Chapter 9

3713 Words
Chapter 9: A Battle To Death! Bakas ang nanghihinayang na impresyon sa ipinapakitang mukha ni Rain Goodman habang nakatingin sa tumatakbong pigura ni Cleo Blood na unti-unting naglalaho sa paningin niya. Hindi niya maintindihan kung bakit tumatakas pa rin ang kalaban niya, marahil ay sa sama ng kalagayan nito na natamo sa laban nila, o baka naman sa tingin nito ay naniniwala itong mananalo siya laban sa lima kaya mas maiging lumisan na muna. Pero kahit ano pa man ang sagot sa katanungan niya, masaya naman siya sapagkat mababawasan ng isang mapanganib na kalaban ang haharapin niya. Tinanggal niya lang ang tingin kay Cleo Blood nang makarinig siya ng mga yapak ng paa na papalapit ng papalapit sa direksyon niya. Dumapo sa limang batang Adventurer ng Blood Clan ang tingin niya na may masasamang intensyon na inilalabas sa kanilang mga katawan.  Kanina lang naganap ang unang beses niyang makalaban sa isang tao na may isip at mga kaalaman pagdating sa aktwal na laban, hindi naman humaba ang sagupaan nilang dalawa, kung iisiping maigi ay sobrang bilis pa nga nitong natapos. Subalit sa maikling laban na iyon ay nalaman niyang mas nakakapagod pala ang pakikipaglaban sa mga tao.  Malayo ang diperensiya ng presyur na nadama niya sa laban nila ni Cleo Blood kumpara sa mga presyur na binibigay ng mga halimaw tuwing lumalaban siya, sa kaniyang pagkukumpara ay mas malinaw pa sa malinis na tubig ang mas mapanganib, ang mga taong kayang gumamit ng isipan nila sa pakikipaglaban ang higit na nakakatakot. Bukod sa kayang baguhin ng kanilang talino ang takbo ng laban, maaari pa silang mahulog sa mga patibong na hinding-hindi magagawang gawin ng mga halimaw. 'Lima sila at base sa pustura ng katawan at mga paghinga nila ay siguradong marami pa silang reserbang enerhiya para lumaban ng matagalan. Isama pa ang pinuno ng grupo nila na mukhang maraming karanasan sa Blood Forest, nararamdaman kong higit pang mapanganib ang taong 'to sa inilalabas niyang nakakatakot na presensya.' isip niya at sinuring maigi ang pustura ng limang lumalakad palapit para palibutan siya. Thump! Thump! Thump! Sunod-sunod na naglalakasang mga t***k ng puso niya ang narinig sa nakakabinging katahimikan ng paligid. Gustong manginig ng mga kamay niya at tuhod sa takot, subalit pilit niyang pinapakalma ang sarili para mapigilan ang panginginig ng katawan niya na maaaring magresulta sa pag-iisip ng mga kalaban niya na kinakabahan siya. Pangyayari na iniiwasan niya talaga dahil kapag nagpakita siya ng kahinaan, ito lang ang magsisilbing senyas niya sa mga kalaban para sugurin siya. "Sigurado ba kayo na handa niyo akong labanan? Ang ini-idolo niyo ngang si Cleo Blood ay walang nagawa, kayo pa kayang mahihina? Umaasa ba kayo na may himalang mangyayari?" Aroganteng pagmamayabang niya sa lima na tila sabik na sabik siyang labanan ang mahihinang nasa harapan niya para paglaruan. Pero sa loob niya ay hinihiling niya na sana ay matakot ang lima at piliin na lang lumisan para wala na silang problema. Umukit ang simangot sa mukha ng pinunong may hiwa sa baba at naiinis itong sumagot sa kalaban nila, "Hmph! Kilala namin ang uri ninyo na mga Adventurer sa Potara Village. Mahihina kayo at wala kayong sapat na tapang para lumaban ng patas. Ikaw na mukhang hibang na, sa tingin mo ay matatakot kami sa pinagsasabi mo? Sa isang duwag na kagaya mo? Pinapatawa mo ba kami?" Ang simangot sa mukha ng apat na kasama ng pinuno ay napalitan ng ngisi at isa-isa silang nagsitanguhan para ipakitang totoo ang mga binitawang salita ng kanilang kasama. "Pfft. Hahahaha!" Ngumiti naman si Rain at hindi makapaniwalang natawa sa narinig niya. Nagulat ang lima sa inasta ng binata kaya mas nainis pa sila. Pero natahimik sila nang marinig nilang magsalita si Rain Goodman. "Walang sapat na tapang? Duwag? Ano pang sasabihin mo? Kanina mo pa sinasabi ang mga salitang 'yan. Hindi paba malinaw sa sitwasyon natin kung sino ang tunay na duwag? Oh talagang hindi lang sapat ang kapabilidad ng isip niyo para maintindihan ang tinutukoy ko na halatang-halata naman na? Hindi niyo nga ako lalabanan ng patas eh, isa lang ako na nakalaban ang pinakamalakas sa inyo. Pero narito pa rin kayo at magtutulong-tulong laban sa'kin? Ngayon sabihin mo, sino sa tingin mo ang duwag? Ikaw, ang mga kasama mo, at ang buong Clan niyo ang duwag!" Natahimik ang paligid nang supalpalin ni Rain Goodman ang mga salitang ibinabato sa kaniya ng pinuno ng mga kalaban.  Sinubukang mag-isip ng pinuno ng isasagot upang ipagtanggol ang kaniyang panig. Subalit wala siyang maisip na maaaring isagot para maisalba ang kaniyang dignidad sa harap ng apat niyang kasama. Napahinga naman ng maluwag si Rain Goodman sa kaniyang nakitang reaksyon ng lima sa mga binitawan niyang salita. Hindi niya kilala ang lima at wala siyang naaalala na mga karakter na kagaya ng kanilang panlabas na anyo, kaya naman malaki ang posibilidad na normal na mga Adventurer lang ang lima at hindi sila kasing talentado ni Cleo Blood. "A-anong sinabi mo?!" Galit na giit ng pinunong nagngangalang Geo Blood. Sigurado na ang kanilang tagumpay sa laban, subalit hindi niya inaasahan na mabibigyan pa siya nito ng problema na maaaring tumagal ang epekto hanggang sa hinaharap. Hindi lang iyon, napansin niya rin na marunong gumamit ng mga salita laban sa kanila ang kalaban. Naintindihan niya agad ang nais ipahiwatig ng kalaban nila sa mga salitang binitawan nito na tatatak sa isipan nilang lahat. Ayaw niya na sanang magsalita pa ngunit pakiramdam niya ay malaki ang mawawalang paghanga ng mga kasama niya kung hindi siya sumagot. Si Geo Blood ang tinuturing na pinuno sa kanilang maliit na grupo. Siya rin ang pinakamatanda at may pinakamalawak na kaalaman pagdating sa mga bagay-bagay. Nandito sila ngayon sa Blood Forest para sanayin at hasain ang apat niyang kasama. Kaya naman baguhan pa lang ang mga kasama niya at wala siyang masiyadong inaasahan. Sa bawat segundong lumilipas na tahimik ang paligid ay padilim ng padilim ang mukha ni Geo Blood. Malinaw namang gustong gamitin ng kalaban nila ang sinabi niya para subukang labanan sila ng isa sa isa. Para sa kaniya, masiyado itong mapanganib. Nakita niya kanina kung paano habulin ng binatang may asul na buhok ang idolo nilang si Cleo Blood, kapwa niya Adventurer na higit pang mas malakas sa kaniya. Taimtim siyang tumingin sa mukha ng kalaban niya at patagong hiniling sa puso niya na sana ay hindi na magsalita pa ang kalaban nila. Pero ang kahilingan niya ay imposibleng mangyari. Buhay ni Rain Goodman ang nakataya sa labang ito at handa siyang gawin ang kahit na ano para makaligtas sa kinakaharap na problema. Tinuro ni Rain Goodman ng daliri niya si Geo Blood at marahas na nagsalita, "Ikaw, isa kang malaking duwag." Pagkatapos sabihin ng direkta sa mukha nito ang insulto niya ay ibinaba niya ang kamay at inilibot din sa iba ang tingin, "Parehas kayo ng mga kasama mo na siguradong iniisip ngayong tumalon pasugod sa'kin ng sabay-sabay dahil takot kayong lumaban ng patas." 'Kailangang malabanan ko siya mag-isa. Kapag natalo ko siya ay mas magiging madali ang apat, halata naman na kagaya ko rin sila na baguhan pa lang sa pakikipaglaban.'  Hindi pinapanganak na madugo at matapang ang bawat miyembro ng Blood Clan, dumadaan muna sila sa matinding pagsasanay at paghihirap bago sila nagiging madugo kagaya ng karamihan sa angkan nila. "Masama pala ang tabas ng dila mo. Kung gayon, papatunayan ko sa'yong sapat na ako para tapusin ang isang hamak na kagaya mong duwag!" Naiinis na tinanggap ni Geo ang pami-m'wersa at indirektang hamon ng kalaban. Unang tingin pa lang sa sitwasyong napasok siya ay nakuha niya agad na dehado siya laban sa binatang tumalo kay Cleo Blood. Hindi naman siya mangmang para pumayag na lang at mapilitang labanan ng mag-isa ang kanilang kalaban, tinignan niya ng maigi ang kabuuan ng kalaban nila at napangisi nang makitang ang porma ng kaliwang braso ng kalaban niya ay mukhang tumanggap ng pinsala. Dahil dito ay pumayag na siya para isalba ang sarili sa kahihiyan. "Tatapusin mo ako? Tignan natin kung may sapat kabang lakas para gawin ang mga lumalabas sa bunganga mo." Sinenyasan ni Geo Blood ang mga kasama niya na umatras muna palayo at binigyan sila ng tingin na nagsasabing wala siyang problema na lumaban ng mag-isa. Nagbunyi naman si Rain Goodman sa loob niya nang makita ang inutos ng kalaban niya sa mga kasama nito. Ganado niyang ikinuyom ang mga kamao niya na sumasakit ng kaunti at walang alinlangan na tumakbo pasugod sa nag-iisang kalaban. Pero ang kaniyang pagsugod ay hindi man lamang tumagal ng tatlong segundo bago niya ito itigil, nakita niya kasi ang isang matalim na kutsilyong inilabas ng pinuno ng mga kalaban niya. "Hehe. Kakayanin ba ng balat mo ang talim ng kutsilyo ko?" Malinis ang kutsilyo at wala itong kahit na kaunting marka ng dugo. Nakangiting dinilaan ni Geo ang kutsilyo niya kaya nagmukha itong nakakatakot sa paningin ni Rain Goodman.  Tumaas pa ang kumpiyansa niya nang maalalang wala siyang nakitang kahit na anong hiwa o marka ng matulis na armas sa katawan ni Cleo Blood. At isa lang ang ibig sabihin nito, sa laban na naganap sa dalawa kanina ay purong pisikal na lakas lang ang ginamit nila. Walang nabago sa ekspresyon ng apat na kasama niya nang ilabas niya ang kutsilyo. Para sa kanila ay natural lang sa pakikipaglaban ang paggamit ng armas sa parte ng gubat na ito dahil hindi naman sila kasing lakas ni Cleo Blood na sapat na ang pisikal na lakas para protektahan ang sarili sa mga nakakatakot na halimaw. "HIYAAAA!" Sumigaw ng weirdong tunog si Geo Blood na bumulabog sa tahimik na gubat bago sumugod kay Rain. "Hmph! Labanan mo ako gamit ang mga braso at paa mo, duwag!" Panghahamak ni Rain pero napangiti lang siya ng mapait nang makitang wala na ang epekto ng estratehiya niya sa kalaban. "Tsk! Mas mabilis pa rin naman ako sa kan'ya." Tumakbo siya palayo habang umiisip ng plano para matalo ang kalaban niyang may patalim. Hinabol lang siya ni Geo Blood ng hinabol at makalipas ang ilang saglit ay may pumasok na plano sa isip niya na maaari niyang gamitin. Pinagmasdan niya ang paligid at humanap ng maayos na punong p'wede niyang gamitin para sa binabalak. Agad naman siyang nakahanap ng puno sa kanan niya na pinakamalapit din nasa tatlong metro ang layo sa kinaroroonan niya. Tumakbo si Rain Goodman ng buong lakas at nang makarating siya sa harap ng puno ay isinandal niya ang likod dito at inilayo rin naman ulit ito ng kaunti para magkaroon ng sapat na buwelo. Narinig niya ang mga yapak ng paa na nagmula sa tumatakbong nilalang, tumingin siya sa pinagmumulan ng mga tunog at sumulpot sa harapan niya mga dalawang metro ang mukhang baliw na kalaban. "Hehe. Isa ka ngang mangmang! Sa tingin mo ay hindi ko alam ang binabalak mo?" Wika niya na nakatingin kay Rain na parang inutil ang tinitignan niya. Nang magkaharap na silang dalawa ay itinaas ni Geo Blood ang hawak niyang patalim at inihawi ito ng sapat lang ang lakas pababa sa direksyon ng dibdib ni Rain Goodman. Hindi masiyadong malakas para mawalan siya ng kontrol sa kaniyang balanse kaya hindi rin ito aksidenteng didiretso sa punong nasa likod ng puntirya niya kahit pa hindi niya ito matamaan. O kung dumiretso man ito sa puno ay hindi rin ito tutusok doon kagaya ng binabalak ng kalaban niya. Agad na tumalon paatras si Rain na nakataas ang kanang kamay niya sa taas ng ulo ng kalaban. Dahil sa pagtalon ay nailagan niya ang saksak ng kalaban pero tumama naman ang likod niya sa puno kaya wala na rin siyang matatakbuhan pa. "Tapos kana." Kampanteng kinontrol ni Geo Blood ang balanse niya, ang hawak sa kutsilyo, at ang tingin sa binata na bantay sarado niya ang lahat ng binabalak na aksyon nito. Sa madaling salita, para siyang gagamba na nakahuli ng insekto sa sapot nitong tahanan, wala na itong magagawa pa para kumawala sa palad niya. Pero ang kampante niyang ekspresyon ay napalitan ng pagkalito sa kaniyang nakita, dumapo ang matalim niyang tingin sa mga mata ng kaniyang kalaban na parang pares ito ng mga dagat na may dala-dalang alon na puro kapayapaan ang madarama. Hindi ito tingin ng mga mata na makikita sa nilalang na nasa mapanganib na sitwasyon.  Dahil sa kakaibang mga tingin na binibigay ng mga matang iyon ay gumana ang instinct niya na napalakas niya sa maraming beses na pakikipaglaban sa malalakas na halimaw. Sa kaniyang binabalak na pagpigil sa pagsaksak para tapusin ang kalaban ay nakaramdam siya ng panganib para sa buhay niya. 'Nahulog ako sa patibong niya? Imposible! Pero ano itong panganib na nadarama ko at ang bawat parte ng katawan ko ay parang binabantaan akong tumakbo? Hindi kaya? Ang itinaas niyang kamay?' pinigilan niya ang pag-atake at balak na sanang tumingin sa nakataas na kamay ng kalaban niya. Nakataas ang kanang kamay ni Rain Goodman sa bandang ulo ni Geo Blood ilang pulgada ang layo habang nakadikit ang likod niya sa puno. "Inventory." Mahinang bulong niya at may malaking bagay ang bigla na lang namuo sa palad niya at bumagsak sa katawan ni Geo Blood. Hindi lang sa pagpindot sa gamit puwedeng makakuha sa [Inventory] ang binata, kahit itapat niya lang ang tingin dito at isipin na lumabas ito ay lalabas na rin ito sa kamay na nais niyang paglabasan nito. "Huh?" Hindi makapaniwalang napayuko si Geo Blood nang mapansin niyang may mabigat na katawan ng halimaw ang bigla na lang bumagsak sa ulo niya. Napayuko siya ng kaunti dahil sa bigat nito kaya hindi niya naituloy ang binabalak na pagtingala. Habang nagmamadali sa pagkawala ang binata ay dali-dali namang lumakad si Rain Goodman sa likod ni Geo Blood tiyaka nito ginamit ang buong lakas para bigyan ng malakas na suntok sa batok ang kalaban. Naalala niya na delikadong parte ng katawan ang batok ng mga tao kaya mas makabubuti sa kaniya kung direkta niyang pupuntiryahin ang mapanganib na parte ng katawan nito. Ang mga mata ni Geo Blood na kulay dugo ay naging purong puti nang makaramdam siya ng mabigat na bagay na tumama sa batok niya. Wala siyang ideya kung ano iyon, ang alam niya lang ay naubos na parang bula ang lakas sa katawan niya at ang paligid niya ay tuluyan nang nabalot ng walang hanggang kadiliman. "Ang kutsilyo." Yumuko siya at agad na pinulot ang kutsilyo sa sahig. Habang pinupulot ang kutsilyo ay nandiri siya at nakonsensiya sa kaniyang binabalak. Binata pa lamang siya at ang balakin ang tumatakbong ideya sa isipan niya ay talagang nakakapanghina.  Pero anong magagawa niya? Sinubukan din siyang tapusin ng kalaban niya. Tiyaka, malapit na siyang maubusan ng lakas at naiintindihan niyang hindi niya mapagiiwanan ang apat na nasa paligid niya. Imposible ring hayaan na lang siya ng mga kalaban, alam niya ang hidwaan sa pagitan ng Potara Village at Blood Village. Matagal nang magkaribal ang dalawang baryo at hindi sila magdadalawang isip na tapusin ang mga kalaban na makikita nila. Kita rin sa mga mata ng apat ang galit at kanilang pagkahayok sa dugo, rito pa lang ay malinaw na sa kaniyang hindi siya hahayaang makaligtas ng apat. Itinaas niya ang kutsilyong hawak at mabilis itong isinaksak pababa sa likod ni Geo Blood.  SWISH! Maririnig ang hangin na parang nahihiwa sa bilis ng paghawi niya pababa kaya nang tumama ito sa likod ng kalaban ay dumiretso ang matalim na kutsilyo pabaon malapit sa puso ng kalaban na mabilis tumapos sa buhay nito. "P-pinatay niya si Geo?" Nagalit ang isa sa apat sa nakita nilang karumal-dumal na sinapit ng kanilang kasama. Ang puso nila ay napuno ng naglalagablab na galit at sabay-sabay silang sumugod sa kalaban.  ------------------------------------------------------ Achievement: First Human Kill! Reward: 30 Points! ------------------------------------------------------ Natulala saglit si Rain sa nakuhang puntos sa ginawang pagpaslang sa kalaban. Noon, sa WoF ay hindi posible ang pumatay ng mga NPC at piling mga NPC lang sa mga destinadong lugar ang puwedeng paslangin. Kahit sa mga manlalaro ay pili lang ang lugar  na puwedeng paglabanan ng mga manlalaro kaya wala siyang naaalalang Achievement na [First Human Kill]. Gayunpaman, masaya naman siya sa kaniyang natanggap dahil tatlumpong puntos ang kaniyang nakuha. Binunot niya ang kutsilyo sa likod ng bangkay at hinarap ang natira pang apat na mga kalaban. Sa hawak pa lang ni Rain sa kutsilyo na nakatapat ang talim sa kalangitan at ang medyo nasa dulo niyang mahigpit na hawak sa hawakan nito ay mapapansin nang walang karanasan sa kutsilyo ang binata. Pero kahit mukhang mulala ang binatang ito ay kailangan pa rin nilang mag-ingat dahil nakita nila kung paano nito tinalo ang beteranong pinuno ng grupo nila. Naghiwa-hiwalay ng kalahating metrong pagitan sa isa't isa ang apat. Simpleng estratehiya lang ang naisip nila, 'pag may inatake sa kanila si Rain Goodman ay sabay-sabay silang susugod at pupunuin ng saksak ang katawan ng hayop nilang kalaban, kahit na maging sakripisyo pa ang isang kasama nila na mapupuntirya nito. Alam din nila ang sitwasyon nila, namatay ang kasama nila sa kalaban na may kakaibang paraan ng pakikipaglaban, 'pag bumalik sila na hindi naipaghiganti ang kasama nilang si Geo Blood ay hahamakin sila ng lahat sa kanilang baryo. Pero lingid sa kaalaman ng mga ito ay hindi sumugod si Rain Goodman. Patago niyang itinusok ng kaunti sa lupa ang kuko ng mga daliri niya sa kanang paa at ipinorma ito na wari'y babatuhin niya ng lupa ang mukha ng mga kalaban para magulo ang ritmo nila. Hindi gumagalaw si Rain kaya mas binilisan pa nila ang pagsugod. Kapag nakulong nila ang kalaban ay mas mapapadali para sa kanila ang saksakin ito at baka hindi pa sila tumanggap ng panibagong pinsala sa grupo. Tumakbo pasugod sa kaniya ng walang takot ang apat, at nang pakiramdam niya ay abot niya na ang dalawa sa mga ito ay ginawa na nga niya ang binabalak niya at itinulak niya ng malakas sa direksyon ng dalawa sa apat ang nakabaon niyang mga daliri sa paa.  Nagsitalsikan sa direksyon ng mga ito ang mga lupa, ang isa ay direktang tinamaan ng ilang butil ng lupa sa mata habang ang katabi naman nito na kalahating metro ang layo ay naiharang ang braso sa mga mata kaya hindi ito nagtamo ng pinsala sa mata. Nabalot ng manipis na alikabok ang maliit na parte sa kinaroroonan ni Rain Goodman. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at agad sinugod ang isa na nakaharang ang mga braso sa mukha niya. Itinusok niya ang talim ng kutsilyo sa dibdib nitong binatang Adventurer na walang kaalam-alam na nasa harap niya na pala ang kalaban nila. Bigla na lang nakaramdam ng matulis na bagay na bumaon sa dibdib ang binata na mabilis umubos sa lakas niya. Napasigaw sa sakit ang Adventurer pero napahinto rin agad ito dahil sa biglaang panghihina ng katawan niya. Namuo ang malalamig na pawis sa noo nito bago maging blanko ang buong paningin niya. Hinila ni Rain Goodman ang kutsilyo sa dibdib ng sinaksak at sinunggaban ng saksak sa leeg ang binatang nasa kaliwang banda niya na sobrang lapit na sa kaniya, nakapikit ito habang kinukuyumos ang mga mata nito dahil sa mga lupang tumama sa mga mata niya.  SWISH!  Maririnig lang sa tahimik na paligid ang nakakatakot na tunog ng nahihiwang hangin hanggang sa umalingawngaw ulit sa paligid ang miserableng sigaw ng isang binata. "AAHHH!" Kagaya nang sigaw nang naunang nasaksak ay mabilis nawalan ng boses ang binatang Adventurer na tinamaan sa leeg hanggang sa bawian ito ng buhay. Susugod na sana ulit si Rain sa dalawang natira nang bigla rin siyang makaramdam ng matalim na bagay sa tagiliran niya. Nakita niya sa kanan niya ang isa sa mga kalaban na parang nawalan pa ng balanse dahil sa ginawang pagsaksak. "Guah." Napasuka ng dugo si Rain sa natamong saksak. Napakamalas niya dahil halata naman sa balanse ng sumaksak sa kaniya na basta na lang ito sumaksak kung saan-saan at na tiyempuhan pa rin siya nito. Nanlamig ang mga pawis sa noo niya matapos tamuhin ang saksak. Namutla ang mukha niya na animo'y naubusan na ito ng dugo nang makita niyang ang isa pang kalaban ay papalapit sa kanila habang ang mga alikabok sa paligid ay nawawala na.  "Hindi puwede. Kailangan kong mabuhay. Hindi ako mamamatay rito! Lahat nang magtatangka sa buhay ko ay tatapusin ko!" Tiniis niya ang sakit sa dibdib at panlalamig ng katawan.  Wala siyang kamalay-malay na naglalabas na pala siya ng pagkahayok sa dugo. Sa kaniyang desperasyon ay namuo ang isipan sa kaniyang utak na kailangan niyang patayin ang lahat ng hahadlang sa kaniyang kagustuhan na mabuhay sa mapanganib na mundong ito, lahat ng mga kalaban na magtatangka sa buhay niya ay dapat mamatay! Binunot niya ang sinaksak na kutsilyo sa leeg ng huli niyang pinatay at ginamit ang natitirang lakas sa katawan para saksakin din sa leeg ang nasa likod na kalaban na sumaksak sa tagiliran niya. Nanatiling nakatayo ang kalabang nasa likod niya nang saksakin niya ito. Eksaktong nawala ang alikabok sa paligid nila ay sumulpot naman sa harap niya ang huling kalaban na nakataas na ang hawak na kutsilyo, isinaksak nito sa balikat niya ang patalim at bumaon ang halos kalahati nito sa laman niya. Ibabaon pa sana ng kalaban ang saksak sa kanang balikat niya nang dumapo ang tingin niya sa mga asul na mata ng kalaban niya. Noong unang kita niya rito ay naglalabas ito ng pakiramdam na para itong mapayapang dagat, pero ngayon, para na itong dagat na nagtataglay ng naglalakihang alon ng dagat na gustong wasakin ang lahat ng haharang sa daraanan nito. Nakaramdam ng takot sa puso niya ang kalaban kaya hindi nito naituloy ang binabalak. Dahil naman sa pag-aalinlangan ay nagkaroon ng pagkakataon si Rain Goodman na lumingon at bunutin sa huling pagkakataon ang kutsilyo sa bangkay ng nakatayo pa ring kalaban, pagkakuha ay hinang-hina niyang ibinalik sa kalabang nasa harap ang tingin. Sinaksak niya rin sa leeg ang kalabang ito kagaya ng iba. Mahina na siya at wala na siyang pagpipilian pa kundi ang puntiryahin ang pinakamahina at pinakamapanganib na parte ng katawan ng mga kalaban.  Nang makita niyang bumagsak ang katawan ng huling kalaban ay bumuntong hininga siya at na relaks na ang katawan niya. Kasabay nito, hindi na rin kinaya ng duguang katawan niya ang pagod kaya bumagsak na ito sa sahig na nakasaksak pa rin sa kanang tagiliran at kanang balikat niya ang mga kutsilyo ng kalaban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD