"O ba't andito ka pa sa labas?" Napalingon ako ng marinig kong magsalita si Tatay.
"Hindi pa kasi ako dinadalaw ng antok, 'Tay," sambit ko. Tumabi naman si Tatay sa upuan ko. Nasa labas kasi kami ngayon. Medyo madilim na dtio sa labas kasi mag aalas onse na ng gabi, mabuti na lang at may ilaw naman dito sa labas kaya hindi ako natatakot na mag-isa.
"Sabi ko na nga ba, ito inumin mo anak." Nakangiting sabi ni Tatay sabay abot sa akin ng mainit na gatas. Kahit malaki na ako ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ni Tatay ang ginagawa niya sa akin noong bata pa ako. Pag hindi ako nakakatulog ay nagrerequest ako noon kay Tatay ng mainit na gatas, nakakatulong kasi sa akin para antukin.
"Salamat, 'Tay." Kinuha ko naman ang gatas at nilagay muna ito sa tabi ko. "Kayo po bakit gising pa?" tanong ko. Kanina pa kasi pumasok sa kwarto nila si Nanay para matuog, siguro napagod si Nanay sa paghahanda ng mga lulutuin at kakainin bukas.
"Papasok na dapat ako sa kwarto ng mapansin kong may ilaw pa dito sa labas. Naisip kita kaya naghanda muna ako ng mainit na gatas." Nakangiting sambit ni Tatay. Hindi na ako nagsalita at ganoon din si Tatay, nakatingin lang kaming dalawa sa kalangitan.
"Malapit ka na magkolehiyo, may naiisip ka na bang kurso? Kahit ano pa 'yan ay susuportahan kami namin ng Nanay mo." Napatingin naman ako kay Tatay dahil sa sinabi niya. Agad akong napangiti dahil hindi ko inaasahan na tatanungin niya ako tungkol sa kursong kukunin ko sa kolehiyo,
"Salamat po, 'Tay. Pero sa totoo lang po ay wala pa akong naiisip na gustong kunin sa college. Wag kayong mag-aalala Tatay dahil hindi niyo proproblemahin ang pang tuition fee ko." Nakita ko ang malaking pagngiti ni Tatay sa akin at hinaplos ang buhok ko.
"Oo nga pala, bukod sa napakaganda ng anak ko ay napakatalino din pala," Nagmamalaki niyang sabi sa akin.
"Binola pa ako ni Tatay," natatawa ko namang sambit habang humihigop ng gatas.
"Anak, matanong ko lang. Ikaw ba'y may napupusuan ng lalaki?" Biglang tanong ni Tatay habang nakangiti pa din, pakiramdam ko ay namula ang mga pisngi ko.
"Naku, aba'y meron nga. Pulang-pula ang pisngi mo," pang-aasar ni Tatay na sa akin.
"Crush lang iyon, 'Tay. Paghanga kumbaga," pagrarason ko naman.
"Wala namang problema iyon sa amin ng Nanay mo dahil buo ang tiwala namin sa iyo. Naku dalagang-dalaga na ang baby namin," Masuyong sabi ni Tatay sabay halik sa noo ko. "Happy birthday, Cahya. Mahal na mahal ka namin ng Nanay at kuya mo."
"Thank you po, 'Tay. Mahal na mahal ko din kayo." Naluluha kong sabi kay Tatay.
"O s'ya, tao'y pumasok na sa loob dahil anong oras na. Anak, matulog ka na din kasi kaarawan mo bukas kaya dapat fresh ka." Natawa naman ako kay Tatay ng banggitin niya na dapat daw fresh ako sa kaarawan ko. Tumayo na ako at ganoon din si Tatay, naglakad na kami papasok sa bahay ng bigla akong mapalingon sa kakahuyan.
"O bakit?" Tanong ni Tatay dahil napansin niyang nakatingin ako sa kakahuyan.
"Wala 'Tay. Tara na po." Turan ko at sabay lakad papasok ng bahay. Pakiramdam ko kasi may nakatingin sa akin kanina pero guni-guni ko lang ata.
PINILIT KONG makatulog kaya kahit hindi talaga ako inaantok ay pinikit ko ang aking mga mata. Di kalaunan ay naglakbay na naman ako sa kadiliman at nahanap ko na naman ang sarili kong nasa isang panaginip.
Sinipat ko ang paligid at napanganga ako dahil nandito na naman ako sa lugar napanaginipan ko no'ng nakaraang araw. Nakatayo na naman ako sa dulo ng bangin habang nakatingin sa sobrang gandang tanawin sa harapan ko. Walang nagbago sa paligid katulad ng panaginip ko noon, nagkikislapang mga puno at ang ilog na nagkukulay bahaghari na tubig dahil sa sinag ng araw.
Medyo lumayo ako sa bangin dahil baka matulad na naman ako sa nangyari sa panaginip ko na nahulog. Pero posible pa lang bumalik ka sa sariling mong panaginip at naalala mo pa rin ang lugar na parang totoo talagang nangyari at hindi lang isang panaginip.
Lumingon ako dahil naramdaman ko na may nagmamasaid sa akin ngunit puro kakahuyan lang ang naririnig ko at mga huni ng ibon. Humakbang ako habang nakatingin sa kagubatan, isang parte ng utak ko ay sinasabing wag akong pumasok sa gubat dahil may hindi ako magandang nararamdaman pero may isang parte sa akin na gusto makita ang loob ng kagutan.
Hindi ko na napigilan ang sarili at naglakad na ako papaosk sa kagubatan, dahil panaginip lang naman ito ay malakas ang loob ko na magdiskubre sa paligid. Hindi ko mapigilang mamangha sa mga nakikita, hindi masukat ang kagubatan, sa katunayan nga ay marami akong nakikitang iba't ibang mga puno na may iba't ibang bunga.
Isang puno pero may iba't-ibang bunga? Possible talaga ang lahat basta panaginip lang. Napailing na lang ako. Ang kinakataka ko lang ay alam kong nasa panaginip ako pero hindi ako nagigising, napailing na lang ako habang patuloy na humahanga sa magagadang bulaklak.
Hindi ko napansin na nagiging masukal na ang daanan sa kagubatan at padilim na ng padilim ang paligid dahil natatabunan na ng mga dahon ng mga puno ang araw. Napatigil ako sa paglalakad at inikot ko ang paningin ko. Hindi ko na alam kung saan ako lalabas dahil parang pare-pareho lang ang mga kahoy sa paligid, hindi ko na alam kung saan ang dinaanan ko kanina.
Muli ko na namang naramdaman na may nakamasid sa akin di kalayuan pero wala naman akong makita, tumatayo ang balahibo ko at bumibilis ang t***k ng puso ko.
"Sino iyan?" Di ko mapigilang salita,
Bakit ba ako natatakot e panaginip lang ito? Pero hindi ko pa rin mapigilan ang kabahan ngayon lalo na't hindi pa din ako nagigising sa panaginip ko na ito.
Bakit parang ang tagal ng panaginip ko?
Lalo akong kinabahan dahil hindi pa din ako nagigising sa panaginip ko. Paano kung binabangungot na pala ako at hindi na magising. Jusko po.
Humakbang ako at napagdesisyunan na hanapin ang papalabas ng kagubatan na ito. Kailangan kong lakasan ang loob ko dahil walang mangyayari sa akin kung magpapatalo lang ako sa takot. Kaya kahit na nabibingi na ako sa lakas ng t***k ng puso ko ay hinawi ko ang isang sanga ng kahoy para makadaan.
Pero laking gulat ko ng hawakan ko ang sanga ay may humawak naman sa braso ko. Napatingin ako sa isang kamay na nakahawak sa akin, parang mawawalan ako ng malay ng makita ko ang balat ng nakahawak sa akin.
Ito'y naagnas na at ang ilang daliri ng nakahawak sa akin ay kita na ang buto, may masamang amoy din akong nalalanghap. Unti-unti kong itinaas ang tingin ko at tumingila para makita ang nasa harapan ko ngayon.
"Ahhhh." Sigaw ko habang nakatingin sa hindi ko malamang nilalang, mahaba ang maitim nitong buhok habang ang mukha nito ay naagnas na din. Kulang na lang mahulog ang mga malalaki nitong mata na titig na titig sa akin. Pumuporma ang ngiti sa labi ng nilalang habang tumutulo ng laway sa gilid ng maiitim nitong labi.
Pilit kong hinihila ang braso ko sa nilalang ngunit lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak. Ramdam ko ang hapdi sa aking kamay na para bang nasusunog ang balat ko. Unti-unti lumalapit ang nilalang sa akin na para bang kakainin ako ng buhay.
Nagsisigaw pa din ako pero alam kong walang nakakarinig sa akin dahil nasa sarili ko akong panaginip. Jusko po, sana magising na ako sa panaginip na ito.
Sinara ko ang mga mata ko ng sobrang lapit na ng mukha ng nilalang sa akin pero bago pa tuluyang makalapit sa akin ng nilalang ay biglang nasunog ang nilalang sa harap ko habang sumisigaw sa isang lenggwahe na hindi ko maintindihan hanggang sa naging isang abo na lang ito.
Napasinghap ako habang nakatingin sa abo sa harapan ko. Agad akong lumingon sa kaliwa ko dahil naramdaman ko ang presensya ng isa pang nilalang ngayon na siyang nagligtas sa akin. Hinanda ko na ang sraili ko sa makikita ko.
"Mr. Alterio?" Buong lito kong sambit. Hindi ko alam kung paano gumagana ang panaginip ko para siya ang nagligtas sa akin. Ang galing naman dahil siya talaga ang tumulong sa akin pati sa panaginip ko.
Nakatitig ako sa kabuuan niya, napanganga ako habang nakatingin ngayon sa pustura niya dahil ibang iba ang suot niya sa sinusuot niya sa eskwelahan. Ang suot niya ngayon ay isang itim na coat at black pants na terno, Ang coat niya ay may may disensyo na kulay ginto sa mga gilid iyong napapnood ko na mga suot ng mga prinsepe sa mga drama. Sumatotal ay sobra niyang pogi ngayon.
"What are you doing here?" Puno ng pagtataka ang mukha niya na may halong pag-alala.
"Ikaw, anong ginagawa mo sa panaginip ko? Infairness, Sir, ang pogi mo ng sobra sa panaginip ko." Di ko mapigilang sambit habang nakangiti at nakatitig pa din. Tutal panaginip lang ito ay okay lang maging vocal ako.
Kailangan kong imemorya sa isipan ko ang imahe niyang ganito. Mahirap na, dahil sa panaginip lang ito nag-eexist.
Ang mukha niyang puno ng pag-alala ngayon ay nakangiti na habang nakatingin sa akin habang umiling-iling n aparang natatawa sa sinabi ko.
Mabuti na lang talaga panaginip ito kundi nakakahiya talaga.