“Single, check, may magandang family background check na check, good looking, super duper mega to the highest level check na check, with red ballpen pa. Pero may nililigawan, ouch!”
Agad na itinago ni Jhanna ang picture sa dala niyang sling bag at nagmamadaling bumaba na siya ng taxi na naghatid sa kaniya sa main branch ng Lucky 7 convenience store na matatagpuan sa Quezon City.
Napangiti siya nang maalala kung ano ang dahilan nang pagpunta niya doon. Kailangan niyang makausap ang future fiancée niya dahil may utang itong kailangan bayaran sa kaniya. Maraming taon na ang nakalipas at masyado ng overdue ang utang nito sa kaniya.
Hay…Top… sino ba naman ang mag aakala na magagawa mong baguhin ang sarili mo? Kinikilig na nasabi niya sa sarili.
Mula nang makita niya ang frame –kung saan niya idinikit ang ginawa niyang kontrata—ay nagkaroon na siya ng magandang ideya para matapos na ang problema niya.
Si Top ang solusyon sa mga problema niya. Matagal man siyang nawalan ng balita dito ay alam niyang hinding hindi siya nito magagawang kalimutan. Siya lang naman kasi ang naglakas ng loob noon na ipagtanggol ito laban sa mga bully sa school nila.
Ang unang hakbang na ginawa niya ay ang bumisita sa bahay nila Top sa Pasay. Mula nang umalis sila sa dating tirahan ay nawalan na siya ng balita sa pamilya Geronimo. Ang tanging alam lang niya ay madalas na bumibisita naman ang kaniyang ama sa ama ni Top. Magkaibigan rin sila tita Sanya at ang lola nito dahil parehong retired teacher ang dalawa at sa iisang eskwelahan pa nagturo noon.
Kumampi naman sa kaniya ang tadhana dahil nang makausap niya si lola Ignacia ay nabanggit nito na wala pang asawa ang bunsong apo nito. Nag aalala na nga raw ang matanda dahil sa sobrang bait ni Top ay madalas na naloloko na ito ng mga babaeng nakakarelasyon nito.
Pera lang daw ang habol ng mga babae dito. Nang malaman niya iyon ay totoong nainis siya. Siya kasi ang klase ng tao na hindi papayag na magpaapi o maloko ng ibang tao. Kaya nga hindi niya maintindihan ang mga taong katulad ni Top kung bakit kahit halata nang niloloko ang mga ito ay hindi pa rin lumalaban.
Alam niyang nagtaka ang matanda dahil sa biglaang pagbisita niya. Nagdahilan na lang siya na may binisita siyang kaibigan na nakatira din sa village na iyon kaya naisipan niyang kamustahin ito. Bago siya umalis ay palihim na kinupit pa niya ang picture ni Top sa isang photo album na nakita niya sa ibabaw ng coffee table. Ilang gabi siyang hindi pinatulog ng picture ng binata dahil magdamag niyang tinitigan iyon.
Sino ba naman kasi ang mag aakala na magiging ganoon na kagwapo si Top? Mula sa pagiging baduy na nerd ay naging handsome nerd na ito. Hindi na nawala sa porma nito ang eyeglasses pero hindi na iyon katulad ng dati na sobrang kapal. Nasa uso na ang salamin nito sa mata. Lumaki na rin ang katawan nito at ang balita niya ay madalas itong magwork out kaya malamang na fit na fit na ang mga muscles nito. Ngayon lang niya napagmasdan ang features nito na matagal nitong itinago sa likod ng makapal na eyeglasses. Maganda at bilugan ang mga mata ng binata na binagayan ng makapal na kilay at malantik na pilikmata.
Matangos ang ilong nito at ang mga labi ay natural na mamula mula. Tisoy ito kaya mas lalong bumagay dito ang nerdy style nito. Napakainosente ng mukha ni Top pero nagsusumigaw naman ang katotohanan na sobrang hot nito dahil sa magandang built ng katawan nito.
“Good afternoon, ma'am.” Nakangiting bati sa kaniya ng security guard sa labas ng Lucky 7. Nginitian niya ito at pumasok na sa loob ng convenience store.
Okay. Nasaan na ba ang destiny ko..hmmm…
Inilibot niya ang mga mata sa buong lugar. Lumapit siya sa isang stall na may lamang mga alak. Malapit kasi iyon sa dulo kung saan naroon ang opisina. Nagkunwari siyang abala sa pagtingin ng mga alak habang iniisip niya kung paano niya makakausap si Top. Alam niyang naroon ito sa main branch ngayon dahil kapag weekdays ay doon daw talaga ito nagbabantay.
Nang makita niyang bumukas ang pinto ay napalingon siya sa direksiyon niyon. Lumabas mula sa opisina ang isang matangkad na babae. Kasunod nito ang isang matangkad at maputing lalaki na mukhang natataranta na sa paghabol dito.
Si Top!
Napasinghap siya at mabilis ang mga hakbang na sinundan ang dalawa hanggang sa labas ng Lucky 7.
“Eds,makinig ka na muna sa akin please? Hindi ako pwedeng maglabas na lang ng pera dahil malaki ang nagagastos ko ngayon sa pagpapatayo ng dalawang branch ng Lucky 7. Sana naman maintindihan mo na hindi birong pera ang hinihingi mo.”
“Iyon na nga eh!” humihikbing sabi ng babae na Eds pala ang pangalan. Mas matangkad ito kompara sa kaniya na 5’3 lang ang height. Mukha itong modelo ng shampoo commercial dahil bagsak at makintab ang mahabang buhok nito.
“Fourty thousand lang ang hinihingi ko sa'yo pero hindi mo na maibigay? Nakapagpagawa ka nga ng dalawang branch ng store mo. Tapos fourty thousand lang?” umiiyak na pinunasan nito ng palad ang mga luha sa magkabilang pisngi.
Kuwarenta mil? Lang? sasapakin ko ang babaeng ito!
“Kung hindi mo kayang ibigay ang gusto ko, ngayon palang sasabihin ko na sa'yo na wala kang pag asa akin. Hindi ko gugustuhing makipagdate sa isang kuripot na katulad mo!”
Awtomatikong tumaas ang kilay niya sa narinig. Malapit lang siya sa dalawa at parang gusto na nga niyang mas lumapit pa at ingudngod sa sahig ang maarteng babae.
“Pero Eds..please huwag namang ganito…” nagmamakaawang sabi ni Top. Hinawakan nito sa braso ang babae at plano pa siguro nitong suyuin. Bago pa man bumigay ang babae sa panunuyo nito ay umeksena na siya.
“Ho—oooy!” sigaw niya. Halatang parehong nagulat ang mga ito kaya napalingon sa kaniya. Lumapit siya sa dalawa at hinila si Top palayo.
“S-sino ka ba?” nalilitong tanong ng binata. Tinapunan lang niya ito ng mabilis na sulyap at saka nilingon si Eds.
“Anong palagay mo kay Top, ATM na pwede mong kunan ng pera anytime? Ang kapal mo rin ano?”
“Sino ka ba?” mataray na tanong nito at tiningnan siya mula ulo hangggang paa. Ginaya niya ang ginawa nito at saka niya maarteng pinagsalikop ang mga braso sa bandang dibdib niya.
“Ako? Ha!” binigyan niya ito ng makahulugang tingin saka muling nagsalita. “Ako lang naman si Jhanna Nykole Diolan Geronimo.”
“G-geronimo? Magkapatid kayo?” gulat na tanong ni Eds.
Nalaglag ang panga niya sa narinig.
“Tanga lang? magkamukha ba kami? Excuse me, wala akong lahing nerd, malalahian palang. Ako ang fiancée ng lalaking ito na hinuhuthutan mo ng pera. Ngayon….” Sinadya niyang tumigil sa pagsasalita at iginalaw ang leeg at pinatunog ang mga buto niya sa daliri.
“Bago ka pa manghiram ng mukha sa aso ninyo, lumayas ka na sa harapan ko. Kulang ang kuwarenta mil na hinihingi mo kay Top kapag pinatikim kita ng kamao ko.” Mariing banta niya at itinaas ang kamao na parang sumusuntok siya sa hangin.
Namutla si Eds nang mapansin na halatang seryoso siya sa banta niya. Umatras ito at namimilog ang mga mata na umiling ng ilang beses.
“S-sige na aalis na ako, hindi ko naman alam na may fiancée na pala si Top. Fvckboy naman kasi 'yang fiancée mo!” sabi nito at mabilis na kumaripas ng takbo.
“Aba’t” balak pa sana niyang habulin ito kaya lang ay pinigilan siya ni Top sa isang braso.
“Tama na, sino ka ba?” naiinis na tanong nito.
Pumihit siya paharap sa direksiyon nito.
“Ako nga ito, si Jhanna,”
“Jhanna?”
“Si Jhanna,” ulit niya.
“Ikaw 'yung babaeng weird na—” natutop nito ang mga labi at tigagal na pinagmasdan siya.
“Ako nga,” tumango siya. “Ako 'yung babaeng weird na pinangakuan mo ng kasal noon,”
“Ha?”
“Nakalimutan mo na?” kumunot ang noo niya at pinagmasdan ang gwapong mukha nito.
Sa reaksiyon nito ay halatang clueless ito sa mga sinabi niya. Nang mapansin nito na pinagtitinginan na sila ng mga tao ay lumapit ito at hinuli ang isang kamay niya.
“Sa opisina na lang tayo mag usap,” seryosong turan nito at marahang hinila na siya pabalik ng convenience store. Nagulat siya sa ginawa ni Top. Pero mas nagulat siya sa naging reaksiyon ng katawan niya nang maglapat ang mga balat nila.
Bakit para siyang kinuryente nang maramdaman niya ang pagdampi ng mainit na balat nito sa mismong balat niya? iyon na ba ang spark na madalas niyang marinig sa iba? Pero hindi lang yata spark ang naramdaman niya nang lumingon sa kaniya si Top. Parang yelo na biglang natunaw ang puso niya nang magtama ang mga mata nila. Bigla ay bumigat rin ang paghinga niya nang mapasulyap siya sa mapulang labi nito.
Aaaah! Ano bang nangyayari sa akin?