Chapter 5: Grim Crow.
Adventurer's Training Ground
Maririnig ang iba't ibang uri ng ingay mula sa mga taong nasa loob ng isang puno ng espasyong silid na may haba at lawak na umaabot ng dalawampung metro. Ilan sa mga binata at may katandaan ang nag-eensayo habang may matandang lalaki naman ang may hindi maitagong ekspresyon na nagsasabing aprobado niya ang resulta ng binatang pinagmamasdan niya.
"Ganiyan nga, mahusay ang mga pinapakita mo, Grim Crow." Papuri ni Elder Devil sa binatang si Grim na kasalukuyang sinasanay ang isang uri ng ensayo na makakapagpalakas sa katawan niya.
Binanggit ng binata sa kaniyang guro ang [Special Skill] niya kaya pinayuhan niya muna ito na palakasin ang katawan niya para hindi ito basta-basta bibigay sa oras na gamitin niya ang kaniyang skill.
Ang [Special Skill] ay hindi basta-basta puwedeng gamitin, ang mga talentadong tao lang ang nakakatanggap ng mga ito, pero kailangan pa rin nilang maghirap para pag-aralan ito at magamit ng tama. Hindi lang iyon, kailangan ding maging sapat ang tibay ng katawan nila para makayanan nila ang mga puwersa sa katawan na ilalabas ng mga skill nila. Magandang halimbawa ang uri ng skill na kayang makapagpalabas ng apoy, kailangan ay magsanay ang taong iyon ng [Martial Arts] o ibang [Technique] na makakapagpalakas sa katawan niya para ma-protektahan ang sarili sa init ng apoy, dahil kung hindi ay ang gagamit ng [Special Skill] na apoy ang unang masusunog bago pa ito maiatake sa kalaban.
Ang inaaral ngayon ni Grim Crow na [Martial Arts] ay tinatawag na [Bone Strength]. Kagaya ng nasabi sa pangalan ay buto ng tao ang pinapalakas nito, kakaiba kasi ang [Special Skill] ni Grim Crow dahil ang pinakamaaapektuhan nito bago mailabas ang puwersa ng skill niya ay ang mga buto niya. Kapag mahina ang pundasyon niya ay posibleng mabali ang mga buto niya sa paggamit ng kaniyang Special Skill na tinatawag na [Dark Fist].
Ang skill niya ay nasabing naglalabas ng mga itim na usok na nagmumula sa mga buto niya bago ito mapunta sa kamao na gagamitan niya ng skill. Hindi pa naman siya sigurado kung magbibigay ng stress o pinsala sa mga buto niya ang [Dark Fist] 'pag mahina ang pundasyon niya, pero kagaya nga ng suhestiyon ni Elder Devil ay mas mabuti na ang makasigurado sila kaya pinili niyang mag-aral muna ng [Bone Strengthening].
Gayunpaman ang sitwasyon ni Grim Crow, hindi naman lahat ng may mga [Special Skill] ay kakailanganin munang magpalakas ng kanilang mga katawan. May ilang mga skill na hindi na kinakailangan ng matibay na pangangatawan kagaya ng [Blood Manipulation] ni Aura Scarlet. Sa maikling panahon niya lang inaral ang kaniyang [Special Skill] at nagagawa niya na agad ilabas at ipasok ang maliit na parte ng dugo niya sa kaniyang katawan.
Masipag at matiyaga sa pagsasanay si Grim Crow. Naguguluhan pa siya sa sitwasyon nilang lima, subalit sa hindi niya malamang dahilan ay parang mabilis niyang natatanggap ang mga nangyayari sa paligid. Sa kaniyang pagtanggap sa mapanganib na mundong ito ay nagkaroon din siya ng determinasyon na lumakas hangga't wala pang kasagutan sa matalinhagang pagpunta nila rito. Ganoon din naman ang tatlo niyang kasama, lahat sila ay determinadong lumakas sa pamamagitan ng pag-aaral ng [Martial Arts] upang magkaroon sila ng lakas na mabuhay sa mapanganib na mundong 'to. Ang isa lang sa kanila na kakaiba ang uri ng pagsasanay ay si Soren Orlando, iba ang natanggap niya kumpara sa iba, ang nakuha niya ay isang [Passive Skill] na tinatawag na [Super Strength]. Awtomatiko nitong pinapalakas ang katawan niya ng mas maraming beses kumpara sa mga ka lebel niya kaya naman pagsasanay sa pakikipaglaban agad ang sinasanay niya.
Binanggit din ni Elder Devil na ang pisikal na lakas na naipakita ni Soren Orlando noong una pa lang ay maihahalintulad na sa isang batang Adventurer na [Body Strengthening 2], kaya naman mas malaki ang potensiyal ni Soren sa kanilang apat na maging pinakamalakas.
Hindi lang naman sila ang hawak ni Elder Devil. Noon pa man ay may mga naging estudyante na siya na kaniyang tinuturuan hanggang ngayon, pero halos lahat sa siyam na iyon ay may edad nang lumalagpas sa labing-siyam na taong gulang. Nauna sila sa kanilang pagsasanay at pagpapalakas kaya higit na mas mataas ang antas ng lakas ng mga ito sa kanilang apat kaya naman nakatuon sa kanila ang buong atensyon ng matanda tuwing nagsasanay sila.
Habang tahimik na nagsasanay sa pakikipaglaban si Soren Orlando sa isa pang Adventurer ay bigla siyang sumenyas na huminto muna para makapagpahinga saglit. Sa kaniyang pahinga ay umupo siya sa sahig at bigla nalang lumobo ang mga mata niya na tila siya hindi makapaniwala sa kaniyang nakita.
"Sandali lang." Paalam niya sa kalaban niyang nakaupo rin sa sahig tiyaka lumapit kay Grim Crow, ang itinuturing na pinuno sa kanilang apat.
"Elder Devil, puwede ko po bang makausap ko saglit si Grim Crow?" Napakunot ng noo ang matanda pero pinayagan niya pa rin ito na makausap si Grim. Mukha namang may natuklasan siyang bagay na nais niyang ilathala sa kasama.
"Grim, bigla na lang tumaas ang [Strength] ko." Inosenteng paliwanag nito habang ang mga gintong mata niya ay kumikinang-kinang pa.
"Tumaas? Paano naman tumaas?" Malamig na tanong niya sa buhay na buhay na ekspresyon ng kaharap.
"Hindi ko alam. Ngayon lang ako nakipaglaban ng ganito katindi kaya napagod ako. Siguro ay dahil sa pagod ko kaya umangat ang [Strength] ko?" Sagot naman niya at naghihintay ng magiging paliwanag ni Grim kung bakit umangat ang bilang nito. Noong una ay si Grim din ang nakaisip na posibleng tumaas ang stats nila kapag naging isang-daang porsiyento na ang kanilang [EXP], siyempre ay sa pagtungtong nito sa limitasyon ay tataas ang antas ng rank nila na [Body Strengthening 1] at kasama nitong tataas ang stats nila.
Kaya nga todo handa sila ng kanilang mga sarili na magpalakas at maging handa sa pagpaslang ng mga halimaw. Mayroon din namang kaalaman si Grim Crow sa mga laro sa dati niyang mundo dahil madalas niya itong naririnig sa mga nagku-kuwentuhan niyang mga kaklase na kesyo tumaas daw ang level nila sa pagpatay ng mga boss at halimaw.
"Tumaas kaya ang lakas mo dahil sa passive skill mo? O tumaas ito dahil lumalakas ang katawan mo dahil na ehersisyo ito ng matindi sa pakikipaglaban mo?" Nakahawak sa baba niyang tanong. Hindi kalaunan ay tumingin siya sa direksyon ni Axel na sinasanay ang Martial Arts na [Burning Body]. Apoy ang kapangyarihan ng skill ni Axel Crimson kaya ganitong uri ng [Martial Arts] ang ipinapa-aral sa kaniya ni Elder Devil.
"Axel, puwede ka bang makausap saglit?" Tawag niya sa binata.
Huminto naman si Axel sa kaniyang ginagawa at lumakad palapit sa dalawang kasama.
"Anong pag-uusapan natin?" Tanong ni Axel sa kasama. Tumingin siya sa pawisang si Soren at tinanguan ito bilang pagbati.
"May natuklasan yata si Soren Orlando na paraan para mapataas na agad natin ang ating stats. Hindi ako sigurado kung posible ito sa'tin kaya nais ko sanang subukan mo muna ngayong araw ang mag-ehersisyo ng mag-ehersisyo hanggang sa mapagod ka ng sobra. Kapag may napansin kang kakaiba sa stats mo ay sabihan mo agad ako. Hindi ko na rin ito puwedeng gawin ngayon dahil malapit na akong matapos sa [Bone Strengthening] ko." Paliwanag niya kay Axel.
"Iyon lang ba? Walang problema, medyo aabutin pa naman ng isa o dalawang araw bago ko matutunan ang kabuuan ng [Burning Body]." Nakangiting pagpayag niya sa kahilingan ni Grim. Para sa kanilang apat din naman ang hinihiling nito kaya wala siyang nakikitang rason para tanggihan ito.
At sa araw na ito na nga ay natuklasan ng apat na puwede rin nilang pataasin ang stats nila sa pag-eehersisyo ng katawan nila. Maganda ito dahil hindi lang basta tataas ang antas ng lakas nila, mararanasan din nila ang hirap na hahasa sa kanilang pagtitiis na magiging malaking tulong sa aktwal na laban. Lalo na at madalas ay malaking parte sa laban ang patibayan at pataasan ng lakas ng loob na magwagi sa laban.
....
Tanghaling tapat na ng bumangon sa higaan ang binatang si Rain Goodman. Nagpahinga muna siya saglit ng mga mata niya bago naghilamos at lumabas ng kaniyang tahanan para kumuha ng pagkain sa kapiterya ng Adventurer's School. Pagkatapos niyang kumuha ng pagkain ay dumiretso na siya sa Niarich Forest at tinuloy ang naudlot niyang pagpatay sa isang Wild Boar.
Tahimik na naglakad-lakad sa gubat ang binata at maingat na minanmanan ang paligid. Kahit na kayang-kaya niya nang pumatay ng mga Wild Boar ng walang kahirap-hirap ay kailangan niya pa ring mag-ingat dahil posibleng magkaroon ng Wild Boar King na kinokonsidera sa laro dati na [Random Boss].
"Hindi pa sapat ang lakas ko para sa Wild Boar King kaya kailangan ko pa ring mag-ingat. Ang pagkakaalam ko rin ay kapag nakatungtong na sa [Body Strengthening 2] ang player ay may posibilidad nang lumabas ang Hari ng mga Wild Boar." Nagpatuloy pa sa paglalakad ang binata hanggang sa nakarinig siya ng baboy na parang umaatungal sa galit.
Hindi kalayuan sa kaniya ay may maliit na kuweba. Natatakpan ang kapaligiran nito ng mga nagtataasang puno kaya hindi mahahalata masiyado sa distansiya niya ang kabuuan ng kuweba, kung hindi niya narinig ang malakas na atungal ng baboy ay baka hindi niya rin ito natuklasan.
Nang makita niya ang pinagmulan ng miserableng atungal ng Wild Boar ay gumuhit ang gulat sa mukha niya.
"Paano nakarating dito ang mga Wild Wolf?"
Nakita niya ang dalawang lobo na nababalutan ng purong puting balahibo ang buong katawan. Sa noo ng mga ito ay may maliit na itim na sungay pero mas malaki ito ng kaunti kumpara sa sungay ng Wild Boar. Kahit ang mga pangil ng Wild Wolf ay halos kasing haba at taba ng daliri ng mga tao na siguradong wasak ang laman ng mga makakagat nito. Maganda ang kanilang panglabas na anyo at parang maamo sila. Pero ang kanilang pinapakita ngayon na ugali ay sobrang nakakatakot.
Kagat ng isang lobo ang kanang paa sa likod ng Wild Boar at ang pangalawang lobo naman ay nakakagat sa leeg ng Wild Boar. Duguan ang leeg nito at humihina na rin ang bawat pag-iyak ng Wild Boar.
Hindi niya literal na kabisado ang kabuuang teritoryo ng mga Wild Boar dahil iba ang nakikita niya sa laro. Pero sigurado siya na ang lugar na ito ay sakop pa rin ng teritoryo ng mga Wild Boar at ito ay teritoryo na hindi dapat papasukin ng mga Wild Wolf na may sarili nilang teritoryo.
"Hindi nga talaga p'wedeng ituring ko na parang kagaya rin sa laro ang mundong 'to." Mahinang bulong niya sa kaniyang sarili.
"Buhay pa ang Wild Boar. At ang dalawang lobo na mga 'to ay hindi naman problema." Pilit na itinago ni Rain ang presensiya niya at dahan-dahan itong lumakad na animo'y isa siyang mabangis na hayop na patagong lumalapit sa kaniyang mga natipuhang pagkain.
Ilang talampakan na lang ang layo ni Rain nang biglang gumalaw ang ilong ng lobo na nakakagat sa leeg ng Wild Boar na animo'y may naaamoy itong kakaiba sa paligid. Binitawan nito ang kagat-kagat na kapwa hayop at agresibong tumingin sa direksyon ng binata.
ROAR!
Galit na umatungal ang lobo sa binata at pumorma ito na parang susugod.
Kalmado lang na nakatingin si Rain sa lobo. Kumuha ito ng isa sa mga pagkain niyang kinuha sa kapiterya, iba-ibang pagkain ang niluluto sa kapiterya araw-araw at ang nakuha niya ngayong pagkain ay inihaw na karne. Agad na kumalat sa paligid ang mahalimuyak na amoy ng lutong karne, ilang beses na mas mabago sa katawan ng pinapatay nilang Wild Boar. Nakuha agad nito ang atensiyon ng dalawang lobo, kahit ang isa na nagpapatuloy sa pagpatay sa nanghihinang Wild Boar ay bumitaw rin ng kagat.
"Gusto niyo ang karneng ito? Ito oh, kuhanin niyo." Inihagis ni Rain ang karne tatlong metro ang taas sa pagitan ng mga lobo.
Napunta sa karneng ito ang tingin ng mga lobo at naghintay pa sila ng kaunti na bumaba ang karne bago nila ito talunin at lapain.
Nang nasa dalawang metro na lang ang taas ng karne ay hindi na nakapaghintay ang lobong nasa harapan ni Rain na tumalikod na sa kaniya para sa karne. Tumalon ito ng buong lakas para kainin sa ere ang karne. Hindi naman nagpatalo ang pangalawang lobo kaya tumalon din ito kahit na mas malayo ng kaunti sa kaniya ang karne at malinaw naman na mas mahihirapan siyang agawin ito.
Pinadyakan ng binata ang lupa para makatalon ito ng mataas at maatake sa ere ang isa sa mga lobo na walang kamalay-malay na nahulog na sa patibong niya. Pagtalon ay ibwinelo ng binata ang kanang kamay niya at nang masigurong abot na niya ang likod ng lobo ay pinakawalan niya na ang suntok niya na nagtataglay ng lahat ng lakas na kayang ilabas ng katawan niya.
Bumaon ang kamao niya sa balat ng lobo hanggang sa naramdaman niya at narinig ang mga buto ng lobo na parang nababali. Kakagatin na sana ng lobo ang karne nang bigla na lang itong nakaramdam ng matinding sakit sa likod nito at kasabay nito ay ang pagtalsik ng katawan niya palayo. Tumilapon ang katawan ng lobo at hindi na ito nakabangon pa.
Masaya namang tinanggap ng natirang lobo ang karne at sabik na sabik itong nilamon sa isang iglap.
Pagtapak ng mga paa ni Rain Goodman sa lupa ay dumiretso siya sa walang lakas na Wild Boar at binigyan din ito ng malakas na suntok sa ulo. Tinapos na niya ang paghihirap nito at ang inaasahan niyang mensahe ay kaniyang narinig.
------------------------------------------------------
Achievement: Boar Slayer
Reward: 15 Points
------------------------------------------------------
....
Pitong araw na ang lumipas simula nang makarating sila sa mundong ito. Sa malawak na silid ng pinagsasanayan nila Grim Crow ay tahimik na nakapikit ang binata matapos makatanggap ng mensahe sa kaniyang system.
------------------------------------------------------
Achievement: Learned Martial Art!
Reward: 10 Points.
------------------------------------------------------
------------------------------------------------------
Achievement: First One To Learn Martial Arts
Reward: 10 Points.
------------------------------------------------------
"Achievement? Puwede rin pala kaming makakuha ng points sa ganitong paraan." Wika niya sa kaniyang sarili. Ilang saglit pa ay bigla naman siyang natigilan ng maisip niya ang isa pang paraan para makakuha ng mga [Points].
"Makakakuha rin kaya ng [Achievement] kapag ako ang unang nakapatay ng halimaw?" Bulong niya sa sarili.
Tinignan niya rin ang kaniyang status at nang mapansing umangat ang antas ng rank niya ay napagtanto niyang hindi lang pala sa pagpatay ng mga halimaw magiging posible ang pag-angat ng EXP nila.
Wala siyang iba pang ginawa sa buong isang linggo kundi ang aralin ang Martial Arts na ibinigay sa kaniya ni Elder Devil. Hindi rin siya gumaya sa iba na itinuon ang kanilang lahat ng oras at atensiyon sa pagpapataas ng stats sa paraan na pag-eehersisyo ng katawan. Mabilis umangat ang stats nila at napag-iwanan siya ng kaunti, pero ngayong nakatanggap siya ng mga points sa achievement ay siguradong malayo na ang agwat ng magiging lakas niya sa kanila.
"Elder Devil, maaari po bang magtungo ako sa Niarich Forest? Nais kong malaman ang limitasyon ng lakas ko sa mapanganib na gubat para mabilis masanay ang katawan ko." Lumapit siya sa matanda at humingi ng permiso. Tanghali pa lang naman at tapos naman na siya sa inaaral na Martial Arts kaya magandang pagkakataon na rin ito para hasain ang sarili sa aktwal na laban.
"Mn? Gusto mong magpunta ng mag-isa? Anong antas naba ng rank mo?" Tanong niya sa binata. Hindi niya puwedeng basta na lang payagan na magpunta sa gubat na iyon si Grim Crow dahil mapanganib pa rin talaga ang gubat.
"Body Strengthening 1 pa rin po ako pero ang stats ko ay tumaas na matapos makatanggap ng points sa pinag-aralan kong Martial Arts. Maaari niyo pong subukan ang pisikal na lakas ko para makasiguro kayo." Pagsisinungaling ni Grim Crow tungkol sa kaniyang antas ng rank. Walang nagbago sa ekspresyon niya habang sinasabi ito kaya walang napansing kakaiba ang matanda.
"Kung gayon, suntukin mo ang palad ko gamit ang buong lakas mo."
Itinapat ni Elder Devil ang mapayat niyang palad sa harap ng binata. Hindi naman na nag-aksaya pa ng oras si Grim at nagpakawala ito ng malakas na suntok sa palad. At nang magtama ang kamao at palad nila ay lumikha ito ng malakas na tunog na bumulabog sa paligid. Natahimik ang mga nag-eensayo at taimtim na tumingin sa direksyon nilang dalawa.
"Puwede na. Bibigyan kita ng mapa at sa teritoryo ka lang ng mga Wild Boar puwedeng magtungo. H'wag mong kakalimutan na kapag bumisita ka sa teritoryo ng ibang mga hayop ay malalagay sa panganib ang buhay mo." Paalala ng matanda sa binata. Kumuha siya ng naka-rolyong papel sa kaniyang suot na singsing at inabot ito kay Grim Crow.
"Nakalagay naman na riyan ang teritoryo ng mga halimaw sa gubat. Tignan mo habang nasa daan ka patungo roon."
....
Kagaya ng sinabi ni Elder Devil ay pinili ni Grim Crow na magtungo sa teritoryo ng mga Wild Boar. Sa kasamaang palad ay ang kaniyang naging paghahanap sa mga halimaw ay nauwi sa wala. Nasayang ang ilang oras niyang pagtungo dito para pumaslang ng halimaw. Pero sa kaniyang daan pauwi ay may napansin siyang kakaiba sa sahig na katapat ng isang puno.
May bakas ng paglubog ng kaunti ng maliit na parte ng puno na tila may tumama ditong bagay. At may napansin din siyang mga tuyong dugo sa paligid.
"Wild Boar?" Dahil sa hawak sila ni Elder Devil ay malawak ang kaalaman nito at mayroon din itong permiso na papasukin sa silid aklatan ang mga estudyante niya. Tuwing may libreng oras siya ay nagbabasa siya roon ng tungkol sa katangian ng mga halimaw.
Ang Wild Boar lang ang nag-iisang halimaw sa Niarich Forest ang posibleng gumawa ng bagay na ito sa puno. Pero wala siyang ideya kung sino ang taong puwedeng inatake ng halimaw na 'yon.
"Sino naman ang pupunta rito? Ang alam ko ay halos lahat ng mga batang Adventurer ay nasa Adventurer's School pa. Ang matatanda naman ay siguradong hindi mag-aaksaya ng kanilang mga oras sa bibitsuging mga Wild Boar." Tinignan ni Grim Crow ang sahig at napansin niyang may ilang talsik din ng tuyong dugo ang hindi lalayo dito sa puno ng tatlong metro.
Inimbistigahan niya ang paligid at sinuri pa ito sa loob ng sampong minuto. Pero kahit anong hanap niya sa daan na tinahak ng pumatay sa Wild Boar ay wala na siyang makitang kahit na anong marka, tila bigla na lang naglaho na parang bula ang duguang katawan ng Wild Boar?
"Hindi kaya siya ang pumaslang sa Wild Boar? Ang [Inventory] lang ang posibleng dahilan kung bakit wala na ang mga bakas ng dugo sa paligid matapos mamatay ang halimaw. Kung buhay naman ang Wild Boar at nakatakas ay imposibleng walang maiwang marka ng mga dugo sa tinahak nitong daan. Kahit ang naglalakasang matatanda ay hindi rin magagawang paglahuin na parang bula ang katawan ng duguang halimaw. Lalo na at mukhang namatay pa naman ang Wild Boar sa madugong paraan, kaya imposibleng hindi tumulo ang mga dugo nito sa sahig habang naglalakad palayo. Isa pa, sigurado rin ako na ilan lang ang may mga storage ring kagaya ni Elder Devil." Nagtatakang isip ni Grim Crow at pinagmasdan ulit ang mga halatang nagsitalsikang mga tuyong dugo sa paligid. Kung malakas naman pala siya ay bakit niya kailangang itago ang lakas niya?
At sa isang tabi, may napansin siyang bato na basa ng tuyong dugo. Kinuha ito ni Grim Crow at ang suspetya niya ay lumaki.
"Hindi kaya may kaugnayan ito sa [Achievement]? Natuklasan niya agad ang tungkol dito at ayaw niyang maunahan namin siya? O may iba pa siyang rason?" Dumilim ang mukha ni Grim Crow at taimtim niyang pinagmasdan ang paligid. Marami na siyang katanungan sa mundong ito, at ang mga natuklasan niya ngayon ay dumagdag pa na nagpasakit sa ulo niya.