Nagising ako sa sunod-sunod na tunog ng cell phone ko na nakalagay sa mesa katabi ng higaan ko. Binuka-buka ko ang mga mata para luminaw ang paningin ko, napatingin ako sa labas ng bintana ko. Mataas na ang araw, ibig sabihin ay sobrang haba ng tulog ko mula kagabi. Napahikab ako habang kinukuha ang cellphone ko na ngayon ay hindi na tumutunog, binuksan ko ang screen at nakitang naka-dalawang missed call na sa akin si Sab. Muli akong napahiga sa kama at pinidot ang call button para tawagan si Sab.
"Ay kala ko na-snob ako e," salubong niya agad sa akin.
"Kakagising ko lang." Sambit ko habang napahikap pa ako. Sobrang gaan na ng pakiramdam ko parang nawabi ko na ang lakas ko.
"Hala siya, tanghali na kaya. Grabe ang tulog mo ha," hindi ko na pinansin ang sinabi ni Sab.
"May assignments ba tayo?" Tanong ko na agad na kinabuntong hininga ni Sab sa kabilang linya.
"Kagigising mo lang pero assignments na agad inisip mo, how to be you po?" pang-aasar na tugon ni Sab.
"Pampatay ko ng oras iyan mamaya, wala akong magawa dito sa bahay." Sagot ko naman sa kanya at bumalikwas na ng bangon sa kama.
"Manood ka ng k-drama," suhestiyon naman ni Sab.
Mahilig kasi siyang manunood ng k-drama online kaya araw-araw ay hindi nawawala ang mga korean actors at k-drama sa daldal niya sa akin.
"Alam mong hindi ako mahilig manood at ayoko sa singkit." Diretso kong sagot habang nakaupo na ako ngayon sa kama habang hinahanap ang tsinelas ko. Napalingon ako sa kabilang banda ng higaan para hanapin ang tsinelas ko.
"Fine, sabi ko nga. Mamaya send ko sayo iyong mga picture ng assignments natin," si Sab.
"Thanks." Napatingin akong muli sa paanan ko ng makita ko ang tsinelas na ngayon ay nasa paanan ko na at maayos ang pagkakahilera sa harapan ko para suotin ko na lang.
"Later." Agad ng pinatay ni Sab ang telepono ng narinig kong tinawag siya ng guro namin sa kabilang linya.
Nakatitig lang ako sa tsinelas at iniisip kung sino ang kumuha sa tsinelas ko dahil paniguradong hindi ako ang kumuha. Paanong nangyaring nandyan ang tsinelas ko kung hinahanap ko pa lang ngayon? Hindi ko na alam kung guni-guni ko lang ba ang nangyari o nakalimutan ko lang na ako talaga ang kumuha. Pero hindi ako makakalimutin para makalimutan na kinuha ko ang tsinelas ko.
Agad kong sinuot ang tsinelas at dali-daling lumabas sa kwarto dahil tumatayo na ang balaho sa takot. Luminga-linga ako para hanapin si Nanay, kumalam na ang tiyan ko pero hindi talaga mawala sa utak ko ang nangyari ngayon lang sa tsinelas ko. Nakakatakot lang baka minumulto o inaaswang na ako.
"Nay," tawag ko.
Agad akong dumiretso sa kusina, nakita ko si Nanay na naghahanda ng pagkain. Siguro kakauwi niya lang din galing sa kindergarden school, pang-umaga lang kasi na teacher si Nanay at agad din siyang umuuwi ng bahay pagdating ng tanghali.
"Cahya, bakit ka tumatakbo?" bungad na tanong sa akin ni Nanay.
Lumapit ako sa kanya at agad siyang niyakap sa bewang. Naamoy ko agad ang masarap na amoy ng ulam, nagluluto ata ng caldereta si Nanay ngayon.
"Nanay, minumulto ata ako," sumbong ko sa kanya at lalo siyang niyakap ng mahigpit.
"Naku, guni-guni mo lang iyan. Hala bitaw na at 'di ako makaluto ng maayos." Sambit ni Nanay, wala na akong nagawa kundi ang bumitaw sa pagkakayakap sa kanya.
"Nay totoo nga." Pamimilit ko. Mahihiluhin ako ngayong mga araw pero hindi ako makakalimutin.
"Matakot ka sa totoong tao Cahya." Sabi ni Nanay na hindi na ako pinansin at muling nagluto habang ako ay nakaupo lang sa may mesa.
"Anong meron? Nay napakabango po n'yang niluluto mo." Pumasok si Kuya sa kusina na medyo pawisan, siguro nagsibak siya ng kahoy sa labas kaya ganyan ang pawis niya.
"Minumulto ako, Kuya. Iyong tsinelas ko gumagalaw ng kusa," mabilis kong kwento sa kanya. Naupo siya sa tabi kong upuan habang nagpupunas ng pawis.
"Ewan ko dyan sa kapatid mo, Jayson." Napailing si Nanay habang naghahalo sa niluluto.
"Guni-guni mo lang iyan, walang makakalapit sayo kahit multo Cahya." Seryoso ang mukha ni Kuya habang nagsasalita na kinakunot ng noo ko. Nararamdaman kong may tinatago siya sa akin na ayaw niyang sabihin. Ano iyong tinatago ni Kuya?
"Jayson, tikman mo itong luto ko." Agad na umaliwalas ang mukha ni Kuya ng mapabaling ang tingin kay Nanay, tatanungin ko pa sana siya kung ano ang ibig niyang sabihin sa sinabi niya pero agad siyang tumayo at pumunta kay Nanay para tikman ang luto nito.
"Nay ang sarap, kain na po tayo." Agad na komento ni Kuya. Pinagkibit balikat ko na lang ang sinabi ni Kuya kanina panigurado wala namang ibig sabihin iyon.
"Cahya, tawagin mo na ang Itay mo sa labas." Utos ni Nanay.
"Sige po."
Lumabas na ako ng bahay para hanapin si Tatay pero hindi ko siya makita. Walang dumadaan na traysilek ni tao sa daanan wala. Ang layo din kasi ng sumunod na bahay sa bahay namin, napapalibutan kami kagubatan kaya pagkinagabihan ay hindi ko na kailangan ng electric fan dahil malamig ang hangin. Agad kong napansin kong biglang pagdilim ang kalangitan at nawala ang sinag ng araw dahil sa makapal na kaulapan. Naririnig ko ang lagaslas ng dahon ng mga puno dahil sa malakas na paghangin.
"Cahya." Bigla akong napalingon sa aking kanan ng marinig ko ang pagtawag sa akin. Kumunot ang noo ko dahil wala naman akong kahit sino na nakita sa direksyon sa may mga puno. Pero maya-maya lang ay nakita ko ang pag litaw ng isang usa sa may malaking puno.
Nakatingin ito sa akin at sa hindi ko maipaliwanag na paraan ay parang sinasabi nitong sumunod ako sa kanya. Tumalikod ang usa at nagsimulang maglakad papasok sa kagubatan. Wala na akong nagawa kundi ang sumunod sa hayop dahil hindi ko mapigilan ang kuryusidad ko.
Binilisan ko ang paglalakad para maabutan ko ang usa na papalayo ng papalayo, napansin ko na lalong nagiging masukal ang daan sa kagubatan pero hindi ko iyon inalintana. Ilang minuto din ang nilakad ko hanggang sa tumigil ang usa sa paglalakad at muli akong tinignan.
Unti-unti akong lumapit sa usa ngunit nakuha ng atensyon ko ang isang malaki at lumang pinto na nakatayo di kalayuan. Napapalibutan ito ng mga nagtataasang puno na para bang matagal na itong naroon. Lumapit ako sa pintuan at tinitigan iyon ng mabuti, luma na ang kahoy na pintuan at ginto ang kulay ng hawakan nito.
Tinignan ko ang likuran ng pintuan at tinignan kung may makikita akong iba roon. Napapaisip ako kung paanong nakatayo ng diretso ang pintuan samantalang walang itong suporta, mukha namang hindi ito nakadikit sa lupa.
"Paanong nagkaroon ng ganitong pinto rito?" tanong ko sa sarili.
Lumingon ako sa direksyon ng usa dahil baka mabigyan ako nito ng sagot ngunit wala na ito sa kinakatayuan nito kanina.
Muli akong napatingin sa pintuan, pumapasok sa isipan ko na buksan ang pintuan at alamin kung anong meron sa loob. Para kasing isa ito sa mga nababasa ko sa libro o sa nappanood sa mga palabas, isang pintuan na magdadala sa ibang dimesyon o lugar. Naglalaban ang kalooban ko kung bubuksan ko ang pintuan o hindi dahil baka malagay ako sa panganib.
Pero nanaig muli ang kuryusidad ko dahil wala namang mawawala sa akin kung bubuksan ko lang ang pintuan. Hinawakan ko na ang siradura ng pintuan at unti-unti sanang bubuksan na ang pintuan ng maramdaman ko ang paghawak ng kung sino sa balikat ko.
"Cahya."
Nabitawan ko ang siradura ng pintuan at lumingon kung sino ang taong nasalikuran ko. Agad na naglandas ang paningin ko sa mga kulay na asul niyang mga mata.
"Mr. Alterio?" Nalilito kong sambit. Paanong napunta siya rito?
"Mapanganib ang lugar na ito, tara na.," tugon niya at mabilis na inabot ang kanan kong kamay sabay hila para maglakad palayo.
"Sandali lang, bakit mo ako hinihila?" Naguguluhan kong sambit.
Napalingon ako sa likuran ko para tignan ang pintuan na dapat bubuksan ko. Napakunot ang noo ko ng mapansing wala na ang pintuan doon at isang puno na ang pumalit sa pwesto nito na para bang imahinasyon ko lang ang lahat ng nakita ko kanina.
"Nawala iyong pintuan," mahina kong sambit habang naglalakad paalis sa kagubatan.
Hinahayaan ko ng akayin niya ako sa paglalakad palabas ng kagubatan dahil nawawala na ata ako sa sarili ko dahil sa mga nasaksihan ko kanina. Totoo ba talaga lahat ng nakita ko?
Ilang minuto lang ay nakalabas na kami ng kagubatan at nandito na kami sa gilid ng bahay. Napatingin ako sa kalangitan, wala na din ang makakapal na kaulapan at bumalik ang araw. Parang normal na uli ang lahat.
"Bakit ka nandito, Mr. Alterio?" tanong ko sa kanya, tumingin ako sa kanya at naglandas ang paningin naming dalawa.
Hindi man halata sa mukha niya pero nakikita ko sa mga asul niyang mga mata ang pag-aalala sa akin. Bakit siya nag-aalala sa akin?
"Wag ka ng bumalik sa kagubatan mag-isa. Delikado doon," sambit niya. Hindi niya sinagot ang tanong ko pero muli niyang nakuha ang atensyon ko sa sinabi niya.
"Delikado?" tanong ko naman sa kanya.
"Masukal ang kagubatan at maraming ligaw na hayop," muli niyang sambit, napatango na lang ako.
Napansin ko na nakasuot siya ng white long sleeves na humapit sa katawan niya ganoon din ang terno niyang black slacks na bumagay sa mahahaba niyang biyas at nakasuot pa siya ng black leather shoes na halatang galing siya sa paaralan.
"Bakit ka po pala narito?" muli kong tanong sa kanya, hindi ko lubusang maisip kung paano niya ako nasundan kanina sa gubat.
"Binibisita ka para alamin kung maayos na ang pakiramdam mo pero halatang maayos na ang pakiramdam mo dahil kung saan-saan ka na nagpupunta." Nahalata ko sa boses niya ang medyo pagka-irita, sasagutin ko sana siya ng marinig ko ang pagtawag sa akin ni Tatay.
"Cahya, andyan ka lang pala," agad na lumapit sa amin si Tatay.
"Tay kanina pa kita hinahanap." Sambit ko. "Naku ikaw talaga, kanina pa ako dito sa labas, Ikaw itong nagwawala bigla. Mabuti na lang nandito ang iyong guro. Tara na sa loob para makakain." Nakangiting sambit ni Tatay habang nakangiti lang na nakatingin sa amin si Mr Alterio.
"Mauna na po pala ako, kinamusta ko lang po ang kondisyon ni Cahya." Nakangiting sambit ni Mr Alterio kay Tatay.
"Hindi hijo, pasok ka na muna sa bahay at kumain. Masarap ang ulam ngayon." Pamimilit ni Tatay kaya wala ng nagawa si Mr Alterio kundi sumunod papasok ng bahay habang napapakamot na lang sa ulo.