chapter 4

1562 Words
Hindi ko namalayang umabot na pala kami ng isang oras ni Zeus sa playroom niya. Sinundo kami ni Tania para magmiryenda at sa nakasanayang pagtulog ni Zeus sa hapon. Isang katulong mula sa bahay nina Zeus ang kasama nito ngayon dito na nakatalagang tagapangalaga. Wala mang masasabing personal na yaya ang bata ay napag-alaman ko mula kay Tania na salitan ang mga katulong sa bahay ng ama nito upang bantayan ito. Habang nagsi- siyesta si Zeus ay pinatawag ako ni Madam Mia para sa pormal na pag-orient sa'kin ng magiging trabaho ko. Kasama namin iyong abogado na naghanda ng kontratang pinirmahan ko. Isa ito sa mga legal council ni Sir Zaynn na nakatutok sa anumang legalities na may kinalaman sa kasalukuyang nag-iisang tagapagmana nito na walang iba kundi si Zeus. Nakaka-proud na nakaka-pressure na ako ang tatayong guardian ng bata habang wala ang ama nito at tatayong consultant naman para sa gagawin kong trabaho na nangangailangan ng legal na payo ay si Attorney Aaron. Mukha namang mabait si Attorney at pansin kong pamilya na ang turing nito sa mga De Aldana at ama na rin ang turing dito ni Madam Mia Magpinsan sina Madam Mia at Sir Zaynn kaya inaasahan kong medyo may edad na rin ang lalaki, siguro ay nasa forty plus na o hindi kaya ay mas matanda kaysa kay Madam. Sana lang ay kasing bait ito ni Madam Mia. "Lastly, just treat Zeus the same way you treated your younger siblings," pahayag ni Madam Mia na nagpabalik sa naglalakbay kong isip sa kasalukuyan naming pinag-uusapan. Minsan talaga kahit nakikinig naman ako nang maigi sa sinasabi nang kausap ay hindi ko pa rin mapigilan ang paglilikot ng isip ko at kung saan-saan ito napupunta. Habang nakikinig ay mas lamang talaga ang pag-i-imagine ng kung anu-ano. Pinilit kong ibalik ang focus sa kaharap. Nandito kami ngayon sa study room ni Madam Mia kasama si Attorney Aaron at tapos nang pinaliwanag sa'kin ang tungkol sa pinirmahan kong kontrata at ang magiging trabaho ko bilang tutor at temporary guardian. May ilang mga hinabol na lang si Madam Mia na sa palagay ko ay mas mahalaga pa kaysa nakalahad na trabaho sa kontrata. "Ituring mo siyang pamilya," malumanay na dugtong ni Madam Mia sa naunang pahayag habang direktang nakatingin sa mga mata ko. Hindi iyon isang utos kundi ay pakiusap. "Zeus is a shy boy... but based on how he’s acting around you, it’s pretty clear that he likes you." Isang ngiti ang sumilay sa mga labi niya habang tila may naalala. Parang may masarap na pakiramdam na bumalot sa puso ko matapos marinig ang huli niyang sinabi. Walang dapat na alalahanin itong si Madam Mia dahil like na like ko rin ang cute niyang pamangkin. "Makakaasa po kayo, Madam," magalang kong tugon habang sinalubong ang tingin ng kaharap bilang pagpapakita ng sinseridad sa'king pahayag. Tinanguan ako ni Madam Mia habang hindi nagbabago ang kanyang pagkakangiti. "We're done here," maya-maya ay anunsiyo ni Madam Mia. "Pagkagising ni Zeus ay sasama ka na pauwi sa bahay ni Zaynn." Palihim akong huminga nang malalim habang pinapakalma ang muling pagkakagulo ng sestima ko. Hindi pa nga ako gano'n kakomportable rito sa bahay niya ay lilipat na naman ako sa kabila na magiging pansamantala kong tahanan habang nagtatrabaho ako bilang tutor ni Zeus. "Huwag kang mag-alala dahil isang linggo ka munang iga-guide ni Tania sa magiging routine ng trabaho mo," nakangiting saad ni Madam Mia. Natigilan akong napatitig sa nakangiti niyang mukha habang parang biglang nawala lahat ng kaba at pag-aalinlangan kong nararamdaman. "T-talaga po?" hindi ko napigilang bulalas. Hindi ako makapaniwalang makakasama ko si Tania sa mga unang araw ko sa trabaho. "Gusto ko maging komportable ka sa mga unang araw nang pananatili mo sa bahay ni Zaynn," puno ng pag-unawa niyang tugon. "I want you to feel at home. Mas magagawa mo nang maayos ang trabaho mo 'pag gan'on." "Maraming salamat po," mula sa puso kong pasasalamat. Mukhang totoo nga ang tsismis na mababait ang mga De Aldana, at pinapatunayan iyon sa'kin ni Madam Mia at ng batang si Zeus. Inaasahan ko talaga na isang spoiled brat ang makikilala kong bata dahil sa katayuan sa buhay ng pamilya nito, pero maling-mali ako. Kanina nga habang kasama ito ay pakiramdam ko hindi ito aware kung gaano kayaman ang pamilya nito. Kahit na ang pakikitungo nito sa ibang mga katulong ay kapansin-pansin ang paggalang. Masasabi kong maganda ang pagpapalaki rito ng ama. Batay kasi sa palaging pagbibida sa'kin ni Zeus sa daddy niya ay masasabi kong kahit naman laging busy ang huli sa trabaho ay hindi nito napapabayaan ang anak. Hindi naman siguro maging bukambibig ng bata ang kanyang ama kung hindi malapit ang mga ito sa isa't isa. Bawat laruan nga sa loob ng playroom ay may kwento si Zeus na konektado ang daddy niya. Eh, kesyo binili ng daddy niya, paborito nila ng daddy niya, ayaw ng daddy niya o anu-ano pang tungkol sa daddy niya na pinapaalala ng bawat nakikita namin sa loob ng playroom. Sobrang daldal ni Zeus, tapos bihira lang magtagalog kaya himalang hindi pa dumugo ang utak ko sa pakikinig sa kanya. Kabado tuloy ako tungkol sa kung anong maitutulong ko sa kanya bilang tutor niya gayong hindi naman ako gano'n kagaling sa english-an. Iniisip ko na lang na nakaya nga ni Tania na lagi no'ng nangongopya kaya walang dahilan upang hindi ko rin kakayanin. Para sa kinabukasan ng pamilya ko, ay gagawin ko ang lahat nang makakaya ko para sa trabahong ito. Kung tutuusin ay ilang oras lang talaga ang magiging trabaho ko sa pagtuturo kay Zeus ng mga aralin niya. Mas lamang iyong paghahatid-sundo ko sa kanya sa paaralan. Kailangan ko rin kasi siguruhing maayos naman ang pag-aaral nito. Preschooler pa lang naman so Zeus kaya feeling ko ay hindi naman siguro ito gano'n ka-pressure sa pag-aaral kahit na sabihing sa isang prestigious preschool ito naka- enroll. Libre ako tuwing nasa klase si Zeus at day-off ko tuwing Linggo kaya sobrang ganda talaga nitong trabaho ko. Napakasayang kung papakawalan ko pa lalo na at kumpleto ako sa benefits at doble ang sahod na tatanggapin ko kumpara no'ng nagtatrabaho pa ako sa production. Libre pa lahat, mula sa pagkain, titirhan at mga basic needs. Parang hulog talaga ng langit ang trabahong ito para sa'kin, lalo na at ang dali lang amuhin ng batang tuturuan ko. Maging iyong tiyahin ay wala ring problema. Iyong tatay na lang ni Zeus ang kailangan kong kilalanin. Batay sa mga narinig mula sa usapan ni Madam Mia at Attorney Aaron ay ma-e-extend pa ang pananatili nito sa ibang bansa kaya hindi ko pa ito makakausap next week. Hindi naman ako pwedeng mag-demand na tumawag ito para makilala ko. "Puntahan mo na si Tania upang ipaalam sa kanya," malumanay na utos sa'kin ni Madam Mia. "At nang makapag-empaki na rin siya ng mga gamit na dadalhin." "Sige po, thank you po," tugon ko. "Welcome to the family, Melanie," nakangiting tugon ni Madam Mia. Napakurap-kurap ako nang may napansin akong kakaibang kislap sa mga mata niya na tila ba ay may inaasahan siya na ewan. "Salamat po..." kimi kong pasasalamat na may kasama pang bahagyang pagyuko. Tumayo na rin ako at ngumiti sa direksiyon ng butihing abogado bilang pasasalamat at pamamaalam. Kasalukuyan na akong naglalakad patungo sa pintuan upang lumabas ng study room nang maulinigan ko ang pagtunog ng cellphone ni Madam Mia. "Hello, Zaynn..." Napahinto ako sa paghakbang nang marinig ang binanggit nitong pangalan pagkasagot ng tawag. Agad sa sumagi sa isip ko ang ama ni Zeus na future boss ko. Wala naman sigurong ibang Zaynn na kakilala itong si Madam Mia. Pasimple akong lumingon sa direksiyon ni Madam Mia at nakita kong bahagya na itong nakatagilid mula sa'kin habang nakaharap sa hawak na cellphone, sigurado akong ang daddy ni Zeus ang kausap nito sa video call. Ilang hakbang na ang layo ko mula sa kanya kaya kahit 20/20 ang vision ko ay imposible kong makita ang kausap niya sa video call. Nahagip ng tingin ko ang paglingon ni Attorney Aaron sa'kin kaya patay-malisya kong itinuloy ang naudlot kong paglapit sa pintuan. "Yeah, I already talked to her. She's nice and Zeus really like her," patuloy na kausap ni Madam Mia sa katawagan. Kahit anong pilit kong patalasin ang pandinig ay hindi ko maulinigan ang sinasabi nang kausap ni Madam Mia. Halatang ako ang tinutukoy ni Madam Mia sa kwento niya sa kausap. "Zeus is sleeping, it's his nap time," pagbibigay-alam ni Madam Mia sa kausap matapos ang ilang sandali. Siguro ay hinanap ni Sir Zaynn ang anak. Binagalan ko ang paglalakad sa pagbabakasakaling marinig ang boses ni Sir Zaynn, pero mukhang naka- wireless earbuds yata si Madam Mia kaya hindi ko naririnig ang kausap nito. "I'll send her files to you..." Iyon ang huli kong narinig bago ako tuluyang nakalabas ng pintuan. Bahagyang kumabog ang dibdib ko dahil alam kong files ko ang tinutukoy ni Madam Mia na ipapadala sa kausap. Hindi ko mapagilan ang pagpasok ng mga negatibong isipin sa utak ko, tulad nang paano na lang kung hindi papasa kay Sir Zaynn ang credentials ko? Hindi ko tuloy mapigilang kabahan sa posibilidad na mawala sa'kin ang trabahong ito kung gugustuhin ni Sir Zaynn kahit na pumasa na ako kay Madam Mia at nakapirma na ng kontrata. Nagkibit-balikat na lang ako bago tinalunton ang direksiyon papunta sa kusina kung saan ko inaasahang matatagpuan si Tania.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD