Chapter 8: You're not going to escape!
Pinigilan ni Rain Goodman ang kamao niya sa binabalak na huling suntok na magde-desisyon sa buhay at hinaharap ng kalaban niyang si Cleo Blood. Ang sigaw na bumulabog sa katahimikan ng paligid ay hindi ordinaryo, mapapansin sa sigaw na ito ang desperasyon ng binata na halatang kinalimutan niya na ang dignidad na taglay bilang matapang at madugong miyembro ng Blood Clan.
Sa isang iglap, ang kampanteng mukha ni Rain Goodman ay napalitan ng pangambang ekspresyon at nagsisulputan ang mga butil ng pawis sa noo niya. Senyales na natatakot siya para sa buhay niya na 'pag sumulpot ang hiningian ni Cleo Blood ng tulong, ang munting buhay niya ay magtatapos agad.
Hindi lang basta Adventurer ang tiyo ni Cleo Blood, ang pagiging Elder nito sa madugong angkan ng Blood Village ay isang patunay kung gaano ito kalakas. Maihahalintulad ang antas ng lakas nito kay Elder Devil ng kanilang Potara Village, at dapat alalahanin na ang Blood Clan ay higit na mas marahas kumpara sa kanilang baryo, kaya may posibilidad na mas malakas pa sa inaasahan ng iba ang Elder ng Blood Clan.
Gayunpaman ang kaniyang sitwasyon, tinatagan ni Rain Goodman ang kaniyang loob at inisip ang mga pangarap niya para magkaroon ng sapat na lakas gumalaw. Isa pa lamang siyang binata, marami pa siyang nais makamit sa buhay, at higit sa lahat, gusto niya ring matuklasan ang sagot sa misteryong nangyari sa kanilang lima na biglaang pagpunta nila sa mundo ng World of Fantasy.
At dahil sa mga hinahangad niyang pangarap at mga katanungan na nais niyang hanapan ng kasagutan, muli niyang naramdaman ang mga paa niya at ang kamay niya ay naibaba niya na ng matiwasay. Binigyan niya ng masamang tingin si Cleo Blood at nagbanta, "Sa susunod na pagkikita natin ay hindi kana makakaligtas. Isipin mo na lang na sinuwerte ka ngayon." At tumalikod na siya tiyaka tumakbo palayo ng walang aalinlangan.
Kung iisiping mabuti ay masiyadong maliit ang tiyansa niyang makaligtas ng buhay sa kasalukuyan niyang ginagawang paglisan. Masiyadong malaki ang diperensiya ng antas ng lakas niya sa isang Elder ng baryo, siyempre ay ganoon din ang lebel ng bilis nila. Sa oras na gumalaw ang tiyo ni Cleo Blood para habulin siya, siguradong hindi pa nito kakailanganin ng lalagpas limang segundo para makahabol at tapusin ang buhay ng hangal na muntikang pumatay sa pamangkin nito.
Pero ano naman kung maliit ang tiyansa niyang mabuhay? Hanggang hindi pa ito siguradong kamatayan, kahit isang porsiyento lang ang tiyansa niyang makaalis ng buhay sa isang sitwasyon, hindi siya magdadalawang isip na ibuhos ang lahat ng makakaya niya upang subukang mabuhay. Siya ang tipo ng tao na mas nanaising sumubok kaysa magpalamon sa walang katapusang kawalan ng pag-asa.
Tumakbo siya palayo na hindi iniisip ang mga pinsalang natamo ng katawan niya, kaya naman ang mga pinsalang iyon ay kumirot at mas sumakit ng doble sa normal niyang nararamdaman dahil sa marahas na paggalaw-galaw ng katawan niya. Pero ang katawan niyang mabilis na tumatakbo palayo ay napahinto nang may marinig siyang kakaiba sa likod niya, taimtim siyang tumingin sa direksyon ng iniwan niyang si Cleo Blood at gumuhit sa mukha niya ang pagkalito, at sa maikling oras, ang nalilitong ekspresyon niya ay napalitan ng galit nang maintindihan niya ang nangyayari.
Sa mga mata niyang nag-aapoy sa galit ay makikita ang repleksyon ng binatang si Cleo Blood na mag-isang tumatakbo palayo na tila sa oras na huminto siya ay mamamatay siya. Hindi makikita sa kilos ng katawan ng binata ang pagiging kampante nito na ililigtas ito ng tinawag niya kanina na makapangyarihang Elder ng Blood Clan. Ibig sabihin, ang desperado nitong paghingi ng tulong sa tiyuhin ay isang malaking kasinungalingan para takutin siya. Kung hindi niya pa naintindihan ang kanilang sitwasyon, ibig sabihin ay isa siyang mangmang, kaya naman unang kita niya pa lang at ilang sandali pa lang ang lumipas ay naintindihan niya na agad ang nangyari.
Magkabaliktad ang direksyon na tinahak nilang dalawa kaya ang distansiya nila sa isa't isa ay mabilis lumaki. Mabuti na lang talaga at hindi pa lumalagpas ng isang minuto ang pagtakbo niya bago tumakbo palayo si Cleo Blood na agad niyang narinig. Sa madaling salita, malayo man ang distansiya nila ay hindi naman ito gayon kalaki na hindi na siya makakahabol.
"Cleo Blood!" Naiinis na tumakbo si Rain Goodman ng buong lakas at kinalimutan ulit ang mga pinsala sa katawan niya. May kabagalan kumpara sa normal ang bilis niya subalit hindi rin naman ganoon kaganda ang kalagayan ng hinahabol niya.
"Ikaw na may asul na buhok, tatandaan ko ang mukha mo. Babalikan kita at pagbabayarin sa ginawa mo sa'kin ngayon. Hindi ko kakalimutan ang araw na 'to, at kapag nagtagpo ulit ang landas nating dalawa, papahirapan kita bago ko tapusin ang walang kwenta mong buhay." Lumingon saglit na banta ni Cleo Blood at makikita sa mga mata nito ang pagkahayok sa dugo, patunay na ang binitawan niyang mga salita ay walang duda na gagawin niya sa oras na magkaroon siya ng pagkakataon.
Pumasok sa mas malalim na bahagi ng Niarich Forest si Cleo Blood at sinundan siya ni Rain Goodman. Pamilyar pa rin naman ang binata sa gubat ng kanilang Potara Village kaya kampante siyang hindi maliligaw. Ang kanilang direksyon ay ang mapanganib na teritoryo ng mga itim na tigre.
Kahit para sa malalakas na batang Adventurer ay mapanganib pa rin ang bahaging ito na pinamumugadan ng mga Black Tiger. Ang mga tigre kasi ay hindi basta-basta kagaya ng iba na may pambihirang pisikal na lakas lang, ang kanilang kagat ay mas mapanganib din at kapag nasunggaban ng halimaw ang kahit na sinong batang Adventurer, siguradong ang kanilang kamatayan ay aabot ng hanggang siyamnapung porsiyento. Dapat ding tandaan na ang Black Tiger ay mas malakas ng 'di hamak sa Wild Boar at Wild Wolf, ang presensiya pa lang ng mga ito ay sapat na para takutin at pahinain ang mentalidad ng karamihan.
At ang huli na pinakamapanganib sa mga itim na tigre ay ang kanilang istilo ng pakikipaglaban. Hindi sila umaasa lang sa malakas nilang pangangatawan at kagat, marunong din silang tumayo sa dalawang paa nila at gamitin ang dalawang paa sa unahan para gamiting pangsakmal at sampal sa mga makakalaban nito. Ang mga kuko nila ay higit na malaki at mahaba, isang kalmot lang ay wasak ang balat ng kahit na sino, siyempre, gayon din sa sampal nito, gamit ang pisikal na lakas ng halimaw ay isang sampal lang ang kailangan para wasakin ang bungo ng mga batang Adventurer na maglalakas ng loob na pumasok sa teritoryo nila.
"Ito naba agad ang simula niya? Hindi, hindi siya p'wedeng makatakas. Masiyadong malaki ang panganib na dala niya. Dapat pala simula pa lang ay sinubukan ko nang tapusin ang buhay niya hangga't mas mataas pa ang tsansa ko, pero masiyado akong mangmang, kinalimutan ko ang dala niyang panganib sa hinaharap." Nagsisisi niyang pangaral sa sarili.
Natauhan lang siya at nahimasmasan nang magsitayuan ang mga balahibo sa kamay niya dahil sa simpleng banta na binitawan ni Cleo Blood. Salita pa lang iyon at ganito na agad katindi ang epekto sa kaniya. Paano na lang kung dumating na ang araw na tutuparin na nito ang ipinangakong paghihiganti?
Espesyal si Cleo Blood at maikukumpara siya sa mga talentadong tao na sumusulpot lamang sa bawat paglipas ng mahabang panahon. Dahil dito, natural lang na ang potensyal niya ay mataas, idagdag pa ang kaniyang matiyaga at masipag na pagsasanay sa mga mapapanganib na pakikipaglaban ay hindi na nakakagulat kung mas mabilis pa siyang lalakas sa inaasahan ng mga nasa paligid niya. At sa kaniyang determinasyon na lumakas, sa batang edad ay nakatungtong na agad siya sa [Body Strengthening 7].
Imbis na humina ang loob sa nakakapangilabot na banta ni Cleo Blood, kabaliktaran ang naging resulta nito at dinagdagan lang ng binata ang motibasyon ni Rain Goodman upang tapusin ang kalaban. Tinuloy niya ang paghabol at mas bumilis lang ang takbo niya nang mapansing ang agwat nila ay unti-unting lumiliit.
Habulan lang ang ginawa nila sa loob ng ilang minutong nakakapagod na pagtakbo. Pero ang mga paa ni Rain Goodman na tumatakbo na walang pagbabago sa kaninang bilis ay mas bumilis at ang siyam na metrong distansiya niya sa kalaban ay mas lumiit pa.
ROAR!
Sunod-sunod na mapanindig balahibong atungal ng mga halimaw ang umalingawngaw sa paligid. Pakiramdam niya ay humina ang mga tuhod niya at gusto nitong huminto para magpahinga saglit, masiyadong nakakatakot ang mga tunog na nililikha ng mga halimaw. Pero kung normal na Adventurer siya ay siguro p'wede pang umepekto ang makapangyarihang atungal ng mga halimaw, sa kasamaang palad para sa mga ito ay hindi siya ordinaryo. Pinilit niya ang sarili na tumakbo ng tumakbo.
Taimtim siyang lumingon at tumumbad sa tanawin niya ang inaasahang tatlong Black Tiger na humahabol sa kaniya, lahat ng mga ito ay halos kasing taas na ng tangkad niya na nakakapanghina sa loob. Isang tingin pa lang sa mga pangil ng umaatungal na mga tigre ay alam niyang isang kagat lang nito ang kailangan para tapusin ang buhay niya. Katulad ng ibang halimaw na nakasagupa na niya, may sungay rin sa noo ang itim na tigre na mas nagpasama pa sa nakakapangilabot na nitong mala-halimaw na katawan sa laki.
Bumilis ang takbo ng mga paa niya hanggang sa hindi na niya namamalayan na nasa limang metro na lang ang ang layo niya sa hinahabol na binata.
"Black Tiger!" Sabay na sambit ni Rain Goodman at Cleo Blood sa kanilang natuklasang mga halimaw na humahabol sa kanila.
Parehas na binilisan ng dalawa ang kanilang mga paang tumatakbo na parang wala ng bukas. Hindi na rin muna nila inalala ang alitan at inisip na muna kung ano ang makabubuti para matakasan nila ang mga Black Tiger na nasa likod nila. Pagod na ng kaunti ang katawan nila at wala pa silang ideya kung hanggang kailan tatagal ang paghabol ng mga halimaw sa kanila.
Kapag nasakmal sila ng kahit na isa sa mga itim na tigre ay malalagay sa panganib ang buhay nila. Kahit pa sabihing maikukumpara lang ang stats ng mga Black Tiger sa mga [Body Strengthening 6] ay hindi dapat kalimutan na ang mga ito ay halimaw, at ang katawan ng mga halimaw ay 'di hamak na mas malakas sa mga taong kagaya nila. Isama pa ang pagiging espesyal ng Black Tiger ay lalong hindi ito puwedeng maliitin.
"Anong klaseng kamalasan to? May tatlo pa sa harap." Pabulong na reklamo niya at hindi na siya nagdalawang isip na umakyat sa isang medyo mataas na puno.
Huminto naman sa pagtakbo si Cleo Blood nang makita niya ang panibagong grupo ng mga Black Tiger sa harapan niya ilang metro ang layo. Tinignan niya ang binatang may asul na buhok na humahabol sa kaniya at agad ginaya ang ginawa nitong pag-akyat sa puno. Wala na silang pagpipilian pa kaya naman hindi na siya nagdalawang isip pang umakyat sa punong nasa tabi niya.
"Cleo Blood, hindi pa rin kita hahayaang makakatakas!" Sigaw niya sa katabing puno na inakyatan ng hinahabol niya. Nasa apat na metro lang ang agwat niya sa kalaban ngayon pero wala siyang magawa kundi ang magtago sa punong ito.
"Hmph! Kung wala sana ang mga tigre sa daanan ay makakatakas na ako. Malakas man ang mga tigre at mahirap kalaban ay may problema pa rin naman ang mga ito; mas mabilis silang mapagod ng kaunti dahil sa laki at bigat ng katawan nila, kapag napagtanto rin nilang imposible nang mahabol ang kanilang mga pagkain ay hindi na sila mag-aaksaya ng oras at lakas." Kausap niya sa kaniyang sarili at kinalkula ang mga dapat niyang gawin sa binabalak na pagtakas.
Hindi pinansin ni Cleo Blood ang binata sa kabilang puno. Balisa niyang pinagmasdan ang mga itim na tigre. Kahit na iwanan man ng mga tigre ang pagkain nila na puwedeng makatakas ay ibang usapan naman ang mga pagkain na nahuli na nila sa isang puwesto. Sa ngayon, mas desidido na ang mga Black Tiger na makain sila dahil siguradong iisipin ng mga halimaw na wala nang kawala ang mga pagkain nila.
ROAR!
Umatungal ng umatungal ang mga tigre at pinalibutan nila ang mga puno na pinag-akyatan ng mga taong magiging pagkain nila. Bihasa sa pag-akyat ng puno ang mga tigre, subalit kahit anong subok nila ay hindi nila maabot-abot ang mga taong nagtatago sa sanga ng mga puno. Kakaiba kasi ang disenyo ng mga puno na inakyat nila, ganoon din naman ang ibang mga puno sa paligid kaya kahit sa iba sila umakyat ay parehas lang ang magiging resulta.
"Sandali, magandang pagkakataon na rin pala ito para makapagpahinga ako. Kapag bumalik na ang lakas ko ay hindi na ako mahihirapang tumakas sa kamay ng baliw na 'yon. Inaamin kong mas malakas ka sa'kin, pero pagdating sa bilis ay wala kang panama sa'kin." Maingat siyang umupo sa sanga at siniguradong hindi siya maaabot ng mga tigre. Ipipikit niya na sana ang mga mata niya nang biglang umuga ang puno na inakyatan niya nang banggain ito ng ulo ng mga tigre.
"Isa pang baliw ang mga halimaw na 'to. Bakit puro na lang wala sa katinuan ang mga nakakasalamuha ko ngayon?"
....
Labing-limang minuto na silang napapalibutan sa mga respetadong puno na inakyatan nila nang may maisip na plano si Rain Goodman.
"Oo nga pala. May mga patay na katawan ako ng mga Wild Boar at Wild Wolf sa inventory ko." Tumingin siya kay Cleo, sakto namang tumingin din sa kaniya ang kalaban kaya binigyan niya ito ng nakakalokong ngiti na sumesenyales sa binabalak niyang masama.
"Ikaw, anong binab--" sa hindi niya malamang dahilan ay kinabahan si Cleo Blood sa nakita niyang inasta ng binata.
At ang masamang kutob na iyon ay nakumpirma niya nang makitang may mabigat na katawan ng baboy ramo ang sumulpot sa kamay ng baliw niyang nakalaban.
"Storage Ring? Hindi, wala naman siyang singsing." Problemado si Cleo na iniisip kung paano nagawang maglabas ng katawan ng halimaw ang binatang kalaban niya pero bigla siyang natauhan nang makita niya ang binata na inihagis ang mabigat na katawan ng baboy ramo.
"I-ikaw! Hibang kana talaga! H'wag mong ihagis sa'kin 'yan!" Galit na sigaw niya nang ibato ni Rain Goodman ang bangkay ng Wild Boar sa direksyon niya.
Agad namang nakita at naamoy ng mga tigre na nakapalibot kay Rain Goodman ang mabangong amoy ng patay na baboy. Wala sa sariling tumakbo ang tatlong ito sa direksyon ng pinaghagisan niya. Nang bumagsak sa tabi ng puno ni Cleo ang katawan ng baboy sa sahig ay sumunod din ang mga tigreng nakapalibot sa kaniya para makihati sa pagkain.
"Sandali, isa itong biyaya para sa pagtakas ko." Saad niya at tatalon na sana siya pababa nang biglang tumingin ang isa sa mga tigre at lumakad ito para bantayan ang isang daan kung saan binabalak niyang tumalon pababa.
"Hindi ka makakawala." Wika ni Rain Goodman at naglabas ulit siya ng panibagong katawan ng Wild Boar. Binuhat niya ito sa paa at buong lakas na inihagis sa puno na tinatayuan ni Cleo Blood.
Dahil sa ginamit ang buong lakas ay nawalan ng kaunting balanse sa inaapakang sanga ang binata at muntik na siyang mahulog. Mabuti na lang at may nakapitan siyang maliit na sanga sa bandang balikat niya.
PAK!
Nang tumama ang malaking katawan ng baboy ay umalog ng malakas ang punong tinatayuan ni Cleo Blood. Agad namang nilapa ng mga tigre ang pagkain, nang mapansin niyang kahit ang isang nagbabantay ay tumakbo na rin para makihati sa pagkain ay naglakas loob na siyang tumalon pababa at tumakbo.
Imbis na maipahamak ay nailigtas pa ni Rain Goodman sa mga tigre si Cleo Blood na pinagsisihan niya agad.
"Hindi kita hahayaang makatakas." Kagaya ni Cleo ay nilakasan na rin ni Rain ang loob niya at patagong tumalon pababa sa puno. Naghagis pa siya ng pangatlong Wild Boar sa direksyon ng mga tigre para makuha ng katawan ang atensiyon ng mga ito.
Dali-dali niyang hinabol ang kalaban nang makitang hindi naman siya napansin ng mga tigreng masayang kumakain ng patay na mga Wild Boar.
Labing-limang minuto pa lang ang lumipas na oras at hindi sapat ang oras na ito para gumaling ng tuluyan sa mga pinsala ang katawan nila. Kagaya nung una ay bumalik sila sa paghahabulan; ang distansiya ay hindi gayon kalayo sa naunang distansiya nila bago umakyat sa mga puno.
Nabali man ang maliit na parte ng buto ng kamao ng kanang kamay niya at ang buto rin sa kaliwang braso niya ay posible pa rin namang maigalaw ang mga ito lalo na ang kanan niya. Sigurado rin siya na mas malala ang pinsalang natamo ng kalaban dahil habang tumatakbo ay parang nakahawak pa rin sa sikmura niya ang kanang kamay nito na mukhang ginagawa niya para pahupain ang sakit.
"Huh? humahabol pa rin ang baliw na 'to? Hindi ba't sinabi ni Tiyo na hindi ganito ka desidido sa pakikipaglaban ang mga batang adventurer sa Potara Village?" Mas binilisan niya pa ang takbo nang mapansin na lumiliit ang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Pagod pa siya at kanina pa siya nakikipaglaban sa mga Wild Wolf bago pa dumating ang baliw niyang kalaban kaya gipit talaga siya sa laban na patagalang mapagod.
"Sana pala ay tinuluyan ko na siya agad kanina." Nagsisisi niyang bulalas nang maalala ang pagkakataon na nakahiga pa sa sahig ang kalaban niya. Kung hindi sana siya nahiwagaan sa ginawa ng binata ay baka pinaglalamayan na ito.
Sa likod naman ay ang pawis na pawis na si Rain. Hindi ganoon kahalata ang distansiya nila na lumalayo na ang pagitan nila kaya nagpatuloy lang siya ng nagpatuloy sa paghabol.
Hindi niya na mabilang kung ilang minuto o oras na silang naghahabulan sa Niarich Forest. Ilang beses na silang hinabol ng mga itim na tigre pero sa hindi niya malamang dahilan ay tumigil naman na sa paglalabasan ang mga halimaw. Nanghihina na rin si Rain at hindi niya napansin na ang gubat na kinaroroonan niya ngayon ay hindi na ang kabisadong Niarich Forest.
Huminto sa pagtakbo si Rain sa kaniyang nakita. Sampo hanggang labing dalawang metro ang layo sa kaniya ay may limang binata na nakasuot ng iba't ibang kulay ng mga normal na damit, ang ilan sa kanila ay may mga punit ang damit na nagmula sa kalmot ng halimaw habang ang ilan naman ay may mga tuyong dugo na nagsitalsikan sa mga suot nila. Ang nakapagpabahala pa sa kaniya ay bawat isa sa mga ito ay may pulang buhok at ang mga ito ay naglalabas ng pagkahayok sa dugo.
Isa lang ang direksyon na tinatakbuhan nila kaya hindi rin nagtagal at nakasalubong din ni Cleo Blood ang limang taong may kaparehas niya ng buhok.
"Cleo Blood, anong nangyari?" Tawag ng isa sa limang binata na mukhang pinuno nila.
"Kayo? Oh, mabuti naman. Ang binatang 'yon ay Adventurer sa Potara Village. Inatake niya ako ng patago kaya nanghihina ako at natalo sa laban namin. Pigilan niyo siya para makabalik ako sa baryo at makapagpagaling." Paliwanag niya sa mga kapwa batang Adventurer sa kanilang Blood Village. Nagsinungaling siya dahil ayaw niyang mapahiya sa mga ito, sa kaniya rin naman maniniwala at papanig ang mga kasama kahit na subukang ipaliwanag ng kalaban niya ang katotohanan.
'Hindi maaari. Nasa Blood Forest na ako?' Nang mapansin niyang naging mas maitim ng kaunti ang kulay ng mga puno sa paligid ay napagtanto niyang nasa ibang gubat na nga siya. At kung titignan ang buong paligid kahit sa likod niya ay puro ganitong uri ng puno ang mga nakikita niya kaya malaki ang posibilidad na nasa loob na siya ng Blood Forest.
Nakaramdam ng matinding panganib para sa buhay niya ang binata. Tanging Niarich Forest lang ang kabisado niya dahil kahit kailan noon sa laro ay hindi siya nagtungo sa Blood Forest, halos kaparehas lang naman kasi ito ng Niarich Forest pagdating sa antas ng lakas ng mga halimaw, mas malalakas lang ng kaunti ang mga narito pero kahit gayon ay parehas lang naman ang [EXP] na ibinibigay ng mga halimaw sa magkabilang gubat.
Ang Niarich Forest at Blood Forest ay isang malaking gubat lang. Hinati lang ito sa dalawa upang pahupain ang laban na madalas nagaganap sa mga Adventurer ng magkaribal na baryo, ang Blood Village ay ang magmamay-ari sa Blood Forest at ang Potara Village naman ang sa Niarich Forest.
"Ang lakas ng loob mong pagtangkaan ang buhay ni Cleo. Kahanga-hanga talaga kayong mga duwag sa Potara Village, wala pa ring pinagbago--kagayang-kagaya pa rin nang dati." Nakasimangot na sarkastikong wika ng pinuno ng grupo ng limang batang Adventurer. Mabilis nilang pinalibutan si Rain Goodman habang ang kabaryo naman nilang si Cleo Blood na inaasahang magiging pinuno nila sa hinaharap ay lumisan na.