Dahan-dahan akong umiling. Lumalalim na rin ang paghinga dahil sa mas tumitinding awang nararamdaman para sa kanya habang matamang pinagmamasdan ko siya. Bsang-basa ko pa rin ang emosyong nananahan sa kanyang puso. Ayaw ko na sana siyang sagutin. Ayoko nang iparamdam sa kanya at ipamukhang wala na talagang pag-asa sa aming dalawa, ngunit kapag hindi ko iyon gagawin ay paniguradong hindi siya titigil. At hindi niya tatanggapin kung anuman ang naging desisyon ko. Kaya heto, mas minabuti ko na lang na sagutin ng totoo ang mga katanungan niya. Iyon ang tama, iyon ang dapat kong gawin nang sa ganun ay maintindihan niya. Hindi siya titigil hangga’t hindi siya nasasampal ng katotohanan na mula mismo sa aking bibig. “Wala na talaga Arlo, s-sorry...” walang gatol na tugon ko upang matapos na iyon,

