LORKAN
Pasipol-sipol pa akong lumabas ng suite ko. Maganda kasi ang gising ko ngayon. Gano'n din ang pakiramdam ko. Masaya at inspired din ako. Bagong araw. Bagong simula. And I'm ready for today's work. At lahat iyon ay dahil sa mga nangyare kahapon. Finally, Cirlyn and I are okay. Nawala na ang inaalala ko. Nagkapatawaran at nagkaintindihan na rin kami kaya naman sobra akong ganado na magtrabaho at pumasok muli.
Mas lalo kong nilakasan ang sipol ko. Pasimple pa akong napapa-indak nang isinasara ko ang pinto pero agad din akong napatigil nang makita ko si Wookie na nasa labas na rin ng suite nito at pinapanood pala ako. At may nakakalokong ngiti sa mga labi.
"Wow! Mukhang ang saya natin ngayon, brader, ah!" aniya sa akin.
Di-nouble check ko pa muna ang lock ng pinto bago ko siya binalingan. Ngumiti ako sa kanya.
"Hindi naman masyado, brader. Sobrang saya ko lang naman," masiglang sagot ko.
"May nangyare ba?" curious nitong tanong.
"Wala naman," simpleng sagot ko.
"Sus! Magkwento ka na. 'Yang mga ngiti at pasipol-sipol mong 'yan imposibleng wala. Hindi mo ako maloloko, brader. Siguro nagkausap na kayo ni Ms. Ramos, no? Nagkita na ba kayo?" aniya.
Alam na kasi nila ang tungkol sa pagkakaroon ko ng interest kay Cirlyn. Matapos ba naman nila akong kornerin at i-hot seat ni Kimmy ay tuluyan ko na ring inamin sa kanila ang tunay kong nararamdaman para sa dalaga. Sinabi ko sa kanila na I have a special feeling for her at na love at first sight ako rito. Gusto kong magpakatotoo sa kung anong totoong intensyon ko kay Cirlyn. Kaya naman gusto kong mapalapit dito.
Dahil do'n imbes na suportahan ako ng mga ito ay pinagtawanan lang nila ako na para bang ayaw nilang maniwala sa akin. Iniisip kasi nila na hindi ko kayang maging seryoso pagdating sa mga babaeng gusto ko. Oo, siguro dati iyon pero hindi na ngayon. This time gusto kong magseryoso. Patunayan sa kanila na hindi ako nagbibiro. I really like Cirlyn and I want pursue her.
At dahil sa pagiging chismoso ng dalawa ay mabilis din iyong kumalat sa iba pa naming mga braders. Imposible kasing hindi pwedeng malaman iyon ng iba. Kaya tuloy ang ending ay ako ang naging topic nila sa group chat namin ng halos dalawang araw. Hindi nila ako tinantanan. Mga buwesit talaga.
Hanggang sa napilitan akong mag-leave sa group dahil narindi na ako sa kaka-mention nila. Ayaw nila akong tigilan. Pero ang mga ungas in-add muli ako. Hindi rin ako nakawala. Kaya in-off ko na lamang ang notifications ko para hindi ko na mabasa ang mga chat nila. Para matapos ang problema ko.
"Ang chismoso mo, no? Mind your own business kaya, Ferrer. Aga-aga, eh. Nagma-Marites ka na naman diyan. G*go!" sabi ko sa kanya.
"Nagtatanong lang naman, eh," ani Wookie.
"Iba ang nagtatanong sa nakiki-chismis para may i-chismis," sabi ko sa kanya.
"Ang aga namang bangayan 'yan!" anang boses na biglang sumingit sa usapan namin ni Wookie. Nakita kong kakalabas lang din ni Kim mula sa suite nito. Mukhang papasok na rin ito sa trabaho nito.
"Isa ka pa!" sabi ko kay Kim. "Kayo talaga ang salot sa buhay ko, eh."
"Oh? Ano na namang ginawa ko?" ani Kim na halatang nagulat sa sinabi ko. "Kakalabas ko pa lang nadamay agad ako."
"Talagang damay ka kasi isa ka pang chismoso. Akala ko naman mapagkakatiwalaan ko kayong dalawa pero hindi pala."
"Dahil pa rin ba 'to do'n sa group chat?"
"Oo. I trusted both of you pero hindi talaga kayo nakatiis."
"Sorry naman, brader."
"Sorry? Utot niyo. Simula ngayon banned na kayo sa resto ko. Hindi na kayo makakatikim ng mga luto ko."
"Oy, brad. Wala namang ganyanan," ani Wookie.
"Tigilan niyo ko. Mark my words. Diyan na nga kayo," pagtatapos ko at tinalikuran ko na silang dalawa.
"Brad!" Dinig ko pang tawag ni Kim pero hindi na ako nag-abala pang pansinin iyon. Nagtuloy ako sa elevator para sumakay.
NASA Century Grill na ako. Kasalukuyan akong nagluluto ng isang recipe na natutunan ko mula nang magbakasyon ako sa Japan. Maliban kasi sa bakasyon ay sinamantala ko na rin ang pagkakataon na matuto ng mga pagkaing Hapon kaya naman excited akong subukan iyon. Plano ko kasing padalhan si Cirlyn nito. Gusto kong siya ang unang makakatikim nitong niluluto ko. Kaya naman sinasarapan ko talaga. This time ay gusto kong patunayan na wala na itong dapat pang ipangamba sa mga niluto ko kasi ako na mismo ang naghanda at nagluto nito. I make sure na wala nang makakalusot pang kahit ano o mahahalong pwedeng ikapamak muli nito.
"Wow! Chef! Bagong menu?" tanong ni Roland nang makita ang ginagawa ko.
"Hindi. Gusto ko lang subukang iluto ang natutunan ko," sagot ko rito. "Pero malay natin soon kapag na-master ko na."
"Mukhang masarap po," aniya.
"Sus! Sipsip! Gusto mo lang makatikim ng niluluto ni Chef, eh," singit din ni Yula bigla na lumapit sa amin ni Roland.
Medyo natawa ako sa tinuran ni Yuna. Dahil do'n sa sinabi nito ay agad na umasim ang mukha ng isa. Halatang hindi nito nagustuhan ang sinabi nito.
"Wow, ha? Nagsasabi lang ako ng totoo, no?" anito.
"Kahit hindi mo na sabihin pa iyon. Masarap na talaga magluto si Chef," ani Yula.
"Kaya nga. Oh, anong sipsip do'n? Ikaw yata 'tong sipsip, eh. Ay hindi pala --- epal."
"Hoy! Hindi ako epal, ha!" tanggi ni Yula
"Totoo kaya!" giit pa rin ni Roland. "Kung sipsip ako, eh 'di epal ka."
At tuluyan nang nagbangayan ang dalawa. Kapwa ayaw patalo. At talagang dito pa sa harap ko. Kaya bago pa umabot sa kung saan at magkapikunan pa ang dalawa ay agad na akong pumagitna sa mga ito.
"That's enough!" awat ko sa kanila dahilan para tumigil ang mga ito.
Sa lakas pa ng boses ko ay napatingin din ang ibang mga empleyado ko na narito sa kitchen. Kapwa pa napatigil sa kanya-kanyang ginagawa. Tumahimik bigla ang maingay at magulong kusina dahil do'n. Halatang nagulat sila sa naging asta ko. First time kong magtaas ng boses kaya naman ganoon na lamang ang mga reaksyon nila. Hindi na kasi ako nakapagpigil pa.
"Tama na ang bangayan niyo. Itigil niyo na 'yan. Just go back to your work," malumanay pero maawtorisado ko nang sabi.
"Sorry, Chef!" hinging paumanhin ni Roland.
"Pasensya na po, Chef!" saad naman ni Yuna.
"Everybody, get back to work," sabi ko rin sa lahat.
Mabilis na bumalik ang dalawa sa kanya-kanyang station. Pati na rin ang iba pa. Nagpatuloy din ako sa niluluto ko. Target kong maipadala iyon bago mag-lunch time para sakto sa tanghalian.
CIRLYN
"Girl! Tara na! Nagugutom na ako."
Napalingon ako nang marinig ko ang tawag na iyon ni Mary Grace. Nakita kong nakatayo na pala ito sa likuran ko at hawak na ang baunan nito. Bigla akong napatingin sa oras sa computer ko. Mag-a-alas dose na pala ng tanghali. Hindi ko napansin iyon sa dami ng ginagawa ko. Mula pa kanina pagpasok ko ay tambak ako ng trabaho. Kaya naman hindi ko na alintana pa. Almost lunch time na pala. Nataranta ako bigla.
"Teka! Saglit lang," saad ko kay Mary Grace saka sinave ang ginagawa ko.
"Bilisan mo na! At baka wala na tayong maabutan na ulam. May baon ka ba?" tanong pa nito.
"Wala nga, eh. Kanin lang," sagot ko saka tumayo na rin at nag-ayos. Pagkatapos ay kinuha ko na rin ang baunan kong nasa bag ko.
"Pareho pala tayo. Bilisan mo na!" pagmamadali nito.
"Si Niña?"
"Ando'n na. Kanina pa!"
"Hindi man lang tayo hinintay."
"Mauna na raw siya kasi kailangan niya pang lumabas. May pupuntahan daw siya after niyang kumain."
"Ah, gano'n ba?"
"Yup! Tara na!" At nauna itong naglakad.
"Oo, na. Heto na!" sang-ayon ko at nagmadaling sumunod sa kanya.
Sabay na kaming naglakad na dalawa papuntang canteen. Aside pa kasi sa aming mga nagtatrabaho sa Prime Lead Events ay may iba pang mga tenants ang nag-o-opisina dito sa building na kinaroroonan namin kaya naman nagkakaubusan minsan ng tindang ulam ang canteen. At kapag gano'n na wala na kaming maabutan pa ay mapipilitan pa kaming lumabas at doon pa bumili sa may karinderya sa labasan na may kalayuan din. Maglalakad pa kami kung sakali. Sobrang init pa. Ubos agad ang oras at saglit na lamang ang oras na ikakain namin. Tuloy lang kami sa paglalakad nang biglang nagtanong si Mary Grace.
"Girl, kamusta pala ang pag-uusap ninyo ni Chef Lorkan kagabi? Saan kayo nagpunta? Anong oras kayo nauwi? Naghihintay ako ng chika mo kagabi pero nakatulog na ako't lahat pero wala ka man lang tawag," aniya na halatang curious malaman ang mga nangyare.
Simula kasi kanina ay hindi pa kami nakakapag-usap nang matino tungkol do'n. Alam kong gusto nitong makibalita kaya naman halatang atat na atat ito dahil sa sunod-sunod nitong tanong. May pagka-chismosa rin kasi ito.
"Pasensya naman. Hindi ako na-inform na kailangan ko pa lang mag-report sa 'yo," saad ko sa kanya.
"Grabe naman 'yong report. Update lang, Girl. Gusto ko lang malaman kung anong nangyare sa inyo."
Napilitan akong magkwento sa kanya. Ikunuwento ko ang lahat nang nangyare mula sa umpisa. Ang naging pag-uusap namin, kung saan kami kumain, kung anong kinain namin at kung anong oras kami umuwi. Pati na rin ang pag-aasikaso ni Chef Lorkan sa akin habang kumakain kami.
"Talaga?" reaksyon ni Mary Grace na parang nainggit pa.
Tumango ako.
"Ang ganda mo talaga, Girl! Sana all na lang."
"Nahiya nga ako, eh. Ayaw niya kasing papigil kaya hinayaan ko na lang. Baka kasi ako pang pagbayarin nito kapag tumanggi ako. Wala pa naman akong pambayad. Ang mahal pa naman ng bill na binayaran niya," kwento ko pa.
"Ayaw mo pa no'n? Si Chef Lorkan pa mismo ang nagsisilbi sa 'yo. Kung ako 'yon malamang i-enjoyin ko ang pagkakataon na 'yon."
"Hindi lang kasi ako sanay, Girl. You know naman me. Hindi naman ako mahilig kumain sa mga gano'n. Bukod sa mahal na, wala akong pera."
"Pero atleast na-try mo na tapos with Chef Lorkan pa. Ang bongga mo! Naiinggit talaga ako sa iyo," aniya.
Natawa ako. "Adik! Dinner lang naman iyon. Ang kagandahan naman no'n ay nakapag-usap at nagkaintindihan na kami. At masaya ako na okay na kami. We're friends now."
"Eh, 'di kayo na! Kayo na ang bff," ani Mary Grace na halatang naiinggit talaga.
"Tapos hinatid niya pa ako sa amin pauwi kagabi," dagdag ko pa.
Dahil sa sinabi ko ay napatigil pa si Mary Grace. Pinigilan niya pa ako sa paglalakad ko.
"Weeh?" 'Di nga? Totoo?" aniya na parang ayaw maniwala.
"Oo, nga!"
"No'ng nakaraan lang may pag-iinarte ka pang nalalaman sa kanya tapos ngayon..."
Hindi nito natuloy ang sasabihin pa dahil pinutol ko na agad iyon.
"Pwes! Nakaraan pa iyon. Hindi na ngayon. Saka okay naman na kami. Wala naman sigurong masama ro'n 'di ba?"
"Oo na! Ikaw na ang mahaba ang hair. Ang sarap mong sabunutan, bruha ka!" pangigigil niya pa sa akin.
"G*ga!" namura ko na lamang siya dahil sa pinagsasabi nito.
Malapit na kami sa canteen nang makasalubong namin sina Virgie at Aiza na pabalik na rin at bitbit na ang mga baunan at parang hindi man lang nabawasan ang laman niyon.
"Oh, tapos na kayo?" tanong ko sa mga ito.
"Hindi na kami kakain. Wala nang ulam, eh," sagot ni Virgie.
"Huwat?" bulalas ni Mary Grace. "Ano ba 'yan?! Gutom na gutom pa naman ako. Kakainis naman," disappointed nitong sabi.
"Tinatamad na rin kaming lumabas. Baka mag-biscuit na lang ako. May stock pa ako ro'n sa drawer ko," saad naman ni Aiza.
"As in wala na? Kahit na ano?" panigurado ko pa.
Sabay pang tumango ang dalawa.
"Paano na tayo, Girl?" namomoroblemang tanong ni Mary Grace sa akin.
"Hindi ko rin alam," sagot ko. "Ayoko na ring maglakad ng malayo. Pautangin mo na lang din ako ng biscuit mo, Aiz. Palitan ko na lang."
Narinig kong napabuntong-hininga na lamang si Mary Grace. "Ano pa nga ba? Ako na nga rin!" aniya.
"Okay, sige!" tugon naman ni Aiza.
"Dapat talaga magpa-reserve na tayo ro'n sa canteen ng mas maaga para hindi gutom ang abot natin. Magkaka-ulcer pa yata tayo dahil dito," suggestion ni Virgie.
"Or 'di kaya magbaon na talaga tayo ng ulam or bumili na nang luto bago pumasok para sigurado. Hindi 'yong ganito palagi tayong nauubusan," sabi ko rin sa mga ito.
"Ito ang napapala natin kapag late tayo kumakain, eh," saad ni Mary Grace.
"So, tara na!" aya ko sa mga ito.
"Tara na!" sang-ayon din ng mga ito.
Napilitan kaming bumalik ng opisina na pawang mga gutom. 'Pag minamalas nga naman.