Chapter 6

2852 Words
Chapter 6: Meeting! Masayang nakatingin ang binata sa kaniyang status. Matapos niyang patayin ang dalawang Wild Wolf at isang Wild Boar ay nagpatuloy na siya sa teritoryo ng mga lobo. Doon ay walang habas siyang pumaslang ng mga lobo hanggang sa makaangat siya ng isang antas sa rank at makuha ang Wild Wolf Slayer na achievement na nagbigay ng labing-limang points sa kaniya. ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 3 Strength: 30 (+5) Agility: 21 (+5) Vitality: 19 (+5) Stamina: 27 (+5) Skills: None. Points: 35 EXP: 4% ----------------------------------------------------- Pang walong araw na nila sa mundong ito. Tahimik lang siyang nakahiga at nakatulala sa dingding para magpahinga habang iniisip ang mga mangyayari sa hinaharap. Walang balak na bumangon at magtungo sa Niarich Forest para makapagpataas ng stats sa pamamagitan ng walang humpay na pag-e-ehersisyo ng katawan niya. Binata pa rin siya na dating estudyante kaya hindi maiiwasan na mapagod ang mentalidad niya sa buhay na kinaharap niya nitong anim na araw. Bumalik lang sa reyalidad si Rain Goodman sa pagkalunod sa kaniyang malalim na iniisip nang makarinig siya ng ilang katok sa pinto.  "Rain? Ipinapatawag ka sa Adventurer's Building." Narinig niya ang maamo at malumanay na boses ng isang babae.  Gayunpaman ay sumimangot lang ang ekspresyon sa mukha ni Rain Goodman dahil sa likod ng kaaya-ayang boses na narinig niya ay ang babaeng malakas ang tama, ang babaeng ito lang naman kasi ang nagpanggap na patay para takutin siya. Tumayo ang binata at pinagbuksan ng pinto ang babae. "Aura, Wala akong balak lumabas." Harapang pagtanggi niya sa pag-aaya ni Aura.  Pinilit na siya nitong magpalakas noong nakakasalubong niya ito sa Adventurer's Building sa kanilang ika-anim na araw rito at talagang hindi ito nagustuhan ni Rain dahil sa pursigidong-pursigido ang babae. "Pinapatawag ka talaga ni Anya. Kailangan magtungo ang lahat ng batang Adventurer sa gusali para pag-usapan ang isang mahalagang usapin." Wika ni Aura Scarlet Suot-suot niya ang paboritong kulay ng mga bistida, ang itim na bistida pero ang suot niya ngayon ay may nakaukit na rosas sa bandang dibdib. Medyo nakanguso rin siya dahil parang walang tiwala sa kaniya ang binata. Nang tignan pa niya ang nakasingkit na mga mata ng binata na animo'y naghihinala ito ng sobra ay nakaramdam siya ng inis sa loob niya at parang gusto niyang bigwasan ang kaharap.  "Tungkol saan naman ang pag-uusapan ng mga kagaya nating adventurer? At anong kinalaman ng kagaya kong basura sa pagpupulungan ninyo?" Tanong niya sa babae. "Tungkol ito sa Niarich Forest. May haka-hakang kumakalat na may batang Adventurer ang walang habas na pumapaslang ng mga Wild Boar at Wild Wolf sa gubat. Kapag naubos ang mga halimaw ay mauuwi sa wala ang pag-eensayo ng mga batang Adventurer dahil hindi naman natin agad kakayanin ang mas malalakas pang mga halimaw sa lobo at baboy ramo." Paliwanag niya sa binata. "Kung gayon ay magbibihis muna ako." Bumalik siya saglit sa bahay niya at nagpalit ng asul na damit. Naghilamos din siya ng mukha bago lumabas kasama ang babae. Lumakad na ang dalawa patungo sa Adventurer's Building. Habang naglalakad ay napaisip ang binata. 'Iimbistigahan kaya nila ang nangyayari?' Kung mag-iimbistiga ang kahit na mga batang Adventurer lang ay mahihirapan siyang magpatuloy sa ginagawang pagpapalakas, at kinakailangan ring walang makaalam sa mga susunod na lugar niyang pupuntahan sa Niarich Forest dahil malalagay siya sa panganib kapag may mga nakaalam. 'Pero sa mga oras na ito. Nakikipagpulong ang mga pamunuan ng Adventurer's Guild sa ibang village. Si Elder Devil lang ang naiwan para sanayin ang mga estudyante niya at magbantay sa Potara. Kaya sino naman ang maglalakas ng loob na magtungo sa teritoryo ng mga Wild Boar at Wolf?'  Malawak ang lupain ng Niarich Forest. Nahahati ito sa dalawa, ang isa ay tinatawag na [Practice Zone] kung saan nakatadhanang magsanay sa aktwal na pakikipaglaban sa mga Wild Boar, Wolf, at Tiger ang mga batang Adventurer. Ang kalahating parte naman ng gubat ay tinatawag na [Danger Zone], ang pinagpapaslangan ng mga nakatatandang Adventurer para sa mga importanteng parte ng katawan ng mga mababangis na halimaw. Ang ilan naman sa mga mas nakakatanda ng kaunti sa mga batang Adventurer ay dumidiretso na sa mas mapanganib na parte ng gubat kaya tanging ang mga baguhang Adventurer na mga kabataan lang ang nagtutungo sa [Practice Zone]. Nakasanayan na rin nila ito hanggang sa maging panuntunan na ito ng Potara Village. Kaya nagtataka ang mga kabataan sa Adventurer's Guild dahil wala silang makitang ebidensiya kung sino ang posibleng pumaslang sa mga baboy at lobo na dapat ay lalabanan nila sa kanilang paghahasa ng mga sarili sa oras na sumapat na ang lakas nila. Kailangan ay makatungtong sila sa limitasyon ng [Body Strengthening 2] o kaya naman ay maging ganap silang [Body Strengthening 3] para magkaroon ng tsansa na manalo laban sa Wild Boar. Puwede rin namang kahit na kakaangat lang nila sa level 2 ay sumabak na agad sa mapanganib na gubat pero kakailanganin nga lang nila ng isa o dalawang kasama. "Aura, may resulta na kayo sa pagsasanay niyo? Tumataas na na ang antas ng rank niyo?" Habang tahimik na naglalakad ay biglang natanong ni Rain Goodman. Ilang minuto pa naman ang lalakarin nila sa destinasyon kaya hindi na masama ang kumuha ng impormasyon. "Sinabihan kami ni Elder Devil na h'wag ipaalam sa iba ang level namin. Pero dahil ikaw naman ang nagtatanong ay sasabihin ko. Ako ay nakatungtong na sa level 3, biglang tumaas ng dalawang level ang rank ko kahapon nang matapos ako sa inaaral kong Martial Arts, at hindi lang 'yon nakakuha rin ako ng points na idinagdag ko sa lahat ng stats ko. Si Soren Orlando naman ay level 2 palang pero nabanggit ni Elder na si Soren ang kasalukuyang pinakamalakas sa'min. Si Axel ay level 2 din habang si Grim ay level 2 pa lang din." Pabulong na paliwanag ni Aura. 'Tumaas ang level at nakakuha ng points sa Martial Arts na inaral niya? Ibig sabihin ba nito ay kinokonsiderang Skill Book ang mga Martial Arts ng baryo?' Napaisip ang binata sa kaniyang narinig. Pamilyar siya sa mga Skill Book na puwedeng aralin para biglaang makakuha ng mga points at mataas na EXP. Ang hindi niya inaasahan ay makokonsiderang Skill Book ang mga libro ng mga Martial Arts ng village. Sa laro kasi ay ang mga Skill Book ay binibili sa mga merchant na pagala-gala at isang pindutan lang ito at agad na makukuha ang lahat ng benepisyo nito. "Andito na tayo." Nakarinig na lang siya ng boses nang bumalik siya sa sarili. Hindi niya napansin na nasa harap na pala sila ng gusali. .... Adventurer's Guild, Meeting Room Malawak ang espasyo ng silid pagpupulong, isa lang itong silid at ang sukat nito ay maihahalintulad na sa dalawa o tatlong silid kaya perpekto ito para sa mga biglaang pagpupulong kahit na marami pa ang tutugon dito. Sa gitna nito ay may mahabang lamesa ang napapalibutan sa magkabilang banda ng mga magkakatabing upuang matiwasay na nakahilera, at halos lahat ng mga upuan ngayon ay okupado na ng mga batang Adventurer. Kabilang na nga sa mga batang Adventurer ang tatlong binata na ini-idolo at hinahangaan ng karamihan, si Grim Crow, Axel Crimson at Soren Orlando. Ang silid ay binuo at dinisenyo hindi lamang para sa kanilang mga Adventurer na marami ng karanasan sa buhay. Hangarin nilang matatanda na matuto at tumayo sa sarili nilang mga paa ang mga kabataan sa oras ng sakuna upang sa hinaharap kapag pinalitan na sila sa p'westo ay may karanasan na rin ang mga kabataan at hindi basta-basta bibigay sa mga kinakaharap na problema. Nasa pinakadulo ng upuan ang pinakamatanda sa kanila na si Receptionist Anya. Sa harapan ng kanan niya ay nakaupo ang tatlong binata, nasa dulo nilang tatlo si Grim Crow at sa tabi nito ay may dalawang bakanteng upuan na naka-reserba na para sa mga hinihintay nilang si Aura Scarlet at Rain Goodman. Hindi naman talaga kailangang si Aura Scarlet pa mismo ang tatawag sa binata, nagpumilit lang siya dahil sa tingin niya ay mas magiging komportable ang binata kapag siya ang kumausap dito, kaya naman ang pagtawag niya ay ukol sa kaniyang magandang hangarin. Lahat ng mga batang Adventurer dito ay nagsisimula sa labing-anim na taong gulang habang ang pinakamatanda naman ay may edad na labing-walong taong gulang. May ilan sa mga batang Adventurer ang kumakausap sa mga kaibigan nila ng pabulong para hindi magulo ang tahimik at kapayapaan ng silid. Mayroon din namang iba na hindi nagsasalita na bakas sa mukha ang pagkainip sa kanilang hinihintay. Ilang minuto pa ang lumipas at ang mga nag-uusap ay napahinto sa kung ano mang pinag-uusapan nila at taimtim na tumingin sa direksyon ng pintuan. Ganoon din ang naging reaksyon ng iba kaya ang lahat ng tingin ay nasa pintuan na lumikha ng tunog na sumesenyales sa pagbukas nito. Tuluyan na ngang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang magandang babae na may seryosong mukha, base pa lang sa ekspresyon nito ay madaling maiintindihan na siya ang uri ng tao na hindi madaling kausapin o makahalubilo. Gayunpaman, hindi nabawasan ng ekspresyon niya ang kaniyang kagandahan na gumulat talaga sa iba.  Kung gaano naman kaaya-aya sa paningin ang pigura ni Aura Scarlet, kabaliktaran naman nito ang binatang sumulpot sa likod ng babae. Asul na mga buhok at ang ulo nitong nakayuko ay nakilala agad siya ng karamihan, at nang makita nila si Rain Goodman ay umukit ang simangot at inis sa mga mukha ng karamihan sa kanila, may iba pa nga na hindi napigilang suminghal sa inis dahil mukhang ang mapagpanggap na binata pala ang hinihintay nila. Tahimik lang ang paligid pero 'di kalaunan ay may isa na sa mga kabataan ang nagsalita. "Iyan ba ang Rain Goodman na gumalit kay Elder Devil?" Kungwaring pabulong na wika ng isang batang Adventurer sa katabi niya na halata namang sinadyang lakasan upang marinig ng lahat at magpakita ng malinaw na panghahamak sa pangalan nito. "Oo, iyan 'yon. Akala niya siguro ay papalarin siya kaya gumawa ng kung ano-ano sa katawan niya para magmukhang interesante at kakaiba rin kagaya nina Grim Crow." Dagdag pa ng kausap nito.  At dahil nga sa mga narinig ng iba ay nagbulungan na rin ang mga ito na tila gusto nilang ipamukha sa binata ang masamang sinapit sa kamay ng Elder Devil. Bumuntong hininga sa loob niya si Rain Goodman at hindi na lang pinansin ang mga panghahamak na naririnig niya sa paligid. Sinusubukan niya na lang kalimutan ang mga ito tuwing may mga sinasabi sa kaniya na hindi niya mapigilang mapansin. Tumingin siya kay Aura Scarlet at agad itong tinapik nang mapansin niyang magsasalita na sana ito para protektahan siya. Pinakiusapan niya na lang ito gamit ang mga mata niyang nagsasabi na dumiretso na lang sila sa uupuan nila, malinaw naman sa kaniya na may mga kinikimkim na galit ang iba kaya siguradong papalakihin lang nila ang gulo kapag sumagot pa siya o lumaban.  Mabuti na lang at naintindihan agad ng babae ang nais niyang ipahitawig sa kaniyang mga tingin. Tumuloy na sila papunta sa kanilang upuan at walang pakialam sa mga naririnig na umupo. "Sandali, bakit kailangan na katabi ng apat si Rain Goodman? Hindi ba ang apat ay talentado? Basura naman 'yan kaya anong karapatan niyang makatabi sila na parang kasing lakas niya ang kagalang-galang na apat?" Tumayo ang isang binata na may itim na mga mata at pantay-pantay na mga buhok na aabot hanggang sa gitna ng noo niya. Magara ng kaunti ang suot nito na sumasagisag sa pagiging galing niya sa may kayang pamilya, ang binatang ito ay nagngangalang Krain. 'Siya na naman?' Napangiti siya ng mapait sa loob niya nang makita ang binatang ito. Ito rin ang narinig niyang nagsalita na parang naiinis dati noong unang beses siyang pumunta sa Adventurer's Building nang inakala nitong kagaya siya ng talentadong apat. Tinignan ni Krain ang reaksyon ng mga nasa paligid at lumakas pa ang loob niya sa nakita niyang iba na tumatango bilang patunay na nasa panig nila siya. Dahil dito ay magsasalita na naman sana siya para pahiyain pa ang kinaiinisan niyang binata. Pero hindi niya rin ito naituloy nang makarinig siya ng malamig at nakakapangilabot na boses. "Sino naman sa tingin mo ang dapat na umupo rito?" Malamig na tanong ng binatang nasa pagitan ni Aura Scarlet at Axel Crimson, si Grim Crow. Ang matapang na ekspresyon sa mukha ni Krain na kanina ay parang wala siyang aatrasan kahit na anong mangyari ay napalitan ng gulat. Huminto siya sa binabalak na mensaheng nais ipamukha na isang basura si Rain Goodman at dahan-dahang inilipat ang tingin sa pinagmulan ng panibagong binata na nagtanong sa kaniya. Sa kaniyang pagtingin sa mukha ng binatang nagtanong sa kaniya ay napalunok siya at nanginginig na napilitang ngumiti para hindi mainis ang kapalitan niya ng tingin na binata, ang gulat sa mukha niya ay mabilis napalitan ng pangamba at takot. Subalit ang takot na iyon ay tumindi pa nang mapunta sa mga mata ni Grim Crow ang tingin niya, pakiramdam niya ay bigla siyang napunta sa mapanganib na gubat at may isang mabangis na lobo sa harapan niya ang pasensiyadong naghihintay ng tiyempo para sunggaban siya. 'P-papatayin niya ako..' Sa bawat segundo na lumilipas na nakatingin siya sa malamig na tingin ng mga mata ni Grim Crow ay palaki ng palaki ang takot sa puso niya at ang presyur nito sa kaniya ay hindi niya na kinakaya. Gusto niyang tumakbo palabas at lumisan sa silid pagpupulong, pero sa oras na gawin niya ito ay siya naman na ang magiging katatawanan at hahamakin ng karamihan. Hindi siya makakapayag na mangyari sa kaniya ang sinasapit ng hinahamak niyang si Rain Goodman. Buong tapang niyang iniyuko ang tingin at sinabi ang lahat ng nais niyang imungkahi para makatakas sa nakakapangilabot na tingin ni Grim Crow. "N-naniniwala akong ang mga pinakamalalakas lang sa henerasyon natin ang may karapatan na umupo sa tabi ninyo, Grim Crow. Para sa'kin ay walang karapatan ang kagayang basura ni Rain Goodman sa inuupuan niya. Kung gusto niyong patunayan ko ang sinasabi ko na wala siyang karapatan, hinahamon kita sa isang duwelo, Rain Goodman!" May ilang butil ng pawis sa noo ni Krain ang namuo at tumulo na agad niya namang pinunasan para subukang itago ang nadaramang takot. Hindi naman na siya nakipagtitigan kay Grim Crow kaya nasabi niya rin ng maayos ang mga nais sabihin. Balak niyang patunayan na walang karapatan si Rain Goodman sa tabi nilang apat sa pamamagitan ng duwelo, sa duwelo ay mapapatunayan niyang mahina at basura lamang ito kapag nilampaso niya na ito. "Mn? Ano sa tingin mo Rain Goodman?" Ibinaling ni Grim Crow ang tingin niya sa binata at tinanong ito. Hindi agad nakasagot si Rain Goodman. Iniyuko niya ng may kalaliman ang kaniyang ulo kaya hindi na makita ng iba ang kaniyang ekspresyon. Bakas sa ulo niya ang panginginig at ilang sandali pa ay nakarinig na sila ng sagot sa kaniya, "H-hindi ako makikipaglaban. Kung gusto mo ay ikaw na lang ang umupo rito. Lilipat na lang ako sa puwesto mo." Kinakabahan ang tono ng pananalita niya at base pa sa panginginig ng katawan at ulo niya ay napagtanto ng iba na natatakot siyang lumaban. 'Tiis. Kailangan kong magtiis. Hindi nila puwedeng matuklasan ang tunay kong lakas.' naiinis si Rain sa loob niya. Nanginginig siya hindi dahil sa takot, nanginginig siya sa inis dahil kailangan niyang tiisin ang kahihiyang ito sa harap ng mga kaedaran niyang binata't dalaga. Alam niya kasi na kung hindi siya magtitiis ay mawawasak ang lahat ng tsansa niyang mabuhay dahil hinding-hindi siya puwedeng makilala bilang malakas. Marami ang nadismaya sa narinig nilang sagot niya. Ang tanggihan ang hamon ng kapwa batang Adventurer ay ang nag-iisang kahihiyan na magpapababa ng katayuan ng isang Adventurer. Kahit ang mga normal na tao sa paligid ay puwedeng hamakin siya dahil sa kaduwagang ginawa niya ngayon.  Itinanim na nila sa puso nila na malaking duwag at kahihiyan si Rain Goodman sa kanilang mga Adventurer. "Tama nga talaga si Elder Devil. Isa kang basura, hindi lang 'yon, talunan ka rin na hindi kayang protektahan ang kaniyang karangalan. Ano pang rason na maiwan ang kagaya mong talunan sa pagpupulong na ito? Naniniwala ako na lahat ng narito ay hindi rin naman makikinig sa opinyon ng kagaya mo, bakit hindi ka na lang lumabas?"  Tumigil na si Rain at ibinaba na niya ang kaniyang ulo para matapos na ito. Pero nagpupumilit si Krain na ipahiya pa rin siya dahil pakiramdam niya ay napahiya siya sa sarili niya sa naramdamang takot kay Grim Crow. Tatayo na sana si Aura Scarlet para tulungan si Rain Goodman nang bigla siyang pigilan ng binata mismo. Bumulong ito sa kaniya at simula nga nito ay hindi na niya tinuloy ang binabalak na bantaan si Krain. Lumabas siya ng silid na puno ng diskusyon ang paligid at pinaparinig pa nila ang mga mapanghamak nilang mensahe tungkol sa kaniyang kaduwagan. Ilang minuto pa lang ang lumipas nang pumunta siya rito at ngayon ay lalabas agad siya na walang nangyari, pakiramdam niya ay nagpunta lang siya rito para mapahiya at hamakin ng iba. Paglabas niya ng silid ay napangitngit siya ng ngipin sa inis at ang mga kamay niya ay napakuyom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD