Episode 1
Simple at payak na pamumuhay, iyan ang kinagisnan kong buhay sa Poblacion Estancia.
Paggagapas ng palay at pagtatanim ng saging ang pangunahing kabuhayan dito sa Poblacion. Ang Poblacion Estancia ay pagmamay-ari ng pamilya Estancia ang pinakamayamang pamilya sa aming probinsya.
Dahil sa kabutihan ng pamilya Estancia ay binigay na nila ang titulo ng Poblacion sa mga mamamayan at sa ninuno ni Tatang Anton.
Ngunit sa di malamang dahilan ay bigla nalang nalugi ang kanilang mga negosyo kaya naman nagdesisyon nalang silang umalis ng bansa at doon na manirahan sa Amerika.
Hindi naman kalakihan ang lupain ng Poblacion Estancia ngunit sapat na iyon para sa pangkabuhayan naming mga nakatira rito.
Ako si Bella Celine Clemente, bente dos anyos at kasalukuyang nagtuturo sa elementarya sa kabilang bayan ng Poblacion.
“Lala, halika hija, luto na ang minatamis kong saging kumain ka muna.” Sambit ng isang matandang babae, si Nanay Rosing. Sya ang nagalaga at nagpalaki sa akin mula nang abandonahin ako ng aking ina, sya ang tinuring kong magulang sila ni Tatang Anton.
Mababait sila at tinuring nila akong tunay na anak siguro dahil hindi sila biniyayaan ng supling kaya sa akin nila binuhos ang pagmamahal nila. Namatay ang aking ama dahil sa atake sa puso habang naggagapas.
Ang magaling kong ina ay nagtatrabaho noon bilang kasambahay sa Maynila at nabalitaan nalang namin na sumama sya sa ibang lalaki.
Labis ang hinagpis ko nang malaman ko iyon, sa murang edad ay maaga akong namulat sa galit at poot na ginawa nya sa amin ng aking ama.
“Wow, nanay ang sarap talaga ng minatamis na saging ninyo.” Sambit ko, habang kinakain ang minatamis na saging na nasa mangkok. “Nasaan nga pop ala si Tatang?” Dugtong ko saka binaba ang kinakain sa lamesa.
“’Wag mo nang intindihin ang tatang mo, nasa gapasan nanaman iyon, at malamang mamaya pa iyon makakauwi.” Sambit nito habang nagaayos sa lababo.
“Nay, hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na huwag nyo nang payagang magtrabaho si Tatang? Ako nang bahala sa mga gastusin dito sa bahay, dapat ay nagpapahinga nalang kayo.” Nakasimangot kong sambit, humarap ang matanda sa akin saka muling sumagot.
“Hayaan mo na ang tatang mo, alam mo namang hindi iyon napipirmis dito sa bahay, lalo lang daw syang nanghihina.” Sambit nito.
“Mukhang ako nanamang ang pinaguusapan ninyong dalawa ha?” Sabay kaming napalingon ni Nanay sa pintuan na sya namang pasok ng isang matandang lalaki si Tatang. Tumayo ako at nagmano rito. “Tang. Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na dito nalang kayo mamalagi sa bahay? Baka mamaya atakihin nanaman kayo ng sakit nyo.” Sambit ko, tumawa naman ito saka naglakad papunta sa kusina.
“Anak naman, alam mo namang hindi ako mapapakali kapag nandito lang ako sa bahay, hindi naman ako masyadong natulong sa gapasan, pinapanuod ko lang sila don.” Natatawang sambit nito. “Oo nga pala, yung anak ni pareng Pedro dumating galling ng Maynila, gusto kang makilala.” Dugtong nito.
Napangiwi ako, sa gapasan ang usapan namin bakit napunta sa anak ng kaibigan nya? Kilala ko ang tinutukoy ni Tatang, nakita ko ‘sya dati na may kahalikang babae sa gapasan nung nakaraang taon nang magbakasyon ‘sya rito.
“Naku tatang, hindi ako interesado sa kanya. Busy ako sa skwelahan at sa mga studyante ko, wala akong panahon para makipagkilala.” Sambit ko pa saka muling humarap sa laptop ko na nasa sala.
“Ikaw talaga Anton, kung kani-kanino mo nanaman nirereto yang si Lala, heto’t kumain ka nalang.” Sambit nito saka inabot ang isang mangkok nang minatamis na saging.
“Bakit? Ano namang masama? Dalaga na yan si Lala, pwede na nga magasawa yan e, hindi lang naman ako ang excited magkaapo rito, ikaw din naman.” Pabirong tugon pa nito. Ngumuso ako at kumunot ang noo, nakita ko pa ang paghampas ni Nanay kay Tatang sa braso.
“Tatang, bata pa po ako. Ayoko pang mag-asawa.” Mariin kong sambit. “Oo nga naman Anton, maaga pa para pag-asawahin mo yang si Lala, tumigil kana dyan sa mga kalokohan mo.” Sambit muli ni Nanay.
Ganito ang karaniwang araw namin, kapag wala akong pasok ay nasa bahay lang ako at tumutulong kay Nanay, si Tatang naman ay madalas sa gapasan at minsan ay hapon na umuuwi. Kahit na ilang beses ko na syang pinagbabawalan ay hindi parin sya nagpapapigil.
Nagaalala lang ako sa kalagayan nya, ayoko nang maulit ang sakit na naranasan ko nang mamatay ang tunay kong ama dahil sa atake sa puso.
May mga edad na sila kaya gusto kong nagpapahinga nalang sila sa bahay, hindi kalakihan ang sinusweldo ko sa pagtuturo pero sasapat naman iyon para sa pangaraw-araw naming gastusin.
Tahimik ang naging buhay naming sa Poblacion, wala na akong ibang mahihiling pa. kuntento na ako sa kung anong meron sa amin. Ngunit isang pangyayari ang gugulo sa mga buhay ng mga nakatira sa Poblacion Estancia.