"Hoy Cahya, sabi mo pakokopyahin mo ako sa assignment natin." Napatingin ako sa kaibigan kong si Sabrina na may pagkabalahura magsalita.
"Ang demanding naman po." Natatawa kong sabi sa kanya habang inaabot ang assignment ko. Nasa canteen kaming dalawa ngayon at habang kumakain ay todo naman ang kopya ni Sab sa assignment ko.
"Nakakaloka ka naman, bakit kasi di mo sinagutan 'yan kagabi?" Napailing ako habang patuloy na sumusubo sa binili kong pancit canton na pinaluto ko pa sa taga-canteen, kaya imbes na sampung piso ang bayaran ko ay naging bente pesos.
Hindi ako pinansin ni Sab at patuloy lang ang pagkopya dahil gahol na siya sa oras. Ipapasa na kasi sa sunod naming klase ang assignment na ito kaya kailangan niya talaga matapos agad.
"Ikaw lang ata ang makakasagot nito sa hirap," nakakunot ang noo niyang sabi sa akin, ilang minuto pa ay natapos din ang pagkopya niya sa mga sagot ko.
"Madali lang naman iyan kung nakikinig ka sa turo ni Ms. Cabales." Turan ko sa kanya, binigyan lang ako ng tingin ni Sab na parang hindi makapaniwala sa sinasabi ko.
"Hay nako Cahya, napapa-sana all na ako sa iyo." Napailing na lang ako habang si Sab ay sumusubo sa spaghetti na kanina pa natengga sa plato niya.
"Madali lang naman kasi ang algebra, diba nagpresenta na akong turuan ka pero ikaw naman 'tong umaayaw." Natatawa kong sambit sa kanya, kinuha ko na ang notebook ko at inayos ang gamit ko ngayon.
"Ayoko, hindi ko kayang intindihin iyan." Mabilis na tanggi ni Sab sa akin, na kinatawa ko lalo dahil biglang umaasim ang mukha niya.
"Bahala ka nga."
"Alam mo sis, pag nag dise-otso ka na ipapasali kita sa Miss Universe tapos ako manager mo para magkapera tayo." Napaikot na lang ang mga mata ko sa sinabi ni Sab. Parang nakikita ko sa mga mata niya ang money sign. Mukhang pera lang ang gaga.
"Ayan ka na naman, tigilan mo ako sa kalokohan mo, Sab." Sambit ko sabay tusok sa hotdog na nakahalo sa spaghetti na kinakain ni Sab.
"Sino bang nanloloko rito? Seryoso ako, ang puti ng kutis mo, napaka-ganda mo, ang ganda ng berde mong mga mata, napakatangos ng ilong mo, pulang-pula ang labi mo at ang flawless ng mukha mo na nagmumukha kang nag-apply ng make up kahit hindi naman. Tapos ang tangkad mo pa na hindi ka mukhang dise-sais anyos. Halos lahat ata nakuha mo na ng magbigay ang diyos ng blessings kasi napakatalino mo din. Pwede bang pa-ambon dyan ng katalinuhan kahit mga twenty percent lang? wag na iyong ganda kasi meron na ako niyan." Binatukan ko ng mahina ang ulo niya kaya napa-aww si Sab.
Sanay na ako sa mga naririnig ko mula sa ibang tao, lumaki akong parating nakakarinig ng mga papuri pero hindi ko naman pinaniniwalaan dahil para sa akin normal lang ang panlabas ko na anyo. Siguro sa ibang tao naiiba ako dahil berde ang mga mata ko at maputi ako kumpara sa kanila.
"Ang drama, di naman malakas e." Natatawa kong sambit. Inipon ko ang kulot kong buhok at tinirintas para hindi magmukhang sabog ang buhok ko. Gustong-gusto ko ang buhok ko na nagmumukhang alon sa aking likuran, hindi kasi ito iyong klase ng kulot na maliliit kundi iyong klase ng kulot na parang pinagawa sa salon. Kaso minsan naiinitan ako kasi ang haba na ng buhok ko, napupuno ng pawis ang likuran ko ngayon.
"Ayan na naman sila, naglalaway sayo." Napatingin naman ako sa tinitignan ni Sab sa bandang kaliwa namin. Nakatingin pala ngayon sa amin ang isang grupo ng mga lalaking panay ang ngiti at kindat sa direksyon namin.
Napabuntong hinga ako at binalik na lang kay Sab ang tingin, wala talaga akong interes sa mga lalaki. Lalo na iyong mga kalalakihan dito sa paaralan, na wala ng ginawa kundi ang magpapansin at ipilit ang mga sarili sa akin. Marami na kasi akong naranasan na hindi kanais-nais dahil sa mga lalaking ganoon ang pag-uugali.
"Tara na nga, ayoko na dito." Tumayo na ako at kinuha ang bag ko.
"Sige, tambay na lang tayo sa classroom," sagot naman ni Sab na kinuha na din ang bag niya.
Mas mabuting maaga kami kasi nasa kaibang building pa ang susunod naming klase, ang pinaka-ayoko ay ang ma-late sa klase.
"Ano pa lang plano mo sa kaarawan mo? dise-syete ka na sa sunod na dalawang linggo." Tanong ni Sab sa akin habang naglalakad na kami sa hallway.
"Ewan ko, sa bahay lang siguro ako." Nagkibit balikat ko na sabi, noong nakaraang taon kasi nagpunta kami sa beach para sa kaarawan ko. Pero ngayon parang ayokong magcelebrate, gusto ko sa bahay lang ako.
Bigla kong naramdaman ang pag-ikot ng mundo, muntik na akong matumba kung hindi lang ako mabilis na nakahawak sa pader bilang suporta.
"Cahya, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong sa akin ni Sab na agad akong tinulungan na tumayo ng maayos.
"Oo, ayos lang ako." Napahawak ako sa ulo ko, maya-maya lang ay naramdaman ko ang medyo pag-ayos ng pakiramdam ko.
Nagsisimula na naman akong makaramdam ng ganito. Kada taon na lang kasi bago sumapit ang kaarawan ko ay nahihimatay ako o kaya nagkakasakit. Hindi ko alam bakit ganito ang nagyayari sa akin, pero nasanay na lang ako kasi kahit ipatingin namin sa doktor ay pare-pareho lang ang sasabihin nila, na napagod lang ako or normal na lagnat lang ang meron ako.
Pag-malapit na idaos ang kaarawan ko ay pakiramdam ko may malala akong sakit. Pero pagkatapos ng kaarawan ko ay agad na balik sa normal ang lahat.
Sa loob ng isang taon, nabibilang ko lang sa kamay ko kung ilang beses ako nagkakasakit, iyon ay pag malapit lang sumapit ang kaarawan ko. Maliban sa mga araw na iyon ay di na ako dinadapuan ng ano mang sakit, kahit simpleng sipon.
Tinuwid ko ang sarili para muling mag lakad ng bigla ko na namang naramdaman ang pag ikot ng mundo ko. Agad naman humawak sa mga braso ko si Sab na ngayon ay puno ng pag-aalala sa akin.
"I feel sick." Mahina kong sambit ng mapaupo ako sa lapag. Napahawak ako sa ulo ko ng lalong sumakit ang ulo ko, lalong lumala ang pagkahilo ko. Hindi ko na maintindihan ang mga sinasabi ni Sab dahil pakiramdam ko ay hahandusay na ako sa sahig.
"Cahya, dadalhin kita sa infirmatory." Pumapasok lang sa tenga ko ang mga sinasabi ni Sab ngunit nawawala na talaga ang ulirat ko.
"Let me help you." Tumingala ako pero hindi ko na makita ng maayos ang taong nag-presentang tumulong dahil ang paningin ko ay umiikot at nagiging blurred ang paningin ko. Ang tanging pumapasok sa utak ko bukod sa nararamdamang sakit ay ang mga mata nitong kulay asul na kasing kulay ng dagat.
Hindi na siguro nakayanan ng katawan ko ang sakit na nararamdaman dahil tuluyan na akong nilamon ng dilim, nahimatay ako gitna ng daanan sa hallway namin.
LUMULUTANG PA rin ang pakiramdam ko ng unti-unting bumuka ang mga mata ko at nakita muli ang mga asul na matang nakita ko kanina. Dahil sa medyo nahihilo pa rin ako ay hindi ko makita ng maayos ang mukha ng taong nasa harapan ko.
"Sleep, Cahya." Para naman akong nahipotismo sa mga salita niya dahil agad na sumara ang mga mata ko at muli akong naglakbay sa kadiliman.