Chapter 1
“Happy birthday, Samantha!”
Lahat na lang ‘yan ang naririnig niya sa mga nakakasalubong. Nagpapasalamat naman siya at nginingitian ang mga bumabati sa kanya.
Siya pala si Samantha Cruz. 18th birthday niya ngayon, at hindi niya inaasahan na malaking party pala ang ibibigay sa kanya ng mga proud parents niya. Hiniling niya sa mga ito na simpleng debut lang, masaya na siya. Pero isang engrandeng debut ang inayos ng mga ito. Hindi na siya nagulat pa. She knows her parents—they always want to get attention.
Sa malawak na bakuran nila ginawa ang engrandeng debut niya. Nakaayos ang buong paligid, blue and pink ang motif. Ang mga balloons, mesa, upuan—lahat ng pwedeng kulayan ng blue at pink—pati ang dalawa niyang gown, pink and blue din. Napilitan pa siyang magsuot ng high heels, sa kauna-unahang pagkakataon. Ayaw na ayaw niyang nagsusuot ng ganoong sapatos. Mas gusto pa niyang isuot ang Keds o Converse, tulad ng lagi niyang isinusuot sa kahit anong okasyon.
Isama pa na inayusan siya, na lalong ikinaiirita niya, dahil pakiramdam niya ang kapal-kapal ng make-up sa mukha niya, lalo na sa mga mata niya. Hindi siya sanay sa ganoong ayos. Pati ang mahaba niyang buhok na tuwid lang, inayusan din—ewan niya, pakiramdam niya ang bigat ng ulo niya. Kanina pa nanakit ang mga paa niya sa suot na high heels. Kanina pa kasi siya sinasayaw ng mga bisita, kasama ang mga kaeskwela at ilang mga kilala sa Bayan ng San Miguel.
Sa Munisipyo ng San Miguel nagtatrabaho ang daddy niya, at isang nurse naman ang mommy niya sa Doña Feliza Hospital. Hindi sila ganoon kayaman, pero pinipilit ng mga magulang niya na maging mayaman at makasabay sa mga mayayamang kapitbahay.
Last year lumipat sila ng bahay sa Tragora Subdivision, isang exclusive subdivision sa San Miguel na pagmamay-ari ng mga Tragora, ang pinakamayaman sa Bayan ng San Miguel. Alam niyang matagal nang pangarap ng mga magulang na makatira sa Tragora Subdivision, kaya naman todo sikap ang mga ito. Hindi naman nabigo ang mga ito, dahil eto na sila—halos mag-iisang taon na silang nakatira sa Tragora Subdivision, kasama ang dalawa niyang kapatid na nasa elementarya at high school.
Habang siya naman, nasa 2nd year college na sa kursong Tourism. Sa San Miguel University sila nag-aaral na tatlo, dahil kahit kapos ang mga magulang niya, pinipilit pa rin ng mga ito na maipasok sila sa pinakamagandang paaralan sa bayan nila. Madalas pa ngang sabihin ng mommy niya na kaya sila doon pinapaaral ay para makipagsalamuha sa mga mayayaman sa bayan nila. Madalas pa ngang pinipilit siya ng mommy niya na mag-ayos at magpaganda sa tuwing papasok sa SMU, para naman daw may mayamang makapansin sa kanya, o di naman kaya ay mapansin siya ni Joshua Tragora, ang nag-iisang tagapagmana ng mga Tragora.
Kilala niya si Joshua. Lahat naman ng mga babae, ito ang pinapangarap, dahil gwapo at mayaman ito. Pero hindi siya umaasa na mapansin nito.
Minsan naiisip niya na parang may mali sa mga ginagawa ng mga magulang niya. Tulad na lang ngayon—ang laking gastos ng debut niya, samantalang alam naman niyang kapos sila sa pera. Para sa kanya, kahit simpleng debut na lang sana, pwede na. Pero para sa mga magulang niya na halos inimbita lahat ng mayayamang kapitbahay, ok lang gumastos nang malaki para sa munting palabas ng mga ito at mapansin ng mga mayayamang kapitbahay.
Bumuntong-hininga siya at naupo sa gilid ng flower box ng mommy niya. Kanina pa siya napapagod sa suot na high heels. Isa pa, naiinis na siyang panoorin ang mga magulang na nagpupumilit na makipagsabayan sa mga bisitang mayayaman.
“Aray!” bulong niya at itinaas ang isang paa. Minasahe niya iyon dahil hindi talaga siya sanay magsuot ng mataas. Kung hindi lang nakabantay ang mommy niya kanina, sigurado, ‘yung puting Keds na sapatos niya ang isusuot. Sa haba naman ng gown niya, hindi naman makikita ng mga ito ang suot na sapatos.
“Anong oras ba matatapos ang party?” tanong pa niya sa sarili habang laylay ang mga balikat, tinatanggal ang sapatos na suot. Lumayo muna siya sa maingay at pang-mayamang birthday party niya dahil masakit na talaga ang mga paa niya.
“Damn.”
Nagulat siya nang may biglang narinig na nagsalita at tila may tumalon mula sa bakod nila. Napalingon siya sa lumikha ng ingay at may naaninag siyang lalaki sa may pader nila. Napatili siya at umagaw ng atensyon sa lalaking tumalon mula sa pader. Sinulyapan lang siya nito, at nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin dito. Wala itong damit pang-itaas at sinasara pa nito ang zipper ng pantalon.
Kasunod noon, isinuot nito ang t-shirt at sinuklay ang buhok nitong nagulo.
“What are you doing?” nanlalaking matang tanong niya sa lalaki, na walang pakialam sa kanya at nagbibihis mismo sa harapan niya. Medyo madilim na kaya hindi niya masyadong nakikita ang hubad na katawan nito. Tumayo siya mula sa pagkakaupo para makita nang mas malapitan ang lalaki.
“Hi, sweetheart,” nakangiting bati nito, at humakbang palapit sa kanya, na nanlalaki pa rin ang mga mata niyang nakatingin sa lalaki.
“Sweetheart?” ulit niya sa tinawag nito sa kanya.
“Sorry ha, naistorbo ba kita?” tanong nito nang makalapit sa kanya. Hindi pinansin ang tanong niya habang panay suklay pa nito sa buhok. Sinulyapan pa nito ang bakod na pinanggalingan nito. Kumunot ang noo niya—kung saan ito galing at bakit wala itong damit.
“Bakit ka tumalon sa bakod?” tanong niya rito.
Mula sa malilim na ilaw, napagmasdan niyang mabuti ang lalaki. Matangkad ito, may pagka-chinito o sadyang maliit lang talaga ang mga mata nito. Nakakunot pa ang noo nito, matangos ang ilong at tamang kapal ng mga labi. Napasinghap pa siya nang tuluyang makilala ang kaharap. Estudyante ito sa SMU—hindi lang niya alam kung anong kurso o year na ito. Basta alam niya, madalas itong kasama ni Joshua Tragora. At kung hindi siya nagkakamali, ito si Sean Monteverde.
Isa sa notorious sa SMU dahil sa mga bali-balitang halos naka-date na nito ang halos kalahati ng mga estudyante sa SMU. Wala daw itong patawad—kahit high school, pinapatulan daw nito basta babae’t maganda.
“Long story, sweetheart,” sagot nito, sabay kamot pa sa batok. Tiningnan siya nito at para bang noon lang siya nito napansin na naka-gown pala siya. Lumalim ang kunot nito sa noo habang nakatingin sa kanya.
“Bakit?” iritang tanong niya rito at nagtaas pa ng kilay.
“Well, I thought I knew you. I guess I was wrong,” sagot nito, habang hawak-hawak pa nito ang ibabang labi. Sumimangot lang siya rito. Hindi na niya kailangan magpakilala pa rito. Isa pa, sigurado naman siya na sa Lunes hindi na siya nito makikilala kung magkasalubong man sila sa campus. Dahil iba ang itsura niya ngayong gabi. Hindi ito ang tunay niyang anyo. Malayo ito sa totoo niyang itsura.
“Your birthday?” tanong nito, at nilingon ang maliwanag na ilaw sa di kalayuan. At muling binalik sa kanya ang mga mata.
Wala sa loob na tumango siya at pinagsalikop ang mga kamay sa may dibdib. Gusto niyang itanong dito ulit kung bakit ito tumalon mula sa bakod nila, bakit wala itong damit, kung saan ito nanggaling, at anong nangyari rito.
“I see. Happy birthday, sweetheart,” bati nito sa kanya.
Nagulat siya nang hawakan siya nito sa mukha, at walang sabi-sabing hinalikan siya nito sa mga labi—saglit lang iyon. Tamang naramdaman lang niya ang mga labi nito sa mga labi niya. Nanlalaki ang mga mata niya sa gulat at pagkabigla. Nang bitawan na siya nito, natulala siya at hindi makapagsalita. Nanatili lang siyang nakatingin dito.
“Bye, Samantha,” paalam nito at tumakbo na palayo sa kanya.