Chapter 2

2935 Words
Chapter 2: The Trash Napansin ni Rain ang pagbabago ng ekspresyon sa mukha ng receptionist nang tumingin ito sa likod niya bago yumuko ng kaunti. Dahan-dahan siyang lumingon at bumulaga sa harap niya ang mapayat pero matangkad na katawan ng matandang lalaki. Naglalabas ito ng nakakatakot na hangin sa paligid na wari'y nangangain ito ng buhay, kaya madalas ay marami ang lumalayo rito. "Elder Devil!" Tawag ni Rain sa kaharap niyang matanda. Ito ang literal na pangalan ng matanda, Elder Devil dahil sa nakakatakot na paraan nito sa pagsasanay sa mga talentadong mga bata na may magandang kinabukasan sa pagiging Adventurer. May tatlong Elder na puwede niyang pagpilian para maging guro niya. At ang Elder Devil ang pinakamagandang pagpipilian sa mga ito dahil kahit na marahas ang pagsasanay sa kaniya ay mahahasa naman nito ang mga bata. Ang problema nga lang ay ang ugali nito, kapag may hindi ito nagustuhan ay malalagot ang nagsasanay na nagbigay ng hindi magandang resulta o gawain kay Elder Devil. "Bata, sumunod ka sa'kin." Walang emosyong sabi nito. Nanlamig ang likod ni Rain at namuo ang ilang butil ng pawis sa noo niya sa kaniyang narinig. Pakiramdam niya rin ay may mangyayaring masama sa kaniya kapag tinanggihan niya ito. Alam niyang nakakatakot ito sa laro pero ngayon niya lang nalaman na ganito pala talaga katakot-takot ang matanda. Hindi na hinintay pa ni Elder Devil na sumagot si Rain. Sa halip, tumalikod agad ito at nagsimula nang maglakad palayo na animo'y alam niyang susunod din naman ito. Dali-dali namang sumunod ang binata sa likod ng matanda at kinalimutan na muna ang pagpaparehistro sa receptionist para maging opisyal na sana siyang adventurer. Pero bago makalayo ay lumingon si Rain sa receptionist at kumaway ito tiyaka pabulong na nagwika, "Magpaparehistro nalang po ako pagbalik ko mamaya." Hindi niya alam kung naintindihan ng babae ang bulong niya pero ngumiti naman ang babae at tumango kaya itinuon nalang ng binata ang atensiyon sa matanda. Tahimik na naglalakad ang dalawa. May ilan silang nakasalubong na mga tao sa paligid pero bawat isa sa mga ito ay bahagyang yumuyuko at patagong umiiwas ng tingin, natatakot na baka hindi magustuhan ng matanda ang tingin nila. Kahit dito na puno ng mga Adventurer ay kinatatakutan ang matandang guro. Huminto ang matanda sa harap ng pintuan. Binuksan niya ang pinto at sumenyas gamit ang kamay niya na hindi lumilingon sa nasa likod niyang binata na sumunod ito sa loob. Pagpasok ni Rain ay bumungad sa paningin niya ang tatlong lalaki na kaedaran niya at isa pang babae na halos kaedaran niya rin. 'Hindi kaya kagaya ko rin sila?' Nagkaroon ng kaunting pag-asa ang binata at umasang ang apat na ito ay galing din sa mundong pinanggagalingan niya. Isinara ng matanda ang pinto at nagsalita ito, "Magpakilala ka sa apat." Utos niya kay Rain. Tumango siya at nagpunta sa harap ng apat na pinagmamasdan din siya mula ulo hanggang paa. Pakiramdam niya ay sinusuri siya ng mga ito para malaman ang ilang bagay. "Ako nga pala si Rain Goodman." Malumanay niyang pakilala at inilahad niya ang palad sa harap ng apat. Nauna siya sa babae para makipagkamayan dito at makapagpakilala rin sila. Ang totoo ay alam niya na ang pangalan ng mga ito, pero para walang maging problema ay nagpanggap nalang siyang hindi pa sila kilala. Ang babae ay may suot na itim na bistida, kulay violet ang buhok nito hanggang balikat. Ang mga mata niya ay kulay violet din at unang tingin palang sa maputi at makinis niyang mukha ay mabibighani na sa ganda ang mga makakakita nito. Kahit ang matanda ay malumanay ang tingin sa babae, posibleng dahil ito sa ganda niya o nagustuhan nito ang magandang talento nito. "Ako naman si Aura Scarlet." Tinanggap ni Aura na may ngiti sa labi ang kamay ni Rain. Malambot ang mga kamay ng babae at talagang masarap hawakan ito. Gayunpaman ay binitawan din ito agad ni Rain at lumipat na sa katabi nito. Natatakot na baka mabagalan sa kaniya ang matanda. Kagaya nung una ay inihaya niya rin ang kamay niya para makipagkamayan sa kaharap na binata. Kulay pula ang buhok nito at ang mga mata niya ay parang nag-aapoy sa determinasyon na lalong nagpaguwapo sa mukha niya. Kayumanggi ang kutis nito at naglalabas ito ng pakiramdam na parang galing siya sa marangal at kagalang-galang na pamilya. "Ako naman si Axel Crimson. Ikinagagalak kong makilala ka, Rain Goodman." Nakangiting tinanggap ni Axel ang kamay ni Rain. Komportable naman si Rain dahil mukhang natural ang pinapakitang kabaitan na taglay ni Axel. Sa likod ni Rain ay napatango si Elder Devil nang tumingin siya kay Axel. Tila aprobado niya na ang binata. Kanina niya pa nalaman ang tungkol sa mga talento nila kaya naman mas maganda ang trato niya sa mga ito kumpara sa bagong binata na kaharap niya ngayon. Sa gilid ni Axel ay ang binatang may gintong mga buhok at ginto ring pares ng mga mata. Makinis din ang kutis nito kagaya ng mga naunang nagpakilala, pero ito lang ang tanging binata na naglalabas ng pakiramdam na parang galing ito sa mayamang pamilya. Nakangiti ito at sa pagngiti nito ay parang pumipikit ang mga mata niya pero ang totoo ay nakamulat pa rin ang mga ito at nakakakita pa rin siya ng maayos. "Ako nga pala si Soren Orlando." Nakipagkamayan si Rain sa binata. Bawat isa sa kanila ay naglalabas ng iba't ibang aura sa paligid nila. Ang nasa dulo naman ay ang pang-apat sa kanila. Kilalang-kilala ito ni Rain dahil itong karakter na ito ang dapat niyang pipiliin noong una palang dahil naaangasan siya rito. Ang karakter na si Grim Crow, itim ang magulong buhok nito na tumatakip sa mga kilay niya. Ang kaniyang mga mata ay itim rin pero malamig ang binibigay nitong tingin. "Ako si Grim Crow." Kagaya ng mga mata nito ang tono ng boses niya na malamig. Nagkamayan din sila. "Rain Goodman, nakapagpakilala kana kaya maaari mo nang tignan ang iyong status at sabihin sa'kin kung anong skill ang mayroon ka. Nabanggit na ng apat ang kani-kanilang mga skill." Malamig na paliwanag ni Elder Devil pero makikitaan ng ekspektasyon ang mga mata niya. Unang tingin palang ay mapapansin nang kagaya ng apat si Rain, mga talentadong binata't dalaga na magiging malaking tulong sa kanilang Potara Village kapag napalaki ng maayos. Walang status system ang Elder Devil at kahit siya ay kanina lang narinig ang tungkol dito sa apat na batang sinuri niya kanina. Pero sa mga natuklasan niya ay ang status nila ay isang uri ng panunukat ng lakas nila at pagtingin din sa kanilang mga natural na skill na puwedeng magamit. Ang isa pang nagustuhan ng matanda sa apat ay hindi niya kayang tuklasin ang totoong antas ng lakas nila, pero sinabi na ng apat na [Body Strengthening 1] palang ang rank nila. At inimbitahan niya rito si Rain dahil kagaya siya ng apat na hindi niya rin nararamdaman ang antas ng lakas, kaya umaasa talaga siya na maganda ang talento nito. Napalunok naman si Rain Goodman at napangiti ng mapait. Bahagya niyang iniyuko ang kaniyang ulo at nahihiyang nagwika, "Wala po akong skill na nakikita sa status ko. Kagabi ko pa po ito tinignan." Nang marinig ng apat ang sagot ni Rain ay nagkaroon ng misteryosong liwanag sa mga mata nila na tila may natuklasan silang mahalagang impormasyon sa sinabi ni Rain. Ang mukha naman ng Elder Devil ay nagdilim at ang tingin na ibinibigay niya kay Rain ay sumama. Hindi niya gusto na didismayahin siya ng binatang ito lalo na't malaki pa naman ang inaasahan niya rito. "Kung niloloko mo ako ay magsabi kana ng totoo dahil hindi ako marunong makipagbiruan." Binigyan niya ng mapagbantang tingin si Rain kasama ng binitawan niyang salita na puno ng pagbabanta. Kung nakakapatay ang mga tingin ay siguradong hiwa-hiwa na ang bawat parte ng katawan ng binata sa maraming piraso. "W-wala po talaga akong kahit na isang skill. Nagsasabi po ako ng totoo." Sinserong nauutal sa takot na paliwanag ni Rain. Napaatras naman ang binata sa takot nang mapansin na sumama pang lalo ang ekspresyon ni Elder Devil. Dahan-dahan na rin itong humahakbang palapit kay Rain na halata sa mukha na hindi maganda ang binabalak. "Sandali lang po, Elder Devil. Kaibigan ko po si Rain. Maaari po bang hayaan niyo nalang siya?" Hindi pa lubusang kilala ni Aura Scarlet ang matanda, pero sa pag-iwas palang at takot ng mga tao na nakikita niya sa mga nasa paligid tuwing nakakasalubong nila ang matanda ay isa nang malaking senyales na posibleng isa hindi ito mabuting tao. Siguradong hindi maganda ang sasapitin nang bawat taong mang gagalit sa matandang ito. "Magkakilala kayo?" Napahinto sa paghakbang ang matanda at medyo lumambot na ang tingin niya nang dumapo ito sa nagsalitang si Aura. "Opo. Kaibigan ko po si Rain kaya puwede po bang hayaan niyo nalang siyang umalis?" Pakiusap muli ni Aura. Mukhang nagsasabi ng totoo si Aura. Ngunit, sa matalim na paningin at pagmamatyag ni Elder Devil ay nalaman niyang nagsisinungaling lang ito para iligtas si Rain. Gayunpaman, tumango naman ang matanda bilang tugon sa kahilingan ni Aura at piniling bigyan niya ng respeto ang kahilingan ng dalaga. Nagustuhan niya din naman ang ginawa ni Aura na handa itong tumulong sa kapwa niya. Siguradong kapag nakaramdam ng mainit na pagmamahal ang babae sa pamunuan ay hindi nito ta-traydurin ang baryo at magiging malaking tulong 'to sa kanila. "Lumabas kana at h'wag kang magpapakita sa'kin." Bumalik ang malamig niyang ekspresyon nang mapunta ang tingin niya kay Rain. Kahit na kagaya ito ng apat na hindi niya kayang tuklasin ang antas ng lakas ay hindi na rin mahirap tuklasin na basura ito dahil kung kagaya siya ng apat ay ipapanganak siyang may natural na skill. Posible pang normal na tao lang talaga ang binatang ito kaya wala siyang nararamdaman na aura. "M-masusunod po." Walang alinlangan namang tumakbo ang binata palabas ng silid. Pawis na pawis siyang nakalabas sa silid at agad na nagtungo sa receptionist. Nagparehistro siya bilang batang adventurer. Sinagutan niya lang ang mga katanungan na ibinigay sa kaniya ni Anya at nang matapos ito ay naging ganap na nga siyang batang adventurer. May oras naman ang kaniyang pagiging batang Adventurer dahil sa oras na walang magbago sa antas ng lakas niya pagtungtong niya sa labing-walong taong gulang ay awtomatiko siyang tatanggalan ng karapatan sa pagiging adventurer. Malaki ang pondo ng Adventurer's Guild pero hindi sila puwedeng mag-aksaya ng pondo nila sa mga taong walang sapat na potensyal. Pipiliin lang nila ang mga taong may kinabukasan talaga bilang Adventurer. Tumanggap ng gawa sa bronze na bilog na token ang binata. Nakaukit dito ang espada na sumisimbolo sa kagitingan ng Adventurer's Guild. Itinago niya ito sa inventory niya at lumakad na sa susunod niyang destinasyon. .... Nang maging ganap na siyang batang adventurer ay dumiretso na siya sa kapiterya ng Adventurer's School. Ito ay paaralan na nasa likod lang ng Adventurer's Building, kailangan namang dumaan sa gusali dahil nababalot ng mataas na pader ang buong paaralan, at ang daan lang na puwedeng pasukan ay ang pinto sa likod ng Adventurer's Building. Kagaya lang ng ordinaryong paaralan ang Adventurer's School. Mayroon itong mga silid na pinagtuturuan ng mga Elder at iba pang mga gurong Adventurer. Mayroon din itong kapiterya, at malawak na madamong espasyo para pagsanayan ng kanilang mga kakayahan sa aktwal na laban. Pumunta lang si Rain sa kapiterya para kuhanin ang tatlong pagkain na puwede niyang kainin. Umaga palang at karamihan sa mga batang Adventurer ay may kaya sa bunay at galing sa mga makapangyarihang pamilya kaya hindi nila kailangang umasa sa libreng pagkain ng paaralan. Kumuha lang ng tatlong plato ng pagkain si Rain na nababalutan ng plastik para hindi tumapon. Bawat pagkain ay nakabalot na sa platito, kinain niya sa lamesa ang pang umagahan niya at itinago niya naman sa [Inventory] niya ang dalawang pagkain pang kinuha. Maaari niya nang kuhanin agad ang tatlong libreng pagkain na mayroon siya dahil ang iba sa mga batang Adventurer ay pursigido sa kanilang pagsasanay, wala silang ekstra na oras para bumalik sa kapiterya dahil bawat minuto para sa mga Adventurer ay napakahalaga. Pagkatapos kumain ni Rain sa kapiterya ay bumalik siya sa matandang babae na nagbibigay ng mga pagkain. "Maraming salamat po sa pagkain." Bahagyang yumuko si Rain. Nakapagpasalamat na siya nung una pero ginawa niya lang ulit ito para ipakita na na-appreciate niya ang luto ng matanda. "Ohh? Mukhang naubos mo na agad ang tatlo. Gusto mo pabang kumuha ng panibagong plato ng pagkain para sa tanghalian at hapunan mo?" Nakita ng matanda na wala na ang mga hawak niya kanina na mga platito ng pagkain. Ilang minuto palang simula nang kumuha siya kanina at naubos niya na agad ito. "Nakakuha na po ako ng tatlo manang." Kamot ulong wika ni Rain pero sa loob niya ay gusto niya pang humingi, malaking tulong ang ekstra pang plato ng pagkain na maitatabi niya sa kaniyang [Inventory] dahil bawat pagkain na narito ay hindi mapapanis kahit na habang buhay pa itong nakatago. Nahihiya lang talaga siya sa matanda. "Nako ka. Hindi naman nauubos ang karamihan sa mga niluluto ko kaya mas matutuwa pa ako kung hindi ito masasayang. Mukhang naubos mo rin agad ang tatlong plato ng pagkain. Siguradong magugutom ka mamaya kapag natapos kanang magsanay." Kumuha ng malaking lalagyan na plastic si Manang at naglagay ito ng tatlong plato ulit ng mga pagkain sa loob. Pagkatapos ibalot ang tatlong platito na nababalot din ng plastic ang taas para hindi matapon ay iniabot niya ito sa kamay ni Rain. "Kapag nagutom ka at kinulang 'yan ay bumalik ka lang ulit dito." Nakangiting paalala niya sa binata at tinapik pa ang balikat ni Rain para pakalmahin ito dahil mukhang nahihiya talaga sa kaniya ang binata. "Maraming salamat po, Manang. Ako nga po pala si Rain." Matapos magpakilala ay tumango ang matanda na may ngiti sa labi kaya lumakad na rin palayo si Rain. Itinabi niya sa kaniyang [Inventory] ang nakaplastik na tatlong plato ng pagkain. Ang mga pagkaing ito ay siguradong sasapat na para mabuhay siya ng dalawang araw na hindi pino-problema ang pagkain. Dumiretso na siya pauwi pagkatapos kumuha ng pagkain. Naging isa lang naman siyang Adventurer para makuha ang benepisyo nito na libreng pagkain. Wala siyang plano na magsanay at mag-aral sa likod ng mga matatandang Adventurer sa paaralan. Ang maraming kaalaman niya palang sa laro ay sapat na para sanayin niya mag-isa ang sarili at maging mas malakas. "Ang kailangan ko lang talaga ngayon ay ang pagpapataas ng mga numero sa status ko." Kahit na hindi siya maging magaling sa Martial Arts o iba pang uri ng technique sa pakikipaglaban, kapag ang stats niya naman ay tumaas, walang magagawa ang mga martial arts at technique laban sa kaniyang purong pisikal na lakas. Anong magagawa ng suntok o sipa kahit sa importante at delikadong parte ng katawan niya ito tatama kung magiging kasing tibay naman ng bakal ang katawan niya? Maging mataas man na kalidad ang gamiting Martial Arts laban sa kaniya ay wala pa rin itong magiging epekto sa huli. Sumaktong pagdating niya sa harap ng tahanan ay umulan ulit ng malakas. Hinubad niya ang sinuot niyang bota sa gilid ng labas ng pintuan bago pumasok sa loob. Sinimulan niya ulit ang pagpapalakas ng kaniyang katawan sa pag-eehersisyo. Pero ang ginawa niya naman ngayon ay dalawang uri ng exercise, ang isa ay kagaya kagabi at ang pangalawa naman ay ang tuloy-tuloy na pagtalon ng matataas hanggang sa manghina na ang mga binti niya. Ginawa niya ang ganitong uri ng buhay sa tahanan niya sa loob ng dalawang araw. Mabilis na tumaas ang antas ng lakas niya at unti-unti niya na ring napapansin ang paglakas ng katawan niya dahil mas maraming beses na siyang nakakapagpush-up at nakakatalon ng mataas kumpara sa bilang ng mga nauna. Noong unang araw ay kinaya niya lang hanggang labing-dalawang push-up pero ngayong ginawa niya ito ng diretsong dalawang araw ay nalaman niyang ang limitasyon niya ay hanggang labing-walo na. Kada push-up ay nagpapahinga lang siya ng tatlo hanggang limang minuto at uulitin niya na ulit ito kaya mabilis tumaas ang numero sa strength niya. Kahit ang kaniyang stamina ay nadagdagan na rin. "Status." ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 1 Strength: 10 Agility: 1 Vitality: 1 Stamina: 5 Skills: None. Points: 0 EXP: 0% ------------------------------------------------------ "Sapat na ang lakas ko laban sa mga Wild Boar!" Natuwa ang binata sa kaniyang nakita. Kahapon niya pa hindi tinignan ang kaniyang stats para surpresahin ang sarili at hindi naman siya nadismaya dahil sa umabot na sa sampo ang kaniyang strength. "Ang sampo sa [Strength] ay maikukumpara sa pisikal na lakas ng mga lobo, at mas malakas ang mga ito ng kaunti sa mga baboy ramo. Bukas na bukas ay puwede na akong magpunta sa gubat." Ang Wild Boar sa gubat ang dahilan kung bakit determinado siya sa kaniyang mga ginagawa. Kapag nasimulan niya na ang pagpaslang sa mga Wild Boar ay dito na rin magsisimula ang lahat. Ang pagtaas ng level niya at para masimulan niya na rin ang pagkuha sa mga sikretong nalalaman niya na makakapagpalakas sa kaniya. Wala man siyang kasagutan ngayon o nalalamang paraan para makaalis sa mundong ito. Nakapag-desisyon naman na siya na gagawin niya muna sa ngayon ang lahat ng makakaya niya para makaligtas at pigilang maganap ang mga mapanganib na mangyayari sa hinaharap. Habang masaya naman ang binata ay wala siyang kaalam-alam na kumalat na pala sa buong Potara Village ang kahihiyang sinapit niya kay Elder Devil. Marami namang mga batang adventurer ang natuwa na naiinggit sa kaniya noong una nang inakala nilang espesyal ito kagaya ng naunang apat na pinatawag ni Elder Devil.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD