CHAPTER 22

1654 Words
CIRLYN Halos kakaupo ko lang sa table ko matapos naming manggaling sa canteen para sana kumain kaso lang naubusan kami ng ulam. Plano kong magkape na lamang at mag-biscuit courtesy of Aiza.  Ilang saglit pa ay nakarinig kami ng sunod-sunod na katok mula sa pinto dahilan para maagaw ang atensyon naming lahat at mapalingon dahil do'n. Napilitang tumayo si Virgie para pagbuksan ito. Ito kasi ang may pinakamalapit na table sa may pinto.  Nagulat pa kami ng isang lalaki ang nakita naming naroon na nakatayo at nakasuot pa ng uniporme ng isang kilalang food delivery app. May hawak itong paper bag na mukhang pagkain ang laman. Paper bag iyon pero walang tatak o pangalan. Bigla kaming nagkatinginan lahat. Pagkakaalam kasi namin ay wala namang umorder o nagpa-deliver sa amin.  "Yes po, kuya?" tanong ni Mary Grace dito.  "Kay Ms. Cirlyn Ramos po," anang delivery rider. Medyo nagulat pa ako nang banggitin nito ang pangalan ko.  "Oh! Girl, sa 'yo raw 'to! May pina-order ka pala?" "Wala, ah!" tanggi ko kaagad. Napilitan akong tumayo para lapitan ito at i-check. "Wala akong pinapa-deliver. Wala akong perang pang-order." "Eh, Kung gano'n kanino 'to?" tanong ni Mary Grace.  Napalipat-lipat pa ang tingin ko kina Virgie at Aiza.  "Hindi ako," tanggi agad ni Aiza.  "Mas lalo naman ako," ani Virgie na bumalik na sa lamesa nito at naupo.  "Sure ka ba, kuya, na sa akin 'yan? Baka mali ka ng pinagdalhan mo," paninigurado ko.  Alam ko sa sarili ko na hindi ako ang nagpa-deliver kaya imposibleng may order ako. Hindi naman ako mahilig umorder kasi wala naman akong perang pambayad. Halos nagtitipid na nga ako tapos oorder pa ako. "Yes po, ma'am! Sa inyo po talaga. Sa inyo po mismo nakapangalan, eh. Saka dito rin po naka-address sa opisina niyo."  "Gano'n?" nasabi ko na lamang.  Dahil do'n ay mas lalo akong nagtaka. At mas lalo rin akong kinabahan. Bigla akong napaisip. Wala talaga akong natatandaan na umorder ako. Oo, gutom ako. Pero hindi ako gagastos. Wala rin namang mga delivery app na naka-install sa cellphone ko. So, paano nangyare na biglang nagka-order ako nang hindi ko alam?  Ang nakakapagtaka pa ay nakapangalan pa talaga sa akin at naka-address pa rito mismo sa opisina namin.  "Kuya, pasensya na, ha? Pero wala talaga akong order. Hindi ko tatanggapin iyan," kinakabahan kong sabi rito.  "Baka na-fake booking ka, kuya," singit ni Mary Grace. "Tama! Fake booking," sang-ayon ko rin sa sinabi ni Mary Grace.  Siguro ay nabiktima ito ng mga walang magawa na customer tapos ako pa ang pagbabayarin. Mga hayop! Idadamay pa ako sa kalokohan nila. Gustuhin ko mang kunin at bayaran na lang sana itong deni-deliver niya sa akin kahit na wala naman akong order pero wala talaga akong kapera-pera na pambayad. Kung tutuusin at iisipin ay kawawa rin ito kasi nagpaluwal ito ng sariling pera para lang mabili at mai-deliver. Malamang nag-effort din itong pumila at bumiyahe. Kaso nga, sad to say mukhang naloko ito.  "Hindi po ma'am. Legit po. Hindi po fake booking kasi para talaga sa inyo ito. Tama naman po 'di ba na Cirlyn Ramos kayo at itong address ninyo rito," anang rider at pinakita pa sa amin ni Mary Grace ang booking transaction. Nakita ko nga pangalan ko. Sa akin nga talaga nakapangalan.  "Naku, Girl. Sa iyo nga talaga!" ani Mary Grace sa akin. "Paano 'yan?" "Imposible nga kasi na akin 'yan dahil wala naman akong inoorder. At bakit ako oorder niyan?" giit ko pa rin. "Saan ako kukuha ng pambayad? Nasa magkano po ba 'yan, kuya?" Namoroblema pa tuloy ako.  "Nasa 600 po." Nawindang ako. "600?" Tumango ang driver.  "Jusko! Ilang araw ko ng pamasahe at pagkain iyon." "Gusto mo paluwalan ko muna? Bayaran mo na lang ako kapag sumahod na tayo," suhestyon ni Mary Grace.  "Ayoko. Ba't ko babayaran? Kuya, pasensya na talaga pero hindi ko kukunin 'yan." "'Wag po kayong mag-alala ma'am. Wala naman po kayong babayaran dito. Bale bayad na rin po ito. Ire-receive niyo na lang po." "Huh?" Mas lalo akong nagulat. "Ba't 'di mo agad sinabi? Kanina pa ako namomoroblema ng pambayad tapos bayad na pala. Nakakainis ka naman, kuya!" naiinis kong sabi sa kanya. "Pasensy na po, ma'am," nasabi na lang nito na napakamot pa sa ulo.  "Buwesit ka talaga, kuya. Kinabahan ako," saad ko. Medyo na-relieved ako ng konti na malamang wala naman akong babayaran.  "Sige na po, ma'am. Pa-receive na lang po. Naki-park lang po kasi ako saglit sa labas. Baka kasi masita po ang motor ko," saad pa ng driver. "Kunin mo na, Girl. Sa 'yo naman nakapangalan saka bayad naman na pala, eh," kumbinsi ni Mary Grace.  "Oo, nga, Girl. Para may pagkain na tayo," sang-ayon din ni Virgie. Kahit na libre pa ito ay medyo nag-aalangan pa rin ako. Hindi ko alam kung kanino at saan ito galing. Lalo pa at wala akong ideya kung sino ang magpapadala nito sa akin. Nakakapagtaka lang talaga na makatanggap ng mga ganito.  "Go na, Girl. Para hindi na tayo mag-biscuit," sabad naman ni Aiza.  Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago ako sumagot. "Bahala na. Sige, na nga." Wala na akong nagawa pa kundi ang kunin at tanggapin ang paper bag na inabot sa akin ng rider. Pagkabigay nito ay agad na rin itong umalis. Halos nagmamadali pa ito.  Agad kong dinala iyon sa lamesa ko. Bago ko binuksan ay chineck ko pa talaga ang lagayan bago ko tinignan kung ano ang mga laman. At nakita kong puro pagkain nga iyon na nakalagay sa microwavable na lagayan. Medyo natakam pa ako na makita ang mga iyon. Mas naramdaman ko bigla 'yong gutom.  "Wow!" reaksyon pa nang tatlo nang makita ang mga pagkaing inilabas ko mula sa paper bag.  "Ang dami! Kanino kaya galing 'yan, Girl?" tanong ni Mary Grace sa akin. "Hindi ko talaga alam!" sagot ko. Dahil sa totoo lang ay wala talaga akong ideya. Wala akong maisip na pupwedeng magpadala nito. Hindi ko inaasahan ito.  "Hindi kaya kay Chef Lorkan galing ang mga 'yan?" ani Mary Grace. "Huh? Bakit naman niya ako papadalhan?" tanong ko.  "Hindi ko alam. Naisip ko lang laman since okay naman na kayo. You know bumabawi." "Malabo 'yon." "Malay mo naman, no?" "Alam niyo, 'wag niyo nang problemahin kung sino ang nagpadala. Ang importante may ulam na tayo. Girl, pahingi, ha?" singit ni Virgie na halatang masaya.  "Ako rin, Girl!" segunda rin Aiza na excited.  "Kunsabagay. Pasalamat na lang tayo kung sino man siya. Sakto talaga ang dating nito. May instant ulam na tayo. Kaya tara na! At gutom na gutom na talaga ako. Nagwa-warla na ang mga bulate ko," saad naman ni Mary Grace na hindi na rin nagpapigil dahil binuksan na nito ang isa sa mga microwavable na parang siya ang pinadalhan. Ang tigas talaga ng mukha. Alam kong gutom na rin sila at gusto na talagang kumain.  "Tara na!" nasabi ko na lamang din sa mga ito. Kahit na hindi pa rin ako kumbinsido at may konting alinlangan. Iniisip ko pa rin kung sino ang maaring nagpadala nito. Pero gusto ko ring pasalamatan ito dahil hindi ko na kailangang magkape at mag-biscuit. Nasagot bigla ang problema namin sa ulam. Makakain kami ng masarap. At kung sino man siya. Isa siyang malaking hulog ng langit sa aming lahat.  HAPON.  HINDI namin naubos ang mga pagkain kaninang tanghali kaya naman inuwi ko iyon. Kakababa ko lang ng jeep at hanggang ngayong naglalakad na ako pauwi sa amin ay iniisip ko pa rin ang posibleng nagpadala niyon sa akin. Pero sumakit lang ang ulo ko pero wala talaga akong maisip. Iyon ang unang pagkakataon na may natanggap akong delivery sa tanang buhay ko. Kaya naman hindi talaga ako makapaniwala.  Medyo natuwa naman ako at the same medyo may konting pag-aalala. Pag-aalala dahil andaming katanungan ang pumasok sa utak ko. Konti lang talaga ang kinain ko kanina. Inatake kasi ako nang pagkapraning ko kaya kung anu-ano ang naisip ko tungkol do'n sa pagkain na dumating. Samantalang sina Mary Grace, Virgie at Aiza ay parang balewala lang. Ni hindi nila inintindi. Sarap na sarap pa nga sila. Tuwang-tuwa talaga ang mga ito dahil nakalibre sila ng ulam. Aside pa ro'n ay nakakain pa sila ng puro masasarap. Nasimot lahat ang mga baon nilang kanin. Nacu-curious talaga akong malaman ang nasa likod niyon. Wala kasi akong maisip na dahilan para padalhan niya ako. Pero still thankful pa rin ako dahil nakakain kaming lahat dahil dito. At may take out pa ako. Mukhang okay naman 'yong pagkain kasi hindi naman sumakit ang tiyan o bumula ang bibig ng tatlo pagkatapos naming kumain. Ako lang talaga ang nag-isip nang masama.  Kahit paano kasi ay medyo may trauma pa ako at hindi pa rin nawawala sa utak ko ang nangyare do'n sa event last month kung saan marami ang na-food poison at na-ospital sa mga participants namin kaya naman hindi talaga ako nagpakabusog kanina nang kain. Tamang tikim lang ako dahil nga do'n sa mga nangyare. Pero mali pala ako. Okay naman pala ang pagkain. Masarap at walang kakaibang nakahalo. Sadyang naging praning lang ako.  Bitbit ang paper bag na may lamang pagkain ay nagpatuloy ako sa paglalakad ko. Malayo pa lang ako ay natanaw ko na agad ang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay namin at mukhang kilala ko na kung kanino iyon. Walang iba kundi kay Chef Lorkan. Bigla akong nagtaka kung bakit narito ito sa amin. Anong ginagawa nito rito? Dahil do'n ay mas binilisan ko tuloy ang lakad ko.  Halos takbuhin ko na ang natitirang distansya para lang makarating at makauwi agad. Nag-alala kasi akong baka naroon din ang kapatid kong si Conrad at baka magpang-abot na naman ang mga ito. Hingal na hingal pa akong tumigil sa harap ng bahay namin. Pero gano'n na lamang ang gulat ko na makitang magkasama at nagtatawanan pa ang dalawa habang tinutulungan si Nanay sa pagtitinda nito. Nagulat din ang mga ito na makita ako.  Anong nangyare? Natanong ko bigla sa sarili ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD