Chapter 1
Chapter 1: Potara Village.
Kasalukuyang binabagyo ng malakas na ulan ang mapayapang gabi ng Potara Village. Tanging naglalakasang patak ng mga ulan sa mga bubong at kalupaan ang maririnig sa buong baryo. Mabuti nalang talaga at may ilang puno pa ang nasa loob nito na tumutulong absorbahin ang mga ulan kaya hindi masiyadong bumabaha.
Nababalutan ang paligid ng baryo sa labas ng malawak na berdeng kalupaan ng mga maliliit na damo. Mayroong malawak na lupain ng bukirin sa labas ng kanan nito at sa kaliwa naman ilang daang metro ang layo ay makikita ang mapanganib at malawak na kagubatan na puno ng mga hayop. Pero dahil Ilan sa mga tao ay ordinaryo lang, hindi abot ng paningin nila ang malayong kagubatan.
Hindi pa sementado ang kabuuan ng sahig ng loob ng baryo kaya puro lupa pa ang karamihan sa loob nito. Sa kalagitnaan ng ganito kalakas na ulan ay malaking parte ng village na hindi pa sementado ang nagiging maputik na nagpapahirap lumakad sa mga mamamayan. Madulas ang sahig kaya humihinto muna sa trabaho ang karamihan sa mga mamamayan dito.
Malakas ang ulan kaya natural na walang makikitang masiyadong tao sa labas. Nasa loob sila ng mga tahanan nila at humihiling na sana ay maagang matapos ang maulang mga araw dahil marami sa kanilang negosyo at trabaho ang naaapektuhan.
Masamang araw sa karamihan ng mahihirap ang tag-ulan dahil ito ang mga araw na minsan ay hindi sila nakakakain ng maayos.
Ngunit walang kaalam-alam ang mga mamamayan ng Potara Village na sa araw na ito ay may dumating na binata sa isang kahoy na bahay. Hindi siya nagpunta lang sa baryo, galing siya mismo sa ibang mundo kaya ang tawag sa kagaya niya ay Otherworldly Human.
Sa loob ng silid na kahoy na bahay ay may binatang may magulong asul na buhok ang biglang napunta sa mundong ito. Nakatayo siya sa harap ng bintana ng tinutuluyan niyang bahay at taimtim na pinagmamasdan ang malakas na ulan habang suot ang itim na damit. Kagaya ng kulay ng mga buhok niya ang pares niyang mata na kulay asul, para itong mapayapang dagat na masarap pagmasdan kaya maraming mahihikayat sa mga matang ito.
Maputi ang kutis niya ng kaunti at ang ilong niya ay sakto lang ang tangos. Kahit ang kaniyang taas ay normal lang. Mukha siyang mabait at tapat na tao.
Sa likod ng kalmado niyang mukha ay ang hindi makapaniwala niyang pag-iisip. Kanina lang ay nasa loob siya ng silid at nakatitig sa computer na ginagamit niya. Wala siyang kamalay-malay na bigla niya nalang palang makikita ang sarili niya na nakatayo sa harap ng bintana at nakatingin sa labas kung saan makikita ang malalakas na patak ng ulan.
"Nasaan ako?" Tinignan niya ang mga kamay niya at parang wala namang masiyadong nagbago. Maliban sa pagputi ng kutis niya.
Inilibot niya ang tingin niya sa paligid at nakita niya ang kamang gawa sa kahoy na pang-isahan lang. Sa gilid nito tatlong talampakan ang layo ay maliit na lamesa at isa ring upuan. Mayroon ding aparador na ginawa rin para sa isang tao at sa gilid nito ay may maliit na bilog na salamin na pang ulo lamang.
Sa likod ay may pintuan pang makikita na siguradong palikuran ang nasa likod.
Masiyadong pamilyar sa kaniya ang lugar na 'to!
Thump! Thump!
Lumalakas ang pagtibok ng puso niya sa kaniyang mga nakikita. Kailan lang ilang buwan ang nakalipas ay naaalala niyang nakita niya rin ang eksaktong mga nakikita niya ngayon sa kaniyang harapan. Pero nakita niya ito noon sa laro na nilalaro niya sa kaniyang Computer. Hindi sa personal kagaya ngayon.
"Hindi 'to posible! Baka nananaginip lang ako." May takot na wika ni Rain tiyaka lumakad sa harap ng salamin.
At nang makita niya ang mukha niya ay nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Nakumpirma niyang nandito nga talaga siya sa lugar na iniisip niya.
"R-Rain Goodman? Ang ginagamit kong karakter sa larong World of Fantasy?" Nanliit ang itim sa mga mata niya sa nakita. Napanganga siyang nanginginig ang baba habang nakatulala sa salamin. Pakiramdam niya ay nawalan din ng lakas ang kaniyang mga tuhod para suportahan ang pagtayo niya.
Imposible!
Mayroon na siyang mga nabasang ganitong pangyayari sa mga manga at light novels, pamilyar siya sa ganitong mga eksena. Pero lahat ng mga nabasa niyang iyon ay piksyon lamang at kathang isip ng mga manunulat na lumikha ng mga story kaya imposibleng mangyari ang mga iyon sa kaniya.
"Hindi maaari." Kinakabahang napaatras si Rain at hindi niya napansin na may butas pala ang bubong ng bahay na tinutuluyan niya na naging dahilan ng pagkabasa ng sahig. Paghakbang ng isa niyang paa paatras ay dumulas ito at nawalan siya ng balanse.
PAK!
Lumagatok ang katawan ni Rain sa sahig at ang tama ng likod ng ulo niya ay medyo napalakas kaya bigla nalang nagdilim ang paningin niya. Bago pa makareak ang binata ay tuluyan na siyang nawalan ng malay.
....
Dalawang oras ang lumipas at nagkamalay na si Rain Goodman sa kaniyang pagkabagok. Nagising siya na may tumutulong patak ng tubig sa mukha niya kaya mabilis siyang umikot patagilid sa kanan niya para ilagan ito.
"Ahh. Basang-basa na ako." Pagbangon niya ay agad niyang hinubad ang suot niyang itim na damit tiyaka nagtungo sa aparador. Binuksan niya ito at tumumbad sa harap niya ang ilang lumang damit na puwede niyang gamitin. Kumuha siya ng asul na damit at mayroon din siyang nakitang dilaw na tuwalya na kinuha niya at pinunas sa katawan at basang-basa na buhok.
Matapos magpunas ay sinuot niya ang damit at taimtim na umupo sa kama. Idinikit niya ang mga siko niya sa binti niya at inisip kung ano ang dapat niyang gawin sa sitwasyong ito. Wala namang mangyayari kung magpapanik siya, lalo lang lalala ang kaniyang kalagayan kapag ginawa niya 'yon.
"Kung panaginip man 'to ay mas mabuti. Kahit na mahilig ako sa pagbabasa, hindi pa rin mabubura nito na mapanganib ang mga mundo ng mga binabasa at nilalaro kong fantasy." Malinaw sa kaniya ang mga nabasa niyang story. Hindi siya kagaya ng mga bida na nilalaro at binabasa niya, kapag siya ang napunta sa sitwasyon nila ay puwedeng-puwede siyang mamatay.
Napahinto naman saglit ang binata at naalala niya ang mga nagagamit sa laro.
"Status."
------------------------------------------------------
[Name: Rain Goodman
Rank: Body Strengthening 1
Strength: 1
Agility: 1
Vitality: 1
Stamina: 1
Skills: None.
Points: 0
EXP: 0%
------------------------------------------------------
"1 rin? 1 ang normal na numero ng stats ng mga normal na tao. Tataas lang ito sa bawat pagpatay ng mga halimaw kada angat ng antas ng lakas." Napahawak sa baba niya ang binata nang maalala niya ang pagsisimula niya sa WOF na laro.
Ang uno sa stats ay sumesenyales na ordinaryo lang ang lakas ng tao. Ang pinakamalakas na puwedeng makuha ng mga normal na tao ay 2-5 stats lang sa bawat kategorya kahit na sabihing mas talentado sila ng kaunti sa mga normal na tao. Tanging mga tao lang na may potensiyal maging Adventurer ang makakalagpas sa limitasyon na 5 stats.
Kada pag-angat din ng stats ng sampo ay madadagdagan ng konsiderable ang pangkalahatang lakas nito.
"Mayroon ding EXP at Points?" Natuwa sa natuklasan ang binata. Ang porsiyento ng EXP ay maikukumpara sa level sa mga laro, kada taas nito ay dadagdag ng limang puntos ang lahat ng stat niya dahil aangat ang antas ng rank niya. Magkakaroon din siya ng [Points] na puwede niyang idagdag sa mapipili niyang stat kagaya ng [Strength] na magpapadagdag sa pisikal na lakas niya.
Walang kamalay-malay si Rain na hindi na pala siya on katensiyonado dahil sa nakuha ng status ang kaniyang atensiyon.
Sinuri niya pa saglit ang katawan niya at ang kapaligiran niya hanggang sa maging isang-daang porsiyento na siya na tama nga ang hinala niyang siya talaga si Rain Goodman, isa sa limang character na puwedeng gamitin sa larong WOF. Bawat karakter ay nasa village na ito ang kuwento.
Humihina na ang ulan nang punasan ni Rain ng basahan ang sahig. Kumuha rin siya ng maliit na balde para rito tumulo ang mga patak ng ulan.
"Kung totoo ngang nandito ako sa mundo ng WOF. Kailangan ko bang lagpasan ang mga mission at event na kinaharap ko sa laro noon?" Nang maisip niya na puwede niyang kaharapin ang mga pinagdaanan sa laro ay hindi niya mapigilan ang mapangiti ng mapait at manlumo dahil alam niya sa sarili niya na napakahirap lagpasan ng mga mission at event sa larong WOF.
Itinaas niya ng kaunti hanggang tiyan niya ang dalawang kamay niya at nagbilang gamit ang mga ito. Nang matapos sa pagbibilang ay lalo siyang nanlumo dahil sa lumagpas na ng dalawampung beses na siyang namatay sa larong iyon. At sa mundong ito ay walang kasiguraduhan kung mabubuhay rin ba ulit siya 'pag namatay kagaya sa laro.
"Hindi. Mamamatay ako kapag namatay ako ng isang beses dito." Nanginig ang mga kamay niya. Maliit ang tsansa na mayroong respawn o muling pagkabuhay sa mundong ito dahil halos lahat ng nakikita niya ay makatotohnan! Sinubukan niya na kanina na kurutin at saktan ang sarili na hanggang ngayon ay nasa likod pa rin ng kamay niya ang bakas ng kurot.
Tumingala si Kaito at nakita niya sa dingding ang bilog na orasan. Nakatutok ang maliit sa 11 at sa 1 naman ang malaking turo.
"11:05PM na. Hindi pa naman ako inaantok." May gusto ring subukan ang binata na naiisip niya. Sa laro kasi ay may naalala siyang feature ng laro na hindi masiyadong pinapansin ng mga players dahil sa mas mabilis makapagpalakas ang pagpaslang ng mga halimaw at mababangis na hayop.
"Pero basa ang sahig." Kamot ulo niyang wika. Kanina ay nadulas na siya at nawalan siya ng malay sa pagkabagok kaya ayaw niya na ang maulit pa ito. Natatakot na baka mas malala pa ang susunod niyang sasapitin.
"Subukan ko muna ang push-up." Idinikit niya ang mga palad niya sa gilid ng kama at ipinorma ang katawan na parang magpu-push-up.
Nang maayos na ang katawan ay nagpush-up na nga siya. Sa unang push-up niya ay hindi niya naramdaman ang pagod kaya nagtuloy-tuloy siya rito ng walang hinto. Pero sa kaniyang pang sampong push-up ay naramdaman niya na ang pagod at nagsisilabasan na rin sa noo niya ang mga butil ng pawis. Nanginginig ang braso niyang tumaas at baba hanggang sa tuluyan na siyang huminto.
"Labing-dalawa ang nakayanan ko?" Hinahabol na hiningang sabi niya sa kaniyang sarili. Kahit na hindi gayon karami ang nagawa niyang push-up ay masaya pa rin naman na siya sa kaniyang resulta dahil hindi naman siya nag-eehersisyo noon sa dati niyang tinutuluyan. Makokonsiderang magandang simula na ang hindi ganoon kasama niyang resulta.
Nagpahinga ng limang minuto ang binata at nagpush-up ulit siya nang pakiramdam niya ay kaya niya nang magpatuloy. Ginawa niya ito ng ginawa hanggang sa napansin niyang medyo namamanhid na ang mga braso niya, punong-puno na rin ng pawis ang noo niya kahit na malamig ang panahon.
Nagpunas ng katawan si Rain at nagpalit ulit ng damit bago bumalik sa kama. Bago siya matulog ay muli niyang tinignan ang kaniyang status at umukit ang ngiti sa labi niya nang makita niyang nadagdagan ang kaniyang strength.
------------------------------------------------------
[Name: Rain Goodman
Rank: Body Strengthening 1
Strength: 2
Agility: 1
Vitality: 1
Stamina: 1
Skills: None.
Points: 0
EXP: 0%
------------------------------------------------------
"Tumaas nga! Papataasin ko pa ang stats ko!" Determinadong wika niya sa sarili.
Kung wala pang kasiguraduhan kung bakit at paano siya napunta rito ay kailangan niya munang pataasin ang stats niya at makaligtas sa mga mapanganib na mangyayari hanggang sa dumating na ang kasagutan sa misteryosong pagpunta niya rito. Naniniwala rin siya na may darating at magbibigay ng kasagutan sa kaniya para makabalik siya sa mundo niya dahil imposibleng mapunta siya sa mundong ito na walang dahilan.
....
Kinabukasan, nagising ang binata sa tilaok ng mga manok. Pasikat palang ang araw pero may ilang magsasaka na ang mga nakasuot ng bota na dali-daling lumalakad patungo sa mga tanim nila para tignan ang nangyari sa kanilang mga itinanim na gulay. Hindi kagaya ng mga nakaraang bagyo ang tumama sa kanila kagabi, mas malakas ito ng ilang beses kaya marami sa mga magsasaka na nabubuhay lang sa pagtatanim ay balisa buong gabi kakaisip sa kanilang mga tanim.
"Maputik pa rin." Lumabas ang binata sa bahay niya. Nagsuot din siya ng bota dahil maputik ang sahig at siguradong magtatalsikan sa paa niya ang mga ito kapag walang bota.
"Inventory." Binuksan niya ang inventory niya na lalagyan ng mga gamit. Lumabas ang walang laman na malaking box sa harap niya na naglalaman din ng daan-daang maliliit na box, bawat isa sa mga maliliit na box ay puwedeng lagyan ng isang uri ng mga gamit.
"Mn? Kagayang-kagaya nga talaga sa Potara Village." Inilibot niya ang paningin niya sa paligid at nakita niya ang mga maliliit ding bahay na gawa sa kahoy. Ang kalsada ay medyo maputik pero ang ilang parte naman ay tuyo na kaya hindi ganoon kahirap ang maglakad.
Lumabas si Rain sa bahay niya at isinara ito. Wala siyang pera kahit na kusing at kung hindi siya makakakain ay mamamatay siya sa gutom. Mabuti nalang talaga at may alam siyang libreng kainan sa Potara Village kaya makakakain pa rin siya kahit na walang pera. Ang maganda pa rito ay araw-araw bukas ang libreng kainan na iyon.
Nagtungo siya sa Adventurer's Building. Ang gusali ay dalawang palapag na gawa sa semento, kasing lapad at lawak nito ang mga naglalakihang mga munisipyo sa dati niyang mundo. Mayroong malaking espadang nakaukit sa gitna ng kabuuan ng gusali na sumesenyales sa pagiging Adventurer's Guild nito kaya madaling makikita ng mga tao ang gusali kahit na bago sila sa village.
Pagdating niya rito ay maraming mga mata ang nakatingin sa kaniya habang naglalakad kaya medyo naiilang ang binata. Malawak ang gusali na ito sapagkat dito nagtatrabaho ang mga opisyal na Adventurer at ang mga kilala bilang mga guro sa paaralan ng mga batang adventurer.
"May isa pang kagaya ng apat na pinatawag ng Elder kanina?" Bulong ng binata na may medyo matikas na katawan. Ang tono ng pananalita nito ay halatang naiinggit.
Unang tingin palang ay malalaman na agad na batang adventurer ang binatang ito. Kahit ang presensiyang inilalabas nito ay hindi normal at siguradong magdurusa ang mga manghahamak dito kapag inisip nilang puwede nilang hamakin siya dahil sa pagiging bata niya.
Kakapasok palang ni Rain sa loob ng Adventurer's Building pero parang apoy na kumalat agad ang balita tungkol sa kaniya. Mapapansin kasi na kakaiba ang buhok at mga mata nito, karamihan ng mga nasa paligid niya ay itim lang ang kulay ng mga buhok at mga mata nila.
Iilan lang ang mga batang adventurer na may ibang kulay ng buhok. Gayunpaman ay hindi pa rin maikukumpara ang mga ito sa kagaya ni Rain Goodman na mukhang kakaiba talaga.
Ilang minutong naglakad ang binata hanggang sa makarating siya sa lamesa ng babaeng receptionist na umaasikaso ng mga dokumento ng mga bata at matatandang adventurer. Para makakain siya ng libre ay kailangan niyang maging miyembro ng Adventurer's Guild at eksklusibo lang ang libreng pagkain na kailangan niya sa mga bata o matandang adventurer.
"Maligayang pagdating sa Adventurer's Building. Anong maipaglilingkod ko sa'yo, Ginoo?" Matamis na ngiting bati ng maputi at magandang babae na may itim na buhok kagaya ng mga mata niya. Nakasuot siya ng magarang puting bistida na tumatakip sa halos lahat ng parte ng katawan niya. Kahit natatakpan ay halata pa rin na ang kutis niya ay makinis at maputi, ang buhok naman niya ay hanggang tagiliran at ang makinang-kinang nitong kintab ay tanda na hindi nagkukulang sa pag-aasikaso ng buhok niya ang babae.
'Receptionist Anya. Kung natatandaan ko ay nakasulat ang edad niya noon na dalawampu't apat.'
"Nais ko po sanang magparehistro bilang Adventurer." Magalang na tugon ni Rain.
Magsasalita palang sana si Anya ngunit napahinto siya nang biglang sumulpot ang isang tao sa likod ni Rain. Namuo rin ang ilang butil ng pawis sa noo niya at bahagyang iniyuko ang kaniyang ulo para hindi masalubong ang tingin ng mga matang kinatatakutan niya.