Chapter 4

3338 Words
Chapter 4: Information. Tanging mga sunod-sunod na tunog ng malalakas na t***k ng puso niya ang kaniyang naririnig sa paligid. Humihina ang loob niya sa bawat oras na lumilipas habang nakatingin siya sa duguang bangkay ni Aura Scarlet, iniisip na mukhang may tao sa likod ng pangyayaring ito na gusto siyang mapahamak. Malinaw naman sa kaniya ng kaunti ang kinakaharap na sitwasyon, sa kaniyang tahanan pa mismo iniwan ang bangkay at ang nag-iisang hangarin lang ng kung sino mang gumawa nito ay walang dudang hindi mabuti. Ang masangsang na amoy ng dugo na umaalingasaw sa loob ng silid ay palakas ng palakas sa kaniyang mga paghakbang papalapit sa bangkay. Malaki ang posibilidad na ilang minuto o baka isang oras pa lang nang maganap ang kagimbal-gimbal na sinapit ng inosenteng dalaga, subalit hindi na iyon pumasok sa isip niya at pinagpatuloy na lang ang kaniyang mga hakbang dahil okupado na ng pinagsamang gulat at takot ang kaniyang isipan. Nang makalapit siya ay hinawakan niya ang mga kamay ng dalaga na sobrang putla. Pinisil-pisil niya ang mga daliri nitong malambot at sa kaniyang pangatlong pisil sa gitna ng daliri ng babae ay napansin niyang hindi malamig ang bangkay ng babae. Wala siyang masiyadong kaalaman sa bangkay ng mga tao, pero alam niya na sa oras na mamatay ang isang tao ay lalamig ang katawan nila, kaya nakapagtataka na mainit pa ang mga daliri ng babae. 'Siguro ay kakamatay niya lang din. Hindi kaya nandito pa ang salarin?' isip niya na mabilis niya ring binura sa kaniyang isipan. Kung narito ang salarin na kayang pumatay kay Aura Scarlet ay siguradong makakaramdam siya ng matinding panganib para sa kaniyang buhay. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at tatlong beses na iniling ang kaniyang ulo para subukang pigilan ang mas lumalakas na takot sa puso niya. Hindi siya p'wedeng umalis sa baryong ito, masiyadong mapanganib ang labas at 'pag lumisan din siya ay maraming pangyayari ang posibleng mabago dahil sa pagkawala ng kaniyang presensiya. Idagdag pa ang kadahilanang sa oras na tumakas siya ay parang inaamin niya na rin na siya ang tumapos sa babae, may posibilidad pa na ipapahanap siya ng Adventurer's Guild para parusahan siya sa kasalanan na hindi naman talaga niya ginawa, at ang nag-iisang parusang iyon ay ang pagtapos din sa kaniyang buhay. Muli niyang iminulat ang mga mata niya at dahan-dahang itinaas ang kamay niya na pumipisil sa malambot at may kainitang mga daliri ng bangkay. Lumipat ang tingin niya sa duguang tiyan ng bangkay at pilit na pinipigilan ang bibig na masuka sa kaniyang nakakadiri at nakakapangilabot na nakikita. Hinawakan niya ang sugat sa tiyan ng babae na pinagmulan ng kamatayan nito kahit na alam niyang p'wede itong magamit laban sa kaniya. Gustuhin niya mang tumakas ay hindi na rin naman na ito posible. Nasa-bahay niya na ang bangkay na kayang gamitin ng iba laban sa kaniya, kaya hindi na niya ito matatakasan pa at ang pinakamagandang dapat niyang gawin ay subukang humanap ng mga ebidensiya o bagay na makakatulong sa kaniya. Lumapit siya sa katawan ni Aura at sinuri ang tiyan nito kung saan nanggagaling ang may pagkatuyong sugat. Binalewala na niya kung mahawakan niya man ang sugat na puwedeng gamitin laban sa kaniya dahil kung may nais man ang nagbabalak na ipahamak siya ay hindi niya na rin naman na ito matatakasan pa. "Huh?" Sa isang iglap ay bigla na lang nabalot ng kadiliman ang buong silid. Sa pagbalik ng liwanag ng ilaw ay lumaki sa gulat ang mga mata ng binata at hindi makapaniwalang tumulala sa higaan na kanina lang ay hinihigaan ng bangkay ni Aura Scarlet. Habang nakatulala siya ay umihip ng malakas ang hangin sa labas na kumalabog ng kaunti ang pinto ng tahanan niya. Eksaktong umihip ang hangin ay nakaramdam ng mainit na daliri sa batok niya ang binata na nagpatindig ng mga balahibo sa braso niya. Dahil sa kakaibang daliri ay awtomatikong gumalaw ang katawan niya at walang alinlangan na tumalon paabante para lumayo sa kung sino mang nasa likod niya, mataas din ang talon niya at umabot pa siya sa kabilang banda ng higaan niya. Kinakabahan na lumingon si Rain Goodman para tignan ang pinagmulan ng daliring iyon, siyempre ay para na rin masubukan niyang protektahan ang sarili kahit papaano. Pero sa kaniyang nakita ay bumaba lang ang depensa niya at napabuntong hininga na lang siya sa kaniyang natuklasan, kasunod nito ay ang sunod-sunod niyang mabibigat na paghinga na para bang nanggaling siya sa walang pahingang labanan na umubos sa lakas at enerhiya niya. Makalipas ang ilang sandali ay nanatili ang katahimikan at ang hangin sa paligid ay unti-unting nagiging awkward. "Aura? Anong ginagawa mo?" Naiinis ng kaunting tanong ni Rain sa babae na nakayakap sa tiyan niya at pinipigilang lumabas sa bibig ang siguradong naglalakasang tunog ng tawa niya. Bahagyang tumingala ng kaunti si Aura at nang makita niya ang mukha ni Rain ay lumobo ang mga pisngi niya at hindi niya na napigilan ang sariili kaya napalupasay siya sa sahig sa kakatawa. Tawang-tawa siya sa mukha ni Rain Goodman na takot na takot na parang pinagbagsakan ito ng langit at lupa kanina. Halatang kung ano-anong bagay ang pumasok sa isip ng binata nang makita nito ang duguang katawan niya. "Ayos ka lang ba talaga?" Napahinto naman sa pagtawa si Aura nang ngumiti ng may pag-aalala ang binata at lumakad palapit sa nakahiga sa sahig sa kakatawang babae.  Marahan niyang hinawakan ang dugo sa tiyan nito at natuwa siya nang makumpirma niyang hindi nga ito galing sa loob ng katawan ng babae, ibig sabihin ay dugo ito ng hayop o kung saan man ito nakuha ni Aura. Kanina kasi noong tuluyan niya nang susuriin ng mas maigi ay namatay ang ilaw at nawala ang bangkay ng babae kaya hindi niya masiyadong nasuri ang sugat sa tiyan nito. Hinawakan niya sa likod ng mga paa si Aura at binuhat ito na parang prinsesa. Tumayo na hindi nahihirapan ang binata at nginitian niya lang ang dalaga. Hindi naman makapagsalita si Aura dahil ngayon lang nangyari sa kaniya ang malagay sa ganitong sitwasyon, kahit sa kinalakihan niya ay hindi nangyayari ang ganitong bagay kaya naman hindi niya rin alam kung paano sasagot sa kalagayan niya. Nakatitig lang siya sa mukha ni Rain Goodman na halatang hindi alam ang gagawin. Napunta lang sa paligid niya ang kaniyang atensiyon nang mapansin niyang nasa harap na pala siya ng pintuan ng maliit na tahanang pinagmulan nila. Tuloy-tuloy sa paghakbang ang binata at nang maramdaman ni Aura ang mga naglalamigang hangin na tumatama sa katawan niya ay tiyaka naman siya binitawan ni Rain kaya bumagsak ang balakang nito sa sahig. "A-aray." Hinimas-himas niya ang balakang niya at naiinis na tumingin sa binata. Nginitian lang siya nito at pinagsarahan ng pintuan na nagpainis sa kaniya. Babangon na sana siya para gumanti sa binata nang maalala niyang mahalaga pala ang pakay niya rito at hindi sila puwedeng mag-away ng binata. Dahan-dahang tumayo ang dalaga at kinalimutan na lang ang ginawa sa kaniya ni Rain. Pinihit niya ang bukasan ng pinto pero mas nainis lang siya nang malamang hindi niya na ito mabuksan pa. Sinarado na ito ng binata sa loob. "A-ano.. Rain may sasabihin pala ako." Mahinhin na bulong ni Aura Scarlet sa likod ng pintuan. Pero ang nakakabinging katahimikan ng paligid lang ang sumagot sa kaniya. "Rain!" Malakas na tawag niya at kumatok din siya ng sunod-sunod na bumulabog sa katahimikan ng paligid. Gayunpaman ay nagpatuloy pa rin sa pagkatok ng malakas ang dalaga na wari'y wala siyang ideya sa nililikha nitong kumosyon sa paligid niya. Pero ang totoo ay sinasadya niya talagang lakasan ang pagkatok para mainis ang mga kapit bahay at ibunton nila sa nakatira rito ang galit nila. "Puwede ba? Gusto kong magpahinga!" Naiinis na binuksan ni Rain ang pintuan pero imbis na sa babae ang tingin ay napunta ang tingin niya sa bintana ng katapat na bahay pitong metro ang layo; may matandang lalaki roon na nakatingin sa kaniya ng masama. Agad siyang yumuko at humingi ng paumanhin sa matandang lalaki kaya tumango na lang ito at sinenyasan siya na h'wag maingay gamit ang daliri nitong nakatapat sa ilong at bibig. "Ano, kailangan nating mag-usap. Pasensiya na pala sa ginawa ko kanina." Nakangusong wika ni Aura.  Noong unang oras na bisita niya ay balak niya sanang pagaanin ang loob ni Rain dahil sa sinapit nito. Siyempre ay isasabay niya na rin ang dapat nilang pag-usapan tungkol sa mga bagay-bagay. Hindi niya lang inaasahan na aabutin siya ng gabi kakahintay kay Rain Goodman kaya naman nainis siya at nagdesisyon na biruin ito. Magandang ideya rin naman ito para sa kaniya dahil masusubukan niya ring gamitin ang kaniyang Special Skill na tinatawag na Blood Manipulation. Hindi niya alam kung puwedeng gamitin sa opensiba ang Blood Manipulation Skill niya. Subalit may natuklasan naman siyang paraan na mapapakinabangan niya sa paggamit nito, may abilidad siyang manipulahin ang maliit na parte ng dugo sa katawan niya at kaya niya itong ipasok sa loob ng katawan niya at babalik ito sa dati nitong takbo sa loob ng katawan. Gamit ang paraan na ito ay hindi siya makakatanggap ng malaking pinsala sa kawalan o pagkabawas ng dugo kahit pa natuyo na sa labas ang mga ito. "Pumasok ka." Medyo humupa naman ang inis niya sa narinig na paghingi ni Aura ng paumanhin. "Hayaan mong linisin ko muna ito." Boluntaryo ni Aura at lumapit siya sa higaan ni Rain na natuluan ng mga dugo niya kanina. Itinapat niya ang palad niya rito at hinigop ang sariwang dugo, pumasok ang mga dugo sa maliit na sugat sa palad niya. Gayon din naman ang ginawa niya sa kaniyang duguang damit at walang kahit na anong bahid ng dugo at masangsang na amoy nito ang naiwan sa kaniya. 'Oo nga pala. Blood Manipulation ang isa sa mga skill ni Aura.' Tanging karakter niya lang na si Rain Goodman ang walang skill sa kanilang lima. Siya lang rin ang nag-iisang nakatira sa maliit na tahanan, bawat isa sa apat ay may magagarang tahanan, ngunit kagaya niya rin sila na nag-iisa lang sa buhay. Kahit walang skill ay hindi naman malungkot ang binata dahil alam niya ang mga makukuha ng karakter niya sa hinaharap. Isa pa, may skill din siyang inaabangan sa hinaharap na makakatulong sa kaniya ng malaki. Matapos luminis ay umupo sa kama ang babae at nagsalita na ito. "Gusto mo bang sumama sa'min? Kaya naming pilitin si Elder Devil para tulungan kang lumakas kahit na galit siya sa'yo." Sumeryoso ang mukha ng babae at inihayag niya agad ang pinakarason ng ipinunta niya rito. Mataas kasi ang posibilidad na kagaya nila si Rain kaya natural lang na makasama nila ito at matulungan. "A-ayoko. Baka mapatay ako ng matandang 'yon." Agad na pagtanggi niya kay Aura at ang bibig niya ay mapapansing nanginginig ng kaunti. Totoo rin naman kasi ang takot niya para sa matanda, isa pa, kapag napunta siya sa kamay ng matanda ay sigurado siyang babagal ang progreso ng kaniyang pagpapalakas, kapag nangyari iyon ay kamatayan lang ang nag-iisang kahihinatnan niya sa hinaharap. "Sa ibang guro?" Tanong ulit ni Aura. Hindi niya na ipinilit pa kay Rain si Elder Devil dahil naiintindihan niya naman na nakakatakot talaga ito. "Ayoko rin. Wala akong balak magsanay sa kamay ng kahit na sino." Mariing sabi ni Rain na wari'y wala talaga siyang balak na magsanay kahit anong mangyari. Nagmukha man siyang tinatamad lang sa paningin ni Aura ay wala naman siyang pakialam. Kung tutuusin ay mas maganda nga ito para hindi na siya masiyado pang pipilitin at guguluhin ng babae. Bumuntong hininga naman si Aura sa mga naririnig niyang sagot ng binata. Pakiramdam niya ay hindi niya na talaga mababago ang desisyon nito kaya hindi na lang siya nagpumilit. Naniniwala rin naman siyang sa oras na matuklasan ni Rain ang panganib sa mundong ito ay magbabago ang isip nito. "Kung gayon wala na akong magagawa." Malungkot na wika ni Aura bago nagpatuloy, "Alam mo ba ang planetang Earth?"  "Oo! Sa Earth din kayo nanggaling?" Nagliwanag ang mga mata ni Rain na wari'y gulat na gulat siya sa kaniyang nalaman. "Tama, kaming apat ay galing din sa Earth. At magkakaklase Kami sa [Class A] ng Brean High School. Hindi lang namin malaman ang katauhan ng isa't isa dahil parang nabura sa isipan namin ang mga ala-ala ng mga kaklase. Tanging naaalala lang namin ay ang pangalan namin sa mundong iyon at ang seksyon na pinapasukan. Nasa amin pa rin naman ang ala-ala namin sa nakaraang buhay kaya naguguluhan ako kung bakit hindi ko maalala ang mga kaklase ko." Kahit siya ay naguguluhan sa paliwanag niya kay Rain. "Sa Class A rin ako galing. Ako si *****" Sabik na wika ni Rain nang malaman niyang kaklase niya rin ang mga ito. Pero biglang namutla ang mukha niya na wari'y nawalan ito ng dugo nang mapansing hindi niya masabi ang totoo niyang pangalan. May kakaibang tunog at lengwahe na hindi niya naiintindihan ang lumabas sa bibig niya nang sabihin niya ang kaniyang pangalan. Napangiti naman ng mapait si Aura nang mapansin niyang nangyayari rin kay Rain ang nangyari sa kanila nung una. Magkakasama silang apat sa kamay ni Elder Devil kaya nagkaroon na sila ng oras para magkaroon ng diskusyon tungkol sa mga bagay-bagay. Si Rain na lang ang hindi nila nakakausap kaya nagdesisyon si Aura Scarlet na patagong magpunta rito para sabihan siya. "Rain, kapag sumapat na ang lakas namin ay balak naming lumisan sa lugar na 'to. Gusto mo bang sumama sa'min sa oras na umalis kami?" Lumapit siya kay Rain at ibinulong ito. Sinigurado niya rin na walang makakarinig sa kaniya kung may tao man sa labas. "Bakit kayo aalis?" Pabulong din na tanong ni Rain. "Sinsero si Elder Devil sa pagtuturo sa'min para mahasa at lumakas kami sa pakikipaglaban. Pero wala kaming emosyon na nararamdaman sa kaniya. Para bang pinapalaki niya lang kami para lumakas at maglingkod sa kaniya o sa pamunuan ng Potara Village." Hindi tagarito si Aura at ang mga kasama niya kaya hindi niya gusto ang manatili rito habang buhay. Nais din nilang humanap ng kasagutan sa mga nangyayari sa kanila at kasama na rin ang paraan para makauwi sila sa kanilang mundo. Nagulat sa loob niya si Rain sa kaniyang narinig. "Mapanganib sa labas ng village, Aura Scarlet. Nakikita mo ba 'tong mga sugat sa braso ko?" Ipinakita niya ang ilang sugat na halatang kinagat ng mabangis na halimaw, nang makita ito ni Aura ay nagulat siya ng kaunti at nag-aalalang nagtanong. "Anong nangyari? Bakit may mga kagat ka?"  "Sinubukan kong umalis ng village kanina para maghanap sana ng impormasyon sa labas. Sa kasamaang palad, napadpad ako sa gubat at muntik na akong patayin ng mga halimaw. Mabuti na lang at mas malakas ng kaunti ang katawan ko kaya nagawa kong tumakas at makaayat ng puno. Noong dumilim lang ang paligid ay roon lang ako nakababa at humarurot ng takbo pabalik dito." Puno ng takot ang mukha niya habang nagpapaliwanag. Para bang sariwa pa sa kaniyang isip ang bangungot na pinagdaanan. "Naranasan mo naman na pala ang panganib sa mundong ito. Sumama kana sa'min, sama-sama tayong magpapalakas." Inihaya niya ang kamay niya sa harap ni Rain. "Hindi! Ayoko! Mananatili na lang ako rito." Determinadong sagot niya. Pero may naalala si Rain kaya nagsalita ulit siya, "Alam niyo ba ang WoF?" WoF ang tawag ng halos lahat sa larong ito kaya kung pamilyar ang apat sa WoF ay alam nila ang tungkol sa laro. Hindi naman ganoon kasikat ang laro pero dahil nandito ang apat ay posibleng may kinalaman din sila sa laro. "WoF? Anong WoF?" Naguguluhang tanong ni Aura. Ngayon niya lang narinig ang salitang ito. 'Hindi niya alam? Kung gayon ay bakit siya napunta rito kasama ko?' isip ni Rain. "May alam ba tungkol sa WoF ang tatlo? Kapag may alam sila ay puwede bang bumalik ka rito bukas? Kung wala naman ay h'wag kana munang babalik dito, gusto kong mapag-isa muna."  "Hindi ako sigurado. Mahalaga ba ang WoF na 'yan? At wala namang bumabanggit sa kanila nito kaya sa tingin ko ay sa'kin lang din nila ito unang beses na maririnig." Nagtataka ang babae sa inasta ni Rain. Bakit papayag siyang bumalik ang babae rito kung may alam sila tungkol sa WoF at h'wag namang babalik kung hindi sila pamilyar doon? "Kung gayon, nais ko na munang magpahinga." Bakas naman sa mga mata niya ang pagod kaya tumango na lang ang babae at tumayo na ito para lumabas. Pagbukas niya ng pintuan ay lumabas na siya pero bumalik din agad siya at nagwika, "Alam mo naba ang tungkol sa [Inventory]?" Tanong niya sa binatang pahiga pa lang.  Tumango naman si Rain bilang tugon at tuluyan nang lumabas si Aura. Isinara ni Rain ang ilaw at siniguradong nakasara na ang bukasan ng pinto niya. Nang masigurong wala na sa paligid si Aura Scarlet ay sinilip niya ang kaniyang status. ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 2 Strength: 25 (+5) Agility: 11 (+5) Vitality: 9 (+5) Stamina: 12 (+5) Skills: None. Points: 20 EXP: 0% ----------------------------------------------------- "Walang nagbago sa dagdag ng limang puntos sa bawat stat sa pag-angat ng level. Kahit ang limang puntos na makukuha ay nandito rin."  Bawat angat ng antas ng rank ng mga Adventurer ay tumataas ng limang puntos ang lahat ng stats nila. Ang apat na kagaya niya ay siguradong nagsimula sa 5 stats dahil hindi sila ordinaryo kagaya niya. Kaya naman kapag naging [Body Strengthening 2] ang antas ng rank nila ay magkakaroon sila ng sapat na lakas para tumapos ng mga Wild Boar ng walang kahirap-hirap. Kung idadagdag pa ang mga skill na puwede na nilang gamitin ay siguradong mas mapapadali pa ang pagpatay nila sa mga halimaw. May mga skill kasi na magagamit lang nila kapag nakatungtong sila sa kinakailangan na rank, kung pipilitin nilang gumamit ng skill ay maari itong magresulta sa pagkawasak ng kanilang katawan. Isa pa, imposibleng hindi matuklasan ng apat na tumataas din ang mga stats nila kapag nag-ehersisyo. Kaya dapat niya nang asahan na posibleng mas malakas pa sa kaniya ang mga ito. Lalo na kung magsisimula na sila sa pagpaslang ng mga halimaw sa Niarich Forest. Kagaya nung una ay pinagisipan munang maigi ni Rain ang paglalaanan ng points bago ito idagdag sa mga napili niya. "Mataas na ang lakas ko at sobra-sobra pa nga ito laban sa mga Wild Wolf. Papataasin ko muna ang tatlo para makahabol ito sa strength. Mahirap na kapag puro lakas lang ang papataasin ko."  ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 2 Strength: 25 Agility: 16 (+5) Vitality: 14 (+5) Stamina: 22 (+10) Skills: None. Points: 0 EXP: 0% ----------------------------------------------------- Ang vitality ay ang lebel ng tibay ng kaniyang katawan. Upang magamit niya ang kabuuang lakas na kayang gamitin ng [Strength] niya ay kailangang sumapat ang [Vitality] niya dahil kung malakas nga siya pero hindi naman matibay ang katawan niya ay paano pa siya makakapagpakawala ng mga naglalakasang atake? Kapag pinilit niyang magbitaw ng malakas na atake kahit na mababa ang kaniyang [Vitality] ay siya lang mismo ang mananakit sa sarili niya. Ito rin ang perpektong halimbawa sa kasabihang "hinuhukay ang sariling libingan." .... Tahimik na naglalakad sa gitna ng dilim si Aura. Iniisip pa rin kung ano ang ibig sabihin ng WoF na sinasabi ni Rain. Katunog ito ng tahol ng aso pero malakas ang pakiramdam niya na may mas malalim na ibig sabihin ang WoF na ito. "Ano ba ang WoF na 'yon? Kung pinilit ko naman siya ay siguradong wala rin akong mapapala." Pilit niyang inalala sa dati niyang mundo kung narinig niya na ba ang WoF na iyon, pero kahit ano talagang pilit niya ay wala siyang maalalang impormasyon kung ano ito. Habang nalulunod sa iniisip niya ang babae ay wala siyang kaalam-alam na sa bubong ng isa sa mga bahay na nadaanan niya ay may dalawang pares ng mga mata ang nagmamatyag sa kaniya. Narinig din nito ang WoF na sinasabi ng babae. "WoF? Interesante." Sa gitna ng kadiliman ay biglang naglaho ang mga matang iyon na tila walang makakatakas sa matalim nitong tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD