Chapter 11

2500 Words
Chapter 11: Despair! Malamig na gabi ang sumalubong sa lahat ng nilalang na nasa loob ng Blood Forest. Maririnig ang magkakasunod na ihip ng hangin at ang napakainit na temperatura kaninang tanghali ay parang imposibleng dinanas ng lahat sa tindi ng lamig. Ang sanga ng isa sa libo-libong mga puno ng Blood Forest ay kasalukuyang tinutulugan ng binatang may asul na buhok at damit na natuyuan ng dugo. Nakapikit ang mga mata niya subalit ang ekspresyon ng mukha niya ay katulad sa mga taong maghapong nagta-trabaho kaya pagod na pagod. Sa lamig ng panahon, nakakagulat na ang himbing ng tulog niya ay tila senyales na sanay na siyang matulog sa mga ganitong lugar. Tahimik at payapa ang paligid ng kaniyang pinagtutulugan. Maririnig lang ang mahihinang huni ng mga ibon at ang kaunting atungal ng mga halimaw sa malayo na hindi naman ganoon kalakas. May ilang mga halimaw ang sumubok na umatake sa kaniya kanina habang natutulog siya. Pero tuwing may lumalapit na halimaw ay lumilikha sila ng mapagmataas na atungal upang ideklara ang presensiya nila sa binabalak tapusin na pagkain nila. Hindi naman siya natatakot tuwing nagigising siya sa mga halimaw, mataas ang puno na pinili niya at sinigurado rin niyang kahit may maligaw na tigre sa kaniya, hindi pa rin nito maaakyat ang puno. Mabilis na lumipas ang gabi, ang mahimbing na tulog ng binata ay muling nagambala. Nagising si Rain Goodman nang madama niya ang pagbabago ng tanawin sa kadiliman ng kaniyang pagtulog. Noong una ay purong itim ang bumabalot sa paligid niya, hindi kagaya ngayon sa nakikita niya na nadagdagan ng pulang tanawin sa ibang bahagi ng paligid. At kasabay ng pagbabago sa madilim niyang tanawin ay ang pakiramdam sa mukha niya na parang nakaharap ito sa umuusok na mainit na tubig, mainit ito at hindi siya komportable. Iminulat niya ang mga mata niyang inaantok pa at agad din naman itong hinarangan ng kamay niyang idinikit sa noo para protektahan ang mga mata sa nakakasilaw na sinag ng araw. "Umaga na agad?" Humikab ang binata at kinapa-kapa ang sanga na pinagtulugan niya para hindi mahulog. Nang masigurong maayos pa naman ang upo niya ay umikot siya at humarap sa punong sinandalan niya para sa likod niya tumama ang sinag ng araw. Tinignan niya ang mga sugat niya, natuwa naman siya nang makitang hindi na tumatagas ang mga dugo at ang katawan niya ay unti-unti na ring lumalakas. "Kung ganito kabilis ang pag-galing ng katawan ko, hindi malabong gumaling ang katawan ko sa loob ng isa pa o dalawang araw." Ganado niyang sabi at dahan-dahang bumaba sa sanga ng puno. Pagkababa niya ay inilibot niya sa paligid ang tingin at pinakiramdamang maigi upang malaman kung may nakatagong presensiya. Makalipas ang ilang sandali ay tumigil naman na siya at ibinaba na ang isaan-daang porsiyentong guwardiya niya. Ininat niya ang mga braso niya at sunod-sunod na tunog ng mga buto ng braso ang maririnig, kasabay nang tunog ay ang pagbakas ng emosyon sa mukha niya na naginhawaan. Matapos uminat-inat ng katawan ay sumeryoso ang mukha niya at ibinaba ng kaunti ang tuhod niya para mapantayan ang p'westo ng hangin na binabalak niyang suntukin. Kagaya nga sa binabalak niya, nagbitaw siya ng tatlong suntok na diretso lang, walang buwelo, hindi pabayo, at iba pang uri ng suntok na mas malakas kumpara sa ginawa niya. Pero sa pinakawalang mga suntok ay nakamit naman na niya ang kaniyang hinahangad, ang matuklasan ang kasalukuyang antas ng lakas na maaari niyang gamitin sa kasalukuyang kalagayan. "Mahina pa ang katawan ko pero pakiramdam ko ay sapat na ang lakas ko para lumaban sa mga [Body Strengthening 6]. Hindi na masama." Tumatango niyang wika. "Pero nasaan na kaya ako? Nasaan ang daan? Bakit kasi hindi ko binisita noon ang gubat na 'to." Ang masaya niyang mukha ay napalitan ng pagsisisi. Hindi niya inaasahan na dahil sa kawalan ng impormasyon sa lugar na ito ay malalagay sa panganib ang buhay niya. Inilibot niyang muli ang tingin sa bawat sulok. Pero kahit na anong tingin niya ay hindi niya malaman kung ano ang direksyon papunta sa Niarich Forest. Kinakabahan din siya na kapag pumili siya ng kung saan-saan at iniasa sa suwerte ang kaniyang tadhana ay baka dalin lang siya nito sa Blood Village na siguradong magreresulta sa kamatayan niya. "O-oo nga pala, ang mga halimaw sa gubat na 'to. P'wede ko silang gawing basehan para mahanap ang daan pabalik sa Niarich Forest!" At kung gaano kabilis napalitan ng nagsisising ekspresyon ang masaya niyang mukha ay gayon din ito kabilis bumalik sa naalalang impormasyon. Isa din noon sa mga lamang niya sa ibang manlalaro ang pagkahilig niya sa pagbabasa ng mga impormasyon sa laro. Mayroong website ang World of Fantasy kung saan maaaring mag-usap, magsumite ng mga pagkakamali sa laro, at marami pang iba. Kabilang na nga roon ang mga impormasyon tungkol sa mga halimaw, lugar, palaro, at mga achievement kaya halos alam niya ang lahat sa laro. Ito rin ang rason kaya hindi na niya inaksaya ang oras na bumisita noon sa Blood Forest dahil alam niyang kaparehas lang nito ang porsiyento ng [EXP] na makukuha sa Niarich Forest. Wala siyang alam sa daan ng gubat. Pero ang mga uri ng halimaw na makakasalubong niya ay puwedeng gamitin para matukoy ang daan papunta sa Niarich Forest. At isang malinaw na palatandaan ay ang teritoryo ng mga Bloody Tiger, katabi lang ito ng teritoryo ng mga Black Tiger na nasasakupan ng [Practice Zone] sa Niarich Forest. Gayunpaman, ang landas ng mga Black Tiger at Bloody Tiger ay hindi nagtatagpo. Hindi pa naglalaban ang dalawang uri ng tigre pero malinaw naman sa kaniya na lamang ng kaunti ang mga Bloody Tiger. Pero sa laban na kaunti lang ang diperensiya ng pisikal na lakas, ang mas impresibong istilo ng pakikipaglaban pa rin ang mananaig sa huli. "Pero kung sa mas malalim na bahagi ng Bloody Forest ako mapunta--" Nanlumo siya sa kaniyang naisip na maaari niyang sapitin. Ang Niarich Forest ay nahahati sa dalawa. Pero ang Blood Forest ay hindi dahil ang naglalakasang mga halimaw ay nasa kalagitnaan ng gubat, kapag aksidente siyang napunta roon ay siguradong malalagay sa panganib ang buhay niya kapag may nakasalubong siyang kahit na isang halimaw roon. "Mag-iingat na lang ako." Alam niya naman ang mga puwedeng halimaw na makakaharap bago mapunta sa delikadong parte ng Blood Forest. Gagawin niya na lang ang lahat ng makakaya niya para lumayo sa panganib. .... Maingat na nilibot ni Rain Goodman ang masukal na gubat. Pinili niya ang daan sa harap niya at nasa labing-limang minuto na siyang naglalakad pero ang mga puno na nakikita niya ay ang mga mas maitim na puno pa rin na makikita lang sa Blood Forest. Wala ring kahit na kaunting senyales ng mga puno sa Niarich Forest kaya nag-aalinlangan na siya kung tama ba ang tinahak na direksyon. Nagpatuloy pa sa paglakad siya ng ilang oras. "Mas mainit na ang panahon. Magtatanghali na yata." Gusto niyang kuhanin ang isa sa dalawang pagkain na natira sa [Inventory] niya pero nagdadalawang isip siya dahil walang kasiguraduhan kung tatagal ba siya sa gubat na ito. Hindi wais kung uubusin niya agad ang kaniyang natitirang pagkain, kaya hangga't maaari ay titiisin niya muna ito kahit na hindi siya sanay na nagugutom. ROAR! Sa gitna ng pag-iisip niya ay nakarinig siya ng atungal ng tigre sa bandang likod niya. Agad na lumingon si Rain Goodman at nalamang nasa sampong metro pa ang layo sa kaniya ng pulang tigre na may kulay dugong mga mata, mabilis itong tumatakbo sa direksyon niya. Malaki ito at ang mga paa nito na puro kalamnan ay halos triple ng braso niya, senyales na sa isang sakmal nito ay hindi siya makakaligtas sa kasalukuyan niyang kalagayan. Mas mabilis ng kaunti ang takbo ng Bloody Tiger kaya wala siyang inaksayang oras at tumakbo paabante sa harap niya. Habang tumatakbo ay binuksan niya ang [Inventory] niya at kinuha ang isang kutsilyo, pagkakuha naman ng armas ay kumuha rin siya ng bangkay ng Wild Boar na balak gamiting pain laban sa malakas na tigre. Sa kasalukuyan niyang kalagayan ay maliit lang ang tsansa niyang manalo kung lalabanan niya ito ng harapan kaya mukha mang duwag at walang hiya ang aksiyon niya laban sa hindi gaano katalinong tigre ay gagawin niya pa rin ito. Nang makuha sa kamay ang Wild Boar ay inihagis niya ito ng mataas na hindi tumitingin sa likod. Pero pagkahagis niya ilang segundo pa lang ang lumilipas ay napansin niyang may humahabol pa rin sa kaniya kaya ang t***k ng puso niya ay sunod-sunod na parang kakawala ito sa sobrang lakas. "Wala ring lupa na puwedeng ihagis sa mata ng tigre." Pinagmamasdan niya ang sahig at puro madamo ang parte ng kinaroroonan niya ngayon kaya hindi magagamit ang estratehiya niyang gamitin ang lupa para guluhin ang paningin ng mga kalaban, estratehiya na ginamit niya laban sa apat na adventurer ng Blood Village. ROAR! Bigla na lang napalingon si Rain Goodman nang marinig niya sa likod ang atungal ng tigre ilang talampakan ang layo. Nakita niya na lang ang kulay dugong tigre na nasa ere at nakanganga na ang malaki nitong bunganga kaya ang matalas at mahaba nitong pangil na kasing haba at taba ng dalawang daliri niya ay kitang-kita niya. "[Inventory]." Itinapat niya ang kamay sa harap at balisang kumuha ng Wild Boar dito. Mabuti na lang talaga at umabot ang Wild Boar dahil humarang sa harap niya ang baboy bago siya masakmal ng halimaw. Naitulak ng Wild Boar pahiga sa sahig ang katawan niya at ilang sandali pa ay muntik pa siyang mapasuka ng dugo nang madama ang mabigat na Wild Boar ay bigla pang bumigat, hindi siya makahinga dahil ang katawan ng baboy ay nakatapat sa bandang tiyan niya kaya nang sakmalin ito ng tigre at daganan ay ang tiyan niya ang sumalo ng bigat ng dalawang halimaw. ROAR! Nang marinig ang nakakapangilabot na atungal ng Bloody Tiger ay nagmistulang huminto ang oras para sa kaniya. Sa harap ng mukha niya ay ang malaking bunganga ng tigre na malapit nang makagat ang ulo niya, hindi siya makapaniwalang ang tigreng ito ay magpupumilit na siya ang patayin kahit na may mga inilabas na siyang pagkain na mas malaman at mas ikabubusog nito. Pero, kahit na ano pang dami ng ilabas ni Rain Goodman na pagkain ay pupuntiryahin pa rin siya ng tigreng ito dahil kagaya ng mga matatalinong nilalang, may mga tigreng nabubuhay rin na may pagkagahaman at walang kabusugan na hindi nito palalagpasin kahit ang maliit na buto ng kahit na sino. Bigla na lang siyang nawalan ng lakas para lumaban nang marinig niya ng harapan ang atungal ng halimaw. Parang naparalisa ang katawan niya, gusto niyang igalaw ang kamay na may kutsilyo para isaksak sa halimaw. Pero sa hindi niya malamang dahilan ay hindi niya ito maigalaw, tumingin siya sa kaniyang kamay at nawalan ng kulay ang mukha niya nang makitang ang kamay niyang nais gamitin ay nadaganan pala ng mabigat na Wild Boar. Hindi niya na alam pa ang gagawin, nasa harapan niya na ang naglalakihang pangil ng Bloody Tiger na ilang segundo lang ang kakailanganin para wasakin ang bungo niya. Sa kaniyang desperasyon, iniharang niya sa bunganga ng tigre ang kaliwang braso niya na walang alinlangan namang kinagat ng halimaw. Sa katakot-takot na tanawing nakita sa harap niya ay hindi na ito kinaya ng binata at napapikit na lang siya ng mga mata. Napangitngit ng ngipin sa sakit si Rain Goodman sa nadamang mga pangil na bumutas sa balat niya. Hindi niya na nakikita ang kalunos-lunos na kalagayan ng braso niya. Pero dama niya ang mga dugong lumabas sa mga sugat na nilikha ng mga pangil. Sa talim nito ay hindi man lamang siya naprotektahan ng balat niya kahit isang segundo, direkta itong dumiretso sa mga buto ng braso niya na pakiramdam niya ay mawawasak. Habang iniinda niya ang masasabing sagad sa butong sakit na kagat ng halimaw, ang Bloody Tiger naman ay makikitaan ng pagkagulat sa ekspresyon nito. Marami na siyang nabiktimang kagaya ng pagkain na gagawin niyang tanghalian ngayon, pero ang lahat ng mga iyon ay napatay niya sa isang kagat lang. Kahit ang mga buto nila ay hindi sumapat ang tibay para makaligtas sa naglalakihan niyang pangil. Kaya naman bakit hindi agad nawasak ang kinagat niyang parte ng katawan ng kaniyang tanghalian? "AAAAAAAAAHHH!" Hindi na kinaya ni Rain Goodman ang tinitiis na sakit sa kaniyang kaliwang braso. Diniinan pa kasi ng Bloody Tiger ang kagat niya nang mapagtanto nitong hindi agad nawasak ang braso ng pagkain nito. Bakas din ang inis sa kilos ng katawan nito, sa inis na iyon ay binuhat ng halimaw ang binata palabas sa nakadagang katawan ng Wild Boar gamit lang ang nakakagat nitong mga pangil sa braso. Paglabas ng katawan niya ay inihiga siya ng tigre sa sahig na walang senyales nang pagbitaw sa kagat-kagat niyang braso. Itinapak ng tigre ang isa nitong paa sa siko ng kaliwang braso ni Rain Goodman ng may kadiinan, at ang tatlong matutulis nitong kuko ay bumaon sa siko niya na lumikha ng mga panibagong sugat, nang maapakan na ng tigre ang ilalim ng siko ay walang awa nitong hinila ang kagat-kagat niyang braso. "AAAAAAAAAAHHH!" Pakiramdam na nababali ang mga buto niya at ang kalahati ng kaliwang kamay niya na parang mapuputol ay nawala siya sa katinuan at desperadong kumuha ng panibagong kutsilyo sa [Inventory] niya. Paulit-ulit niya itong ginamit pangsaksak sa leeg ng tigre hanggang sa nawalan na siya ng pakiramdam sa kalahati ng kaliwang braso niya. Kasabay ng pagkawala ng pakiramdam sa isang kamay niya ay ang pagbagsak ng duguang tigre sa katawan niya. Pero kahit patay na ang tigre ay nagpatuloy pa rin siya sa pagsaksak dito na nagresulta sa maraming dugo na tumalsik sa mukha niya. Ilan sa mga dugong iyon ay tumama sa mga mata niya kaya ang paningin niya ay napalitan ng pulang tanawin. Wala na ang maamong mukha niya, matinding takot at sakit na lang ang makikita rito. Hanggang sa kamatayan ay nakakagat pa rin ang tigre sa kaliwang braso niya. At nang tignan niya ito ay namutla ang buong mukha niya at nakaramdam ng takot na kahit kailan ay hindi niya pa naranasan. Sa loob ng bibig ng patay na Bloody Tiger ay makikita ang kalahati ng kaliwang braso niya na umabot hanggang sa ilalim ng siko niya. Duguan ang braso niyang ito na nakahiwalay na sa katawan niya. "AAAAAAAAAAHHHH!" Isang malakas na sigaw na puno ng panlulumo at takot ang umalingawngaw sa kapaligiran. Hindi niya na napansin ang sakit, nilamon na siya ng matinding takot sa kaalamang wala na ang kaliwang kamay niya. Tumingin din siya sa kaniyang natirang siko at ang tulo ng dugo nito ay walang humpay, kapag nagpatuloy ito ng kahit ilang minuto lang ay mamamatay siya sa kawalan ng dugo. Nanginginig ang buong katawan ni Rain Goodman na hindi alam ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon. Malapit na siyang makabalik sa Niarich Forest, pero hindi niya inaasahan na mamalasin siya at makakasalubong ng isang gahamang Bloody Tiger sa ganito niya kahinang kalagayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD