kaming pag-usapan. And remember siya nga ang reason kaya ako nasuspende 'di ba?"
"Oo. Alam ko. Pero ito nga ang chika. Hindi naman pala siya ang may kagagawan ng pagkalason ng mga participants natin. May sumabotahe sa kanya kaya nangyare iyon."
"Alam ko."
"Alam mo na?"
"Oo. Sinabi nga niya sa akin lahat kagabi tapos humihingi siya ng sorry dahil sa nangyare."
"So, pinatawad mo?"
"Hindi."
"G*ga. Bakit?"
"Bakit pa? Magbabago ba ang lahat 'pag pinatawad ko siya? Makakabalik na ba ako sa work ko diyan kapag tinanggap ko ang sorry niya? Eh, 'di ba hindi? Pinalayas ko nga."
"Wow, ha? Ang ganda mo!" ani Mary Grace sa akin.
"Hindi naman. Sakto lang," biro kong sagot.
"G*ga!" mura niya sa akin. "Nag-effort na ngang pumunta diyan ng personal 'yong tao tapos hindi mo man lang pinagbigyan. Grabe ka!"
"Wala na rin namang silbi pa, no?"
"Ewan ko sa 'yo, bruha ka! Ikaw na ang pinuntahan at sinusuyo ng isang poging Chef Lorkan tapos pinalayas mo lang," disappointed nitong pahayag. Narinig ko pa itong napabuga ng hangin.
"Pero iyon nga, Girl," pag-iiba ko sa topic ng usapan namin. "May isang problema pa ako," share ko kay Mary Grace.
"Oh, ano na naman?"
"Nagpang-abot kasi 'yong kapatid ko at si Chef Lorkan kagabi."
"Huh?" gulat nitong reaksyon. "Anong nangyare?"
"Ayon nga sinugod ni Conrad at sinapak si Chef Lorkan. Hindi na nakapagpigil 'yong kapatid ko."
"Hala! Eh, kamusta si Chef Lorkan?"
"Mukhang napuruhan. Sa mukha tumama, eh."
"Paktay! Giatay ka, Girl."
"Paktay talaga, Girl. Nag-aalala nga kami at baka biglang magsampa ng kaso si Chef."
"Naku, Girl. Hindi malabo 'yan. Kaya nga nagpunta siya diyan sa inyo para makipag-ayos tapos sasapakin pa ng kapatid mo. Isang malaking goodluck na lang sa kapatid mo."
"Goodluck talaga. Sa ngayon pa lang namomoroblema na nga ako kung sa'n ako maghahagilap ng ipapyansa kung sakali."
"Malaking problema nga 'yan, Girl, kapag nagkataon."
"'Yon nga, eh. Pati tuloy si Nanay namomoroblema. Buwesit nga kasi 'tong kapatid ko. Gumawa pa talaga ng dagdag problema."
"Hayaan niyo nang makulong para magtanda."
"Hindi pwede, Girl. Baka hindi kayanin ng nanay ko 'yon. Another problema ulit kapag inatake iyon. Jusko. Andami ko ng problema. Ayoko na nang dagdag."
"So, ano nang gagawin mo ngayon?"
"Hindi ko pa nga alam, eh. Wala pa naman kaming natatanggap na subpoena na may sinampang kaso laban sa kapatid ko. Pero siyempre hoping pa rin kami na wala. Huwag naman sana. Sana hindi maisip ni Chef Lorkan na gawing big deal ang nangyare."
"Sana nga, Girl. Jusko! Kapag nagkataon ikaw na naman ang mamomoroblema niyan."
"Gano'n na nga," sang-ayon ko saka bumuntong-hininga.
"Oh, siya! Sige na. Babalik na ako. Naka-lunch break lang ako, eh. Balitaan uli kita kapag may bagong happenings na rito," paalam ni Mary Grace.
"Okay. Sige, Girl. Salamat din," tugon ko rin sa kanya.
"Babush!" At naputol na nang tuluyan ang tawag nito.
Muli kong inilapag ang cellphone ko sa lamesita at bumalik sa ginagawa ko. Kailangan na naming matapos iyon para ready na iyon mamaya.
LORKAN
Kakarating ko lang ng Hotel Trevino mula sa presinto. Tinawagan kasi ako para ipaalam sa akin na nahuli na ang totoong salarin at may kagagawan sa nangyareng food poisoning sa event nina Cirlyn na si Ronel Balbuena na dati ko ring empleyado kung saan nga may inihalo ito sa niluluto naming pagkain. Pumasok kasi ito kusina at nagpanggap na nagde-deliver ng mantika. Buti na lamang talaga ay may kuha ako ng cctv kaya may naging ebidensya ako para linisin ang pangalan ko at kaya rin madaling nakilala ang pagkakakilanlan nito.
Pagdating ko kanina sa presento ay naabutan ko itong nasa loob na nang kulungan at nakakulong. Sinubukan ko siyang kausapin para malaman ang totoo. Kung bakit nito ginawa iyon. Kung may galit ba ito sa akin. Gusto niya ba akong siraan. Kung naghihigante ba ito dahil tinanggal ko siya sa trabaho nito noong nahuli ko siyang nagnanakaw ng mga stocks ng restaurant ko. O kung may ibang nag-utos sa kanya para gawin iyon sa akin. Imposible rin kasing walang malalim na dahilan iyon.
Wala naman kasi akong nakikitang matinding motibo nito para gawin iyon sa akin maliban do'n sa pagkakatanggal nito. O 'di kaya iba pang ginawang masama sa kanya. Naging mabuting employer naman ako sa kanya. Pinagkatiwalaan ko rin siya kasi okay naman siya. Masipag at napaka-efficient din. He has a been a good employee to me pero hindi ko alam na sa kabila ng mga magagandang katangian na nakikita ko sa kanya ay hindi ko talaga lubos maisip na magagawa nitong magnakaw. Labag man sa loob ko pero hindi ako nagdalawang-isip na tanggalin ito kahit na gaano pa ito katagal o kagaling na empleyado. Sinira niya ang tiwala ko dahil do'n ginawa nito.
Napagod lang ako kakasalita sa harap niya pero hindi man lang ito sumagot. Tahimik lang ito at ayaw tumingin sa akin. Kaysa pilitin ko itong magsalita at sabihin sa akin ang totoo ay hinayaan ko na lamang ito. Itinuloy ko na rin ang pagsasampa ko ng kaso sa kanya. Hahayaan ko na lang na ang batas na magparusa sa kanya. Dahil sa kagagawan nito ay nalagay sa alanganin ang pangalan at kredibilidad ko bilang chef. Naapektuhan ng husto ang negosyo. Nagkaroon ng isyu tungkol sa akin at kung anu-ano pa. Sobra talaga akong naapektuhan sa nangyare.
Lulan na ako ng elevator papuntang suite ko nang pagdating sa may 8th floor ay tumigil iyon nang may sumakay. Nagulat pa ako nang biglang pumasok sina Kim at Wookie. Maging ang mga ito ay nagulat rin nang makita ako.
"Oh, brad! Kamusta na?" tanong ni Wookie sa akin.
"Ayos lang mga brader. Salamat ulit sa inyo dahil medyo okay na ang takbo ng negosyo ko sa ngayon. Plus, nahuli na rin ang may kagagawan sa nangyare. Actually, kakagaling ko lang din ng presinto kanina," balita ko sa mga ito.
"That's good to hear, brad. Mabuti naman kung gano'n," masayang saad naman ni Kim at tinapik pa ako sa balikat ko.
"So, kailan ang plano mong magbukas uli ng Century Grill?" Si Wookie.
"Baka within this week. Kailangan ko munang ayusin ang lahat para fresh start ulit. After nang lahat ng nangyare," sagot ko.
"Tama 'yan! Para bagong simula ulit," ani Wookie.
"Teka! Anong nangyare diyan sa labi mo?" pansin ni Kim at akma pa sana nitong hahawakan niyon. Pero agad akong umiwas. Akala ko hindi nila iyon mapapansin pero napansin pa rin pala nila. Kitang-kita kasi ang sugat na natamo ko nang suntukin ako ng kapatid ni Cirlyn pati na rin ang pasa sa gilid niyon.
"Wala," tanggi ko rito.
"Anong wala? Ayan, oh! Kitang-kita na may sugat at namamaga. Imposibleng wala iyan," ani Kim na hindi kumbinsido.
"Wala 'to. Nalaglag lang ako sa kama at tumama ang mukha ko sa sahig kaya nagkaganito," palusot ko.
"Brad, hindi mo kami maloloko. Halata namang sinuntok iyan, eh. 'Wag ka nang magkaila pa. Sabihin mo sa amin kung sino ang may gawa niyan. At reresbakan natin," saad naman ni Wookie.
"Mga brad, wala 'to. Ako naman ang may kasalanan kaya nakuha ko 'to. Kaya no need nang rumesbak pa," awat ko sa mga ito.
"So, sinuntok ka nga?" tanong ni Kim at tinignan ako ng kakaibang tingin.
Napilitan akong tumango para kumpirmahin. Wala naman kasing maitatago sa dalawang ungas na 'to. Lalo lang akong hindi titigilan ng dalawa kapag dineny ko pa.
"Sinong sumuntok sa iyo?" interesadong tanong ni Wookie.
"'Wag na!"
"Anong 'wag na? Tumigil ka," saad din ni Kimmy na nag-aalala.
"Ayos lang mga, brader. Deserve ko naman ito. Saka naiintindihan ko naman kung bakit nagawang suntukin ako ng kapatid ni Ms. Ramos?"
"Ms. Ramos?" sabay pang reaksyon nina Kim at Wookie nang marinig ang binanggit ko.
Tumango ako.
"'Yong event coordinator?" tanong ni Wookie.
"Yup!"
"Bakit ka naman susuntukin ng kapatid niya?" Si Kim.
"Teka-teka," awat ni Wookie na parang naguluhan bigla sa naiisip. "Medyo magulo, brad. First, what's with Ms. Ramos? Is there something going on na hindi namin alam at dapat naming malaman, ha?"
"Oo, nga, brad," sang-ayon din ni Kim at tumingin sa akin na para bang kailangan kong sagutin iyon.
"Mukhang may hindi ka sinasabi sa amin, brader," nakangiting saad ni Wookie.
Mukhang alam ko na ang tumatakbo sa mga utak ng dalawang ito. At kapag ganito na ang tanungan nila ay siguradong wala nang kawala pa. Hindi ako titigilan ng mga ito hangga't hindi ako nagkukwento sa kanila.
"Hoy! Ano na, brad?!" naiinip na saad ni Wookie. Maging si Kim ay gano'n din. Kapwa nakatingin ang dalawa at naghihintay ang mga ito ng isasagot ko. Para kumpirmahin kung tama ang naiisip at hinala nila.
Pero bago pa ako sumagot ay sakto namang bumukas na ang elevator. Kaya bago pa ako makorner ng dalawang ungas ay nauna at mabilis na akong tumakbo palabas para lumayo agad sa mga ito. For sure iha-hot seat ako ng mga ito para lang malaman ang totoo.
"Hoy, brad!" Dinig kong sabi ng dalawa nang makalabas at nakalayo na ako sa kanila. Lumingon pa ako at nakita kong nakalabas na rin sila.
"Yari ka talaga sa amin kapag nahuli ka namin," banta pa Wookie.
"Tama!" ani Kim.
"'Yon ay kung magpapahuli ako sa inyo," sagot ko at binilisan ko na ang pagtakbo ko.
"Aguirre!" Sigaw pa nang dalawa at sinundan ako.