Chapter 10: Blood and Potara Village!
Isang baryo ang nababalutan ng mataas na sementadong pader, ang lugar na ito ay tinatawag na Blood Village. Wala itong masiyadong pinagkaiba sa katabi at nag-iisang karibal na baryong Potara. Ang kapansin-pansin lang na pinagkaiba ng dalawa ay ang paraan ng pamumuhay nila, ang Potara Village ay namumuhay sa patakaran at tradisyon na hindi masiyadong marahas, habang ang Blood Clan naman ay namumuhay sa nakasanayan nilang marahas na panuntunan.
Ang paligid sa labas ng baryo ay napapalibutan ng maliliit na mga damo. Ganoon din naman ang loob nito, hindi pa rin sementado ang kabuuan ng sahig ng baryo. Pero marami sa mga tahanan ng Adventurer ay sementado na ang sahig dahil mas mataas ang katayuan nila sa mga normal na miyembro ng angkan.
Normal naman na sa lahat ang nakasanayang mas mabuting trato sa mga Adventurer. Kung wala kasi ang mga Adventurer ay mamumuhay sa takot at panganib ang mga mamamayan ng Blood Village, masiyado pa namang malapit ang Blood Forest sa kanilang lugar kaya marami ang naliligaw na mga halimaw sa kanila.
Nasa dugo naman na ng angkan nila ang pakikipaglaban kaya kahit normal na tao lang ay maaaring lumaban para sa kanilang seguridad. Pero alam nilang kahit gaano pa sila ka determinado na lumaban para sa kanilang buhay, sa oras na maligaw ang malakas na uri ng halimaw ay hindi sasapat ang kanilang determinasyon. Kaya naman sa huli, kailangan pa rin nilang umasa at magtiwala sa mga Adventurer ng angkan nila na nabiyayaan ng talento para makamit ang ibang level ng lakas.
Normal na araw lang ito para sa dalawang guwardiya na nagbabantay ng tarangkahan, ang tanging daan para makapasok sa kanilang Blood Village. Taimtim silang nakatingin sa harapan nila at sinusuring maigi kung may mga halimaw bang lalabas sa masukal na gubat. Suot ang kanilang mga lumang damit at kaniya-kaniya nilang mga espada sa tagiliran, dito pa lang ay makikitang hindi ganoon kaganda ang estado ng pamumuhay nila.
Lumipas ang mga oras at itinigil na ng dalawang guwardiya ang masinsinang pagmamatyag sa gubat na nasa harapan nila. Nag-usap muna sila upang mabawasan naman ang pagkabagot nila sa pagbabantay. Pero ang tingin nila ay nasa harapan pa rin naman kaya mapapansin pa rin nila ang kahit na sinong pupunta sa harapan nila.
Ang kanilang kuwentuhan ay mas lumalalim na nang bigla silang huminto sa pag-uusap. Sa loob kasi ng gubat ay isang pigura ang tumatakbo ng hindi kabilisan papunta sa direksyon nila. Dali-dali nilang binunot ang mga espada nila at tumakbo paabante para pigilan ang lumalapit na tao. Itinapat nila ang kanilang mga espada at ang mga mata nilang kulay dugo ay bumagay na sa inilalabas nilang presensya dahil sa pagkahayok nila sa dugo. Pero ang pagkahayok nila sa dugo ay agad ding naglaho, napalitan ito ng pagtataka na naging panlulumo.
"C-cleo Blood?" Hindi makapaniwalang bulalas ng isang guwardiya sa kaniyang nakikita. Nakilala nila agad ang binata sapagkat ito lang naman ang tinaguriang pinakatalentado sa henerasyon niya. Marami rin ang mga usapang kumakalat na ang posisyong Clan Head ay nakatadhanang mapasakamay ng binatang ito sa hinaharap, kaya ang makita sa masamang kalagayan ang binatang ito ay talagang nakakagulat.
"D-dalin niyo ako kay Tiyo." Lagpas tatlumpong minuto na siyang tumatakbo nang walang hinto pabalik sa kanilang baryo nang pigilan ng limang kabaryo niya ang kalaban niyang may asul na buhok.
Punong-puno ng mga butil ng pawis ang mukha niya at amoy na amoy rin ang masangsang na dugo sa suot niyang isinuka niya kanina nang suntukin siya at ibalibag ng kalaban.
Putlang-putla na ang mukha ni Cleo Blood. Determinasyon din ang makikita sa mga mata niya na talagang makakapagpahanga sa iba. Pero ang determinasyon niya at pagtityaga ay isinantabi na muna niya nang masiguro niyang ligtas na siya. At ang matinding pagod na kanina niya pa tinitiis ay parang bulkang sumabog sa loob ng katawan niya, ang mga tuhod niyang kanina niya pa inaabuso para hindi matumba ay tuluyan nang bumigay.
Hindi niya na rin inalala pa ang kahihiyan na maaari niyang malasap sa baryo, isang kahiyayan para sa lahat ang ginawa niyang paglisan kaya walang duda na puro panlalait ang matatamo niya sa ibang kapwa Adventurer na may kinikimkim na galit sa kaniya. Pero kinalimutan niya na rin muna ito at piniling ihanda na lang ang sarili sa hinaharap, kahit na mapahiya siya, laiitin ng iba, o pagkaisahan, wala siyang pakialam sa mga ito hangga't buhay niya ang nakataya. Dahil para sa kaniya, ang hinahangad niyang makamit sa hinaharap ang pinakamahalaga. Hangga't hindi niya natatamo ang pinapangarap niyang ito, hindi siya puwedeng mamatay
Hindi ang baliw na Adventurer na may asul na buhok sa Potara Village, hindi lahat ng may galit sa kaniyang kapwa Adventurer sa Blood Village ang makakapigil sa kaniya.
Pagtawanan, hamakin, pagkaisahan, at kahit ano pang gawin nilang hakbang laban sa kaniya ay hindi siya hihinto sa pag-abante para sa pinapangarap niya. Isa lang naman kasi ang pinaniniwalaan niya, ang kapangyarihan. Kapag nakamit niya na ang antas ng lakas na walang makakapantay sa kaniya, sinong tatawa sa kaniya? Sinong manghahamak sa kaniya? Sinong mga hangal ang magkakaisa laban sa kaniya?
"Magbantay ka rito, hihingi ako ng tulong sa mga mang-gagamot!" Utos ng guwardiya sa kasama niya at binuhat ang bumagsak sa madamong kalupaan na katawan ni Cleo Blood.
Mabilis na kumalat ang miserableng sinapit ni Cleo Blood sa buong baryo ng Blood Clan. Natuklasan nila sa binata na ang nakasagupa niya ay batang Adventurer din sa Potara Village kaya hindi sila makapaniwala noong unang beses itong marinig. Para sa kanila ay mahihina at duwag ang mga batang Adventurer ng Potara Village dahil ang kanilang uri ng pakikipaglaban ay hindi kaaya-aya, gumagamit sila ng kung ano-anong patibong at madalas ay naka-depende sa plano nila ang kanilang pakikipaglaban, hindi kagaya nilang mga batang Adventurer sa Blood Village na walang uurungan at direktang ku-kumprontahin ang mga kalaban kahit na gipit sila.
Ang pinagtataka pa ng iba ay walang balak na magsalita si Cleo Blood tungkol sa katauhan ng nakalaban niya. Sinabi niya lang sa kanila na malalaman at malalaman din nila kung sino ito sa oras na makalaban niya ulit ang binatang iyon, nangako rin siya na ang ulo nito ang ibibigay niya sa oras na ipakilala niya ang kasuklam-suklam na nakalaban niya.
Walang matandang Adventurer ang kumiwestiyon sa ginawang pagtakas ni Cleo Blood. Masiyadong malaki ang mawawala sa baryo 'pag naglaho ang kasing talentadong Adventurer ng binata kaya pinilit nilang gawin ang lahat ng makakaya para siguraduhing hindi nito maaapektuhan ang dedikasyon ni Cleo Blood. Sa oras na maapektuhan nitong nangyari ang puso niya sa masamang direksyon ay magiging pariwara ang binata at hinding-hindi na ito babalik sa dati niyang sarili, maliban na lang kung talunin niya ang kalaban na lumikha ng dilim sa puso niya.
Blood Village, Adventurer's Training Ground
Talamak ngayong araw sa malawak na silid na pinagsasanayan ang mga bata at may katandaang mga Adventurer. Pero ang paligid ay walang kabuhay-buhay dahil sa balitang nalaman nila na sinapit ng pinakatalentadong Adventurer sa henerasyon nila.
"May silbi pa ba ang pagsasanay natin? Kaya bang tapatan ng pagsasanay na 'to ang lakas ng mga Adventurer sa Potara Village? Paano kung isa lang pala sa apat na talentadong Adventurer ang nakasagupa ni Cleo? At ang mas nakakatakot pa rito, paano kung pinakamahina pa sa kanilang apat ang nakalaban niya?" Nanginginig ang mga kamay na sabi ng batang adventurer na halos kasing edad lang ni Cleo Blood.
Sa kaniyang natuklasan na balita ay namuo ang takot sa puso niya at hindi na niya namalayan na ang pagsasanay niya ay hindi na kasing epektibo ng normal. Hindi siya makapagsanay ng maayos sapagkat ayaw mawala sa isipan niya ang Adventurer na tumalo kay Cleo Blood. Iniimahe niya pa lang ang mukha ng nakaharap ng idolo niya ay nanginginig na sa takot ang mga tuhod niya. Paano na lang kung nasa harap niya na ang tumalo rito? Kakayanin ba niyang lumaban?
Sa tabi niya ay ang kasama niyang kaedaran mag-ensayo pero kagaya niya rin ito na madilim ang mukha at makikitaan ng panlulumo sa mukha. Hindi mabura sa isip nila ang nabalitaan nila kanina kay Cleo Blood, isa pa, ang ikinakabahala nila ay nabanggit na sobrang talentado ni Cleo na siguradong ito ang pinakatalentado sa kasaysayan ng Blood Clan. At tinalo lang ito ng isang miyembro sa Potara Village na siguradong isa sa apat na nabalitaan nilang sumulpot nitong mga nakaraang araw lang.
Walang kamalay-malay si Rain Goodman na sa kaniyang inaakalang maliit na aksiyon ay magiging ganito kalaki ang resulta sa Blood Clan.
....
Potara Village, Adventurer's Meeting Room
Noong umalis si Rain Goodman sa silid ay ipinagpatuloy lang ng mga natirang kabataan ang kanilang pagpupulong. Kinalimutan nila ang nangyari at panghahamak na ginawa ni Krain kay Rain Goodman kaya naging maayos ang kanilang diskusyon.
"Kung gayon, kaming apat ang mag-iimbistiga sa [Practice Zone] habang ipagpapatuloy ninyo ang inyong pagsasanay." Nakatayo si Grim Crow habang tinitignan ang reaksyon ng mga natitirang batang Adventurer sa kaniyang kagustuhan. Nais niyang sila ang magtungo sa Niarich Forest para masubukan na kung totoo ba ang mga inaasahan niya tungkol sa Achievement at iba pa.
"Pumapayag ako sa kagustuhan ni Grim Crow." Tumayo si Krain at inihayag ang pagsang-ayon niya sa suhestiyon ng binata.
Masaya siya na handa nilang isakripisyo ang oras ng pagsasanay nilang apat na talentado para hindi magulo ang pag-eensayo ng mga natirirang batang Adventurer na kagaya niya.
Walang tumutol sa suhestiyon ni Grim Crow kaya sa huli, ang pagpupulong ay natapos na. Si Aura, Axel, Grim, at Soren ang mga napiling babantay sa Niarich Forest habang ang maiiwan ay kailangang magpokus sa kanilang pagsasanay sa Training Ground.
Dahil sa pagiging hindi makasarili ni Grim na nagsuhestiyon na hayaan silang apat na manguna sa imbestigasyon ng gubat ay marami ang sa mga batang Adventurer ang natuwa at nagustuhan siyang lalo. Ang iba na dating naiinggit sa kaniya ay hindi na gayon kasama ang tingin sa kaniya ngayon.
....
Sa hindi malamang eksaktong oras kung gaano naba katagal walang malay ang binata, sa oras na ito ay nagkaroon na ng kaunting galaw sa mga daliri ng kanang kamay niya.
Nakapikit pa rin ang mga mata ni Rain Goodman at unti-unting bumabalik ang malay niya sa mga hangin na tumatama sa katawan niya. Kung kagaya pa rin siya noong una ay hindi niya madaling madarama ang mga hangin na tumatama sa kaniya habang tulog o walang malay. Pero sa bawat taaa ng antas ng lakas niya ay mas lumalakas ang kaniyang pandama, amoy, paningin, at pang dinig, kaya kahit ang simpleng hangin na tumatama sa kaniya habang walang malay ay hindi na imposibleng madama para sa kaniya.
"A-aray." Napahiyaw sa sakit si Rain nang mapansin niya ang kirot sa balikat at tagiliran niya. Ibinangon niya ang sarili paupo sa sahig gamit ang mga kamay.
Tinignan niya ang masakit na sugat sa balikat niya at nang makita niyang nakatusok pa ang kutsilyo rito ay nanlumo siya. Agad niya namang tinakpan ng kamay ang bibig niya dahil parang masusuka siya sa nakitang sariling saksak sa balikat. Ibang-iba sa nakita niya noong sinaksak niya ang mga kalaban, mas nakakapanlumo itong tignan.
"AAAAAAHHH!" Binunot niya ang kutsilyo na halos kalahati sa kabuuan nito ang nakabaon.
Pagtanggal niya ay tuloy-tuloy na tumulo ang dugo sa balikat niya. Hindi naman na siya nagpanik masiyado. Pagkabunot sa kutsilyo ay hiniwa niya ang suot niyang damit at itinali ito patakip sa sugat ng balikat niya para pigilan ang paglabas ng mga dugo. Putlang-putla ang mukha niya habang ginagawa ang mga ito, halata rin sa nanginginig niyang braso na nanghihina pa rin siya kahit na ilang oras na ang lumipas.
"A-aray, mayroon pa sa tagiliran." Paalala niya sa kaniyang sarili.
Nahihilo siya at ang paningin niya ay lumalabo dahil sa tuloy-tuloy na agos ng dugo sa tinanggal na kutsilyo sa balikat.
Dinahan-dahan niya ang paghila sa kutsilyong nasa balikat niya. Hindi niya alam kung mas napalala lang ba nito ang kirot na naramdaman niya o gumaan ang sakit, kahit na ano pa man ay wala naman na siyang pakialam dito, ang mahalaga ay natanggal na niya ang mga nakasaksak sa katawan na kutsilyo.
Malalim ang bawat paghinga niya. Sinuri niya ulit ang buong katawan niya at napahinga naman na siya ng maluwag nang malamang wala ng iba pang nakasaksak sa katawan niya.
"Sandali.. Paano pala ako nabuhay?" Kung iisiping mabuti, malaki ang posibilidad na mamatay siya sa mga natanggap na saksak. May kalakihan din ang nawala sa dugo niya kaya putlang-putla na ang mukha niya.
Sa kaniyang pag-iisip ay wala naman siyang nakuhang sagot o dahilan para mabuhay pa siya. Kaya sa huli, tinignan niya na lang ang [Status] niya at umaasa na makakakuha ng kasagutan dito.
"Status."
------------------------------------------------------
[Name: Rain Goodman
Rank: Body Strengthening 6
Strength: 55 (+15)
Agility: 46 (+15)
Vitality: 44 (+15)
Stamina: 47 (+15)
Skills: None.
Points: 45
EXP: 18%
------------------------------------------------------
"Tumaas ng tatlong level ang rank ko?!" Nagulantang siya sa kaniyang nakita. Kahit sa kaniyang panaginip ay hindi niya inaasahan na tatalon ng tatlo ang antas ng Rank niya sa mga napatay na kalaban.
"Apatnapu't limang puntos? O-oo nga pala, may nakuha ulit akong Achievement nang mapatay ko ang pinuno nila. Ang labing-lima naman ay galing sa pag-angat ng antas ng lakas ko." Umukit ang ngiting abot tainga sa labi niya nang makita ang pagtaas ng stats niya. Nanginig pa sa tuwa ang katawan niya nang makita niya ang apatnapu't limang puntos na puwede niyang gamitin, tila nakalimutan niya ang kasalukuyang mapanganib na estado ng katawan niya.
Ngayon, natuklasan niya na rin ang dahilan kung bakit siya nakaligtas sa mapanganib na kalagayan niya nang mawalan siya ng malay. Dahil ito sa kaniyang tumaas na [vitality], naging apatnapu't apat na ito kaya natural na mas titibay ang katawan niya kumpara sa dati, isama pa ang paglakas ng natural na abilidad na gumaling ng katawan niya sa bawat oras na lumilipas ay talaga ngang malaki pala ang tsansa niyang mabuhay. Siyempre, ibang usapan kung may halimaw na natiyempuhan siyang nakahandusay at walang malay.
"Ilang oras na ang lumipas nang mawalan ako ng malay?" Sinuri niya ang paligid pero tanging napansin niya lang na magbibigay ng kasagutan ay ang malilim na tanawin.
Lumapit siya sa mga bangkay ng mga napatay na kalaban, kinuha niya ang mga kutsilyo nila at hinalungkat ang mga suot nila kung may mga nakatago pa ba silang mga gamit na puwede niyang pakinabangan.
Sa huli, ang mga kutsilyo lang nila at ilang nakatabing pagkain ang nakita niya. Kinuha niya rin ang mga suot nilang damit para may gagamitin siya dahil ang suot niya ay may malaking punit na nakatali sa balikat niya.
Hinubad niya ang damit ng isa sa mga nakalaban at itinali sa tagiliran niya ang damit nito. Kumuha rin siya ng isa pang susuutin at ang tatlong natira namang damit ay itinago niya sa kaniyang [Inventory] kasama nang bangkay ng Wild Boar na ginamit niyang sandata laban sa pinuno ng mga kalaban.
Walang halaga sa kaniya ang katawan ng mga taong ito, pero ang baboy ramo ay mayroon dahil maaari niya itong kainin kapag naubusan siya ng pagkain.
Pagkatapos kuhanin ang mga dapat kuhanin ay medyo nabawasan na ang kaba sa puso niya na lumisan sa pinaglabanan. Kahit na kampante na siya sa kaniyang lakas, hindi naman mababago nito na kasalukuyan siyang sugatan at hindi makakalaban ng maayos dahil sa mga pinsalang natamo, kaya ang una niyang naisip gawin ay humanap ng pagtataguan pansamantala hanggang sa gumaling siya sa kaniyang mga sugat.
Lumayo si Rain sa pinagganapan ng laban hanggang sa maging sigurado siyang kahit na may bumalik pang mga Adventurer sa Blood Village ay hindi na nila matutunton ang lokasyon niya. Umakyat siya sa isang puno at doon ay kumuha ng isa sa tatlong pagkaing nakabalot na ibinigay sa kaniya ni Manang bago lumabas ng baryo.
"Dadagdagan ko na lang ng kaunti ang mga points na puwede kong gamitin para sa nalalapit na 'yon upang makuha ko na ang mga kailangan ko." At sinimulan na niyang kumain na wari'y hindi siya nakakain ng napakahabang panahon.