Chapter 14: To Live!
Sa harapan niya tumalsik ang ulo ng binatang pinugutan niya ng ulo. Ilang pulgada na lang ang distansiya nila at kitang-kita niya ang bawat detalye sa lumipad na ulo ng binata, humarap ito saglit sa direksyon niya at natuklasan niya ang kakaibang ekspresyon sa mukha nito. Nakatingin ng direkta sa mga mata niya ang mga mata nitong parang kita ang buong katauhan niya. Sa hindi niya malamang dahilan ay nakaramdam ng takot ang pinuno at bumalik lang siya sa sarili nang makitang bumagsak na sa sahig ang ulo.
Bumalik siya sa reyalidad at naalala na ang espadang hawak niya ay hindi naman gayon kataas ang kalidad, hindi rin naman ito mababa kaya masasabing ang talim nito ay sapat lang para lumaban sa mga nilalang na kasing taas ng kaniyang antas ng lakas.
'Anong nangyari? Base sa bilis at pisikal na lakas na ipinakita niya kanina ay walang dudang kasing taas ng Rank ko o baka higit pa ang Rank niya. Paano naputol ang ulo niya?' Tanong niya sa sarili habang pinipilit isipin kung paano iyon nangyari. Gayunpaman ay masaya naman siya dahil tapos na ang lahat at kahit ang mga problema na dadalin sa kanila ng talentadong kalaban ay nawakasan na niya.
Habang iniisip ang kakaibang resulta na natamo niya sa ginawang pag-atake ay bigla niyang naisip ang sarili sa loob ng kanilang baryo dala-dala ang ulo ng binatang tumalo sa pinakatalentadong Adventurer ng angkan nila. May mga namatay sa kamay ng kalabang ito at nakita niya sa kaniyang imahinasyon na binalewala ng mga nakatataas ang kaniyang isinagawang misyon na pagtapos sa buhay ng mas nakababatang talentadong kalaban.
Selebrasyon, papuri, pagkilala, karangalan.
Lahat ng ito ay natamo niya sa munting imahinasyon sa oras na bumalik siya sa Blood Village.
"Oras na para bumalik." Sabik niyang sabi at ang espada na nakahawi pa rin sa ere ay hinila na niya para maibalik sa lalagyan na nasa tagiliran niya.
Pero ang mga mata niyang puno ng kaligayahan sa naisip na imahinasyong pangyayari sa baryo ay napalitan ng gulat. Hindi na pala niya hawak ang espada at nakalutang pa rin ito sa eksaktong bahagi ng batok ng kalaban na inatake niya. Bukod pa rito ay napansin niya ring ang bangkay ng kalaban niya ay nakatayo pa rin hanggang ngayon. Agad niyang inilipat ang tingin sa ulong nasa sahig at sa kaniyang pagkabigla ay hindi niya na rin ito makita.
"I-imposible! Paano bumalik ang ulo mo?" Nanlumo ang mukha ng pinuno at ang takot sa puso niya ay tumindi nang makitang bumalik ang ulo ng kalaban. Bumalik din ang ulo nito na seryosong nakatingin sa kaniya.
At ang lalong ikinatakot niya ay ang espada niyang nakadikit sa batok ng binatang inatake niya. Tumutulo ang dugo sa batok na natamaan ng matalim niyang espada ngunit ang sugat na ito ay sobrang liit at halatang mas masakit pa ang sugat na natatamo ng mga batang nadadapa sa kanilang paglalaro.
Sa ngayon, ang ilusyon niya kanina ay mukhang imposible nang mangyari.
"Anong klaseng tao ka?" Nanlulumo pa rin ang mukha na nagbitaw ng salita ang pinuno.
Ang nakalaban pala ni Cleo Blood ay ganito kalakas. Mukha naman itong maraming dinanas na hirap sa buhay. Pero ang edad nito ay kapansin-pansin na parang nasa labing-anim o labing-pitong taong gulang pa lang. Anong sinapit ng binatang ito at ang antas ng lakas niya ay ganito agad kataas? Imposibleng makamit niya ito sa simpleng pagsasanay.
Noon, inakala niyang nandaya o patagong umatake ang kalaban ni Cleo kaya natalo ito. Ngayon, pakiramdam niya ay napaka-suwerte ng kadugo niya at nagawa nitong makatakas sa kamay ng halimaw na ito.
"Wala pala kaming laban simula pa lang nung una. Halimaw ka, pinaglaruan mo kami." Matinding kahihiyan, takot, desperasyon at iba pang emosyon ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay mababaliw siya sa katotohanang nasa harap niya.
Walang kabuhay-buhay siyang tumingin sa bangkay ng mga kasama niya. Isang malinaw na pagpapakita ng kawalan niya ng depensa, subalit wala na siyang pakialam pa kung mamatay siya. Gusto niya lang makita sa mga huling sandali ang dalawa niyang kaibigan, kaibigan na nadamay dahil sa kaniyang kagustuhan na tapusin ang nasa tabi niya. Buhay pa ang isa sa mga kasama niya at wala lang itong malay, subalit naniniwala siyang sasapitin din nito ang sinapit ng nauna niyang kasama, kagaya niya na siguradong susunod na rin sa kabilang buhay.
Sa kaniyang nakita ay kinain ng konsensiya at pagsisisi ang lahat ng emosyon na umaapaw sa loob niya. Dahil sa kaniya ay nasira na ang hinaharap ng mga kaibigan niya, at ang mga pangarap nila ay hinding-hindi na mangyayari.
"Kaya ko na pa lang salagin ang atake ng normal na espada." Tumayo ang binata at kampanteng tumingin sa mata ng kalaban niya na nalulunod sa sariling emosyon. Hindi niya nilabanan ng harapan ang tatlong Adventurer sapagkat walang kasiguraduhan kung makakaya ba talagang tanggapin ng mataas niyang [Vitality] ang talim ng espada, siyempre, mas gugustuhin niyang mag-ingat kaysa magpadalos-dalos.
Kinuha ni Rain Goodman ang espadang nakadikit sa balat niya at lumakad sa walang malay na kalaban. Hindi naman na gumalaw ang pinuno ng mga kalaban para pigilan siya. Isinaksak niya ang espada sa ulo ng kalaban na agad tumapos sa buhay nito. Gusto mang iligtas ng pinuno ang kasama, alam niyang wala rin naman siyang magagawa at gagawin niya lang katatawanan ang sarili sa harap ng kalaban.
Ibinalik niya ang tingin sa nakatulalang pinuno. Nilapitan niya pa ito ng kaunti at itinapat ang matalim na espada sa leeg nito tiyaka nagtanong, "Gusto mo bang mabuhay?"
Nabigla siya sa tinanong ni Rain Goodman. Taimtim niyang iminulat ang mga mata at tumingin sa mukha ng binata. Tumahimik siya saglit na parang nag-iisip at makalipas ang ilang sandali ay nagsalita na siya, "Gusto ko bang mabuhay? May karapatan ba akong mabuhay pagkatapos ng mga nagawa ko?" Napangiti ng mapait ang pinuno at parang natatawa siya sa narinig.
Anong klaseng alok 'yan? Bakit niya gugustuhing mabuhay pa kung ganito ang sinapit ng mga kasama niya dahil sa desisyon niya?
"Bibigyan kita ng pagkakataon, hahayaan kitang mabuhay para makapagpalakas at maipaghiganti mo ang mga kasama mo sa hinaharap." Malamig na paliwanag niya sa pinuno. Kagaya lang ito ng limang Adventurer na nauna niyang nakalaban, wala silang mga pangalan sa laro kaya masasabing sakto lang ang talento at lakas nito, sa madaling salita, hindi ito magiging banta sa kaniya sa hinaharap.
"Ipaghiganti? Sinong niloloko mo? Kahit magkabali-baliktad pa ang mundo-- sandali." Naiinis ang pinuno na sumagot pero sa gitna ng paglalabas niya ng galit ay may naalala siya. Ayaw banggitin ni Cleo Blood kung ano ang totoong katauhan ng nakalaban niya kaya kahit ang mga pamunuan ay hindi kilala ang binatang ito na malaki ang banta para sa kanilang Blood Clan.
"Nangangako kaba bilang Adventurer na hindi mo ako papatayin?" Napagtanto niyang kahit sa makapagbigay lamang ng impormasyon tungkol sa taong ito ay makakatulong na siya ng malaki. Kung siya ang lalaban sa binatang ito, talagang imposibleng manalo siya kahit sa hinaharap, pero paano kung ang malalakas na mga matandang Adventurer ang makalaban ng binatang ito?
"Nangangako ako bilang Adventurer na hindi kita papatayin 'pag ginawa mo ang isang kahilingan ko." Agad na pangako ni Rain Goodman.
Gumaan naman ang loob ng kalaban dahil sa pangangako niya kaya naman pinilit nitong ibinalik sa normal ang sarili upang magawa ang lahat ng makakaya niya para tugunan ang kahilingan ng kalaban.
"Anong gusto mong gawin ko?"
"Ihatid mo ako pabalik sa Niarich Forest. Alam kong malapit na ako sa gubat namin pero mas mapapadali pa rin kung ikaw mismo ang magdadala sa'kin palabas dito sa Blood Forest." Paliwanag ng kalaban na sobrang ikinagulat nito. Sa maikling panahon na lumipas ay napagtanto niyang ang malakas na binatang ito ay isa pa lang mainitin na handang habulin ang kalaban kahit na hindi nito alam ang mga pasikot-sikot sa paligid.
"Sigurado kang kailangan lang kitang ihatid pabalik sa Niarich Forest?" Paniniguro niya. Masiyado itong madali, inaasahan niya na malalagay sa panganib ang buhay niya at magdurusa muna bago matamo ang kahilingan ng Adventurer na kaharap niya.
Tumango lang si Rain bilang sagot sa kalaban.
"Sige, ihahatid kita palabas ng Blood Forest."
Lumakad sa harap ni Rain ang kalaban at sinimulan na nga nilang tahakin ang daan palabas. Para sa kaniya ay magbebenepisyo rin sila dahil mawawala ang halimaw na 'to sa Blood Forest, kaya hindi malalagay ang buhay ng mga batang Adventurer sa kalaban. Bumalik sila sa isang daan kung saan nanggaling ang binata noong una, mabilis na lumipas ang oras at bigla niya na lang namalayan na ang mga puno sa paligid ay mas makulay na ng kaunti kumpara sa mga puno ng Blood Forest. At nang makarating sila rito ay natuklasan niyang nasa teritoryo sila ng mga Wild Wolf.
"Nandito na tayo sa Niarich Forest. Tinapos ko na ang parte ko at bilang magiting na Adventurer, naniniwala naman ako na tutuparin mo ang iyong ipinangako. Maaari naman na akong umalis, 'di ba?" Tanong ng pinuno sa kaniya.
Pinagmasdan muna saglit ni Rain Goodman ang mga puno sa paligid at nakumpirma niyang narito na nga sila sa teritoryo ng mga Wild Wolf. Pamilyar na siya sa paligid at sigurado na ang kaniyang kaligtasan sa mga panganib. Sa huli, ibinalik niya ang tingin sa pinuno ng mga kalaban at tumango siya rito bilang tugon.
"Kung gayon, mauuna na ako." Yumuko ng kaunti ang pinuno para magbigay ng galang sa pagtupad ni Rain Goodman sa kahilingan nito. Pero sa puso niya ay ang masamang binabalak.
'Humanda ka sa oras na makabalik ako sa baryo. Sisiguraduhin kong ang mga nakatataas ang tatapos sa'yo.' isip niya at tumalikod na sa binatang may asul na buhok at mga mata. Tinandaan niya rin ang lahat ng detalye sa katawan nito upang masiguro na mabibigay niya sa mas malinaw na paraan ang pigura nito.
Pero eksaktong tumalikod siya ay nakarinig siya ng hangin na parang hinihiwa ng matalim na bagay.
SWISH!
Ang paningin niya ay biglang nabago kahit na nakatayo naman siya ng diretso. Umikot-ikot ang ulo niya sa ere at sa pag-ikot nito ay nakita niya ang katawan niyang walang ulo at tuloy-tuloy ang pagtulo ng dugo sa leeg niya, at bago pa tuluyang bumagsak ang ulo niya ay nakita niya rin ang mukha ng binatang may asul na buhok sa likod ng katawan niya, nakatingin ito sa kaniya gamit ang mga mata nitong parang yelo sa lamig.
At bago pa dumilim ang paligid ay nakita niya ang bibig nito na bumuka at parang may sinasabi. Subalit hindi niya na ito narinig.
"Sinubukan mo akong patayin, sa tingin mo ba talaga ay hahayaan na lang kitang mabuhay?"
Masiyadong mapanganib para sa kaniya kung papakawalan niya ang kalabang ito. Siguradong kapag nalaman ng pamunuan ng Blood Village na ganito agad siya kalakas, iisipin nila na ang talento niya ay walang kapantay kaya gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para patayin siya ng patago. Kahit na makaligtas pa siya sa mga ipapadalang assassin ng Blood Clan, magugulo naman ang oras niya para magpalakas na magreresulta sa kamatayan niya sa hinaharap.
Ang pangako na nakataya ang karangalan niya bilang Adventurer ay walang halaga sa kaniya.
Anong magagawa sa kaniya ng titulo bilang isang marangal na Adventurer?
Ang kailangan niya ay ang makaligtas at makahanap ng paraan para bumalik sa dati niyang mundo, wala siyang pakialam kung makita siya ng iba bilang kahiya-hiyang Adventurer. Pero siyempre, kagaya sa mga kalaban ay may limitasyon pa rin siya, kapag sumobra na ang iba sa mga panglalait nila ay gagalaw at gagalaw siya para parusahan sila.