Chapter 16

2248 Words
Chapter 16: For the future! Nang matanggap niya ang mensahe ng system ay pinilit niya ang sariling makatulog. Bumalik siya sa paghiga at ipinikit niya ang kaniyang mga mata, isinantabi na muna ang panganib na maaaring tumama sa kaniya. Subalit sa walang katapusang kadiliman ng kaniyang pagpikit ay nakita niya ang sarili niya na nakatayo at hinahabol ng mga nakatatanda. Binuksan niya ulit ang mga mata niya at tensiyonadong umupo sa kama. Tulala siyang nakatingin sa dingding at iniisip ang kaniyang problema. Ilang sandali pa ang makalipas ay tumayo na siya at lumakad palapit sa harapan ng salamin, tinignan niya ang mukha niya at nagwika, "Mapagmataas si Cleo Blood. Imposibleng ilahad niya ang tunay kong katauhan sa mga nakatataas. Kaya bakit ako kinakabahan? Masiyado namang maliit ang tiyansa na alam na nila ang identidad ko. Matulog kana at magpahinga muna." Pagpapakalma niya sa sarili at bumalik na ulit sa higaan niya para matulog. .... Ilang oras pa lang ang lumipas nang magising si Rain Goodman kaninang madaling araw at nagising na naman siya. Pero ngayon, nagising siya dahil sa mga presensiyang nararamdaman niya sa labas ng tahanan niya. Lumakas na ang pakiramdam niya at hindi na mahirap damahin ang mga nasa paligid niya, idagdag pa ang pagiging mas mahina nila ay talagang walang kawala sa pandama niya ang mga ito. Humihikab siyang bumangon sa kama niya. Umupo muna siya saglit at ipinahinga ang mga mata niya ng ilang minuto bago nagtungo sa kaniyang palikuran upang linisan ang sarili. Matagal na siyang nanatili sa Blood Forest at ang katawan niya ay isang linggong hindi nalinisan ng maayos kaya naman nangangamoy siya ng kaunti. Isa pa, ang mga dugong natuyo sa katawan niya ay talagang hindi kaaya-aya ang amoy, nasanay lang siya rito dahil sa isang linggong iyon ay nangibabaw sa alalahanin niya ang panganib na kinakaharap ng buhay niya. Sa paglipas ng limang minutong nasa loob siya ng palikuran ay lumabas na nga ulit siya. Dumiretso siya sa aparador at kumuha ng damit na susuutin. Tinignan niya ang mukha sa salamin at nang malamang maayos naman na ang mukha niya, pinalitan niya ito ng malungkot na ekspresyon na may kaunting takot. Suot ang pekeng ekspresyon sa mukha niya ay lumakad na siya papuntang pintuan upang pagbuksan ang apat na presensya sa labas na medyo pamilyar siya. Pagbukas niya ay tumumbad sa harapan niya ang malamig na mukha ni Grim Crow, malamig man ito ay may hangin naman sa paligid nito ang nagbibigay pakiramdam sa kaniya na malumanay ang tingin nito. Isa-isa namang nagpakita ng mga mukha nila ang tatlo sa likod ng kaharap. "Magandang umaga, Rain. Puwede ba kaming pumasok?" Nakangiting tanong ni Grim. "Pumasok kayo." Malungkot namang sagot ng binata. Pagpasok ng apat ay una nilang napansin ang may kabahuang amoy ng dugo. Patago silang sumilip sa higaan at nakita nila ang ilang bakas ng dumi sa higaan na pinanggagalingan ng amoy. Madalas nililinis ni Aura Scarlet ang higaan ni Rain dahil naniniwala siyang hindi pa patay ang binata, kaya naman alam nilang dapat ay malinis ang tahanan niya. Nang mapagtanto naman nila ang dahilan ng amoy ay sinarili na lang nila ito at hindi na ipinahalatang may kakaibang amoy sa paligid. Naiintindihan naman nilang dahil kahapon lang ito nakauwi ay hindi niya napigilan ang malambot na higaan ng kama at dumiretso para matulog. Umupo si Rain sa kama niya at nakayuko ang ulo niya. Tila hindi maitago ang kahihiyang sinapit niya sa ginawang pagpunta sa gubat. Alam naman na niya na nalaman na ng lahat na nagtungo siya sa gubat noong araw na lumabas siya sa silid pagpupulong. Tuwing pumupunta kasi siya sa Niarich Forest ay pinipilit niyang itago ang sarili at walang makakasalubong kaya tuwing nagtutungo siya ay walang masiyadong nakaka-alam nito, ang problema nga lang ay 'pag may naghanap sa kaniya sa tahanan niya at hindi niya nasipot ang mga ito kagaya nang nangyari kay Aura noong una ay maaari itong lumikha ng problema. "Rain, anong nangyari sa'yo?" Paninimula ni Grim. Napag-usapan na rin naman na nilang siya muna ang kakausap dito para makakuha sila ng mga impormasyon. "Pumunta ako sa Niarich Forest para sana magpalakas." Walang ganang sagot ni Rain Goodman. Matapos itong sabihin ay biglang nanginig ang braso at mga binti niya na wari'y may naalala siyang bagay na talagang kinakatakutan niya. Mas iniyuko niya pa ang ulo niya na sumisimbolo sa reaksyon niyang mas nahihiya sa kahangalang ginawa noon. "Anong nangyari? Bakit ngayon ka lang nakabalik dito?" "H-hindi ko alam. Pumunta ako sa gubat pero wala akong nakikitang mga baboy ramo at lobo kagaya ng mga naririnig ko. Tapos, bigla na lang may sumulpot na itim na tigre na kumagat sa kaliwang braso ko." Kapansin-pansin ang pagnginig ng panga niya habang nagsasalita. Hindi na rin niya napigilang humawak sa kabilang braso niya nang sabihin ang tungkol sa itim na tigreng kumagat sa braso niya na para bang sariwa pa sa kaniya ang nangyari. "Ang mga Black Tiger? Hindi ba masiyadong malalakas ang mga halimaw na 'yon? Paano ka nakaligtas?" Agad na tanong ni Grim. Seryoso niyang pinagmamasdan ang bawat galaw ng katawan ni Rain Goodman at sigurado siyang hindi niya palalagpasin ang kahit anong detalye na malalaman. "May isa pang sumulpot na halimaw. May umatakeng itim na tigre sa kumagat sa'kin at dahil sa atakeng iyon, nahila ng kumagat ang kaliwang kamay ko at ang mga kuko nitong nakatusok sa balat ko ay dumiin. Sa sobrang sakit ay nakita ko na lang na tuloy-tuloy na pala ang agos ng dugo sa kalahati ng braso ko." Ani niya. "Tumakbo ako ng tumakbo nang mabitawan ako ng itim na tigre. Naririnig ko ang mga nakakatakot na naglalakasang ungol ng dalawang halimaw habang naglalaban kaya hindi ko namalayan kung saang direksyon ako napunta hanggang sa napansin ko na lang na ang mga puno sa paligid ay mas umitim. Nang makita kong walang halimaw sa paligid ko ay sumandal ako sa likod ng medyo tagong puno hanggang sa bigla na lang dumilim ang paningin ko." Dagdag pa niya. "Mas maitim na mga puno? Ang lugar na iyon ay sakop ng Blood Forest? Teritoryo ng kalaban ang Blood Forest." Bumilog ng kaunti ang mga mata ni Grim pero sa sobrang liit nito ay hindi ito ganoon kadaling mapansin. 'Siya nga kaya ang nakaharap ni Cleo Blood?' isip ni Grim. Nagdadalawang isip na siya kung may tinatago ba talagang kakaiba si Rain Goodman sa kanila. "Sandali. Nabalitaan mo naba na may nakalaban ang talentadong si Cleo ng Blood Clan? Ayon sa mga balitang ipinadala ng mga ispiya, may binatang Adventurer na nanggaling sa Potara Village ang nakalaban niya na nakapaglagay sa kaniya sa miserableng kalagayan na sinapit." Sabat naman ni Aura. "Cleo Blood? Blood Forest?" Tumango si Rain at tinignan si Aura na puno ng pagtataka ang ekspresyon sa kaniyang narinig. Sa loob naman niya ay masaya siya, sapagkat nalaman niyang mukhang wala nga talagang nakakaalam na siya ang nakalaban ni Cleo Blood. "Tama, si Cleo Blood ang pinakatalentadong Adventurer ng Blood Village. Ang Blood Forest na napuntahan mo ay teritoryo nila at maituturing na mortal na kaaway ng Potara Village ang Blood Village." Paliwanag naman ni Grim Crow. Dahil hawak sila ni Elder Devil ay natural lang na mas malawak ang kaalaman nila kumpara sa iba. Gayunpaman, ang impormasyon na ito ay halos alam na ng lahat dahil matagal na ring magkatunggali ang Potara Village at Blood Village. "Wala naman akong ibang mga nakalaban. Ang mga nakalaban ko lang noong nasa gubat ako na napapalibutan ng mga punong mas maitim ng kaunti ay ang mga baboy ramo na kulay dugo. Sa loob ng mga araw na iyon ay roon ako nanirahan habang hinahanap ang daan pabalik dito, napilitan din akong lumaban at kainin ang mga halimaw na napapatay ko." Paliwanag niya sa kanila. "Nakapatay kana ng mga halimaw?" Pinagmasdang maigi ni Grim ang naguguluhan na may kaunting takot na ekspresyon ni Rain matapos itong tanungin. "Oo. Nakarami rin ako. Bawat patay ko ay dumadagdag ang nasa baba ng status ko na [EXP]. Tatlong beses tumaas ang antas ng lakas ko kaya ang level ng rank ko ay naging [Body Strengthening 4]." Sagot niya na pilit ginagawang inosente ang mukha. Napansin niya ang mga titig ni Grim na animo'y mapapansin at mapapansin nito kapag nagsinungaling siya kaya nakaramdam siya ng kaunting presyur sa loob niya. Hinding-hindi puwedeng malaman ng iba ang totoong antas ng lakas niya. "Body Strengthening 4 kana? Mabuti naman at napataas mo na ang antas ng lakas mo." Masayang bati ni Axel Crimson kay Rain. Napabuntong hininga pa nga ito matapos batiin si Rain. "O-oo nga pala. Maaari bang sa'tin na lang ang sinabi kong ito? Gusto kong magpalakas ng patago at su-surpresahin ko ang Adventurer na iyon na humamak at namahiya sa'kin." Sumeryoso at napalitan ng inis ang mga inosente niyang mukha. Ang mga kamay niya rin ay napakuyom na sumesenyales sa kaniyang nararamdamang galit. "Dahil sa kaniya ay nagdusa ako sa gubat na 'yon. Sisiguraduhin kong doble ang ibabalik ko sa ginawa niyang pamamahiya sa'kin." "Rain, susuportahan ka namin sa binabalak mo. Gusto mo bang sumama sa'min? Sumama ka sa'min para maging maayos ang pagtaas ng level ng rank mo. At higit pa roon ay matuturuan ka rin ni Elder Devil sa mga Martial Arts hangga't wala kapang skill." Panghihikayat ni Grim Crow. Kapag malapit siya kay Rain at mas nakilala ito ay mas masisiguro niya kung totoo bang walang itinatagong sikreto ang binata na napuwersa pa itong lumayo at piliing mamuhay ng mag-isa. Sa hindi niya malamang dahilan ay wala siyang tiwala kay Rain Goodman. Kahit nga ang mga kilos nito na talaga namang nakaka-awa at nakakalitong basahin ay nagsususpetya rin siya kung tunay ba ang mga ito. Hindi rin siya papayag na sa hinaharap, 'pag sinimulan na nilang humanap ng mga kasagutan sa nangyayari sa kanila ay may isa sa kanila na hindi niya kayang pagkatiwalaan. "Pasensiya na. Wala talaga akong balak sumama sa inyo. Mas gusto kong hasain ang sarili ko sa pagpatay ng mga halimaw, tiyaka, nasanay na rin ako sa buhay na iyon. Ayoko namang sayangin ang mga paghihirap ko sa sinasabi niyong Blood Forest." Tanggi ni Rain kay Grim. Tumingin pa siya sa mata nito at ipinakita ang kaliwang braso niya na kalahati na lang ang natitira bago muling nagwika, "Ito pang kaliwang kamay ko. Sa tingin ko ay mas mahihirapan lang akong umaral ng mga Martial Arts o kung ano mang skill o Technique na itinuturo sa inyo ni Elder Devil. Mas maigi kung papalakasin ko ang sarili ko gamit ang pagpapataas ng level ng rank." Dismayado ang apat sa kanilang narinig. Sa kanilang apat ay pinaka-apektado si Aura Scarlet. Para sa kaniya ay mahalaga si Rain Goodman kagaya ng mga kaibigan niya, at naranasan na niya ang sakit na mawalan ng kaibigan noong inakala niyang namatay ang binata. Bakas sa mukha niya ang hindi pagsang-ayon sa sinabi ni Rain, subalit hindi niya magawang magsalita nang makita niya kanina ang determinasyon nitong bumawi kay Krain. Kinakabahan na baka mawala pa ang determinasyon nito na magpapalakas dito. Bumuntong hininga si Grim Crow at tumingin din sa mga mata ni Rain, "May punto ka nga. Pero kung sa hinaharap, magbago ang isip mo ay sabihan mo lang kami. Kung maghihiganti ka naman ay p'wede kang lumapit sa'min para masigurong hindi gaganti patago ang pamilya niya." "Sige na, maiwan kana muna namin at mukhang kailangan mo pang magpahinga." Pagpapatuloy ni Grim Crow dahil napansin niya rin ang antok sa mga mata ng binata. Magsasalita sana si Aura sa likod para sumalungat sa desisyon niya pero pinigilan niya ito gamit ang mga palad niyang sumesenyales sa paghinto. Tumango si Rain Goodman at tumayo. Hinatid niya palabas ng bahay ang apat. Pero bago sila lumabas, humingi ang binata ng pabor kay Grim tungkol sa kakailanganin niyang maraming pagkain. Binanggit niya na pupunta siya sa gubat para magpalakas ulit, pipigilan na sana ni Grim ang binata pero hindi niya rin ito itinuloy nang makita ang mga mata nitong puno ng determinasyon. Sa huli, pumayag na lang siya na magdala ng maraming pagkain, para sa kanilang apat kasi ay walang problema kahit na sandamakmak na pagkain pa ang hingin nila. .... Nang makabalik si Rain sa loob ng bahay niya ay isinara niya ang bintana at siniguradong nakasarado ito ng maigi. Kahit ang pintuan ay ini-lock niya. Umupo siya sa upuan at huminga ng malalim habang nakatingin sa pader na tila nalulunod siya sa kaniyang iniisip. "Dapat bukas ay makuha ko na ang mga skill sa [Event Shop]. At 'pag nakuha ko na ang mga kailangan ko ay babalik agad ako sa Blood Clan. Buo na ang desisyon ko, kailangan kong sumugal para pigilan ang trahedyang babagsak sa'min." Nanghihinayang siya sa isang linggong nasayang niya. Binabalak niyang ihanda ang sarili sa loob ng pitong araw na iyon. Pero ang maganda naman sa pitong araw na iyon ay mas bumilis ang paglakas niya at ang mga [Points] na natanggap niya ay mas malaki sa inaasahan niya. Ang masama naman sa pangyayaring ito ay posibleng matukoy ng iba ang katotohanang malakas pala talaga siya hindi kagaya ng imaheng inaakala ng mga nakatira sa Potara Village. Sinampal-sampal niya ng mahina ang magkabilang pisngi para mabawasan ang tensiyon at kabang nararamdaman sa naiisip na plano. Ang isipin pa lang na pupunta siya ng patago sa Blood Clan ay talagang nakakapangilabot na. Lalo na't alam niya pa naman na ang mga nakatira roon ay hindi magdadalawang isip na pumatay ng kagaya niyang galing sa baryong mortal na kalaban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD