5

1317 Words
Maingat na inilapag ni Top sa working table niya ang dalawang tasa ng kape. Pagkatapos ay naupo siya sa swivel chair at hinarap ang bisita niya. Nang magsalubong ang mga mata nila ni Jhanna ay parang siya pa ang nakaramdam ng pagkailang. Nahihiyang nag iwas siya ng tingin at nagpasiyang humigop na lang ng mainit na kape. “So, ano na nga? Narinig mo naman ang sinabi ko kanina sa labas, 'di ba? kailangan mong tuparin ang pangako mo sa akin noon na sa oras na dumating tayo sa tamang edad ay pakakasalan mo ako.” Kamuntik na siyang masamid. Mabilis na ibinaba niya sa mesa ang tasa ng kape at hindi makapaniwalang tiningnan ang babae. Hindi niya akalain na sa paglipas ng panahon ay mas lalo pang magiging matindi ang pagkaweirdo nito. Aaminin niya na hindi niya nakilala agad kanina si Jhanna dahil matagal rin silang hindi nagkita. Kahit kasi magkaibigan ang mga pamilya nila ay hindi naman siya noon masyadong lumalabas ng kwarto niya kaya wala siyang masyadong kakilala sa village nila. Pero hindi ibig sabihin ay makakalimutan na niya kung sino ito o ano ang karakter nito. Weird ang tingin ng mga schoolmates nila dito. Minsan kasi ay nakikita daw ito ng iba na nagsasalitang mag isa kaya marami ang natatakot sa babae at tinatawag itong baliw. Sa tingin niya ay wala naman talaga itong sayad sa ulo. Matino naman itong kausap at higit sa lahat ay ipinagtanggol siya nito noon mula sa mga bully. Maliban sa pagiging weird ay napatunayan niya na matalino ito. Dati kasi ay nagkasakit siya at ilang araw na hindi nakapasok. Dahil kailangan niyang humabol sa mga topic ng bawat subject ay napilitan siyang maki-seat in sa klase nila Jhanna. Nasa lower section ito kaya ang mga naituro na sa section niya ay ituturo pa lang sa section nito. Nakita niya noon kung paano nito itinama ang maling formula na ibinigay ng Physics teacher nila. Kahit ang isang teacher nila ay bumilib dito dahil kahit sa pagsolve ng mga problem sa Math ay mabilis ito. Ilang saglit na tumitig siya sa mukha ni Jhanna. Sa unang tingin ay masasabing cute ito pero kapag tinitigan ay lumalabas ang natural na ganda nito. Maliit ang hugis pusong mukha nito na binagayan ng maliit at matangos na ilong. Bilugan ang mga mata nito na kulay tsokolate. Bumagay dito ang manipis na mga labi at malantik na pilikmata. Mahaba at tuwid ang buhok nito na parang sa commercial ng shampoo. Walang kakaiba sa hitsura nito o kahit sa porma nito ngayon kaya sino ang mag aakala na sa oras na magsalita na ito ay para itong nagpasabog ng bomba dahil siguradong magugulat ang taong kausap nito. “Excuse me?” “Huh?” natigilan si Top nang makita ang pagpitik ni Jhanna ng daliri sa mismong harapan niya. Naikurap niya ang mga mata at muling tiningnan ang dalaga. “Brokenhearted ka pa ba dahil sa ginawa sa'yo ng Eds na 'yun? Huwag mo na siyang isipin dahil niloloko ka lang niya. Pera lang ang habol niya sa'yo.” Prangkang sabi nito. Hindi man lang nagpreno. Napailing na lang siya. “Bakit ka nga ulit nagpunta dito?” nalilitong tanong niya. Kumislap ang mga mata nito at excited na nagsalita. “Maniningil, kailangan mo na akong pakasalan.” Naikurap niya ang mga mata at pilit na inintindi niya ang sinabi ni Jhanna. Pero ng hindi sinasadyang masulyapan niya ang magandang pares ng mga mata nito ay parang nawala lang siya sa sarili. Binaha ng hindi maipaliwanag na emosyon ang dibdib niya. “M-magpapakasal? Sino?” “Tayo!” mabilis na sagot nito. May kung anong kinuha ito sa bag saka iyon ipinakita sa kaniya. Natigilan siya nang maalala na gumawa ito ng kasunduan noon matapos siya nitong ipagtanggol sa grupo nila Jaycee. Namamanghang nagpalipat lipat ang tingin niya sa mukha ni Jhanna at sa hawak nitong papel. Daig pa niya ang nakakita ng alien dahil hindi agad siya nakapagsalita. “Pumirma ka noon, may utang na loob ka sa akin. Kung hindi ako dumating baka nilumpo ka na nila Jaycee. Kilala mo naman sila 'di ba? wala silang patawad kaya siguradong napahamak ka na noon kung wala ako.” Nagpakawala siya ng marahas na buntong hininga. Parang bigla ay nanlabo ang mga mata niya kaya inayos niya ang suot na salamin at muling kumurap. “Hindi mo ba nasubukang magsuot ng contact lens?” “Oo pero hindi ako sanay,” “Ah, hayaan mo, kapag kasal na tayo masasanay ka na—” “Teka nga,” mabilis na putol niya sa iba pang sasabihin nito. “Ilang beses mo nang binanggit ang salitang kasal, paano mo naman nasisiguro na magpapakasal talaga ako sa'yo? hindi mo man lang ba naisip na mga bata pa tayo noon kaya sinakyan ko na lang ang trip mo?” Kumibot ang mga labi ng dalaga at matagal na pinagmasdan siya. Kung tingnan siya nito ngayon ay parang may nagawa siyang malaking kasalanan. “Pumirma ka at nangako ka,” “Hindi valid 'yan kahit ipatingin mo pa sa abogado,” “Pero kailangan kita!” Napalunok siya sa narinig. Nag init ang mga pisngi niya at bigla na lang ay bumilis ang paghinga niya. Taas baba ang dibdib niya dahil sa pagpipigil ng matinding kaba. “K-kung wala ka ng iba pang sasabihin, pwede ka nang umalis. Pasensiya na kailangan ko kasi ngayong tingnan ang ibang branch ng—” Teka! Bakit kailangan ko pang magpaalam sa kaniya kung saan ako pupunta? Halatang nainis si Jhanna dahil sa pagtaboy niya dito. Nakasimangot na tumayo ito at tiningnan siya ng masama. “Hindi ako titigil, susundan kita hanggang sa pumayag ka nang magpakasal sa akin.” Weirdo nga talaga ang isang ito… “Wala ka bang ibang ginagawa? Bakit mo naman kailangang pagurin ang sarili mo sa pagsunod sa akin? Wala kang mapapala sa gagawin mo.” Seryosong wika niya at tumayo na. Ang balak niya ay ihatid ito hanggang sa labas ng convenience store para mabawasan ang inis nito sa kaniya. Pinalaki siyang gentleman ni lola Ignacia kaya kahit maraming pasabog si Jhanna ay kailangan pa rin niya itong intindihin. Tumayo na rin ito bago muling nagsalita. “Malaki ang makukuha ko sa gagawin ko sa'yo kaya manood ka na lang at oo nga pala bago ako umalis, kailangan kong patunayan sa pamilya ko na may something na tayo.” “Ha? something?” Ano iyon? Nagtaka siya nang kunin nito ang camera sa bag. Wala siyang ideya sa kung ano mang gagawin nito pero ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang dumukwang ito palapit sa kaniya at walang paalam na hinila nito ang kwelyo ng t-shirts niya. Mabilis at sigurado ang mga kilos ni Jhanna. Hinalikan siya nito sa mga labi kasabay nang pagtama ng camera flash sa mukha nila. Hindi siya nakakilos dahil sa matinding pagkabigla. Pakiramdam niya ay naubos ang lahat ng lakas sa katawan niya nang magtama ang mga labi nila ng babae. Kahit nang pakawalan na siya nito ay hindi pa rin niya magawang magsalita. Malakas na malakas ang t***k ng puso niya ng mga sandaling iyon. Daig pa niya ang teenager na ninakawan ng halik dahil biglang nanginig ang mga tuhod niya. “Bye, hubby!” nakangiting sabi ni Jhanna. Nagflying kiss pa ito sa kaniya bago tuluyang lumabas ng opisina niya. Naiwan naman siyang tulala at nanghihina. Napaupo siya sa swivel chair at pilit na binalikan sa isip ang nangyari. Hinalikan siya ni Jhanna at gusto daw nitong magpakasal sa kaniya. Para siyang nakasakay sa ferris wheel dahil sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Nasapo ni Top ang mga labi at tumingin sa kawalan. “Ang weird talaga ng babaeng 'yun….” Natitigilang anas niya. Pero mas kakaiba ang nararamdaman niya ngayon dahil hindi niya magawang pigilan ang pagwawala ng puso niya. Nahawa na siguro siya sa kaweirduhan ni Jhanna!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD