Chapter 7

2476 Words
Chapter 7: Unforseen Encounter! Naiinis na umalis sa silid pulungan si Rain Goodman, kumuha muna siya ng pagkain para makauwi na agad na hindi pino-problema ang gutom. Pagkagising niya kanina ay wala siyang ganang bumangon sa higaan-- pero dahil sa nangyari ay nag-init sa galit ang puso niya at nais niyang ibunton sa mga halimaw ang kaniyang nag-aapoy na galit para na rin lumakas siya. Siya ay isang estudyante lang at kahit na parang wala lang sa paningin ng iba ang mga panghahamak na natamo niya kay Krain ay kabaliktaran naman ito dahil ang loob niya ay puno na ng inis at galit. Binata pa lang siya na wala pang masiyadong karanasan sa buhay, ang hamakin at pagmukhaing duwag sa harap ng marami na wala siyang nagagawa ay labis na nakakagalit. Hindi siya kagaya ng matatanda na bihasa na sa pagkontrol ng kanilang emosyon na kahit nasa gitna ng umaapaw na galit, hindi nila ito hahayaang kontrolin ang isipan nila at mananatiling kalmado sa kinakaharap na sitwasyon. Sa loob ng kaniyang bahay ay tulala pa rin ang binata at iniisip ang mga kahihiyan na sinapit niya. Minabuti niya lang talagang isipin ang hinaharap kaya nagawa niyang pigilan ang sarili na gumanti at hiyain din sa harap ng marami ang binatang humahamak sa kaniya. "Status."  ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 3 Strength: 30 (+5) Agility: 21 (+5) Vitality: 19 (+5) Stamina: 27 (+5) Skills: None. Points: 35 EXP: 4% ----------------------------------------------------- "Kukulangin pa rin pala ang antas ng lakas ko laban sa mga Black Tiger."  Galit siya pero unti-unti niya naman nang nakokontrol ang estado ng emosyon niya. Mas madali na ito kumpara kanina dahil hindi niya na kailangan pang iyuko ang ulo niya para hindi makita ang nakakainis sa paningin na ngisi sa mukha ng iba. Higit pa roon ay hindi niya na kailangan pang itago ang tunay na emosyon na makikita sa mukha at mga mata niya. Ang mga itim na tigre ay mas malakas at mapanganib ng ilang beses sa Wild Boar at Wild Wolf. Hindi lang mapanganib ang pisikal na katawan at walang kapantay na lakas nito, ang istilo rin nito ng pakikipaglaban ay mas mapanganib kumpara sa dalawa, kaya naman hindi pa siya nababaliw para direktang lumaban sa mga itim na tigre para mas mapabilis ang progreso ng kaniyang pagpapalakas. .... Nagtungo si Rain Goodman sa Niarich Forest at dumiretso sa natuklasan niya kahapon ang tahanan ng mga Wild Wolf. Sa lungga rin ng mga halimaw na 'to ay nakumpleto niya ang kinakailangan bilang ng mga papaslanging lobo para makuha ang [Wild Wolf Slayer] na [Achievement]. Maingat siyang naglalakad sa daan patungo sa kuweba na natuklasan niya kahapon. Pinagmamasdan niya ng maigi ang mga puno na dinadaanan at tinatahak ang may silong para maiwasan ang pagdapo ng mainit na sinag ng araw sa katawan niya. Pero ang atensiyon niya ay nalipat din sa isang direksyon nang may umalingasaw na masangsang na amoy ng dugo. Tinitigan niya ng mas maigi ang daan sa harapan at binilisan ang paglalakad para makita kung ano ang nangyayari, at ilang saglit pa ay unti-unti na ngang bumungad sa tanawin niya ang kumpol-kumpol na mga bangkay ng lobo sa ilalim ng mataas na puno. Gulat na gulat siyang nakatingin sa maraming bangkay ng mga Wild Wolf. Hindi lang iyon, tumingin din siya pataas ng kaunti at nakita niya ang sanga ng puno na komportableng inuupuan ng isang binata na kaedaran niya lang. Hinahabol nito ang hininga niya at ang mukha niya ay puro talsik ng dugo na mapapansing pinunasan niya lang ng kamay kanina kaya madumi tignan.  Ang magulong buhok ng binata ay kulay dugo kagaya ng mga mata niya na sagad sa buto kung makatingin. Madumi ang mukha niya dahil sa nagsitalsikang dugo ng mga pinaslang niyang halimaw. Gayunpaman, hindi pa rin nito naitago ang karisma at nakakaakit na mukha ng binata, ang problema nga lang ay maihahalintulad sa masasamang impluwensiyang binata ang maganda niyang mukha.  Kasalukuyan itong may hawak na hita ng isa sa mga lobo. Kinakain niya ito na hindi niluluto kaya ang bibig nito ay puro dugo. Ilang sandali ay napahinto rin sa pagkain ang binata nang makaramdam siya ng mga matang nagmamatyag. Taimtim siyang tumingin sa direksyon ni Rain Goodman at malumanay na nagwika. "Mn? Batang Adventurer sa Potara Village?" Kumagat ulit ito sa hitang hawak niya at pinagmasdan lang si Rain. "Cleo Blood?" Nanlaki naman ang mga mata ni Rain Goodman sa kaniyang nakikita. Kilalang-kilala niya ang binatang ito. Hindi niya p'wedeng makalimutan ang pangalang nito dahil ito lang naman kasi ang magiging isa sa mga pinakamalaking banta para sa kaniya. "Oh? Kilala mo ako?" Huminto sa pagkain si Cleo Blood at tumalon ito ng walang kahirap-hirap sa halos dalawang metrong taas na puno.  Kanina pa siya nandito sa lugar na ito dahil pinatay niya ang mga puting lobo na mga nakita niya sa loob ng kuweba tatlumpong metro lang ang layo sa kaniya. Nagpahabol lang siya sa mga natirang lobo palabas ng kuweba para hindi na siya mahihirapang buhatin ang mga katawan nito papunta sa kanilang Blood Village. Hindi naman kasi niya kakayaning buhatin ang lahat ng mga katawan pauwi. "Cleo Blood." Malinaw na malinaw sa kaniyang isip ang binatang ito.  Si Cleo Blood ay miyembro ng Blood Village, baryo ng mga madudugong Adventurer na kahit anong mangyari ay lalabanan ang iba hanggang kamatayan. Kilala sila bilang pinakamasamang kaaway na puwedeng makaaway ng kahit na sino kaya marami ang pinipiling lumayo na lang sa mga ito tuwing may nakakasalubong silang miyembro ng Blood Clan. At sa hinaharap, si Cleo Blood ang isa sa mga makakalaban niya na magpapahirap sa kaniya. Ang mga bilang na namatay siya sa laro sa kamay ni Cleo Blood ay nasa limang beses. Tama, si Cleo Blood ang isa sa mga kalaban na nagpahirap sa kaniya ng sobra noon. "Bakit siya napunta rito? Dapat ay lalabas lang siya kapag nagkagulo na. Iba naba talaga ang hinaharap?" Pabulong na tanong ni Rain sa sarili. " Sandali... Paano kung mabura na si Cleo Blood ngayon? Hindi, hindi kita papatayin pero dadalhin kita sa pamunuan ng Potara Village. Teritoryo ng Potara Village ang Niarich Forest at malinaw na lumabag ka sa kasunduan ng ating mga baryo." Sumama ang tingin niya sa direksyon ni Cleo Blood. Pero bigla niya na lang napansin na wala na pala ang binata sa sanga ng punong iyon. "Nasaan?" Tumingin siya sa kanan at kaliwa niya pero walang senyales ng mapanganib niyang kalaban. "Sa taas!" Madalas niyang naaalala sa mga nababasa at napapanood ang ganitong mga pangyayari. Kaya inisip niya na lang na nasa taas nga si Cleo Blood. Tumalon siya paatras kahit na hindi pa rin siya sigurado. "Mali."  Nakarinig ng mapaglarong boses sa likod niya si Rain Goodman at bigla na lang siyang nakaramdam ng malakas na suntok sa likod habang nasa gitna ng ere dahil sa ginawang pagtalon paatras.  BAG! Kumalabog ang likod ni Rain nang dumapo ang suntok na pinakawalan ng nasa likod niyang si Cleo Blood. Pagkatapos ng suntok sa likod ay pakiramdam niya ay masusuka siya pero pinigilan niya ito at ginamit ang buong lakas para tumalikod. Subalit nang tumalikod siya ay wala na siyang iba pang nakita bukod sa duguang kamay na nakakuyom. Tuloy-tuloy ito papunta sa mukha niya at sa bawat paglapit nito ay palaki ng palaki sa paningin niya ang kamao. Hindi na siya nakagalaw pa sa bilis ng mga pangyayari, malinaw rin naman sa kaniya ang sitwasyon at alam niyang hindi na siya makakailag pa kahit buong lakas niya ang gamitin sa pag-ilag. Nang dumikit sa kanang bahagi ng bibig niya ang kamao ay bumaon ito ng kaunti sa balat niya at ang buong katawan niya ay naapektuhan at nakaramdam ng kirot. Sa lakas at bilis ng suntok ni Cleo Blood ay napapikit siya at napaatras pataas ng kaunti ang ulo niya, kahit ang mga paa niya ay napahakbang paatras na pilit pinapanatili ang balanse ng mga paa para hindi matumba. Pero sa muli niyang pagbukas ng kaniyang mga mata ay nalaman niyang nahihilo na pala siya at lumalabo ng kaunti ang mga nakikita niya, kaya naman 'di kalaunan ay nawalan din siya ng balanse at bumagsak ang likod sa sahig. "Kakaibang kulay ng buhok at mga mata na kulay dagat. Hindi kaya ikaw ang kumakalat ngayon sa Potara Village na may kakaibang panlabas na anyo at lumabas na isa pa lang basura?" Interesadong tanong ni Cleo Blood habang pinagmamasdan si Rain Goodman na tila gustong kumawala sa mga mata nitong parang dagat ang mga naglalakasang alon na dala-dala ang galit nito. Ang impormasyon tungkol sa kanilang lima na may mga kakaibang hitsura ay mabilis na kumalat dahil harapan itong inanunsiyo ng pamunuan ng Potara Village. Mayroon ding mga ispiya ang Blood Clan sa kanilang baryo kaya masasabing imposibleng hindi ito matunugan ng Blood Village. Narinig na niya ang tungkol sa apat na talentado at isang basura pero wala naman siyang alam sa panlabas na anyo nila kaya nag-ingat siya at kinonsidera niyang isa sa mga talentado si Rain Goodman dahil sa kakaibang hitsura nito. Nag-apoy sa init ang katawan niya kanina sa naisip na makakaharap niya ang kaedaran na talentadong Adventurer sa karibal na baryo. Pero ngayon ay medyo nadismaya siya dahil sa hina nito, at kung titiganan pang maigi ay parang wala pa itong karanasan sa aktwal na pakikipaglaban. "S-status." Sa malabo niyang harapan ay sumulpot ang kaniyang status. ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 3 Strength: 30 (+5) Agility: 21 (+5) Vitality: 19 (+5) Stamina: 27 (+5) Skills: None. Points: 35 EXP: 4% ------------------------------------------------------ "Mn? Anong ginagawa mo?" Umupo si Cleo at natatalinhagaan itong tumingin sa binatang nakahiga na tinataas at ginagalaw-galaw ang hintuturo niya sa hangin na parang may pinipindot ito. 'Sampo sa [Strength], [Agility], [Vitality], at lima naman sa [Stamina].' Nang matapos siya sa paglagay ng mga natitira niyang puntos ay mabilis niyang naramdaman ang pagtalon ng antas ng lakas ng katawan niya. ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 3 Strength: 40 (+10) Agility: 31 (+10) Vitality: 29 (+10) Stamina: 32 (+5) Skills: None. Points: 0 EXP: 4% ----------------------------------------------------- "Plano kong gamitin sa hinaharap ang tatlumpo't limang puntos ko. Pero p'winersa mo akong gamitin 'to." Naiinis na bulalas ni Rain at dinakma niya ang mukha ni Cleo. "Huh? Gusto mo pa ring lumaban?" Kampante si Cleo na kaya niyang talunin ang binatang ito. Isa na siyang ganap na [Body Strengthening 7], naramdaman niya rin na mas mahina sa kaniya ang binata at ang kaniyang kaalaman pa lang sa pakikipaglaban ay mas malawak kaya kahit na maging pantay pa ang antas ng lakas nila ay siya pa rin ang mananatiling nakatayo sa huli. Walang kahirap-hirap na iginalaw ni Cleo ang kaniyang ulo kaya nailagan niya ang kamay ni Rain. Ngumiti siya sa binata para sa kaniyang binabalak na paglaruan ang emosyon nito. Pero nagulantang siya nang mapansin niyang nakaharap na pala siya sa kalangitan at ang likod niya ay nakadikit na sa sahig. "Paanong?" Itinaas niya ang ulo niya para tignan ang nangyayari sa bandang paa niya, at nang makita niyang hawak ni Rain ang kanang paa niya ay iginalaw niya ang kaliwang paa niya para masipa ng malakas ang kalaban. Alam ni Rain na hindi niya puwedeng ilagan ang sipang ito. Kapag ginawa niya iyon ay dapat niyang bitawan ang kanang paa ni Cleo kaya naman matapang niyang itinapat ang kaliwang braso niya at sinalag ang malakas na sipa gamit ito. CRACK! Napangitngit ng ngipin sa sakit si Rain nang mabali ang buto niya sa lakas ng sipa ni Cleo Blood. Ibig sabihin rin nito ay mas lamang ng kaunti ang lakas nito kumpara sa tibay ng katawan niya. At ang numero sa [Vitality] niya ay 29 kaya posibleng level 6 o 7 na ang kaharap niyang ito. Hindi naman sapat ang lakas nito para maging level 8 dahil kung level 8 ito ay siguradong bali ang kabuuan ng buto ng braso niyang tinamaan sa sipang iyon. "HAAA!" Gamit ang buong lakas ay hinila niya ang paa ni Cleo pataas kaya lumutang sa ere ang katawan nito, nang sapat na ang buwelo niya sa binabalak ay marahas niyang ibinalibag pababa sa lupa ang katawan ng dakma-dakmang paa. BAM! "Guah!" Nang tumama ang likod niya sa sahig ay sumuka ng dugo si Cleo. Namuti ang mga mata niya pero bumalik ulit ang pulang tukdok sa mata niya at pinilit pa ring manatiling gising dahil narinig niya ang mahinang tunog ng nabitak na buto sa kanang braso ni Rain. 'Paano niya nakayang gumamit ng ganoong lakas? Hindi naman siya ganito kalakas kanina base sa nadama ko.' isip ni Cleo.  Bumitaw naman na ang kamay na nakahawak sa paa niya ng mahigpit kaya agad siyang bumangon. Wala naman siyang kamalay-malay na sa harap niya ay nakahanda na ang kanang braso ni Rain. Nakakuyom na rin ito at kahit ang buwelo niya ay handa na. Hinihintay niya na lang na tuluyang makatayo ang kalaban para masigurong hindi na ito makakabangon pa sa ibabatong suntok. "Hehe. Kahit na malakas ka mukhang hindi naman sapat ang tibay ng kata--" aroganteng pahayag ni Cleo pero bago niya ito matapos ay inunahan na siya ni Rain Goodman ng malakas na suntok sa sikmura. "Guah!" Napasuka ulit ng dugo si Cleo habang yakap-yakap ang sikmura niya. Hindi siya makahinga sa suntok na natanggap niya at unti-unti na ring dumidilim ang paningin niya. Sa buong buhay niya ay ito ang unang pagkakataon na bumagsak sa sahig ang mga tuhod ni Cleo Blood dahil sa laban. Nakaluhod ito sa harap ni Rain Goodman na duguan din ang mukha, kahit ang kamao nito ay duguan din. 'Ahh! Namamanhid na ang kanang kamao ko. Mabuti na lang at hindi ganoon kalaki ang mga nabali sa buto ng kamao ko.' Napabuntong hininga si Rain.  Ito ang resulta nang paggamit niya sa kaniyang buong lakas kahit na hindi pa sapat ang tibay ng katawan niya. Pero hindi naman siya nagsisisi dahil naging matagumpay siya sa laban na ito. "Ha. Ha." Malalim ang bawat paghinga niya. Ibwinelo niya ulit ang kaniyang kanang kamay para tapusin na si Cleo Blood. Wala na siyang pakialam kung mamatay man ito sa susunod niyang atake, pinagtangkaan ng kalabang ito ang buhay niya at siguradong kahit na pakawalan niya ito ay susubukan lang siyang patayin nito sa susunod na pagkikita nila. Isa pa, mabubura na sa isipan niya ang isa sa mga problemang kakaharapin niya sa hinaharap. "TIYO! ILIGTAS MO AKO!" Desperadong sigaw ni Cleo Blood sa kaniyang nakitang binabalak ni Rain Goodman. Walang-wala na talaga siyang magagawa ngayon kaya kahit na labag sa loob niya ay isinigaw niya pa rin ang paghingi ng tulong. Nanginig sa takot ang buong katawan ni Rain Goodman at natulala sa binatang kaharap na humihingi ng tulong sa tiyuhin niya. Kilala niya ang tiyo ni Cleo Blood at napakalakas nito para malabanan niya, dahil ang tiyo nito ay isang Elder sa Blood Village.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD