Chapter 13

2868 Words
Chapter 13: Rumors! Dalawang balita ang gumimbal sa katahimikan ng Potara Village. Ang unang balita ay tungkol sa kumakalat na impormasyon sa Blood Village, ang kinikilalang pinakatalentadong batang Adventurer na si Cleo Blood ay nasabing napuruhan at nap'wersang lumisan sa isang laban. Ayon sa inialat ng mga ispiya sa Blood Clan, bumisita sa Niarich Forest ng patago ang binata at sa gubat na ito ay napasabak siya sa isang laban, malinaw ring iminungkahi ng binata na nagmula sa Potara Village ang nakasagupa niya. Ang araw na napasabak sa laban si Cleo Blood ay 'yun ding araw na bumisita ang apat na pinakatalentadong mga batang Adventurer ng Potara Village. Dahil sa pagkakasabay ng mga nangyari, maraming haka-haka ang kumalat na isa kina Grim Crow ang nakasagupa ni Cleo Blood na tumalo rito. Mas dumami ang mga namangha sa apat dahil dito. Pero itinanggi ng mga ito na sila ang nakalaban ni Cleo Blood. Gayunpaman, marami pa rin sa mga kabataan ang nanatili sa paniniwalang sila nga ang nakalaban ni Cleo at ayaw lang nila itong ipagmayabang. Ang pangalawang balita naman ay ang pagkamatay ni Rain Goodman sa Niarich Forest. Ito ay kilala naman 'di dahil sa kaniyang talento, kilala siya dahil sa kahinaan at pagsubok na manipulahin ang Elder Devil na magmukha siyang hindi ordinaryo. Isama pa ang pamamahiya ni Krain ay talagang kilalang-kilala na nila ang binata, pero kahit na may karumal-dumal itong sinapit, isinantabi pa rin nila ito at hindi masiyadong pinahalagahan dahil kailangan nilang magkaroon ng selebrasyon, matagal nang naging tinik sa puso nila si Cleo Blood kaya ang malamang may tumalo sa kalabang binata na galing sa kanilang baryo ay talagang nakakaginhawa sa pakiramdam. Binigyang pansin lang ng iba ang pagkamatay ni Rain Goodman dahil sa kahilingan ng grupo nila Grim Crow na bigyan ng maayos at respetadong libingan ang kapwa nila nabubuhay sa dating planeta. Noong una ay naghihinala si Grim sa pagkawala ni Rain, pero nung mawala siya ng tatlong araw hanggang sa isang linggo ay roon na siya nagsimulang mag-alinlangan. Nung kumalat ang balita na may nakasagupa ang sikat na talentadong kalaban na si Cleo Blood sa kanilang baryo, una niyang naisip na puwede nitong nakalaban ay si Rain Goodman. Posibleng naglaban talaga ang dalawa at napuruhan si Cleo Blood kaya napuwersa itong tumakas. Subalit sa matinding laban nila ay nagtamo naman si Rain Goodman ng malalang pinsala at namatay sa huli. At ang pinaka-apektado sa masamang balita na ito ay si Aura Scarlet. Magaan ang loob ni Aura kay Rain at naaawa rin siya sa kalagayan nito na laging hinahamak at minamaliit ng iba, kaya noong nakita niya si Rain sa gusali ng mga adventurer ay sinubukan niya itong hikayatin na mag-ensayo kagaya nila. Si Aura Scarlet ang dating may pinakamataas na antas ng rank sa kanilang apat. Pero ngayon, dahil sa kawalan ng gana sa pagsasanay ay na apektuhan nito ang bilis ng pag-aaral niya ng ibang Martial Arts kaya naman bumagal din ang pagtaas ng antas ng rank niya. Kahit si Axel Crimson ay nag-aalala na para sa kasamang si Aura, masiyado siyang apektado sa pagkamatay ni Rain. Tinamaan din naman siya sa pagkamatay ng binata kaya wala siyang masabi para pagaanin ang loob ng babae. Para siyang nasampal ng katotohanan na malaki talaga ang posibilidad na mamatay sa mapanganib na mundong ito. Inakala niyang ang mangyayari ay unti-unti siyang lalakas hanggang sa makamit niya ang sapat na level na wala nang magiging banta sa buhay niya. At kapag nangyari na iyon, maghahanap na sila ng mga kasagutan sa mga misteryosong kaganapan na nangyari sa kanila. Pero masiyado pala siyang hibang sa pag-iisip niya ng ganito. .... Blood Forest Habang nagluluksa ang dalaga at iba sa inakalang kamatayan niya ay taimtim namang nakatingin si Rain sa isang direksyon. Iba na ang tingin na ibinibigay ng mukha niya, ang dating maamo ay napalitan ng seryoso. Nakatago siya sa sanga ng isang makapal na puno, tahimik na pinagmamasdan ang tatlong pigura ng mga binatang nakasuot ng iba't ibang kulay ng damit. Pero ang kulay ng mga mata, kilay, at buhok nila ay pare-parehas na pula--senyales na miyembro sila ng Blood Clan. "Nagpadala ang Blood Clan? Mabuti naman at mga batang adventurer pa rin ang ipinadala nila." Nakatingin siya sa tatlong adventurer na nasa edad labing-siyam hanggang dalawampu, mas malalakas din ang bawat isa sa mga ito kay Cleo Blood. Pinakatalentado si Cleo sa kanila, ngunit kagaya rin siya ng ibang talentado na naunahang magsimula ng mga nakatatanda sa kaniya ng kaunti kaya natural na mas malakas sila sa kaniya, pero sa ngayon lang ito dahil kapag lumipas pa ang kaunting panahon, malalagpasan at malalagpasan niya rin agad sila. "Status." ------------------------------------------------------ Points: 90 ------------------------------------------------------ Nang makita niya ang puntos niya ay hindi mapigilang umukit ang ngiting abot tainga sa labi niya. Karamihan sa mga nakuha niyang [Points] ay dahil sa [Achievement], at mayroon pa siyang mga oras para makabalik sa village, kapag minalas nga lang siya ay puwedeng hindi siya umabot. Kaya naman kailangan niyang magdoble sikap sa paghanap ng daan pabalik. "Malapit na tayo sa kaniya." Bumalik sa sarili si Rain nang marinig niya ang boses ng isa sa tatlong adventurer. Iniimbistigahan ng mga ito ang mga dugo sa sahig na nanggaling sa Bloody Tiger na pinatay niya kanina ilang oras ang nakalipas. Kasalukuyan lang siyang nagpapahinga rito kaya naabutan siya ng mga adventurer. Hindi naman na siya natatakot dahil alam niya ang lakas niya ngayon ay hindi na pangkaraniwan. Tumayo ang kaninang adventurer na nakaupo at nakahawak ang isang daliri sa dugo habang sinusuri ito. Siya ang pinuno ng grupo nila na nagpumilit na imbistigahan ang Blood Forest matapos malaman na may limang adventurer sa kanila ang namatay sa kamay rin ng binatang nakalaban ni Cleo. Bilang mas matatanda na adventurer kumpara sa henerasyon ni Cleo Blood at ng nakalaban nitong binata ay medyo walang hiya ang ginagawa nila. Ang pinaka-panuntunan ng bawat baryo ay ang hayaan ang mga kabataan na ayusin ang kanilang mga sariling problema. Makikialam lang ang matatanda sa problema ng matatanda, kaya pasok din sa panuntunan ang tatlong ito na tatlo hanggang apat na taon ang tanda sa henerasyon nila Cleo at Rain. Pero kahit na malaking kahihiyan ang ginagawa nila, pakiramdam ng pinuno nila na tungkulin niya itong gawin dahil lima na sa mga kabataan ang napatay ng kalaban. At ang ipinagmamalaki pa nilang miyembro ng angkan ay natalo ng miserable sa binatang iyon, kaya naman masiyadong malaki ang banta ng kalaban sa hinaharap. Para sa mga kabataan ng angkan nila ay handa siyang tanggapin ang kahihiyang 'to, nagustuhan din ng dalawa ang pinapakita ng pinuno nila kaya sumama sila sa kaniyang misyon na patayin ang kalaban. "Humanda kayo. Nasa paligid siya." Babala ng pinuno sa mga kasama niya. Pagkarinig ng babala ay sumeryoso ang mga ekspresyon nila at tumapat sa magkakaibang direksyon ang tatlo habang ang mga likod nila ay magkakatapat. Inilabas din nila ang kaniya-kaniya nilang mga espada. Nakatingin pa rin si Rain Goodman sa tatlo habang matiwasay ring nag-oobserba sa paligid ang mga ito. 'Ang espada nila ang problema.' isip niya na walang senyales ng pagsugod. Ang espada nila ay matalim, walang kasiguraduhan kung kakayanin bang tanggapin ng katawan niya ang mga talim nito. Sa loob ng limang minutong lumipas ay ganoon pa rin ang posisyon ng tatlo. Humarap sila sa magkakaibang direksyon habang ang mga likod nila ay magkakadikit, sa ginawa nilang ito ay nakikita nila ang malawak na tanawin sa bawat bahagi ng paligid, sa madaling salita, mahihirapan ang kalaban nila na umatake ng patago. Pasensiyado silang nagmamatyag sa paligid na tila ang mga mata nila ay parang mata ng agila. Wala silang ideya kung ano ang hitsura, pigura, o katauhan ng binatang hinahanap nila. Sa kadahilanang ito ay unti-unting naglaho ang kanilang matapang na pustura sa bawat minutong lumilipas, bigla na lang silang nakaramdam ng presyur at nalaman nilang hindi na sila komportable sa kanilang posisyon. Pero nanatili pa rin sila sa kanilang posisyon dahil alam nilang nasa paligid na ang taong binabalak nilang tapusin. Tahimik ang paligid at kalmado ang nakikita nilang mga puno, damo, at lupa sa sahig. Pero ang nakakabinging katahimikan ay nagpalala lang sa tensyon ng paligid. Ilang minuto na naman ang lumipas nang hindi na napigilan ng kanilang pinuno ang magsalita. Binase niya lang sa mga natuklasan niya rito ang kaniyang konklusyon na nandito ang salarin sa mga kaguluhan ng kanilang baryo, kahit na walang kasiguraduhan kung narito ba talaga ang kalaban nila. Pero ang presyur na nadarama nila, imposibleng bigla na lang silang ma-presyur ng walang dahilan. "Lumabas kana, alam naming nandito ka. Oh baka naman ganito rin ang ginawa mo kay Cleo kaya nanalo ka sa kaniya? Patagong umatake na parang duwag." Sigaw ng pinuno nila na halatang ang intensyon ay mapalabas ang kalaban nilang si Rain Goodman. Bakas din sa mukha niya ang ilang butil ng pawis na sumesenyales sa kaniyang pangamba o takot. Wala pang ginagawa ang kalaban nila pero ganito na agad ang bigat ng presyur sa kanila. "Hindi kaya mali ako? Kung talentado ang nakatalo kay Cleo ay siguradong may dignidad at karangalan itong po-protektahan. Bakit hindi pa siya lumalabas? Inatake ko na ang dignidad at dangal niya." Nagsimula nang mag-alinlangan ang pinuno nila kung nandito ba talaga sa paligid nila ang kalaban. Natural lang kasi na maging mapagmataas ang mga talentado at ang mga dignidad nila na abot langit ay madalas nilang kahinaan. "Hindi, nandito siya. Ang panganib na nararamdaman ko ay tunay." Iniling-iling niya ang ulo niya at muling nagmatyag ng matiwasay sa paligid. Hindi niya napansin na ang bawat paghinga niya ay lumalalim na kahit na hindi pa nagkakasagupaan ang grupo niya at kalaban. 'Nasa apat na metro ang layo nila sa'kin. Maaabot ko pa sila.' Nakatago sa likod ng puno ang sanga na tinatayuan niya kaya hindi siya nakikita ng tatlong kalaban. Binuksan niya ang kaniyang [Inventory] at kumuha ng katawan ng Isang Wild Wolf. Hindi hamak na mas magaan ang katawan nito kumpara sa mga Wild Boar, idagdag pa ang pag-angat ng lakas niya ay walang kahirap-hirap niya itong binuhat. Pakiramdam niya rin ay kaya niya itong buhatin kahit na gamitin niya lang ang isang daliri. Hawak ni Rain Goodman ang leeg ng puting lobo. Makapal at malapad ang puno kaya kahit na gumalaw siya ng kaunti ay hindi ito makikita ng tatlong nasa harap ng punong kinaroroonan niya apat na metro ang layo. Gamit ang buong lakas niya ay inihagis niya ng malakas sa kaliwa niya ang katawan ng lobo. Dahil sa ginawang pagbato ay lumikha ito ng ingay na parang nahahati ang hangin, pagkatapos nito ay malakas na tunog ang bumulabog sa paligid nang tumama ang katawan ng lobo sa isa pang puno na medyo malayo sa kaniya. Agad namang nakuha ng ingay na ito ang atensyon ng tatlo kaya napatingin sila sa direksyon ng pinagtalsikan ng lobo. Eksakto namang tumingin ang tatlo sa kaliwang banda nila na may kalayuan sa kinaroroonan ni Rain Goodman ay hindi na nag-aksaya pa ng oras ang binata. Tumingin siya sa kanan niya at nakita niya ang isang puno na abot pa niya ang distansiya para sa binabalak gawin. Kinalkula niya ang puwersang dapat pakawalan at nang matapos siya rito, tumalon siya paabante sa punong iyon at siniguradong ang dalawang paa niya ang tatama sa puno. Sa maikling oras na iyon ay nagtagumpay siya sa binabalak na pagdikit ng mga paa niya sa puno. Para siyang palaka na komportableng nakatayo, ang pinagkaiba lang ay ang posisyon niya na nakatagilid. Pero hindi naman na siya tumagal pa sa ganoong sitwasyon, eksaktong pagdikit ng mga paa niya ay agad niya rin itong itinulak paabante para magkaroon ng ekstra na puwersa sa mabilisang pagsugod. Nangyari ang mga ito na nakatuon pa rin ang tingin ng tatlo sa direksyon ng pinaghagisan niya ng lobo. Pero ang ginawa namang pagsipa ni Rain Goodman sa puno ay lumikha ng ingay na nakakuha sa atensiyon ng isa sa kanilang tatlo. Alertong tumingin ang binatang iyon at ang mga mata niyang handang suriin ang pinagmulan ng ingay ay biglang lumaki sa gulat, sa harapan niya kasi ay bumungad ang katawan ng binatang may asul na buhok at mga mata. Nadakma ni Rain ang mukha ng isa sa tatlo at pagtapak ng mga paa niya ay sumubsob ang likod ng dinakma niya sa sahig. Nang maibalanse na ang mga paa sa sahig ay mabilis siyang tumakbo palayo na tila wala lang sa kaniya ang mabigat na bitbit na katawan ng kalaban. Habang tumatakbo ay diniinan niya ang pisil sa mukha ng kalabang hawak niya kaya napabitaw ito sa hawak na espada. "AAAAAAHHH!" Napasigaw sa sakit ang kalaban. Pakiramdam niya ay mababasag ang mga buto ng mukha niya sa napakahigpit na hawak ni Rain Goodman. Huli naman na ang reaksyon ng dalawang kalaban. Masiyadong mabilis ang naging pangyayari at hindi na nila nagawang tulungan pa ang kaibigan nila na dinakma ng binatang may asul na buhok. "Hindi!" Sigaw ng pinuno at mabilis na humabol kay Rain nang mapansing bigla na lang naging hawak ng kalaban ang isa sa mga kasama niya. Sobrang bilis ng mga pangyayari ay naka-reak lang siya dahil sa miserableng sigaw ng kasama na parang iniinda nito ang walang kapantay na sakit. Lumingon si Rain Goodman at nakita niya ang dalawang humahabol sa likod niya. Mas mabilis siya sa mga ito pero dahil may buhat-buhat siya ay bumagal ng kaunti ang bilis niya. Gayunpaman, halos imposible pa ring makahabol sila sa kaniya maliban na lang kung atakihin siya ng bitbit-bitbit na kalaban. "HAAAAA!" Sigaw ni Rain at binilisan pa ang takbo patungo sa isang puno. Nang malapit na siya sa isang puno ay inihagis niya ng malakas ang katawan ng kalaban gamit ang malakas na puwersa niya. PAK! "Guah!" Tumama ng malakas ang likod ng kalaban sa puno at napasuka siya ng dugo, ang mga pulang mata nito ay naging purong puti. Nawalan na ito ng malay, pero binuhat ulit ni Rain ang katawan nito at hinarap ang dalawa. Ngumiti siya na parang demonyo sa harap ng dalawang kalaban, napahinto naman ang dalawa dahil sa ngiting ito. Ibwinelo niya ulit ang kanang braso at inihagis ang katawan ng kalabang walang malay sa kinaroroonan ng dalawa. Agad namang nanlumo ang pinuno nang makita niya ang binabalak gawin ng kalaban nilang ito. "Ikaw!" Galit na sigaw niya pero ang mga mata niya ay hindi mapigilang itago ang takot na nadarama niya. Isa lang ang kamay ng kalaban nila pero nagpapakita ito ng lakas na kahit sila ay hindi kayang pantayan. Napunta sa kasama nilang walang malay ang kanilang atensiyon. Malakas ang kalaban nila, kahit na isa lang ang kamay nito ay ang pisikal na lakas naman nito ay hindi normal. Kapag hindi nila nasalo ang katawan ng kaibigan nila ay baka mamatay ito kapag tumama sa puno o ibang matigas na bagay ang delikadong parte ng katawan nito. "Ako ang sasalo sa kaniya. Ikaw na ang bahala sa kalaban." Suhestiyon ng kasama ng pinuno. Binitawan niya ang kaniyang espada at itinuon ang buong atensiyon sa pagsalo ng katawan ng kasama niya habang inihahanda ang sarili sa pagsalo. Ibinaling naman ng pinuno ang atensiyon niya kay Rain Goodman. Pero bigla na lang nanlaki ang mga mata niya nang mapansing wala na ang kalaban nila sa kanina nitong kinaroroonan. Wala man lang siyang naramdaman o napansin na kakaiba at naglaho na lang na parang bula ang kalaban. Inilibot niya ang kaniyang tingin at masuring tinignan ang bawat paligid, hindi naman na niya binalaan ang kasama tungkol sa pagkawala ng kalaban dahil baka magulo lang ang pokus nito sa binabalak na pagsalo sa walang malay nilang kasama. Tumalon palapit sa walang malay na kasama ang kalaban ni Rain Goodman na nagsabing sasalo sa kasama nila. Una nitong hinawakan ang tiyan ng walang malay na adventurer at inikot-ikot ang sarili para humina ang puwersa nang pagbato rito. Naka-ilang ikot ang tumulong pero mabilis namang humina ang lakas ng puwersa hanggang sa tuluyan niya nang napigilan ang mapanganib na sitwasyon ng kasama. "Mabuti nam--" Nakahinga ng maluwag ang adventurer na sumalo pero bago pa niya matapos ang sasabihin ay nakaramdam na lang ito bigla ng matalim na kutsilyong tumusok sa batok niya. Nanlamig ang buong katawan niya at mabilis siyang nauubusan ng lakas. Matapos maramdaman ang matalim na bagay sa batok na umabot hanggang leeg niya ay may tumama pang katawan sa likod niya na nagpasudsod sa katawan nito sa sahig. "IKAAW!" Galit na tumingin sa direksyon ng kasama niya ang pinuno at nakita niya ang nakadikdik sa sahig na katawan ng kasama niyang may saksak sa batok habang ang kalaban nila ay nakadagan sa likod nito. Itinaas ng pinuno ang espada niya at inihawi ito ng malakas sa direksyon ni Rain Goodman. Bigla namang nagkaroon ng problema sa kutsilyo ang binata kaya hindi agad siya nakaalis sa posisyon habang ang espada ay mabilis na patama sa batok niya. Ginamitan niya pa ng ekstrang lakas ang paghiwa ng espada sa batok ni Rain Goodman para masigurong hinding-hindi na makakatakas ang kasuklam-suklam na kalabang ito, ang kalabang pumatay sa mga kasama niya. Nang dumikit ang talim ng espada niya sa batok ng kasuklam-suklam nilang kalaban na may asul na buhok, nakita niya ang ulo nito na humiwalay sa katawan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD