“Hi Maria, Hi Mary” masayang bungad ni Karylle. Naabutan niya ang mga ito sa kusina na naghahanda ng hapunan.
“Hi mam Karylle, musta po?” bati ni Maria.
“Grabe naman wag mo na ako tawagin mam, Karylle na lang.” aniya sabay tingin sa niluluto ng mga ito.
“Nakakahiya naman po if Karylle lang.” ani Mary.
“Naku wag ka na mahiya pareho lang naman tayong mga empleyado dito.” Umupo siya at tinabihan si Mary na kasalukuyang naghihiwa ng mga gulay. Mukhang nagulat sila dahil akala kasi ng mga ito ay kamag-anak siya ng amo nila or kakilala.
“Talaga K-Karylle empleyado ka din akala kasi namin pamangkin ka ni senyora.” manghang tanong ni Maria.
“Oo kaya wag na kayo mailang sa akin, friends na tayo simula ngayon ah.” Nakangiting sabi niya sa dalawa, ginantihan naman siya ng mga ito ng isang malaking ngiti din.
“Salamat ang bait mo pala talaga. Kala kasi namin talaga kamag-anak ka nila kasi Nanay tawag mo kay senyora” si Mary.
Naghanap naman ng magagawa si Karylle “ Tulungan ko na kayo ah para mabilis.” Hindi naman na tumanggi ang mga ito sa alok niya, since hindi na siya pinabalik sa resort ay umuwi na siya. Magkita na lang daw sila dito ng Nanay Rosario niya.
“Ano ba ang lulutuin niyo.?”
“Kare-kare, darating kasi yung anak ni senyora dito daw maghahapunan. Ito ang binilin na lutuin” sagot ni Maria na kasalukuyang hinihiwa ang karne ng pata.
“Talaga alam ko yan lutuin hindi mo naiitanong mahilig ako magluto, pwede ba ako na lang ang magluto? Saka pati yung bagoong?” naexcite naman siya bigla, isa din kasi ito sa mga paborito ni Yael ang kare-kare. Kahit naman papaano ay kumakain naman ito ng mga luto niya noon kahit hindi pinapahalata na nasarapan ito, lagi lang nitong sasabihin na hindi niya gusto pero pag ito ang niluto niya ang dami niyang kinakain. Bigla naman siya nalungkot at natulala na lang.
“Oh bakit ka umiiyak Karylle?” gulat na tanong ni Maria, hindi niya naalala nagbabalat siya ng sibuyas ngayon.
“Bwiset kasi tong sibuyas na to ang hilig magpa-iyak. Parang mga lalaki eh. Hehe” pagbibiro niya, natawa naman ang dalawa. Hindi naman talaga siya naiiyak sa sibuyas naalala lang niya si Yael. Ang mga panahon na magkasabay sila kumain, ang mga moments nila na tinititigan niya lang ito at busog na siya.
“Maloko din yang sibuyas ano? Binabalatan pa lang pinapaiyak ka na.” puna ni Mary at pagak na natawa.
Natawa na lang siya, dahil grabe na ang iyak niya talaga ngayon ang lakas pa rin makasad moments ng alaala ni Yael. Talaga naman ang lakas ng tulo ng uhog niya at ang dami na niyang luha, binigyan siya agad ng tissue ni Maria. Suminga naman siya ng napakalakas at pinahid ang mga luha.
“Naku ako na nga diyan Karylle nakakaloka ka daig mo pa ang namatayan.” Seryosong sabi ni Mary.
“Sige ikaw na nga diyan inaaway ako ng sibuyas.” Kinuha na ni Mary ang sibuyas, pinagbalinggan na lang ni Karylle ang sitaw at pechay.
“Bakit ako hindi naman naiiyak?” Ani Maria sabay tingin kay Karylle. She just smile pero hindi pa rin mapigilan ang unting luha na tumutulo sa mga mata niya. Imahe pa din kasi ni Yael ang nakikita niya ngayon.
“So pati ang sitaw nakakaiyak? Yung totoo?” puna ulit nito.
“Pwede bang hindi pa ako nakaka-moveon?” seryosong sabi niya. Sabay silay ng isang mapait na ngiti.
“Aba may pinaghuhugutan ka girl?” humahalakhak na sabi ni Mary.
Nakitawa na din siya. “Hoy tsismis yan, wag mo ako gawan ng tsismis hehehe.”
Mukhang makakasundo din niya ang dalawang kasambahay ni Nanay Rosario, bihira ang mga friends niyang mga babae puro lalaki talaga kaya pag may nakagaanan na siya ng loob na katulad nila ay talaga naman na feeling close na sila. Iniba na lang niya ang usapan para hindi na siya mahalata ng mga ito.
Nagpumilit si Karylle na siya na lang ang magluluto ng Kare-kare, nagsimula na siyang magluto at magprepare ng ingredients sa gagawin niyang bagoong.
“Sit back ang relax lang kayo diyan mga girls. Ako na muna ang reyna ng kusina okay?” pinaupo niya ang mga ito at binuksan naman ng mga ito ang tv.
“Sakto last day na ng koreanovela na pinapanood namin. Sure ka kaya mo na yan ah.” Pagsisiguro na tanong ni Mary.
“Oo trust me I can manage, kayo ang unang makakatikim after nitong maluto.” Nakangising sabi niya.
Malambot na ang pata, kumuha siya ng kawali at nagsimula na mag-gisa ng sibuyas at bawang pagkatapos ay nilagay na niya ang pata dito at sinala ang sabaw ng pinakuluan. Nilagyan na niya ng pork cubes, peanut butter, giniling na mani at ang atsuete. Nilagyan ng kaunting patis at pinakulo hanggang lumapot ng kaunti.
“Ang bango ah” sisinghot-singhot pa na sabi ni Maria.
Sa kabilang kalan ay kumuha na din siya ng maliit na kawali para sa bagoong. Pinaiinit ito at sinimulan ng mag-gisa ng sibuyas, kamatis, bawang at kaunting luya.
“Teka yung manok pala na binabad ko i-turbo ko pa pala.” Naalala ni Mary, tumayo ito at kinuha ang manok sa ref.
Nilagay na ni Karylle ang bagoong at sinangkutsa ito, nilagyan ng brown sugar at unting suka. Hindi napigilan lumapit ni Maria sa tabi niya.
“Grabe ang sarap ng amoy, teka papakuha ako kay Manong Tinio ng hilaw na mangga. Masarap yan diyan.” Lumabas ito at hinanap ang hardinero nila.
“Sige damihan mo para papakin natin mamaya.” Suhestiyon ni Karylle.
Nilagay na niya ang mga gulay at pinakulo ng ilan pang minuto. Pati ang bagoong ay tapos na.
Nagtext na din si Nanay Rosario kina Maria at pauwi na daw ang mga ito.
“Sige akyat muna ako maliligo lang ako amoy bagoong na ako eh.” Paalam niya sa dalawa na kasalukuyang nag-aayos ng mesa at nagbabalat ng mangga.
Pagdating sa kwarto niya ay kinuha niya ang bag na binigay sa kanya ni Nanay Rosario at inayos ang mga natapos niyang kuhain kanina, may NBI na siya at postal id hihintayin na lang niya ang kapalit ng atm niya at mabuti na lang ay hindi niya ito winidraw lahat noong nakaraan kaya may natira pa siyang pera. Naisipan niya kasi na uupa na lang siya ng bahay malapit sa resort nakakahiya kasi sa Nanay Rosario niya na makitira pa dito.
Naligo na siya at hindi namalayan ang oras dahil may mga panahon na tulala na naman siya at malalim ang iniisip. Paglabas niya ng kwarto ay agad niyang hinanap ang binili na notebook, nawala kasi ang diary niya kasama ng bag na nanakaw. Hindi kasi siya sanay na hindi nagsusulat ng mga naranasan niya for whole day. She will start all over again nga lang ngayon.
Namili muna siya ng susuotin, napili niya ang isang Capri pants na black at sleeveless na white. Pinatuyo ang buhok at itinali ulit. Umupo na siya at nagsimulang magsulat.
Day 2 of being away from him, naging masaklap man ang araw ko kahapon I have naman Nanay Rosario to the rescue. I’m so thankful that she was there to help me. Meron nga lang malas na naman ako nakabangga kanina nakapaka-antipatikong living thing. Ewan ko kung tao ba yun mukha kasing bakulaw, hindi ako maka-moveon kasi sinabihan niya akong engot. Siya na nga itong nakabunggo ng super lakas siya pa ang galit. But I’m still thankful coz I think I will end my day good kasi nakakuha na ako ng requirements ko.
Naudlot naman ang pagsusulat niya ng may kumatok. Pinagbuksan niya ito kaagad.
“Karylle tinatawag ka na ni senyora kakain na daw.” bungad ni Mary pagbukas pa lang ng pintuan.
“O sige susunod na ako, ano nga ba ang date natin ngayon muna? Wala kasing kalendaryo dito.” Tanong niya.
“January 21” mabilis n sagot nito, automatiko naman na lumaylay ang balikat niya at nalungkot.
“Sige salamat susunod na ako.” Mahinang sabi niya, umalis na si Mary pero nagtaka ito bakit biglang nagiba ang itsura ni Karylle sinagot lang naman niya tanong nito.
Sinara niya ang pinto at kinuha ulit ang notebook niya at nilagyan ng date ito sa taas ng pahina. Pinagpatuloy na niya ang pagsusulat.
1st year wedding anniversary namin ngayon. Ang sakit, diba dapat magkasama kami ngayon nagde-date, bibigyan niya ako ng flowers dadalhin sa isang romantic na restaurant. Pero wala puro ilusyon ko lang yun. I think it will never ever happen, pwede pa siguro sa panaginip ko.
Kahit anong pilit niya na iwasan maging malungkot, sariwa pa rin talaga ang sakit na nararamdaman niya. Pigilan man niyang wag maging emosyonal, she really can’t. Sana may gamot na lang na naimbento para maturuan makalimot ang puso at utak. Pinipilit niyang matapos ang pag-iyak dahil nakakahiya na sa Nanay Rosario niya na nanghihintay sa kanya. Tinanggal niya ang salamin at pinahid lahat ng bakas ng luha niya, itinago ang notebook at lumabas na siya papuntang dining room.
Malapit na siya sa dining room at nakikita na niya ang mahabang lamesa, hindi lang isa ang kasama ng Nanay Rosario niya sa lamesa kundi tatlo, mukhang nakita na siya ng mga ito at sabay-sabay itong ngumiti sa kanya.
“Tita ayan na ba ang merlat?” bulong ni Archie.
Tumingin naman sa kanan si Nanay Rosario at nakitang naglalakad na papalapit si Karylle. Isa-isa naman pinapasok nila Mary at Maria ang mga pagkain para ilagay sa hapag-kainan.
“Hi anak” magiliw na bati nito tumayo pa ito para ibeso-beso si Karylle.
“Hi Nanay kamusta po araw niyo.?”
“Mabuti naman busy ako sa paghahanap ng sekretarya ng magaling kong anak.” Nakangiting sagot nito.
“By the way iha ito ang mga kaibigan ng anak ko si Archie, Buern at Aaron.” Inisa-isa siyang ipinakilala sa mga ito. Malalamya ang mga ito kumilos mukhang lahat ito ay binabae. Tumayo sila isa’t isa at nakipagbeso-beso sa kanya.
“Hi gelay.” Si Buern
“Halo girl.” Bati naman ni Aaron.
“Mustasa kalabasa?” si Archie
“Hi ayos lang naman. Hello sa inyo.” aniya at nginitian ang tatlo.
Pinaupo siya ng Nanay Rosario niya sa pangalawang bakanteng upuan sa kanan.
“Ang tagal naman ni meme mukhang masarap tong lafang.” Sabi ni Buern habang inaamoy ang bagoong.
“Naligo ang lola mo, nanlilimahid na daw kasi siya.” Si Aaron.
“Oh ayan na umaalingasaw na eh.” Turo ni Archie sa parating.
“Anak andito ka na pala.” Tumayo ulit ito at lumapit kay Karylle.
“Hindi ma aparisyon ko lang to” nakangising sagot nito.
“I want you to meet Karylle. She’s the one I’m talking about awhile ago ang papalit kay Melai sa pang-umagang shift sa reception area.” Pagpapakilala nito kay Karylle, tumayo siya at humarap sa pwesto ng anak ni Nanay Rosario.
“Ohhhhhhh the engotera girl.” Banat ni Vice, kumunot naman kaagad ang noo ni Karylle.
“Vice” suway nito. “Karylle he’s my only child Josemarie.” Pagpapakilala nito.
“I think nakita ko na siya kanina Nanay.” Pinilit na ngumiti ni Karylle kahit tumaas na ang dugo niya sa ulo niya sa inis.
“Yes naman siya lang naman ang lalampa-lampa na engot kanina sa resort Ma, muntik pang masira ang cellphone ko dahil sa kanya.” Irap na sabi ni Vice at umupo na.
“Vice watch your words.” Saway ulit ng mommy niya.
“Warever, let’s eat.” Sagot nito.
“Sa wakas kanina ko pa gusto lumafang eh ang sarap ng amoy ng kare-kare” sabat ni Buern.
“Push kain na.” ani Vice, sinulyapan muna niya si Karylle at tinignan ng masama bago kumuha ng pagkain.
Hindi inaasahan ni Vice na makikita niya ulit ang pinaka-engot na nilalang, kanina pa din siya naririndi sa Mommy niya na kwento ng kwento about dito. Na kesyo nanakawan ito sa hiway, na naawa siya kaya gusto niya tulungan. Kumukulo ang dugo niya dito, hindi niya bet ang presensya ni Karylle. Dahil mukang may kaagaw na siya sa atensyon ng Mama niya.
“Grabe panalo itong kare-kare nila Maria ah nakatsamba sila ngayon ah, dati kasi ang putla at malabnaw ngayon grabe parang pang barrio fiesta ang peg pati bagoong winner.” Tuwang-tuwang kuda ni Aaron.
“Tama ka diyan tumumpak sila ngayon.” Komento din ni Buern na sarap na sarap sa kare-kare.
Narinig naman ito ni Maria na kasalukuyang papasok at may dalang juice.
“Si Karylle po ang nagluto niyang kare-kare at bagoong.” Mahinang komento nito.
“Wow may talent ka pala girl.” Sabi ni Archie habang sumusubo.
“Hindi pala masarap, akin na nga yang manok.” Sabay bawi ni Vice. At nanghingi ng panibagong plato.
“Meme ano ka nawalan ng sense of taste?” puno pa ang bibig na nagsalita si Buern.
“Ang panget ng lasa, parang nilaga ang daming sabaw.” Sabi nito at nag roll eyes pa.
“Anak ang sarap ng luto mo, wag mo pansinin si Vice. Ngayon na lang ulit ako nakatikim ng masarap na kare-kare.” Papuri ni Nanay Rosario sa kanya.
“Salamat po Nay, request lang po kayo ng gusto niyong kainin ipagluluto ko po kayo.” Natuwa naman siya kasi halos lahat ay pinuri ang luto niya, tanging ang bakulaw na katabi lang ang hindi.
“Sipsip.” Bulong ni Vice na patuloy pa din ang pag-ikot ng mga eyeballs.
Nanahimik na ang lahat at sarap na sarap na kumakain halos maubos na nila ang mga pagkain na nakahain.
Dumighay si Archie sa sobrang busog “Excuse me, grabehan ang busog ko.”
“Halata nga eh, akala mo nasa mang-inasal ka eh nag-unli rice ka” pang-ookray ni Vice dito.
“Minsan lang naman makalafang ng libre. Itodo na” Sagot nito.
Hindi pa sila umalis sa hapag-kainan at nagpatuloy sa pagkwekwentuhan tahimik lang naman si Karyle na nakikinig.
“So iha handa ka na ba bukas magtrabaho?” si Nanay Rosario.
“Opo nakakuha na po ako ng Nbi at police clearance.”
Naalala naman ng matanda na malayo nga pala ang byahe ni Karylle if dito pa siya magstay.
“Vice diba may bakante naman na kwarto sa bahay mo sa resort? Pwede ba na doon mo na lang patuluyin si Karylle?” nagulat naman si Vice na busy sa pagkain ng desert na ice cream.
“What Ma? Hindi siya pwede don. It’s my guest room paano kung may bisita ako saan ko papatulugin.” pagtanggi nito atl lalong nainis sa katabi niya..
“Sige na anak para malapit din siya sa resort.” Pagpupumilit nito.
“No, hindi ayaw ko.” Bulgaran na sagot nito.
“Okay lang po Nay maghahanap na lang po ako ng apartment or kahit room for rent na malapit doon.” Sabat ni Karylle.
“Hindi na gagastos ka pa. Ako bahala. So Vice isama mo na si Karylle pagpasok mo bukas, hindi ka na kokontra diba?” ma-autoridad na pamimilit ni Nanay Rosario, napabilog naman ang mga bibig ng tatlong kaibigan ni Vice.
“Ano bang meron diyan sa babaeng engot na yan at lahat na lang pabor sa kanya. Hindi mo pa nga kilala yan ng matagal eh. Baka mamaya kasali yan sa mga modus tapos isang araw malaman na lang natin nawawalan na tayo ng mga gamit. Or else baka loobin tayo ng mga kasama niya tapos pagpapatayin” inis na sabi niya. Napawow naman ang tatlo sa sobrang advance ng imahinasyon ni Vice.
“Hindi ako ganon, grabe ka sa akin ah.” Hindi napigilan ni Karylle na ipagtanggol ang sarili.
“Vice! Stop it okay? Just follow what I said. Para mabantayan ka din ni Karylle ng mabawasan yang kalandian mo.” Hindi na din napigilan ni Nanay Rosario na ibulgar ang tunay na pakay. Iniiwas na kasi niya ang anak sa mga lalaking wala naman alam kundi saktan lang si Vice.
Tanggap naman niya na binabae ang kaisa-isang anak niya pero hindi niya lang matanggap tuwing nasasaktan ito at malungkot dahil sa mga walang kwenta nitong mga karelasyon.
“So lumabas din ang totoo Ma. Malaki na ako you don’t need to control my life anymore.” Galit na si Vice at nagwalk-out. Iniwanan ang mga kaibigan, pero sumunod din ito kay Vice na palabas ng bahay na mukhang papunta sa garden nila.
“Pagpasensyahan mo na si Vice iha. Basta doon ka sa kanya titira, help me please. Sawa na ako sa pagiging mahina niya at lagi na lang siyang niloloko. Be a friend to him, since you're like my daughter now. Please tulungan mo siyang imulat ang mga mata niya sa mga kamalian niya. He once about to lose his business dahil sa katangahan niya sa lalaki. I’m not forcing him to change but I just want him to learn his lesson matanda na ako hindi ako lagi andito para sa kanya. Gusto ko maging magkaibigan kayo” mahabang confession ni Nanay Rosario sa kanya. Napalunok na lang siya dahil hindi alam kung ano ang ire-react sa mga nalaman.
“I will try Nay, mukhang mahirap kasi mukhang ayaw niya sa akin.” Napapailing na lang si Karylle, sa ideya pa lang na magkakasama sila sa bahay nito at araw-araw niya itong makikita mukhang masisiraan siya ng bait, tapos gusto pa ng Nanay Rosario niya na maging magkaibigan sila? Napasinghap na lang siya.
“I’m sure magkakasundo din kayo ni Vice, one day.” Ngumiti na lang siya ng pilit. Para makumbinsi si Nanay Rosario na okay lang sa kanya.
Simula na ng bagong environment, bagong mga taong makakasalamuha ni Karylle. Simula na din kaya ito ng step by step na pagkalimot sa nakaraan?