"Sigurado ka bang maayos na ang pakiramdam mo?" Tanong sa akin ni Sab ng pang-ilang beses. Paulit-ulit kasi niya akong tinanong kanina pa ng maabutan niya akong naglalakad sa daan papunta sa paaralan namin. Mga sampung minutong lakad lang kasi ang layo ng bahay namin sa paaralan kaya mas pinipili kong maglakad na lang dahil sayang sa pamasahe. Habang ang bahay ni Sab ay medyo malayo kaya kailangan niyang mag-traysikel araw-araw.
"Ayos lang ako, Sab." Nakangiti kong sagot sa kanya para paniwalaan niya akong maayos na ako.
Hindi kasi ako pumasok kahapon sa klase, pinayagan akong lumiban muna ng isang araw para magpahinga at magpalakas dahil mabilis na kumalat sa campus namin ang nangyaring pagkawala ko ng malay sa gitna ng hallway. Kahit sinabihan ko na ang homeroom teacher namin na maayos na ako ay pinilit niya pa rin ako dahil mas maganda daw na buo ang enerhiya ko.
"Siguraduhin mo lang talaga, pinag-alala mo ako ng sobra." Pagalit na turan niya sabay pinagkrus ang mga braso.
"Dapat nga papasok ako kahapon kaya lang tumawag pa si Mr Cortes kay Nanay at Tatay. Alam mo naman sila pagdating sa akin, grabe mag-alala kaya di talaga ako pinayagan pumasok." Napabuntonghinga na lang ako.
Ang pinaka-ayoko kasi sa lahat ay magkaroon ng absent sa klase, ayokong nahuhuli ako sa mga leksyon. Mabuti na lang talaga nakapag-advance reading na ako kaya maiintindihan ko kung anong susunod na leksyon.
"Ano ba 'yan nag-alala ka pa sa klase natin kesa sa kalusugan mo?" Pabulyaw na sabi ni Sab.
Hindi ko na napansin ang sinabi ni Sab dahil pagkapasok namin sa gate ng paaralan ay agad na nagkumpulan ang isang grupo ng mga lalaki sa dadaanan namin.
"Cahya maayos na ba ang pakiramdam mo?"
"Dapat hindi ka muna pumasok."
"Oo nga, dapat nagpahinga ka muna ng isang linggo."
"May iniinom ka bang gamot? Kung wala bilhan kita."
Habang nakatingin ako sa mga lalaking nasa harapan ko ngayon, hindi ko alam paano pero alam ko ang iba sa kanila ay talagang nagmamalasakit sa akin at iyong iba ay wala naman talagang pakialam, nagsasalita lang para may masabi.
Kumunot ang noo ko sa naiisip. Paano ko iyon nalaman?
Bigla akong napalingon sa kanan ko at napatingin sa may kakahuyan ng maramdaman kong may nakatingin sa akin pero wala akong nakitang kahit sino na nandoon. Siguro guniguni ko lang ang iyon.
"Nakakaloka kayo, malamang maayos na pakiramdam ni Cahya. Kaya nga pumasok na siya ngayon at may pambili siya ng gamot, kaya excuse us lang ha." Mataray na sagot ni Sab sabay hila sa kamay ko para maka-alis na kami.
"Kung makapag-alala sila sayo ay akala mo jowa ka nila." Litanya ni Sab na hinihila pa rin ako habang naglalakad. Hinaharang at pina-aalis niya ang mga lalaking nagtatangkang lumapit sa amin.
Alam ni Sab na ayokong ako sentro ng atraksyon ng mga lalaki, at ang pinaka-ayoko sa lahat ay iyong lalapit sila sa akin at pipilitin akong makipag-usap sa kanila.
Dati ay ayos lang sa akin kahit papaano ang pakikipag-usap sa ibang tao kaso maraming nangyari sa aking nauwi sa pangit na alaala, iyong mga lalaking kinakausap ko ay parati na ako sinusundan sa kung saan-saan kahit dito sa paaralan ay sinusundan ako tapos minsan napansin ko pang sinusundan ako hanggang sa pag-uwi sa bahay.
Kaya ngayon maliban sa pamilya ko at kay Sab, hindi na ako masyadong nakikipag-interaksyon sa iba. Ayoko ng maulit ang ganoong pangyayari, kaya kahit sinasabihan ako ng iba na masungit at suplada ay di ko na pinapansin.
Nakahinga na ako ng malalim ng makarating na kami ni Sab sa classroom. Agad akong dumiretso sa upuan ko, nasa pinakaunahang hilera malapit sa bintana. Ayoko kasing maupo sa gitna dahil matangkad ako, maraming nagrereklamo na ka-klase ko.
"Umanga-umaga na stress ako sa mga lalaking iyon. Buti sana kung ang popogi." Naupo na din si Sab sa tabi ko, sinalampak niya ang bag sa upuan at humarap sa akin.
"Ikaw naman kasi! Dapat nagsasalita ka o kaya magalit ka pag-kinukulit ka ng ganoon." Tamango na lang ako ng pinagsabihan ako ni Sab.
Alam ko namang nagmamalasakit lang si Sab sa akin, at nagpapasalamat ako dahil paano na lang ako pagwala siya sa tabi ko.
"Nakita mo ba si Mr. Alterio kanina?"
"Oo, gusto kong mahimatay kanina ng pinulot niya ang librong nahulog ko."
"Sana all."
"Mabuti talaga na siya ang pamalit ni Ms. Cabales. Tapos ang swerte natin kasi siya ang first subject natin."
Napakunot ang noo ko ng marinig ang pinag-uusapan ng mga kaklase ko sa likuran, puro hagikhikan na ang narinig ko kalaunan sa dalawang nag-uusap. Wala na pala si Ms Cabales, sayang at siya pa naman ang gusto kong guro dahil magaling siya magturo ng math.
"Iba na pala ang guro natin sa alegbra?" tanong ko kay Sab, na agad namang napatingin sa akin at ngumiti.
"Ay oo, nakalimutan kong sabihin sayo. Nagresign daw kasi si Ms Cabales kasi ikakasal na ata sa foreigner niyang boyfriend. Mabuti na lang si Mr. Alterio iyong pumalit, napakagaling magturo, napaka-gwapo pa at batang-bata pa." Nakatulala siya ngayon na parang lumulutang ang pag-iisip.
"Parang ngayon ko lang narinig ang pangalan niya. Bagong guro?" tanong ko muli pero tango lang ang sinagot sa akin ni Sab na mukha pa ring lutang.
Panay pangalan ng bagong guro ang naririnig ko ngayon sa mga kaklase kong babae, kaya napailing na ako at hinanda na ang mga gagamitin ko sa algebra kong subject. Ilang minuto na lang ay darating na ang bagong guro namin at makikilala ko na rin siya.
Maya-maya lang ay narinig ko ang pagtili ng isa kong kaklase na nakaupo sa likuran, agad namang may sumaway rito. Napatingin ako sa may pintuan, at doon nakatayo ang isang matangkad na lalaking kulay asul ang mga mata. Napakalinis nitong tignan sa white long sleeves na suot nito na nakatupi sa may braso, ang puti din ng kutis nito. Papasa siyang artista, kung tutuusin nga mas maniniwala pa ako kung sasabihin niyang artista talaga ang trabaho niya at hindi pag tuturo.
Napansin siguro nitong nakatingin ako sa kanya kaya napatingin rin siya sa direksyon ko. Nagkatitigan kami dalawa pero ako ang unang umiwas ng tingin, binalik ko ang tingin sa libro na dapat babasahin ko habang nag-aantay. Parang pinagpapawisan ako ng malamig kaya kinuha ko ang panyo na nasa bulsa ko para punasan ang noo ko.
Umupo na ako ng tuwid ng marinig kong binati nila ng magandang araw ang bago naming guro, hindi ko na pinansin ang medyo pagsama ng pakiramdam ko. Tumingin na ako muli sa harap at napansin kong nakatingin pa rin sa direksyon ko si Mr. Alterio. Napalingon naman ako kay Sab ng tinapik niya ang braso ko at bumulong.
"Nakatingin siya sa direksyon natin, hihimatayin ata ako." Sabi ni Sab na humawak pa sa noo niya na parang hihimatayin talaga. Tinampal ko ang noo niya at natatawang sinaway ang kaartehan niya.
Nakinig ako sa turo ng bago naming guro, sa buong durasyon ng klase ay wala akong masabi kung paano siya magtalakay ng leksyon. Napansin ko rin na buong klase ay focus sa pakikinig sa kanya, ang galing niya pala talaga, mas detalyado ang pagpapaliwanag niya.
"I'll be collecting your assignments now." Bigla akong napatingin kay Sab dahil wala siyang nasabi sa akin tungkol sa assignment na ipapasa ngayon.
"Sorry, nakalimutan kong sabihin sayo." Napakamot naman ng ulo si Sab habang ako ay napabuntong hininga na lang.
Nagsitayuan na ang lahat at ipinasa kay Mr. Alterio ang mga assignment nila. Babawi na lang siguro ako sa susunod.
Mabilis na lumipas ang oras at patapos na ang unang klase namin. Nagsitayuan na ang iba kong kaklase at nagsilabasan para pumunta sa susunod na klase. Naunang umalis si Sab dahil may kakausapin daw siyang kaklase namin tungkol sa project na malapit na namin ipasa sa ibang subject.
"Cahya." Napatigil ako sa paglalakad ng marinig ko ang pagtawag sa pangalan ko ng isang baritonong boses.
Napalingon ako sa direksyon ni Mr. Alterio, naka-upo siya ngayon sa mesa kaya ako na ang lumapit sa kanya. Napansin kong ako na lang pala ang natirang estudyante sa classrom at lahat ay nakaalis na. Napatingin ako ng diretso sa kanya ng maramdaman ko pagbilis ng t***k ng puso ko sa hindi ko alam na kadahilanan.
Huminga ako ng malalim at magsasalita sana ng maunahan niya ako.
"Alam ko ang nangyari sa iyo noong nakaraang araw kaya excused ka muna sa pinapasa kong assignment. Maayos na ba ang pakiramdam mo ngayon?" Halata sa mukha nitong nag-aalala siya sa kondisyon ko, hindi ko alam pero magaan agad ang pakiramdam ko sa bago naming guro.
"Opo, maayos na ang pakiramdam ko."
"Are you sure?" Tanong niya pa sa akin na parang hindi siya naniniwala sa sinabi ko. Maayos ang salita niya sa tagalog pero halata sa boses niya ang accent sa english.
"Opo, mauna na ako Sir." Tumango lang siya sa akin kaya naman ay tumalikod na ako pero bago pa ako makalayo ay nakaramdam ako ng pagkahilo, parang umiikot na naman ang paningin ko. Mabuti na lang nakahawak ako sa isang bagay kundi diretsong bagsak ako sa semento, Tumingala ako at nakita ko si Mr Alterio na nakahawak sa isa kong braso para suportahan ako, hindi pala bagay ang nahawakan ko kundi ang dibdib nito.
"I knew it." Hinawakan niya ang magkabilang braso ko para ipaupo sana sa inuupuan niya kanina ng bigla akong inatake ng sakit ng ulo. Napahawak ako sa kanya at bago ako mawalan ng malay ay kitang-kita ko sa mga asul niyang mata ang awa.