CIRLYN
ONE MONTH LATER
Maaga kaming nakapag-out ngayon ng mga katrabaho ko dahil may meeting ang mga boss namin. Since sobrang aga pa naman ay biglang nag-aya si Mary Grace na dumaan muna kami sa isang kilalang mall na malapit sa pinagtatrabahuhan namin. Kung saan kasalukuyan may ginaganap na isang food bazaar at last day na raw ngayon. Kaya naman halos nagkukumahog na kami na makaalis ng office. Baka raw wala na kasi kaming abutan kung hindi kami magmamadali.
Ayoko sanang sumama sa mga ito dahil wala naman akong gagawin roon. Wala rin naman akong perang pambili ng mga pagkain na binebenta roon. Maiinggit at maglalaway lang ako ro'n malamang sa mga makikita ko. Saka isa pa wala naman akong hilig na maggagano'n. Ni pumunta nga ng mall ay tinatamad rin akong gawin. Balak kong dumiritso na sanang umuwi sa amin pero sadyang makulit ang mga kasama ko lalo na si Mary Grace na ayaw akong tigilan.
Ayaw nitong pumayag na hindi ako kasama. Magtatampo raw kasi ito sa akin kapag umuwi ako. Ngayon lang daw naman ito sabi nito. Dagdag pa niya, kailangan ko rin daw na mag-enjoy at lumabas paminsan-minsan. Maglilibot lang naman daw kami at titingin. Baka raw may mga pa-free taste na mga pagkain din kaya libre kain na rin. 'Yon talaga ang habol nito kaya nag-aaya itong pumunta roon. Sayang naman daw kasi. Gusto ko sanang matawa at sabihan ito na mukha na itong pagkain pero alam kong wala na iyong epekto sa kanya. Tinanggap na talaga nito iyon.
Kaya tuloy wala na rin akong nagawa pa kundi ang pagbigyan ito kahit na wala talaga ako sa mood. Kung hindi lang talaga ito nagbabantang hindi ako kakausapin ay nunca akong sasama rito. Anlakas lang talaga manakot ni Mary Grace kaya hindi ko rin matanggihan. Kasama rin namin sina Virgie, Aiza at ang bago naming kasamahang beki na si Niña. Niño talaga ang real name nito pero mas bet nitong tawaging Nina kasi raw ay babae raw talaga ito at na-trap lang sa katawan ng isang lalaki. Medyo makulit at machika rin ito. Kaya naman mas sumaya at umingay ang office no'ng dumating ito. Tuwang-tuwa talaga kami sa kanya.
Halos isang buwan na rin akong nakabalik sa work ko simula noong nasuspende ako. At so far ay okay na ulit ang lahat. Ang ihaw-ihaw business ko ay si Nanay na lang ang nagtuloy. Wala naman kasi itong ibang pinagkakaabalahan. Isa pa ay medyo mas dumami na kasi ang mga bumibili at naging suki namin kaya naghinayang si Nanay kung ititigil namin iyon. Pandagdag panggastos din ang kita roon. Pagdating ko galing trabaho ay tinutulungan ko siya sa pagtitinda.
Tuloy pa rin ang pagko-construction ni Conrad. Matapos nang nangyare na magpang-abot sila ni Chef Lorkan kung saan sinuntok nito ang huli ay wala naman kaming natanggap o nabalitaan na nagsampa ito ng kaso laban sa kapatid ko. Buti na lang talaga. Napanatag na rin ang loob ng nanay ko. Pagkalipas ng ilang araw ay nabalitaan ko na rin na umalis na pala ng Pilipinas si Chef Lorkan para magbakasyon sa ibang bansa. After no'n ay wala na akong naging balita pa. 'Yong pagpunta nito sa amin ang huli na rin naming pag-uusap.
"Oy! Bilisan niyo!" nagmamadaling saad ni Mary Grace nang makapasok na ito ng entrance ng mall.
"Sandali lang naman, Girl," tugon ko sa kanya. Kasalukuyan kasing chine-check ng security guard ang dala kong bag.
"Atat talaga 'tong babaeng 'to!" Dinig kong sabi ni Virgie na nasa likod ko.
"Oo, nga!" sang-ayon rin ni Aiza na nasa likuran naman ni Virgie. "Akala siguro nito magsasara na ang mall. Eh, ang aga-aga pa naman," dugtong pa nito.
"Nagmamadali kasi 'yon para makarami raw siya," saad naman ni Niña na nasa may unahan na rin at hinintay kaming makapasok. Nasa kabilang side kasi ito dumaan kung saan nandoon ang daanan ng mga lalaki. Wala kasing pila do'n kaya naman mabilis itong nakapasok.
"Bakit? Sure ba siyang may pa-free taste?" tanong ko sa kay Niña nang makalagpas na ako sa inspection at lumapit sa kanya.
"Ewan ko nga? Iniisip kasi nito na maraming pa-free taste since food bazaar ang pupuntahan natin kaya nagmamadali siya. Eh, ang pagkakaalam ko naman 'pag mga ganito ay puro nagtitinda lang ng mga pagkain. Bihira naman ang may mga pa-free taste na sinasabi nito," saad pa muli ni Niña.
"Hoy! Baklang 'to!" biglang saad ni Mary Grace kay Niña na nasa likod na pala nito. "Meron 'yan, no? Siguro hindi ka pa nakakapunta sa ganito kaya hindi mo alam."
"Hoy ka rin! Babaeng walang alam kundi puro pagkain. Nakapunta na ako sa ganito for your information," mataray na sagot ni Niña kay Mary Grace.
"Really?" ani Mary Grace.
"Oo, naman, no?" sagot pa rin ni Niña at tinaasan pa ng kilay si Mary Grace.
"Alam niyo tama na 'yan. At baka magsabunutan pa kayo rito," awat ni Virgie sa dalawa.
Simula kasi nang dumating si Niña sa office ay nagkaroon na nang katapat si Mary Grace. Walang araw na hindi sila nagtatarayan at nagbabangayan na dalawa pero hindi naman iyong grabe talaga. Parang mga timang nga minsan kasi after nilang magsagutan ay magugulat na lang kami na biglang magtatawanan na lamang ang mga ito. Okay na ulit sila. At para bang walang nangyare. Hanggang sa nasanay na lamang kami na ganoon lang talaga mag-asaranan ang dalawa na akala namin ay nag-aaway na at malapit nang magsabunutan pero hindi naman pala.
"Ano ba kayo? Hindi pa rin ba kayo sanay sa amin ni Niña? Ganito lang talaga kami 'di ba, sis?" ani Mary Grace kay Niña at saka kumapit sa braso nito
"Yes, sis," sang-ayon din ni Niña.
"Oo, kami sanay na. Pero paano ang ibang makakarinig at makakakita sa inyo? Baka isipin pa nilang nag-aaway kayo," singit din ni Aiza.
"Keber naman namin sa kanila, no? Basta kami ni Sis Niña okay kami," saad ni Mary Grace.
"Tama!" agree rin ni Niña.
"Ewan ko sa inyo," nasabi na lamang ni Aiza.
"Alam niyo, tara na nang makaikot na tayo," aya na rin ni Virgie.
"At nang makauwi na rin tayo agad," dugtong ko naman.
"Hoy, Girl! Kakarating pa lang natin. Uwi na agad nasa isip mo," ani Mary Grace sa sinabi ko.
"Kj mo naman, sis," saad naman ni Niña sa akin.
"Alam niyo namang kailangan ko pang tulungan ang nanay ko 'di ba," sabi ko.
"Oo, na! Tara na!" At nauna ngang maglakad sina Mary Grace at Niña. Napilitang na lang din kaming sumunod nina Virgie at Aiza sa mga ito.
Kung ako lang ang masusunod ay ayokong sumama talaga. Sadyang makulit lang itong si Mary Grace at ayaw akong tantanan. For sure ay hindi rin naman ako mag-e-enjoy dito. Mas naging productive pa sana ako kung umuwi na lang ako dahil matutulungan ko pa ang nanay ko sa pag-iihaw.
NAKAKAILANG ikot na kami pero ni isang free taste ay wala man lang kaming nadaanan. Puro nag-aalok lang na bumili ang mga tenants. Siguro kaya wala na ay dahil last day na ng bazaar. Tapos na ang mga pa-free taste ng mga binibenta nila. Sumakit lang ang paa ko tagal naming umikot. Naglaway lang din ako sa mga nakikita kong mga binebentang pagkain. Gustuhin ko man bumili at tikman ang mga nakikita ko kaso sakto lang ang pera ko pamasahe pauwi. At kapag binawasan ko pa iyon ay tiyak na maglalakad na ako pauwi sa amin. Samantalang ang apat ay marami nang nabili. Kanya-kanya ng mga plastik na bitbit. Nagkasya na lamang ako sa pagtingin-tingin.
"Oh, Girl, wala ka bang bibilhin?" tanong ni Mary Grace nang tumigil kami sa isang stall. May tinitignan kasi ito.
"Wala, Girl. Wala akong extrang pera. Saka hindi naman ako mahilig sa matamis," tanggi ko.
"Kahit para na lang sa nanay at kapatid mo."
"Hindi talaga kaya, Girl. Pamasahe na lang ang dala ko at tinitipid ko pa iyon. Kaya pass na muna."
"Grabe namang pagtitipid 'yan, Girl."
"Gano'n talaga, Girl. Mas uunahin ko na lang ang pagkain namin kaysa rito."
"Bakit? Eh, pagkain rin naman 'to, ah."
"Kahit na. Isang kainan lang 'yan. Ang importante sa amin ay 'yong pang-araw-araw," katwiran ko pa rin.
"So, hindi ka talaga bibili ng kahit na ano?"
"Hindi nga."
"Pumili ka na diyan ng gusto mo. Sagot ko na," ani Mary Grace sa akin.
"Naku! 'Wag na, Girl. Nakakahiya sa 'yo. Gagastos ka pa. Okay lang."
"Ano ka ba?! Ayos lang. Minsan lang naman 'to kaya 'wag ka nang mahiya at mag-inarte diyan. Hindi bagay sa 'yo. Pumili ka na bago pa magbago ang isip ko," aniya na tuloy pa rin sa pagtingin at pagpili nito.
"Sure ka?" panigurado ko pa.
"Oo, nga. Kumuha ka na ng gusto mo diyan. Ako na bahalang magbayad."
"Aw! Girl, salamat, ha?" Na-touch talaga ako dahil do'n.
"No problem. Para sa'n pa at naging kaibigan tayo. Regalo ko na rin 'yan sa birthday mo."
"Huh? Malayo pa birthday ko, Girl."
"Alam ko. Ina-advance ko na."
"Ayos ka talaga. Akala ko nililibre mo na ako."
"Ayaw mo ba? Madali naman akong kausap," ani Mary Grace.
"Oo, na! Mamimili na ako," napilitan kong sang-ayon.
Agad na akong namili sa mga panindang nasa harap ko. Mukhang masarap naman lahat base sa mga itsurang nakikita ko hanggang sa isang pack ng macaroons na lang ang kinuha ko.
"Ito na lang, Girl," sabi ko kay Mary Grace na tuloy pa rin sa pamimili.
"Gawin mo nang dalawa, Girl. Para makatikim din ang nanay at mga kapatid mo."
"Okay, sige," sang-ayon ko na lamang. Ayoko nang kontrahin pa ito at baka biglang bawiin pa. Napilitan akong kumuha ng isa pa para dagdagan iyon at ibinigay sa tindera para ilagay sa plastic.
KAKATAPOS lang magbayad ni Mary Grace nang biglang sumulpot si Niña na humahangos pa.
"Andito pala kayong dalawa. Kanina ko pa kayo hinahanap," aniya na tumigil saglit para kumalma muna.
"Bakit? Anong meron?" sabay pa naming tanong ni Mary Grace.
"Tara doon sa may gitna," excited nitong aya sa amin. "May pa-cooking demo do'n. At ang pogi no'ng chef na nagluluto!" balita nito. "Dali. Halina kayo."
"Talaga?" reaksyon ni Mary Grace na halatang na-excite rin.
"Oo, sis! Ang pogi niya," malandi pa nitong sabi. "Bigla akong natakam no'ng nakita ko."
"Talaga lang, ha? Siguraduhin mo lang na totoo 'yang sinasabi mo kung hindi sabunot ka sa akin mamaya," banta pa ni Mary Grace.
"Oo nga. Tara na. Para makita niyo na nagsasabi ako ng totoo."
"Oy, teka muna!" awat ko. "Asaan na sina Virgie at Aiza?" tanong ko pa.
"Nandoon na. Tayo na lang ang wala," ani Niña at kapwa kaming hinila papunta sa sinasabi nito. Napilitan kaming magpatangay dito.
PAGDATING namin sa may gitna kung saan naroon ang sinasabi ni Niña ay agad na natuon ang tingin ko sa isang maliit na stage na naroon kung saan may dalawang lalaki na nasa ibabaw niyon. Malayo pa lang kami ay tanaw ko na agad ang mga ito. Mukhang ang emcee at ang chef na tinutukoy ni Niña na nagluluto ang mga iyon. Parang nagde-demo ito roon kasi panay ang salita nito sa microphone na hawak ng emcee. Parang ine-e-explain nito sa mga nanonood ang ginagawa nito.
Halos makipagsiksikan pa kami nina Mary Grace at Niña para lang makalapit sa may unahan kung saan naroon ang dalawa pa naming kasamahan na sina Virgie at Aiza. Napilitan lang akong magpatangay sa mga ito para makasunod ako. Nang makarating kami sa kinaroroonan nina Virgie at Aiza ay kitang-kita ko na ang dalawang nasa ibabaw ng stage. Agad na napadako ang mata ko sa chef na tuloy pa rin sa ginagawa at pagsasalita. At gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makilala ito. Walang iba kundi si Chef Lorkan.