Chapter 3: Hunting in the Niarich Forest!
Maaga palang at lumabas na si Rain sa kaniyang tahanan para kumuha ulit ng mga pagkain sa kapiterya ng paaralan. At para na rin maibalik niya ang mga plato na gagamitin ni Manang, hindi niya alam kung bakit pero pagdating sa mababait na matatandang tao ay mabilis siyang mahiya at nakokonsensiya kaya naman kahit na hindi gaano kahalaga ang mga platitong ito dahil malaki naman ang pondo ng Adventurer's Guild ay nahihiya pa rin siya sa matanda.
Ibinalik niya ang mga platito at pagkuha niya ulit ng mga pagkain ay lumakad na ulit siya palabas ng Adventurer's School. Mabuti nalang at wala pang masiyadong mga kabataan ang nagtutungo sa paaralan, siguradong mahimbing pang natutulog ang mga ito at maya-maya pa sila babangon dahil sa pagod kahapon.
....
Niarich Forest
Ang gubat na Niarich ay ilang daang metro lang ang layo sa Potara Village. Mapanganib ang gubat na ito dahil sa mga naninirahang mga hayop dito na walang habas kung pumatay ng kapwa nila mga hayop at mga taong nagtutungo rito. Kahit ang mga kuneho na mukhang hindi mananakit ay mapanganib para sa mga normal na tao dahil mahilig umatake sa leeg ng mga tao ang mga kuneho rito.
Puro nagtataasang mga puno ang nasa Niarich Forest. Dahil sa mga tuloy-tuloy na pag-ulan nitong nakaraang tatlong araw ay maraming mga hayop ang nakatago sa kanilang mga lungga. Pero ngayong pang-apat na araw ng binata sa mundong ito ay uminit na ang paligid dahil sa sikat ng araw at wala nang senyales pa ng malakas na bagyo kaya ang mga tao at mga hayop na nasa respetadong mga lugar nila ay bumabalik na sa kani-kanilang mga normal na buhay.
Tahimik ang kagubatan at tanging mga yapak lang ng mga paa ng isang binata ang maririnig sa paligid. Halos tatlumpong minuto nang naglalakad-lakad ang binata para humanap ng Wild Boar na mapapatay niya pero kahit isa ay wala pa siyang nakakasalubong.
"Wala pa ring lumalabas?" Naiinip na tanong niya sa sarili. Sinasadya niya nang lakasan ang pagtapak sa sahig para lumikha ito ng mahinang tunog pero hanggang ngayon ay wala pa ring Wild Boar ang umaatake sa kaniya.
Sigurado naman ang binata na walang mga hayop na mas malakas dito sa kaniya. Ang lugar na ito ay teritoryo ng mga Wild Boar at tanging ang mga abnormal na Wild Boar lang na may taglay na lakas na mas malakas sa mga normal ang makakapagbigay sa buhay niya ng panganib. Nakatungtong na sa sampo ang kaniyang stats at katumbas ito ng pisikal na lakas ng mga Wild Wolf; mga hayop na mas malakas lang ng kaunti sa mga Wild Boar.
Kahit na uno palang ang [Vitality] niya, sapat naman na ang normal na tibay ng katawan niya bilang tao para magamit ang totoong lakas ng numerong sampong [Strength] niya.
"Stamina lang ang problema. Kapag napagod agad ako na hindi napapatay ang makakalabang Wild Boar ay mapapahamak ako."
Gayunpaman, determinado pa rin siyang tumapos ng Wild Boar. Masasabi rin kasi na dito nakasalalay ang kinabukasan niya, kung magiging matagumpay siya sa pagpatay ng Wild Boar ay makakaya niyang umabante pero kung hindi, baka lamunin siya ng kawalan ng pag-asa sa oras na pumalya siya.
OINK!
Naging alerto ang binata at mabilis na lumingon nang marinig niya ang inaasahan niyang tunog na lilikhain ng Wild Boar sa oras na makita siya nito.
Limang metro ang layo sa kaniya ay may hanggang tagiliran niyang itim na baboy ang may malaking katawan. Ang mga paa nito ay malaki rin ang katawan at halatang hindi magiging madali ang laban na magaganap sa kanila. Nakatitig lang ito sa kaniya pero ang mga mata nito ay sumesenyales sa pagiging handa nitong umatake anumang oras. At ang mas nakakatakot pa sa Wild Boar ay ang maliit nitong sungay sa noo at dalawang pangil nito habang tumutulutulo ang mga laway sa malaki nitong nakabukang bibig.
"Malas. Mas malakas sa normal ang Wild Boar na'to." Napaisip ang binata kung sasapat ba ang lakas niya para mapatay ang hayop na 'to. Kapag hindi niya napatay ang Wild Boar ay hindi siya nito tatantanan hangga't hindi siya namamatay.
"Sandali. Puwede kayang?" Habang nag-iisip ay may bigla siyang naisip na paraan. Hindi niya ito naisip nung una dahil sa laro ay literal na kailangang atakihin ang mga Wild Boar para mapatay ito. Pero paano kung gumamit siya ng mga estratehiya kagaya sa totoong mundo niya para patayin ang Wild Boar na ito?
"Halika rito, sundan mo ako kung gusto mong mamatay." Pinagmasdan niya ang kapaligiran at tumakbo patungo sa likod ng isang puno.
Nang makitang tumakbo ang tao ay nakumpirma ng Wild Boar na takot ito sa kaniya dahil mas mahina ito. Naglalaway ang bibig ng halimaw na humabol sa binata at nakatingin dito na parang pagkain niya ito. Wala na siyang pakialam kahit na saan siya aabutin sa paghabol sa taong ito, ang mahalaga lang ay kailangan niya itong mahabol para makakain na siya.
"Huh?" Nanlumo naman ang mukha niya nang mapansing mabilis na lumiliit ang distansiya niya sa Wild Boar!
'Mabilis ba ang Wild Boar? Hindi, masiyado akong mabagal.' isip niya at tumakbo gamit ang buong lakas niya sa mas malapit na puno. Saktong pagtapak niya sa harap nito ay walang alinlangan siyang tumalon ng mataas na nakabuka sa magkabilang direksyon ang mga binti niya kahit na hindi niya pa nakikita kung nasaan na ang Wild Boar.
BOOM!
Malakas na bagay ang biglang sumulpot sa baba ni Rain na direktang tumama ng malakas sa puno. Napahinto ang Wild Boar sa baba niya at nanginig ito ng kaunti bago nakaramdam ng kaunting panghihilo dahil sa ang ulo nito ang tumama ng malakas sa puno.
Bumagsak si Rain sa likod ng Wild Boar na napaupo na sa hilo. Wala na siyang sinayang na oras at agad na bumaba sa likod ng Wild Boar para dakmain ang kanang paa nito sa likod. Walang awa niyang hinila ang paa ng baboy paatras para baliin ito, at nang makarinig ng mga butong nabali ang binata ay sumunod dito ang malakas na ungol ng Wild Boar at doon lang nito napansin na may ginagawa pala sa kaniya ang binata.
GREEEEE!
Namula ang mga mata ng Wild Boar sa galit at wala itong pakialam sa kalagayan niya na gumalaw para humarap sa pagkain niyang ito na naglakas ng loob na lumaban. Pero sa paggalaw niya ay bigla siyang nawalan ng balanse at napaupo nang malamang wala na palang lakas ang kanang paa niya sa likod.
Pinilit tumayo ng Wild Boar pero sa huli ay wala rin itong nagawa at nanatili nalang na nakaupo habang umaatungal ng nakakatakot sa binatang naaamoy niya sa kaniyang likod.
"Posible nga ang mga estratehiya na wala sa laro. Bakit ngayon ko lang 'to naisip."
Tumayo ang binata sa pagkakaupo niya at humanap ng bato na puwede niyang magamit para tapusin ang napilayan na Wild Boar. Nang makahanap siya ng batong puwedeng gamitin na medyo mapanganib ihampas ay agad niya itong nilapitan.
Bumalik si Rain na may hawak-hawak na bato sa kamay niya. Kasing lapad at haba ito ng kabuuan ng palad niya at mukhang napakabigat sa paningin buhatin nito pero sa katunayan niyan ay madali niya lang itong nabubuhat at hindi rin siya nabibigatan. Hindi bilog ang hugis nito dahil may maliit na parte nito ang nakapatulis ng kaunti pero hindi ito kagaya ng mga tulis ng mga kutsilyo.
GREEEE!
Muling umatungal ang baboy nang maramdaman nito na bumalik ang binata. Hindi pa rin siya nakakaalis sa harap ng puno at umaasa nalang ito na gagaling ang mga paa niya para makapaghiganti sa taong ito na dapat ay pagkain niya lang.
Pero ang lahat ng galit sa mga mata ng Wild Boar ay naglaho nang makaramdam ito ng matinding kirot sa bandang batok niya. Sunod-sunod ang matigas na bagay ang tumatama sa likod nito hanggang ang mga mata nito na puno ng galit ay mabilis nawalan ng buhay.
Malalim ang bawat paghinga ni Rain na nakatingin sa duguang batok ng Wild Boar. Ginamit niya ang buong lakas niya sa mga pag-atakeng ginawa kaya naman natural lang na mapagod siya ng sobra kahit na hindi ganoon kapanganib ang mga ginawa niya. Kahit ang hawak niyang bato ay basang-basa rin ng dugo ng halimaw na pinatay niya.
------------------------------------------------------
Achievement: First Kill
Reward: 10 Points]
------------------------------------------------------
------------------------------------------------------
Achievement: First To Receive Points.
Reward: 10 Points.
------------------------------------------------------
"Dalawang reward?" Nagulat siya sa narinig niya sa kaniyang isipan. Inaasahan niya lang ang reward sa First Kill dahil ito lang ang natanggap niya noong unang beses niyang pumatay ng halimaw sa laro. Isa kasi siya sa mga kauna-unahang manlalaro ng WoF. Masaya siya sa nakuhang pabuya pero umukit din agad ang pag-aalala sa mukha niya nang maisip niyang posibleng may mga nabago sa mundong ito.
Bawat Achievement ay maaari lang matanggap ng isang player sa dati niyang laro. Kaya malaki rin ang tsansa na kagaya ng panuntunang ito ngayon ang panuntunan dito sa mundong ito. Kapag naunahan siya ng iba ay ang iba ang makakakuha ng Achievement na magbibigay ng benepisyo sa kanila.
"Kung may mga bago sa reward. May mga madadagdag din kayang mga bagong mangyayari na wala sa larong WoF?" Kapag may mga naidagdag sa laro na hindi niya alam ang mga mangyayari ay hindi niya nalang alam kung paano pa siya makakaligtas sa mundong ito. Ang mga normal na pangyayari pa nga lang kahit na alam niya na ang mga ito ay maliit pa rin ang tsansa niyang mabuhay. Paano nalang kung madagdagan pa ang mga hirap na kakaharapin niya? Makakayanan niya pa kaya ito?
"H'wag kang kabahan. Kung may mga matatanggap din naman akong mga bagong reward ay mas mapapabilis ang pagtaas ng stats ko." Sabay niyang sinampal ng mahina ang dalawang pisngi niya para tanggalin ang kaba sa loob niya.
Kinuha niya ang katawan ng Wild Boar at inilagay ito sa kaniyang [Inventory]. Bawal maglagay ng buhay na nilalang sa inventory niya pero ang mga bangkay o patay na mga hayop at halimaw ay puwedeng-puwede. Ang maliit na itim na sungay sa ulo ng Wild Boar ang pinakamahalagang parte ng katawan ng halimaw, sumunod lang ang karne nito na puwede ring ibenta sa mga tindahan ng mga pagkain na nagluluto nito.
Umakyat si Rain sa puno at binuksan niya ang kaniyang status para idagdag ang mga points niya sa kaniyang stats.
"Status."
------------------------------------------------------
[Name: Rain Goodman
Rank: Body Strengthening 1
Strength: 10 (+)
Agility: 1 (+)
Vitality: 1 (+)
Stamina: 5 (+)
Skills: None.
Points: 20
EXP: 23%
------------------------------------------------------
"Muntik na akong mapuruhan kanina ng Wild Boar dahil sa bagal ko. Kailangan kong pataasin din ng kaunti ang stamina ko." Dingdagan niya ng limang puntos ang kaniyang [agility]. Naramdaman niya na parang gumaan ng napakaliit ang kaniyang katawan pero siguradong sa dagdag naman ng bilis niya ay sasapat na ito para hindi siya magkaroon ng problema dito sa teritoryo ng mga Wild Boar.
Sunod niyang nilagyan ay ang kaniyang [Strength]. Inilagay niya ang kalahati ng nakuha niyang puntos dito at ramdam niya na biglang tumalon ang lakas ng pisikal na katawan niya. Pagkalagay sa strength ay hinati niya rin ang mga natirang [Points] sa kaniyang [Stamina] at [Vitality].
------------------------------------------------------
[Name: Rain Goodman
Rank: Body Strengthening 1
Strength: 20 (+10)
Agility: 6 (+5)
Vitality: 4 (+3)
Stamina: 7 (+2)
Skills: None.
Points: 0
EXP: 23%
-----------------------------------------------------
"Hehe. Gamit ang lakas ko ngayon ay mukhang hindi na kita kakailanganin. Kailangan ko ring sanayin ang sarili ko sa pakikipaglaban." Binitawan niya ang duguang bato na hawak niya kaya bumagsak ito sa madamong sahig. Malakas naman na ang pakiramdam niya na sa taglay na lakas ng pisikal niyang katawan ay hindi na siya magkakaroon ng problema sa pagtapos sa mga Wild Boar.
Nagpatuloy sa paghahanap ng mga halimaw si Rain Goodman. Nanatili siya sa Niarich Forest hanggang tanghali. Pagsapit ng mas mainit na panahon ay nagpahinga siya saglit at nagtanghalian sa ligtas na lugar bago muling nagpatuloy sa pagpatay ng mga halimaw. Tumapos siya ng tumapos ng mga halimaw hanggang sa hindi niya namalayang madilim na pala ang paligid.
Pero bago tuluyang lumisan sa gubat ay tinapos niya muna ang huling Wild Boar na nagbigay sa kaniya ng sapat na EXP para makaangat sa antas ng rank niya. Magdamag siyang nanatili sa gubat na ito pero ang bilang lang ng mga napatay niya ay siyam. Sa bawat angat din ng EXP niya ay pahirap ito ng pahirap sa pag-angat kaya ngayon lang siya nakatungtong sa isang-daang porsiyento kahit na sa unang halimaw na pinatay niya ay nakakuha siya ng dalawampu't tatlong porsiyento ng EXP.
------------------------------------------------------
Achievement: First To Level Up!
Reward: +15 Points]
------------------------------------------------------
Masaya si Rain Goodman sa natanggap niyang reward sa pag-angat ng antas ng rank niya. Pero nanghihinayang rin naman siya dahil isang Wild Boar nalang ang kulang sa bilang ng mga tinapos niya para matanggap niya ang Achievement na Wild Boar Slayer.
"Mas mabuti na rin naman ang ligtas kaysa sa ilagay ko sa mapanganib na dilim ng gabing ito ang buhay ko para lang sa isang Wild Boar. Puwedeng-puwede naman akong bumalik dito bukas." Alam niya ang limitasyon ng kakayahan niya. Isa lang siyang tao at masiyado pang mababa ang stats niya para baliwalain ang panganib ng kadiliman. Hindi siya kagaya ng ibang halimaw sa gubat na ito na kahit sa madilim ay nakakakita ng maayos dahil sa natural na katangian ng katawan nila na hindi nahahadlangan ng kadiliman.
Isa pa, sigurado naman siya na wala sa kagaya niyang apat ang magpupunta agad sa mapanganib na Niarich Forest para pumatay ng mga Wild Boar dahil bilang isang estudyante ni Elder Devil ay tuturuan niya muna ang mga ito sa pakikipaglaban.
....
Tahimik na lumakad si Rain papasok sa tarangkahan ng baryo. Nakapatay na ang karamihan sa mga ilaw dahil marami sa mga tao rito ay maagang natutulog para hindi sila antukin sa maghapong paghahanapbuhay bukas. Hindi na rin naman na nagbibigay ng senyales ang kalangitan na uulan ulit kaya kampante silang makakabalik na bukas sa kanilang normal na pamumuhay sa araw-araw.
"Bukas ang ilaw?" Naging alerto ang binata nang mapansin niyang nakabukas ang ilaw ng kaniyang maliit na tahanan.
Pinag-iisipan kung papasok ba siya sa loob o hihingi ng tulong dahil wala siyang naaalalang kaibigan o kakilala na puwedeng bumisita sa kaniya. Kapag tao na may masamang hangarin ang nasa loob ng silid niya ay mahihirapan siyang makaligtas dahil kakasimula niya palang sa pagpapataas ng antas ng lakas niya.
Sa huli ay nilakasan pa rin ni Rain ang loob niya at pinihit ang bukasan ng pinto tiyaka ito itinulak paatras. Pagtingin niya sa loob ng silid ay nakita niya ang katawan ng babae na nakasuot ng magarang kulay-violet na bistida, naliligo sa dugo ang katawan nito habang nakahiga sa kama niya.
"A-aura Scarlet?" Nanginig ang buong katawan ni Rain sa takot nang makita niya ang patay na katawan ng magandang babae.
Tama, ang babaeng duguan ang sikmura na nakahiga sa kama niya ay ang isa sa apat na kilala bilang pinakatalentadong mga batang Adventurer sa henerasyon nila. Ang babaeng nagligtas sa kaniya sa kamay ni Elder Devil, si Aura Scarlet na posibleng galing din sa mundo na pinanggagalingan niya.