Chapter 15

2039 Words
Chapter 15: Animosity! Tatlumpong minuto ang lumipas nang tuluyan na siyang makabalik sa Potara Village. Bagsak ang mga balikat niya at ang tingin niya ay nasa lupa nang pumasok siya sa baryo, halata rin sa kaniyang kilos na pilit niyang itinatago ang kalahati ng kaliwang braso niya na may bakas pa ng tatlong kalmot. Iba't ibang usapan ang naririnig niya sa mga taong nakakasalubong niya, ang iba ay nakataas pa ang mga kilay habang ang mga mata nilang gulat na gulat ay hindi makapaniwala. Dumiretso agad siya sa maliit na bahay niya at sa pagpasok ay nalaman niyang ang kama, aparador, salamin, at ang lahat ng nasa bahay niya ay malinis at maayos. Ang sahig din na dapat may mga buhangin o ibang dumi ay hindi makikitaan ng kahit anong dumi na inaasahan niya. "Ganito ba talaga kalinis ang mga gamit ko noon?" Tanong niya sa sarili. Malilim na ang paligid nang pumasok siya sa baryo. Sa tingin niya kanina ay hapon pa lang at may mga bagay pa siyang dapat isipin para sa mga susunod na aksyon niya. Pero sa pangalawang pagkakataon na tumingin siya sa kaniyang higaan ay bigla na lang siyang nakaramdam ng antok, wala siyang pakialam na tumalon pahiga rito at tumama ang mukha niya sa malambot na unan. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at inisip ang naging buhay niya sa mapanganib na Blood Forest. Pakiramdam niya ay napakasuwerte niya ngayong nakakahiga na siya sa malambot at komportableng higaan. Sa pananatili niya ng pitong araw sa Blood Forest ay hindi maayos ang mga tulog niya. Dapat ay lagi siyang guwardiyado sa bawat pagtulog niya kaya tuwing may nadarama siya o naririnig na kakaibang bagay ay nagigising siya sa kaba. Natatakot na baka isa sa mga nakatatandang Adventurer ng Blood Clan ang nasa paligid. Isa pa, may mga oras na ang gubat ay maingay tuwing may mga halimaw ang naglalaban. Bukod sa ingay, ang mga Bloody Tiger ay mautak at minsan ay nakakahanap sila ng paraan upang maabot siya sa sanga na pinagtutulugan, subalit ang kaniyang pisikal na katawan ay ibang level na at kahit ang matatalim na pangil o kuko ng mga halimaw ay wala nang epekto. Ang nakadapa niyang mukha sa unan ay gumalaw at umikot siya para makahiga ng normal. Tinignan niya ang orasan at napatango sa tuwa nang makitang alas singko pa lang ng hapon. Masaya niyang inalis ang tingin sa orasan, mahaba-haba ang pahinga niya kapag natulog na siya. Pero ang masaya niyang ekspresyon sa mukha ay sumingkit ng kaunti nang makitang hindi pa pala nakasarado ng tuluyan ang pintuan. Bumuntong hininga siya na nakatingin pa rin sa pintuan. Pinag-iisipan kung babangon paba siya para isara ito o magpapakasasa sa komportableng higaan na ngayon niya na lang ulit nadama. "Pati ba naman sa mundong ito ay nandito pa rin ang problema na 'to." Bumuntong hininga ulit siya at pilit na inuutusan ang sarili para bumangon. Pero sa kabilang banda ay naiisip niyang mawawala ang antok niya sa oras na bumangon siya upang isara ang pinto, at ang resulta ng paglalaban ng dalawang aksyon ay nanatili siyang nakahiga na hindi pa rin alam ang pipiliin. Sa paglipas ng hindi niya malamang oras ay unti-unti na ngang nauubusan ng lakas sa pagmulat ang mga mata niya. At sa isang iglap, ang mga mata niya ay sinakop na ng kadiliman. Pero bigla ulit bumukas ang mga mata niya na halatang pagod na pagod na, at sa mga oras na ito ay sa wakas, nakuha niya na ang determinasyong bumangon sa higaan para isara ang pinto. Pagpindot niya sa pihitan ng pinto ay naisara niya na nga ang pintuan. Pakiramdam na nawawala na ang antok niya ay tumalon na siya sa kama niya na nakadapa ulit ang posisyon. Sumakto naman ang taas ng talon niya at kagaya kanina ay bumagsak ang mukha niya sa malambot na unan. Ipinikit niya ang mga mata niya at wala pang isang minuto ang lumipas ay tuluyan na nga siyang nakatulog. Walang mga halimaw na aatake sa kaniya, walang malamig na hanging tumatama sa katawan niya, walang matigas na sandalan, walang kinatatakutan na anumang oras ay maaaring nasa paligid na ang isa sa mga makapangyarihang Adventurer ng Blood Clan. Ito ang tulog na hinahangad niya, tulog na talagang makakapagpahinga siya. .... Habang mahimbing na natutulog si Rain Goodman ay parang nagngangalit na apoy ang pagkalat ng balita tungkol sa kaniyang pagbabalik. Siya ang sentro ng usapan ngayong araw dahil sa kaniyang kasikatan, kasikatan bilang isang basura at duwag na Adventurer. Mayroon ding ibang mamamayan ng Potara Village ang nakakilala kay Rain Goodman dahil sa libingan na isinagawa ng apat na talentadong batang Adventurer. Pero hindi na ang pagiging basura nito ang kanilang pinag-uusapan. Puno ng diskusyon ang mga kabataan tungkol sa sinapit ng kaliwang braso nito, malinaw naman sa kanila na ang mawalan ng kalahati ng braso ay talagang napakasakit at may posibilidad pa na mamatay sila sa dami ng p'wedeng mawalang dugo. Hindi lang ito, natuklasan din ng mga kabataan na may bakas ng tatlong kalmot ang naiwang parte sa kaliwang braso ni Rain Goodman, at pumasok sila sa konklusyon na ang pinagmulan ng kalmot ang pumutol sa braso nito. Ang nag-iidang katanungan na namuo sa kanilang mga Adventurer na nasa henerasyon ni Rain Goodman ay: "Kung kakayanin ba nilang lumaban sa sitwasyon na nasa harap nila ang kamatayan." At ang sagot ay bumabakas sa mukha nila, takot. Patunay na hindi nila kakayaning mabuhay sa harap ng isang halimaw na pumutol sa braso nila. Kaya naman sa kanilang nalaman ay may ibang kabataan ang patagong humanga sa tibay ng loob ni Rain Goodman, habang ang karamihan naman ay mas lumaki pa ang galit sa binata dahil pakiramdam nila ay mas mababa pa sila sa basurang ito, bagay na hinding-hindi tatanggapin ng marami. Nang dumating naman ang balitang ito sa grupo ni Grim Crow ay hindi rin nila mapigilang magulat. Isang linggo nang nawawala si Rain Goodman sa gubat, kahit sinong matinong tao ay alam na napakahirap mabuhay sa gubat na puno ng mga halimaw. At natiis nito ang mamuhay roon ng isang linggo. Tatlong oras na ang lumipas simula nang makabalik si Rain Goodman sa bahay niya. Ang apat na sina Grim Crow, Aura Scarlet, Axel Crimson at Soren Orlando ay nasa tapat ng bintana ng bahay niya. Nakatingin lang sila sa isang bintana kung saan kita nila ang maliit na tanawin ng binatang natutulog ng mahimbing sa kama. "Totoo ngang wala na ang kaliwang kamay niya." Gulat na wika ni Grim Crow. Kung siya ang malalagay sa sitwasyon ni Rain ay hindi niya alam kung magagawa niya bang tiisin ang naranasan ng kasama niya. "Buhay nga siya. Mabuti naman." Napabuntong hininga si Aura Scarlet. Kumpirmado ngang buhay na si Rain Goodman at ang sikip sa dibdib niya ay unti-unting naglaho. Ilang araw na siyang nakokonsensiya at naaawa sa inakalang malagim na sinapit ng binata, umabot pa nga sa puntong hanggang ngayong araw ay hindi siya makapagpokus sa mga inaaral niya. May araw din nitong nakaraang linggo na nilamon siya ng matinding galit, sa galit niya ay gumanti siya kay Krain. Tuwing iniisip niya ang mga panghahamak na sinapit ni Rain Goodman sa kamay ni Krain ay hindi niya mapigilang magalit at makonsensiya. Galit dahil sa mga ginawa ni Krain at konsensiya dahil sa sinundo niya pa ang binata para dumalo sa pagpupulong. Sinisisi niya ang sarili na kundi niya sana pinuntahan ang binata, hindi sana mangyayari ang lahat. Pero ang galit niya ay nanaig ng isang beses at ang resulta ay ang pag-ganti niya kay Krain. Madali namang mapagdudugtong-dugtong ang mga kaganapang nangyari, dahil sa kahihiyan na natamo ni Rain Goodman ay nagtungo ito sa gubat na puno ng galit ang puso. Marahil ay gusto niyang lumakas sa pamamagitan ng pagpaslang ng mga halimaw at sa kasamaang palad ay siya ang napuruhan. Hindi maikakaila na nagmula sa mayamang pamilya si Krain. Dapat ay walang makakagalaw sa kaniya ng basta-basta. Pero ang isa sa apat na may kinikimkim na galit sa kaniya ay estudyante ng isa sa mga Elder, taong higit na mas makapangyarihan sa buong pamilya niya. Ang pamunuan ng Adventurer's Guild ay natural lang na pumanig sa grupo ni Aura Scarlet. Bukod sa pagiging protektado nila ng Elder Devil, alam naman ng lahat na ang apat ay talentado at mas maliwanag ang kanilang hinaharap bilang Adventurer. Dahil sa mga ito, walang ibang nagawa si Krain at ang pamilya niya nang gumanti ang babae. Sa huli, ang binata pa ang humingi ng paumanhin para pahupain ang galit sa puso ni Aura Scarlet. "Bumalik na lang tayo bukas. Hayaan muna natin siyang magpahinga." Suhestiyon ni Grim Crow sa tatlo niyang kasama. Tumango lang ang tatlo bilang tugon sa sinabi ng binata. Pumunta lang naman sila rito upang kumpirmahin na buhay nga talaga si Rain Goodman, at ang hangarin nila ay natugunan na nila kaya masaya na sila. Habang nakatingin si Aura Scarlet sa natutulog na pigura ni Rain Goodman ay nakatingin naman sa kaniya si Axel Crimson na may ngiti sa labi. Kagaya ng babae ay gumaan na rin ang pakiramdam nito, ang takot sa puso niya ay nabawasan. Sisiguraduhin niyang sa mga susunod na pagsasanay ay magdo-doble sikap siya para maprotektahan ang mga kasama. .... Sa gitna ng madaling araw ay naudlot ang mahimbing na tulog ng binata. Nakarinig siya ng mensahe sa ulo niya at kahit na inaantok pa ang mga mata niya ay umukit ang gulat sa mga ito, kasunod ng gulat ay ang namuong mga butil ng pawis sa noo niya. "Nagalit na yata sila ng tuluyan sa'kin. Hindi, talagang galit na sila. Ang ganitong [Achievement] ay matatanggap lang 'pag ang buong baryo na nila ang nagalit sa'kin. Ito naba ang simula ng kanilang pagpapadala ng mga assassin? Pero kilala ko ang katauhan ni Cleo Blood, naniniwala akong matalino siya at mapagmataas. Hindi siya papayag na tapusin ako ng mga nakatataas dahil hindi niya makakamit ang paghihiganti." Tumanggap siya ng [Achievement] kaya natural lang na makakuha rin siya ng [Points]. Kung tutuusin ay malaki pa nga ang nakuha niya. Pero malinaw sa ekspresyon niya na hindi siya masaya sa natanggap. Dahil kasama ng karangalang ito ay ang matinding panganib. ------------------------------------------------------ Achievement: Blood Clan's Animosity. Reward: 50 Points ------------------------------------------------------ "Sana ay kagaya pa rin siya ng Cleo Blood na pamilyar ako. Kapag nalaman ng pamunuan ng Blood Clan ang tunay kong katauhan ay walang dudang magpapadala sila ng mga assassin." Kinakabahan niyang sabi at hinihiling sa puso niya na hindi sana malaman ng iba ang katauhan niya. Napansin niya rin sa huling laban na ang pinuno ng tatlong Adventurer sa Blood Clan na nakasagupa niya ay mukhang boluntaryong pumunta sa gubat para sa paghahangad na matagpuan siya at mapatay. Pamilyar siya sa panuntunan ng mundong ito, mas matanda sa kaniya ang mga nakalaban at noong huli, nakita niya sa mga mata ng pinuno ang lungkot, lungkot na hindi lang dahil sa nawalan siya ng kaibigan. Lungkot ito na para bang nakokonsensiya siya sa kaniyang ginawa, isa sa mga proweba na tama ang hinala niyang boluntaryo silang pumunta sa gubat. Isa pa, ang reaksyon ng Adventurer na dinakma niya ang mukha. Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mga mata nito kung siya ba talaga ang hinahanap nila. Pero dahil sa mga mata at buhok niyang kakaiba ay parang doon lang nito napagtanto na siya nga talaga ang puntirya nila, ibig sabihin ay wala silang ideya sa hitsura niya. Kakalabas niya lang sa mapanganib na Blood Forest at mukhang magkakaroon na naman ng panibagong panganib na ilang beses pang mas matindi sa pinagdaanan niya. Alam niya na ang tao ay mas mahirap kalaban kaysa sa mga halimaw. Matalino ang tao, at kung may patagong papatay sa kaniya gamit ang paraan ng panlalason o iba pang paraan na wala siyang kaalaman ay mamamatay siya ng walang nagagawa. Basta sa ngayon ay may dalawang senaryo ang posibleng nangyayari sa Blood Clan. Una ay natuklasan nila ang katauhan niya at sa nalaman ay sumabog ang galit nila. Pangalawa naman ay wala pa rin silang kaalaman sa kaniyang katauhan at lumaki lang ang galit nila dahil sa panibagong grupo ng mga Adventurer nila ang tinapos niya. Subalit kahit na ano pa man sa mga ito ang tama, kailangan niya pa ring mag-ingat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD