2

1662 Words
“'Tol, baba ka na muna sa sala, may pa meeting de avance si lola Ignacia,” “Ha?” nagtatakang tanong ni Top nang dumungaw mula sa labas ng pinto ang kapatid niyang si Rolf. Kahit na abala pa siya sa pagbabasa ng mga sales report na hawak niya ay napilitan siyang tumayo mula sa komportableng pag upo niya sa kama. Inayos niya ang suot na salamin sa mata at inilapag sa bedside table ang mga dokumento. Narinig niya ang malakas na pagtawag ng lola Ignacia niya mula sa ibaba kaya nagmamadaling lumabas na siya ng kwarto. Sa sala ay naabutan niya ang dalawang kapatid niya na sila Marcus at Rolf. Kampanteng nakaupo ang mga ito sa mahabang sofa habang ang lola nila ay halos maikot na ang buong sala dahil palakad lakad ito at mukhang nagsesermon na naman. “Ang hindi ko maintindihan diyan sa tatay ninyo, kung kailan tumanda ay saka naman nagkainteres sa babaeng halos kaedad lang ng mga anak niya. Ano na ba ang nangyayari sa mundo? baliktad na ba talaga ang ikot ng mundo kaya kahit ang mga tao ngayon ay baliktad nang mag isip?” litanya ni lola Ignacia. Habang nagsesermon ito ay pasimpleng lumapit siya sa mga kapatid niya at naupo sa sofa. Tiningnan niya si Rolf, mukhang wala naman itong problema dahil patango tango lang ito habang patuloy sa pagsasalita ang lola nila. Si Marcus naman ay nakasimangot at parang mainit ang ulo. Hindi na nakapagtataka iyon dahil ito ang panganay sa kanilang tatlo kaya kung sakaling mag asawa man ulit ang daddy nila ay ito ang unang kokontra. “Hindi pa nakontento ang tatay ninyo na mag asawa ng tatlong beses, may balak pang magdagdag ng isa!” Napangiwi siya dahil sa sinabi ng lola nila. Hindi niya masyadong alam ang buong detalye pero ayon sa kwento ng daddy niya ay isinumpa daw ito ng first love nito. Noong nag aaral palang daw kasi sa college ang ama ay niyaya ito ng kaibigan nito na magbakasyon sa isang liblib na probinsiya sa Bicol. Mahigit isang buwan daw itong nagkabasyon sa probinsiya at doon nito nakilala si Lucina. Dahil maganda si Lucina at napakainosente pa ay agad na nakuha ng kaniyang ama ang loob nito. Nagkaroon ng relasyon ang dalawa pero hindi rin nagtagal iyon dahil kinailangan na ng daddy niya na bumalik ng Maynila. Nagalit si Lucina dahil alam nito na wala ng balak pa ang huli na balikan ito. Dala ng matinding galit kaya isinumpa nito na lahat ng babaeng magmamahal sa daddy niya ay hindi magtatagal ang buhay. Noong una ay hindi naniwala ang kaniyang ama sa sumpa si Lucina. Nang makapagtapos ito ng college ay nagpakasal agad ito sa ina ni Marcus. Dalawang taon na nagsama ang dalawa bago namatay sa sakit na ovarian cancer ang asawa nito. Ayon kay lola Ignacia ay sa mismong araw ng burol ay sumulpot naman ang ina ni Rolf at ipinaalam na nagdadalang tao na ito. Hindi na nagulat ang lola niya sa ipinagtapat ng babae dahil alam nito na playboy talaga ang anak nito. Nagsama rin ang daddy nila at ang ina ni Rolf pero hindi rin iyon masyadong nagtagal dahil namatay ang babae sa malaking fire accident na nangyari noon sa isang lumang mall. Saka naman nakilala ng daddy niya ang kaniyang ina na si Josie na nag apply na sekretarya nito. Nagkaroon ng relasyon ang mga ito at nang maipanganak siya ay bigla na lang hindi na nagising pa ang ina. Dahil sa nangyari ay napatunayan ng mga kamag anak nila na totoo nga ang sumpa. Mukhang natakot na rin naman ang daddy niya kaya hindi na ito muling nakipagrelasyon pa. Naging maayos naman ang buhay nila kahit na lumaki silang magkakapatid na walang nakasamang ina. Nandiyan naman kasi si lola Ignacia para alagaan sila kaya wala siyang pinagsisisihan kahit na hindi niya naranasan ang pagmamahal ng mommy niya. Noon ay hindi naman masasabing sagana ang buhay nila. May pag aaring pabrika ng mga chicharya at candy ang daddy niya. Hindi naman ganoon kalaki ang production ng negosyo nito pero sapat na para mapag aral silang tatlo sa private school. Sa kanilang tatlong magkakapatid ay siya ang nagmana sa daddy nila pagdating sa husay sa negosyo. Nang makapagtapos siya ng kursong Marketing ay nanghiram agad siya ng puhunan sa kaniyang ama at nagtayo ng sarili niyang convenience store. Sa ngayon ay may anim na branch na sa buong Maynila ang Lucky 7. Si Marcus naman ang nagmana sa pagiging tuso ng daddy nila. Mga bata palang sila ay wais na ito kaya nga nang lumaki ay naging kilala at magaling na abogado na. Nakuha naman ni Rolf ang pagiging playboy at pasaway ng kanilang ama. Computer programmer ito ng isang international company. Sa New York nakabase ang trabaho nito kaya isa o dalawang beses lang sa isang buwan kung dumalaw ito sa kanila sa Pilipinas. “Talaga bang wala kahit isa sa inyo ang pipigil sa daddy ninyo? Hihintayin pa ninyo na ako ang sumugod sa babaeng iyon?” “Eh, lola bakit ba kasi hindi na lang natin pabayaan si daddy?” suhestiyon ni Rolf. Magkakasabay silang tatlo na napapitlag ng biglang tumaas ang boses ng lola nila. “Siraulo ka ba? paano kung mamatay ang babaeng iyon? Wala ba kayong mga konsensiya?” Napapagitnaan nila ni Marcus si Rolf kaya pareho nila itong inipit ng katawan nila dahil sa sinabi nitong kalokohan. “Aray! Sorry na! gusto ko lang naman na maging masaya si daddy eh! Naisip ko lang kasi na baka may paraan pa para mabawi ang sumpa.” angal nito. “Paano mo pa babawiin? Matagal ng patay si Lucina. Ang sabi ng mga kamag anak niya ay namatay siya pagkalipas ng isang buwan na umalis sa probinsiya nila ang daddy ninyo. Nagkasakit daw si Lucina at isang araw ay hindi na nagising pa.” Hindi sila nakaimik. Kinilabutan siya kaya natatarantang hinaplos niya ang mga braso. Ngayon lang sinabi sa kanila ng lola nila ang tungkol sa nangyari kay Lucina. Kaya pala kahit isang beses ay hindi sinubukan ng kanilang ama na puntahan ang babae ay dahil matagal na pala itong wala. “Ako na ang bahala lola, huwag ka nang mag alala pa dahil ako na ang aayos ng problema. Sisiguruhin kong magdadalawang isip ang kung sinong babaeng 'yun na lumapit kay daddy.” Seryosong wika ni Marcus. Nilingon niya ang panganay na kapatid. Sa hitsura nito ngayon ay mahahalata na wala itong balak na magpatalo sa kanilang ama. “Tapos na po ba ang meeting de avance lola? May trabaho pa ako, may tinatapos akong program.” Ani Rolf. Tumayo ito at nag unat ng katawan. Tumigil sa paglalakad ang matanda at pumihit paharap sa kanila. Kamuntik na siyang mapaungol sa inis nang mapansin na suot na naman nito ang lumang duster na binili pa nito noong minsang mamili sila sa divisoria. Ten years ago pa iyon nangyari pero hanggang ngayon ay nagagamit pa rin nito ang duster. Wala naman sana iyong problema sa kaniya kaya lang ay hindi na niya gustong makita ito na nakasuot ng lumang damit. Marami siyang biniling damit para sa lola Ignacia niya. Minsan nga ay pinapasamahan pa niya ito sa mga babaeng pinsan niya para lang makapagshopping ito. Hindi rin naman ito pinababayaan ng mga kapatid niya dahil palaging may pasalubong na damit at pabango si Rolf sa matanda kapag umuuwi ito mula sa New York. Si Marcus naman ay hindi pumapalya sa pagbibigay dito ng malaking allowance. “'La, pagpahingahin mo na ang duster mo, kung nakakapagsalita lang 'yan baka kusa na 'yang nagpaalam sa'yo.” Pinamaywangan siya nito. Natakot naman si Rolf kaya napabalik ito nang upo sa sofa. “Kung nag aasawa na sana kayong tatlo, baka magkainteres pa akong gamitin ang mga ibinibigay nito.” “Patay tayo diyan,” ani Rolf at biglang napahalakhak. Si Marcus ay tumayo na at mabilis na nagpaalam. May kakausapin pa daw itong kliyente kaya nakatakas agad ito sa sermon ng lola nila. Sumunod naman dito si Rolf dahil kailangan daw nitong tawagan ang kasama nitong programmer na nakabase sa New York. Siya ang naiwan sa sala. Wala siyang maisip na gawing excuse dahil kahit noon pa man ay hindi na talaga siya marunong magsinungaling. Lumaki siya sa pangaral ni lola Ignacia at namana niya dito ang pagiging mabait at madasalin niya. Lumapit ito sa kaniya. Naupo ito sa tabi niya at matagal na pinagmasdan siya. “L-lola naman 'eh, kung may sasabihin po kayo, pakibilisan na lang kasi po kailangan kong bumisita mamaya sa main branch ng store ko.” naiilang na sabi niya. “Alam mo ba apo, ang sabi ng isang kumare ko, kung minsan daw ay mas dapat na mag asawa ang bunso para kapag nainggit ang panganay na kapatid ay sunod na ring magpakasal.” “Wala pa naman po sa isip ko ang pag aasawa.” “labing dalawang beses ka nang niloko ng mga babae, ilang beses ka nang nagkaroon ng gerlpren pero hindi mo naisip na magpakasal?” “May nililigawan naman po ako—” “Pang thirteen na yan!” “Seryoso po ako sa kaniya—” “Palitan mo agad, kailangan number fourteen na agad.” Mariing utos nito sa kaniya. Awtomatikong kumunot ang noo niya. Inayos niya ang suot na salamin sa mata dahil bahagya na iyong bumaba sa tungki ng ilong niya. “Ano po ba ang problema?” “Malas ang thirteen,” Sumusukong tumayo na lang siya. “Puro ka naman pamahiin, 'La,” “Kapag niloko ka ng babaeng iyon, tingnan ko na lang kung hindi ka maniwala sa akin.” “Tingnan na lang po natin,” tugon niya at naglakad na sa direksiyon ng hagdan. Nang mapatingin siya sa mahabang hagdan at maalalang fourteen nga pala ang bilang ng baytang niyon ay natawa na lang siya. Wala na talagang tatalo pa kay Ignacia Geronimo pagdating sa mga pamahiin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD