Chapter 12

2873 Words
Chapter 12: Visiting Niarich Forest. Tanghali na nang pumunta ang apat na boluntaryong magbabantay sa ilang teritoryo ng bahagi ng [Practice Zone] sa Niarich Forest. Nangunguna sa kanila si Grim Crow na madalas ay nagbibigay ng mga desisyon para sa kanilang grupo, sa likod niya naman ay ang tatlong kaibigan na masuring nagmamatyag sa paligid. Bawat isa sa tatlo ay makikitaan ng impresyon sa mukha na wari'y handa sila sa kahit anong sitwasyon, kahit na maraming halimaw pa ang makalaban nila. Para sa kanila ay hindi na gayon kalaki ang panganib na dala ng mga Wild Boar dahil sa taglay nilang pisikal na lakas. Gayunpaman, hindi nito mababago ang katotohanan na wala pa rin silang karanasan sa aktwal na pakikipaglaban sa mga halimaw, laban na buhay nila ang kabayaran sa kaunting pagkakamali. Kaya naman malaki man ang tsansa nilang manalo laban sa Wild Boar, buong puso pa rin silang nag-iingat. Maingat nilang nilibot ang teritoryo ng mga Wild Boar. Sa kanilang paglilibot ng ilang oras ay natuklasan nilang wala na ngang mga halimaw ang pagala-gala. Hindi naman na sila nagulat sa kanilang nalaman, dismayado nga lang sila dahil umaasa rin sila na masusubukan ang hinahangad nilang pagpaslang sa mga halimaw para makitang tumaas ang porsiyento ng kanilang [EXP]. Pinagpatuloy pa rin naman nila ang kanilang paglilibot, umaasa na may matatagpuang kahit isang halimaw. Lumipas pa ang mga oras. Kasalukuyang nagpapahinga sa silong ng puno ang apat, nakahinto at pinag-iisipan kung ano ang dapat nilang gawin sa sitwasyon na ito. Pero ang kanilang katahimikan ay winakasan ng babae. "Naaamoy niyo ba iyon?" Tanong ni Aura Scarlet sa mga kasama na wari'y may naaamoy siyang napakabahong amoy. Isa-isang tumingin ang tatlo sa babae at agad nagtanong si Grim Crow. "Naaamoy ang alin?" Lumapit si Grim Crow sa babae at binigyan ng malambot at malumanay na tingin si Aura, malayo sa madalas niyang tingin na parang yelo sa lamig. Ganito ang tingin niya sa tatlong kasama. Tinuturing niya silang kaibigan at kaagapay sa mundong ito kaya sila lang ang tinatrato niya ng hindi malamig, pero nakikita lang ito ng mga kaibigan niya kapag sila-sila lang ang magkakasama. Isa pa, nagmula sila sa parehas na mundo kaya naman natural lang para sa kaniya ang itrato sila ng ganito. "May naaamoy akong masangsang na amoy ng dugo." Sagot ni Aura na parang natural lang sa kaniya ito. Ang kaniyang skill ay Blood Manipulation kaya naman sensitibo siya pagdating sa dugo. Hindi malakas ang pang-amoy niya pero dahil sa skill na ito ay nagagawa niyang maamoy ang dugo na dapat ay imposibleng maamoy. "Dugo? Hindi kaya ang naamoy mo ay naiwang bangkay ng halimaw na pinatay ng misteryosong Adventurer na iyon? Pero kung kakapatay lang namam sa halimaw, posibleng nasa paligid pa nito ang Adventurer." Komento ni Axel Crimson na makikitaan ng kaunting takot sa mga mata. Masiyadong mapanganib para sa kanila ang makaharap ang misteryosong Adventurer na iyon. Malinaw naman sa kanila na hindi mabuti ang motibo nito sa patagong pagpaslang ng mga halimaw sa Niarich Forest, at sa oras na mahuli nila ito sa akto ay maaari itong magsimula ng hindi pagkakaunawaan sa magkabilang panig, 'pag nangyari 'yon ay mapipilitan silang lumaban sa isang tao na maraming karanasan sa aktwal na laban, kabaliktaran nila na nagsisimula pa lang at lumilikom pa ng karanasan. "Posible ngang kakamatay pa lang ng halimaw. Pero mas mataas ang tsansa na kanina pa 'to namatay at ang taong pumatay rito ay wala na sa paligid. Base sa reaksyon ni Aura Scarlet ay mabahong dugo ang kaniyang naamoy, ang dugo ay hindi naman mabaho kapag sariwa pa. Kaya naman sa tingin ko ay tumagal na ng kaunti ang bangkay at wala akong naiisip na rason para manatili pa roon ang pumatay sa halimaw. Kung binabalak niyang kainin ang bangkay ay p'wede niya naman itong dalhin sa tahanan niya para gawing pagkain. At mas naniniwala akong hindi pa naman hibang ang taong iyon para tiisin ang masangsang na amoy ng dugo. Gusto niyo bang tignan natin ang naaamoy ni Aura?" Kampanteng paliwanag ni Grim Crow kay Axel Crimson na parang kinakausap niya lang ang sarili niya at iniisip ang mga posibilidad sa lugar na naaamoy ng kaibigan niya. Sa kaniyang huling katanungan na nagbibigay ng mapanganib na suhestiyon sa mga kasama ay walang bahid ng takot sa mukha niya. Nanatiling tahimik ang paligid. Si Soren Orlando ay taimtim na nakatingin kay Grim Crow at hindi nito maitago sa mukha niya ang paghanga sa kaibigan na mukhang walang kinatatakutan. Siya ang itinuturing na pinakamalakas sa kanilang lahat, ngunit kahit siya ay nakaramdam ng takot sa loob niya nang marinig ang suhestiyon nitong pagbisita sa pinagmumulan ng dugo. "Aura, kaya mo bang tukuyin ang eksaktong lokasyon ng naamoy mong masangsang na amoy ng dugo?" Muling tanong ni Grim Crow. May ideya naman na siya sa kinaroroonan ng naaamoy ni Aura Scarlet. Nalibot na nila ang halos kabuuan ng teritoryo ng mga Wild Boar, nakita na nila ang bawat sulok na maaaring pagtaguan ng mga halimaw. Teritoryo na lang ng mga Black Tiger at Wild Wolf ang hindi nila napupuntahan, at ang kasalukuyan nilang pinagpapahingahan ay malapit lang sa teritoryo ng mga lobo. "Malapit lang dito sa'tin ang naaamoy ko. Pero nasa direksyon ito ng mga Wild Wolf." May alinlangang tugon ng babae. Malakas na ang bawat isa sa kanila at kagaya ng mga Wild Boar ay kaya na nilang tapatan ang lakas ng mga Wild Wolf. Pero hindi kagaya ng mga baboy ang lobo dahil madalas silang may mga kasama kaya mas mahirap kalaban ang mga ito. At ang taglay pang bilis ng lobo ay hindi hamak na mas mabilis kumpara sa mga baboy. Mapanganib para sa kanila ang mga lobo lalo na kung may nakaharap pa silang lalagpas ng lima ang bilang. "Tignan lang natin saglit. Kapag mapanganib, aalis agad tayo. Ayos lang ba sa inyo?" Tanong ni Grim Crow sa mga kasama. Gusto niya rin talagang makita ng harapan kung totoo bang si Rain Goodman ang may kagagawan ng mga nangyayari sa gubat. Dahil kung si Rain nga ang pinagmulan ng mga ito, ibig sabihin ay may mga sikreto siyang tinatago na ayaw niyang ipaalam sa iba kaya patago siyang kumikilos. Hindi niya alam kung kalaban ba o kakampi ang binata, kaya naman mas maigi na ang mag-ingat siya at subukang alamin ang katotohanan. "Walang problema. Sa totoo lang ay gusto ko na rin lumaban sa mga halimaw." Taliwas sa kinakabahang si Aura at Axel ay nanaig ang dismaya ni Soren dahil wala silang malabanang mga halimaw. Kilala siya bilang pinakamalakas sa lahat pisikal kaya naman sabik siyang nagpunta rito na puno ng paghahangad na makalaban ang mga halimaw. Hindi rin siya sigurado kung bakit ganito siya kasabik lumaban sa mga halimaw, marahil ang paghahangad niya talagang subukan at makita sa sarili niya ang totoong lakas. "Aura? Axel?" Tanong ni Grim sa dalawa. Tumango naman ang mga ito bilang tanda ng pagsang-ayon. Halata mang pilit ang sagot nila ay hindi na lang ito masiyadong pinansin ni Grim Crow, mas malakas ang paghahangad niya na malaman ang katotohanan. Lumipas ang oras at nang magtungo sila ay nakita nila ang kumpol-kumpol na duguang katawan ng mga lobo sa ilalim ng puno. Ang iba sa mga lobo ay nakatagilid pa ang ulo na talaga namang nakakatakot tignan. Nagulat ang tatlo sa nakita nila. Pero si Soren, may kakaibang liwanag ng emosyon sa mga mata niya ang sumulpot nang makita niya ang mga duguang katawan ng mga lobo. Nag-imbistiga saglit ang tatlo, bukod sa mga lobo ay wala na silang iba pang natuklasan. Bumalik sila sa Potara Village dala ang masamang balita. .... Blood Forest Lumipas ang panibagong araw na nasa loob pa rin ng Blood Forest si Rain. Wala siyang ginawa buong araw bukod sa takpan ng tela ng damit ang kaliwang siko niya na tuloy-tuloy ang agos ng dugo. Sa kaniyang desperasyon ay ginamit niya rin lahat ng kaniyang [Points] sa [Vitality] para lumakas pa ang katawan niya at gumaling din ang malubhang sugat. Isang buong araw ay nagpahinga lang siya, nakain niya na rin ang lahat ng pagkain niya kaya medyo nagugutom na siya. ------------------------------------------------------ [Name: Rain Goodman Rank: Body Strengthening 6 Strength: 55 Agility: 46 Vitality: 89 (+45) Stamina: 47 Skills: None. Points: EXP: 42% ------------------------------------------------------ "Wala na akong pagkain." Pangatlong araw niya na sa Blood Forest. Ang kumukulo niyang tiyan lang ang maririnig sa tahimik na paligid. Kagabi pa siya walang kinakain at kahit na anong pilit niyang 'wag isipin ang gutom sa tiyan ay hindi naman umaayon ang nararamdaman niyang sakit. Kapansin-pansin din na gumaling na agad ang malubhang sugat niya sa kaliwang braso. Ang saksak sa balikat at tagiliran ay magaling na rin, ang masaklap nga lang ay isa na lang ang kamay niya. Hindi winasak ng Bloody Tiger ang buong kaliwang kamay niya pero ano pang silbi ng kalahati ng braso niya? Kahit ipangsalag ito ay hindi na magiging posible kaya masasabing nawasak na ang kabuuan ng kaliwang braso niya. "Sapat naba ang lakas ko?" Lumapit si Rain sa tapat ng puno. Ikinuyom niya ang kanang kamay niya at isinuntok ito sa nakatayong puno gamit ang buong lakas niya. Nang tumama ang kamao niya ay bumaon ito ng kaunti sa puno. Malakas ang tama ng kamao niya pero walang nagbago sa ekspresyon ng binata, para bang hindi man lamang siya nasaktan sa ginawang pagsuntok. Hindi makapaniwalang tinignan ni Rain Goodman ang kamao niya at nakita na namumula-mula lang ito, ni hindi ito nagkasugat sa ganoon kalakas na suntok. "Mabuti naman at bumalik na ang buong lakas ko. Iba talaga kapag tumaas ng lubusan ang [Vitality]." Kinalkula rin ng binata ang lakas ng suntok na pinakawalan niya. Kung noong una pa lang ay nagagawa niya nang magpakawala ng ganito kalakas na suntok, at ang tibay ng katawan niya ay ganito rin ang level, siguradong hindi siya magdurusa sa kamay ng Bloody Tiger na iyon. "Pero wala na pala ang lahat ng inipon kong points para sa event." Nadismaya naman siya nang maalala ang pinaghahandaan niyang [Event]. Noong una ay napilitan siyang gamitin ang inipon na [Points] para iligtas ang sarili at tapusin si Cleo Blood. Sobrang nanghihinayang siya kaya naman pinilit niya rin ang sarili na tapusin na talaga si Cleo, ngunit sa kasamaang palad ay pumalya pa rin siya. Ang pangalawang beses naman na makatanggap siya ng puntos sa nakuhang [Achievement] noong matapos ang laban sa mga kaedarang Adventurer ay natuwa siya. Ngunit sa kasamaang palad, may nangyari na naman na napuwersa siyang gamitin ang kaniyang [Points] para iligtas ang sarili sa malubhang pinsala na natamo. Pakiramdam niya ay tadhana na ang pumipigil sa kaniya na h'wag makaipon ng puntos. "Hindi, ang Bloody Tiger ay mas malakas ng sobra sa mga Wild Boar at Wolf. Magkadikit ang antas ng lakas nila sa mga Black Tiger kaya posibleng kagaya ng sa laro ay mas malaki rin ang makuha kong [Points] kapag nakakuha ako ng mga [Achievement] sa kanila." KRUOO! Kumulo na naman sa gutom ang tiyan niya. Tiniis niya na lang ito at lumakad para maghanap ng Bloody Tiger sa gubat. Ilang oras siyang naglibot kaya ang sakit ng tiyan niya ay palala ng palala, pero sa kabutihang palad ay may nakita naman na siyang madugong tigre. ROAR! Umatungal ng malakas sa direksyon niya ang tigre at walang alinlangan itong sumugod kay Rain Goodman. Tumakbo rin pasugod ang binata at mas mabilis ang takbo na pinapakita nito kumpara sa tigre, ngayong tuluyan nang gumaling ang katawan niya ay magagamit niya na ang totoong bilis niya. Hindi na siya mahihirapan sa ganitong tigre kagaya noong nanghihina pa siya. Nang ang distansiya nila sa isa't isa ay sumapat na para umatake, mabilis tumalon ang tigre para sunggaban ng kalmot at kagat ang mahinang katawan ng manipis niyang pagkain. Sa isip ng halimaw ay masiyadong madali ang laban na ito at isa lang biyaya ang nilalang na nasa harap niya para pagsilbihan ang tiyan niya. Ibinuka na ng halimaw ang bunganga niya at kinagat ang ulo ng binata, subalit ang buto ng taong sinunggaban niya ay nakayuko ng mas mabilis kaya hangin lang ang nakagat niya. Nagpadulas sa baba ng halimaw ang binata at kitang-kita niya ang tiyan nito. Sa halip na matuwa sa napakabilis na galaw ay umukit lang ang mapait na ngiti sa labi niya. Hindi pa rin niya makalimutan ang buwis buhay na sinapit sa kamay ng katulad nitong halimaw sa harap niya, halimaw na ngayon ay wala ng panganib na dala sa kaniya. Dumiretso ang katawan niya na walang ginagawa sa halimaw. Dismaya, lungkot, galit at panghihinayang, sa halo-halong emosyon na nadama niya sa maikling panahon na nakita ang tiyan ng halimaw ay hindi na niya nagawang atakihin ang halimaw. Gayunpaman, kalmado pa rin naman siya kahit na nasayang ang isang oportunidad na tapusin ang halimaw. Ang tiyan ng tigre ay napalitan ng maliwanag na kalangitan, ang lahat ng emosyon na nadama niya sa isang iglap ay isinantabi na niya dahil ang kalangitan ang senyales na lumagpas na siya sa ilalim ng tigre. Dali-dali siyang tumayo ng tuwid at lumingon, bumungad sa harap niya ang likod ng halimaw, tanda na hindi pa ito nakakalingon sa direksyon niya. Ibinaba niya ng kaunti ang mga tuhod niya at gumamit ng konsiderableng lakas upang tumalon sa likod ng Bloody Tiger. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalingon ang halimaw sa direksyon niya. Ito ay sumisimbolo sa abnormal na bilis na taglay niya, at nang bumagsak ang katawan niya sa likod ng tigre ay sinakyan niya ito na parang nakasakay siya sa kabayo. Pero kahit kampante ang mukha niya ay wala na siyang sinayang na oras, ib'winelo niya pataas ang kanang kamay niyang nakakuyom at agad isinuntok sa likod ng tigre. Hindi pa kasi siya nakakasakay sa likod ng kabayo o iba't ibang uri ng mga hayop, kaya naman ang balanse niya ay mabilis bibigay lalo na at sasadyain ng Bloody Tiger ang maggagalaw para malaglag siya. Nang dumikit ang kamao niya sa tigre ay nakaramdam ang halimaw na para bang may matigas na bato ang tumama ng napakalakas sa kaniya. Bumagsak ang mga paa ng tigre at ang paningin nito ay lumabo, ang ilang puno na nakikita niya ay nagiging dalawa at minsan ay nagiging mas marami pa ito. Bumagsak ang katawan ng tigre sa sahig dahil sa isang suntok lang ni Rain! Kung makikita ng iba ang ginawa niya ngayon ay siguradong babagsak ang mga panga nila sa gulat, at ang mga nanghahamak sa kaniya sa baryo ay siguradong magsisihiyaan sa mga ginawa nila. Sinuntok ulit ni Rain Goodman ang halimaw. Sobrang nagugutom na rin siya at hindi niya alam kung ano ang dapat na gawin. Hindi niya pa nasubukang gumawa ng apoy gamit ang mga bato para sana magluto, at ngayong wala na ang kaliwang kamay ay imposible na talaga itong mangyari. "Kailangan ko ng pagkain." Sa gutom niya ay naalala niya bigla ang ginawa ni Cleo Blood na kumakain ng hita ng lobo na parang normal lang ito sa kaniya. Bilang tao sa dati niyang mundo na mapayapa ay hinding-hindi niya pa nasubukang kumain ng pagkain na hindi luto, kaya naman nag-aalinlangan siya sa binabalak. "Bahala na." Kinuha ng binata ang kutsilyong natira sa [Inventory] niya at hiniwa ang hita ng tigre. Pagkatapos hiwain ang hita nito ay dinakma niya ito. Pumikit siya at pinilit utusan ang sarili na kagatin ang hitang ito, dahil kung hindi niya ito gagawin, mamamatay siya sa gutom. Hindi niya naman ito plano, pero sa naalala ay nais niya na rin itong subukan. Malaking tulong din naman ito sa hinaharap kapag talagang walang-wala na siya. Pinilit ng binata na kainin ang hita ng tigre. Ang hita ay talagang malaki at kahit na kaunti lang ang nakain niya ay humupa na agad ang gutom niya. Muntik na siyang masuka sa unang kagat pero pinilit niya na lang ang sarili na isiping normal itong pagkain. Nagpatuloy sa paglilibot ng gubat ang binata. Habang kinakain niya ang maliit na parte ng katawan ng Bloody Tiger na kinain niya at itinabi sa [Inventory] ay hinanap niya pa rin ang posibleng daan pauwi sa baryo. Sa kaniyang paglalakbay ay marami siyang mga Bloody Tiger na nakaharap, may ilan pa nga sa mga ito na nakatago at umatake sa kaniya ng sorpresa, muntik na siyang mapuruhan ulit sa atakeng iyon pero mabuti na lang ay mabilis na ang reaksyon niya. Lumipas ang mga araw na ganito ang ginagawa niya hanggang sa hindi niya namalayang pang pitong araw niya na pala ito sa Blood Forest. Ang mga Bloody Tiger ang senyales na malapit na siya sa Niarich Forest. Pero pakiramdam niya ay napakalayo pa rin niya. Dahil din sa paglalakbay na ito ay may mga natanggap siyang [Achievement] at ang antas ng rank niya ay tumaas din ng sobra dahil sa taas ng [EXP] na binibigay ng Bloody Tiger. Ang tatlong achievement na natanggap niya ay ang [Bloody Tiger Slayer], [Monster Hunter], at ang [Slaughterer]. Bawat isa sa mga ito ay nagbigay sa kaniya ng malaking puntos, lalo na ang [Slaughterer] na hindi niya inaasahang makukuha niya agad, patunay na marami na talaga siyang napaslang na madudugong tigre. Siyempre ay itinatabi niya rin ang mga katawan nila sa [Inventory] dahil ang ibang parte ng katawan nila ay puwedeng ibenta sa Adventurer's Guild.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD