Chapter 45

1087 Words
Chapter 45: Realization. Sa kanilang paghahanap ng mga proweba para mapatunayan ang hinala ni Grim Crow na isa sa kanila ang pumatay sa dalawang kapwa nila estudyante ni Elder Devil ay nakaramdam ng pagod si Rain Goodman. Hindi niya maintindihan ang kaniyang sariili, kaninang kasama niya ang binata sa gubat ay may kakaibang bagay na hindi maipaliwanag ang kumokonsumo sa enerhiya niya. Marahil ay napagod ang katawan niya sa paghahanap ng mga proweba? O kaya naman napagod ang mentalidad niya? Pero imposibleng mapagod siya sa gubat na iyon, ang naranasan niya sa Blood Forest ay higit na mas mapanganib at nakakapagod, at hindi naman ganito katindi ang resulta sa kaniya. Nang makapagdesisyon siyang magpahinga na at humiga sa kama ay may naalala naman siyang isang bagay. Bagay na nagpanatiling gising sa kaniya hanggang madaling araw, inisip niya ng inisip at ginawa niya rin ang lahat ng makakaya niya pero wala talagang pumapasok sa isip niya. Tahimik siyang tumayo sa higaan at tumingala para tignan ang oras sa taas. Ang depresyon sa mukha niya ay lumala nang matuklasang ang kasalukuyang oras ay malapit nang maging alas-kuwatro ng madaling araw, ibig sabihin ay ilang oras na lang ang tulog niya bago pumunta sa gubat at ituloy ang paghahanap ng ebidensiya. Kung makakatulog pa siya, sa bumabagabag na katanungan sa isipan niya ay naiintindihan niyang hindi siya makakatulog hangga't hindi naaalala ang sagot. Bumuntong hininga ang binata at lumakad sa harap ng bintana. Tumingin siya sa tahimik na daan sa labas ng bahay niya kung saan siya eksaktong nakatingin noong unang araw na napunta siya sa mundong ito. Noong unang beses na tumingin siya sa labas ng bintanang ito ay gumuhit ang matinding gulat sa mukha niya at ang takot sa puso niya ay halos lamunin na siya. Pero ngayong nakatingin ulit siya sa bintana, ang mukha niya ay puno ng panlulumo at ang mga mata niyang parang dagat na may mga mapayapang alon ay magulo na. Iba-iba na ang direksyon ng mga alon sa mala-dagat niyang mata na sumesenyales sa estado ng pag-iisip niya. "Bakit hindi ko na maalala ang tunay kong pangalan? Anong nangyayari?" Tanong niya sa sarili. Nanginginig ang mga kamay niya at ang mga mata niyang namamasa ng kaunti ay parang maiiyak sa takot. Tinaas niya ang kanang kamay niya at malumanay na idinikit ang nanginginig na palad sa dibdib nang malamang malalim na ang bawat paghinga niya. Malinaw pa sa memorya niya ang lahat ng mga nangyari sa laro kasama ng ilang impormasyon sa buhay niya sa pinagmulang mundo. Pero ang pangalan niya, ang mukha ng ibang mga kaklase at guro niya, ang mga magulang niya, lahat ng importante sa kaniya ay hindi niya maalala. Hindi lang iyon, pakiramdam niya rin ay may bagay sa loob niya ang kumukumbinsi sa kaniya na si Rain Goodman ang tunay niyang katauhan, na talaga namang ikinakatakot niya, hindi niya p'wedeng makalimutan ang mahahalagang tao sa buhay niya, hindi niya p'wedeng kalimutan ang rason kung bakit nais niyang mabuhay at bumalik sa mundong pinagmulan niya. Ang malumanay niyang palad na nakadikit sa dibdib niya ay umakyat sa buhok niya at napasabunot rito ng marahas, habang nakasabunot sa buhok ay bumagsak ang mga tuhod niya at dahan-dahan niya ring iniyuko pababa ang ulo niya, parang bata na humihingi ng paumanhin sa magulang niya pagkatapos makagawa ng kasalanan. "Bakit wala na akong ala-ala sa kanila? Ang mga magulang ko, ano ang hitsura nila?" Tanong niya sa sarili at nang maisip niya ang binitawang salita, ang panlulumo sa mukha niya ay higit pang lumala nang maisip niya ang tungkol sa hitsura niya. "A-ang mukha ko---bakit hindi ko rin maalala? Sandali, mag-isa lang ako sa silid ko nang mapunta ako sa mundong 'to... May magulang ba talaga ako? Pero paano ako nakapag-aral kung wala akong magulang?" Parang bata at naguguluhang tanong niya sa mga naiisip. Pakiramdam niya ay mababaliw siya tuwing pinipilit niyang isipin ang mga dapat tandaan tungkol sa sarili niya, kaya naman wala sa sariling binitawan niya ang mga tanong na bumabagabag sa kaniya. Makalipas ang hindi niya malamang oras nang mapaluhod siya at yumuko ng bahagya ay unti-unti na niyang naramdaman ang antok hanggang sa humiga na siya sa sahig at pinikit na lang ang mga mata. Malamig ang sahig at alam niyang masama ito sa kalusugan niya, pero malakas ang hinala niya na 'pag humiga siya sa kama at naging komportable ay maaalala niya na naman ang mga kabaliwan tungkol sa misteryosong nangyayari sa kaniyang memorya. .... Blood Village Ang maliit na lupain ni Tandang Alchea ay hindi na kasing payapa ng dati. Makikita ang dalawang Adventurer na nakasuot ng pulang balabal na seryosong nagbabantay sa harapan ng mga punong nagsisilbing pader ng maliit na bahay. Simula nang mangyari ang pagkawala ng mga Pills na ginagawa ng matanda ay inimbistigahan nila ang binatang si Joe Blood at nakumpirma nila na hindi ito ang salarin. Natuklasan din ng mga nakatataas na mayroon na pa lang misteryosong tao ang lumalabas pasok sa baryo nila nang hindi nila namamalayan. Malaki naman ang hinala nila na ang misteryosong iyon ay nagmula sa karibal na baryo, kaya ang galit sa puso nila ay hindi maitago. Pero napakalma din naman sila ng matanda dahil nagsabi ito na hindi naman imposibleng gumawa ulit ng ganoon karaming Pills, kailangan niya lang ng ilang mga sangkap at maraming uri ng mga halamang gamot para magtagumpay, at ang mga kailangan ay matiwasay namang naibigay. Sa kanilatakot na maulit ang pagkawala ng mga Pills ay nagdesisyon ang nakatataas na magpadala ng dalawang Adventurer na magbabantay sa labas ng lupain ni Tandang Alchea. Hindi sumang-ayon ang matanda sa kagustuhan nila, pero dahil ito na ang desisyon ng nasa taas ay wala na rin naman siyang nagawa kundi ang pumayag. Sa loob ng maliit na tahanan ni Tandang Alchea, sa lokasyon kung saan sinubukan niyang turuan si Rain Goodman kung paano gumawa ng Pills, tahimik na nakatayo ang matanda sa gitna ng dilim. Sa harapan niya ay may asul na apoy ang lumilikha ng sapat na liwanag para sa mukha niya, at sa tinitignang apoy na iyon ay makikita sa mga mata niya ang repleksyon ng isang blankong mukha ng binata, walang ilong, mga mata, bibig, kilay, at buhok. "Kung sino ka man, humanda kana. Sa oras na magkita tayo ay ang huling beses na rin ng pagkikita natin. H'wag kang mag-alala dahil hindi na kita papahirapan, naisahan mo ako at sa tingin ko, kagaya ng sinabi nila ay masiyadong mapanganib ang katauhan mo, tatapusin kita agad sa oras na magkita tayo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD