Chapter 44

2196 Words
Chapter 44: Extreme Fear! "Bibigyan kita ng dalawang minuto. Kung hindi mo pa ibibigay ang sagot na hinahangad ko, pasensiya kana sa magagawa ko." Babala niya at tinignan niya ang mga palad niyang nag-aapoy. Ito ang isa sa mga problema ng kaniyang [Special Skill], kapag hindi niya nakokontrol ang estado ng emosyon niya, lalo na ang galit ay bigla siyang nababalot ng nagngangalit na apoy at parang may halimaw sa loob niya ang bumubulong ng kung ano-anong kasamaan. "Walang problema, pinapatawad na kita sa magagawa mo, Axel." Tumatawang sagot ni Soren Orlando na tila hindi siya natatakot sa kapangyarihang pinapakita ng binata. "Ang dalawang minuto na sinasabi mo, ibibigay ko sa'yo iyon para p'wersahin mo akong magsa---" pagpapatuloy niya subalit natigilan din siya nang mapansin niya na lang na ang mukha niya ay parang masusunog na sa init. Habang nagsasalita siya ay bigla nang sumabog ang nag-uumapaw na galit sa loob ni Axel Crimson. Hindi na niya napigilan ang sarili, hindi niya gustong gamitin ang bayolenteng paraan. Pero ang kaharap niya ay tinuturing lang itong parang biro at tila hindi mapapasagot hangga't hindi nakukuha ang laban na nais nito. Maliit lang ang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Magkaharap sila at isang beses lang humakbang paatras si Soren Orlando, wala pang isang metro ang layo nila kaya naman ang isang talon niya gamit ang buong lakas ay sapat na para madakma ang mukha nito sa isang iglap. Isa pa, ang depensa ng kaharap niya ay malinaw na nakababa, bagay na nagpadali sa pag-atake niya ng surpresa. Matagumpay niyang nadakma ang mukha ni Soren Orlando. Sa diin ng kaniyang hawak ay bumaon ng kaunti ang mga daliri niya sa magkabilang pisngi ng binata. Bukod pa roon ay umusok din ang mukha nito dahil sa tindi ng init ng mga daliri niya. Ang apoy ay isa sa mga bagay na nakakasunog sa balat ng mga tao. Matibay ang katawan ni Soren Orlando at ang pisikal na lakas niya ay ibang level kumpara sa iba, pero ang katawan at balat niya ay katulad pa rin sa mga tao. Hindi pa rin siya kayang protektahan ng balat niya laban sa nagngangalit na apoy ng kalaban, idagdag pa ang pagiging hindi normal ng apoy na ito ay talagang mapanganib para sa kaniya ang masunog. Hawak ni Axel Crimson ang mukha ni Soren Orlando, iniatras niya ng kaunti ang kanang paa niya, nang sumapat na ang b'welo ay malakas niyang tinuhod ang sikmura ng kaharap na nababalot ng apoy. Pero nang dumikit ang tuhod niya ay nakaramdam ito ng mas mainit na apoy na awtomatikong humatak sa p'wersa ng atake niya para hindi masiyadong tumanggap ng pinsala sa tuhod. Gayunpaman, pinilit niya pa ring dagdagan ang nabawasang p'wersa ng atake para makawala sa mahigpit na hawak ni Axel Crimson. Wala kasi siyang lakas ng loob na hawakan ng kamay niya ang kanang kamay nito dahil mapapaso lang siya sa init. Nang madama ni Axel Crimson ang tuhod ni Soren Orlando sa sikmura niya ay nawalan siya ng lakas. Nahirapan siyang huminga at napabitaw rin siya sa mukha ng kalaban. Napayuko siya ng kaunti at taimtim niyang iniharang ang naka-ekis na mga braso sa sikmura niya upang protektahan ito. Mabuti na lang at walang sunod na atake ang tumama sa sikmura niya kaya nakaatras siya ng dahan-dahan na nakayuko ng kaunti. Tumalon naman paatras si Soren Orlando nang magtagumpay siya sa atakeng pinakawalan. Ang kampante at mapaglaro niyang ekspresyon kanina ay sumeryoso. Tinignan niya ang kaniyang tuhod at ang hangin sa paligid niya ay nagbago ang pakiramdam nang makita niyang nangitim sa sobrang init ang tuhod niya. 'Mapanganib ang apoy niya, ang isang atake ko na dapat lilikha ng pinsala sa kaniya ay parang mas masama pa ang binigay sa'king pinsala. Paano ako mananalo sa laban? Sa bawat atake ko ay tatanggap din ako ng pinsala, at mukhang mas malala pa ang matatamo ko.' isip ni Soren Orlando at maingat niyang inisip ang mga nangyari sa kanila. Makalipas ang ilang sandali na nakatayo si Soren Orlando at hindi malaman kung paano aatake ay bumalik na sa normal ang kalagayan ni Axel Crimson. Maayos na ulit ang paghinga nito at wala na siyang problema sa pagtayo ng tuwid. Tinignan niya ang mukha ng gumalit sa kaniya at itinapat ang palad sa harap nito bago nagsalita, "Burning Palm." Ang nakatapat na palad niya sa direksyon ni Soren Orlando ay nagkaroon ng kopya sa harapan nito, isang apoy na palad na walang pinagkaiba sa palad niya. Mabilis itong dumiretso papunta sa binatang nais niyang puntiryahin. Hindi niya na pinigilan ang sarili, kung kailangan niyang gamitin ang kapangyarihan niya ay wala na siyang magagawa pa kundi ang ibuhos ang lahat ng makakaya niya. Sa tingin niya rin naman ay hindi siya mananalo 'pag pinili niyang lambutan ang puso niya at labanan si Soren Orlando na hindi ginagamit ang buong lakas. Malinaw niyang nadama ang level ng pisikal na lakas ni Soren Orlando. Sa simpleng panunuhod nito na hindi pa ganoon kalaki ang espasyo nila sa isa't isa para pakawalan ang pinakamalakas na bersyon ng atake ay nagawa pa rin nitong lumikha ng konsiderableng pinsala sa kaniya. Ito rin ang unang pagkakataon na nagtamo siya ng sakit na muntik nang magpasuka sa kaniya ng dugo. Ang mga mata ni Soren Orlando na seryosong nakatingin sa papalapit na Burning Palm ay nanlaki ng kaunti. Masiyadong mabilis ang atake, hindi niya maiilagan ang apoy kaya buong puso niyang iniharang ang naka-ekis niyang braso sa dibdib niya. Naniniwala naman siya na sa tibay ng katawan niya ay hindi agad siya mapapatay ng papalapit na apoy na palad. Ang mga mata niyang nanlaki ng kaunti sa takot ay mas umapaw pa ang emosyon nang makita niyang hindi pala sa dibdib tatama ang Burning Palm. Sa mukha niya ito tatama at halos ilang pulgada na lang ang distansiya nito sa mukha niya nang matuklasan niya. Umukit ang galit sa mukha niya at napangitngit ng ngipin na itinaas ang dalawang braso para ito ang tamaan ng apoy. "AAAAAAAAAHHHH!" Umalingawngaw ang miserableng sigaw ni Soren Orlando nang direktang tumama ang Burning Palm sa kanang pisngi niya. Bumaon ito ng kaunti at nang maubos ang p'wersa sa bilis ng pagtama nito ay sumabog ito na mabilis kumalat sa kalahati ng mukha niya. Tumilapon ng halos kalahating metro ang katawan niya at naunang bumagsak sa sahig ang likod niya. Mabuti na lang talaga at hindi umabot sa buhok niya ang apoy kaya tanging kalahati lang ng mukha niya ang nasunog. Habang nakahiga ay tumagilid si Soren Orlando at hinawakan niya ang kalahati ng mukha niya na parang sinusunog ng apoy sa impyerno. Sa sobrang init nito ay awtomatikong gumalaw ang mga kamay niya at pilit na sinusubukang patayin ang apoy sa paraan ng pagtapik-tapik niya ng nasusunog na mukha. Pero sa bawat pagtapik niya ay ang pangingitim ng mga palad niya. Malalim ang bawat paghinga ni Axel Crimson na nakatingin sa kalunos-lunos na kalagayan ni Soren Orlando. Ang Burning Palm na pinakawalan niya ay isa sa mga Skill na hindi kailangan ng natural na enerhiya, ang problema lang ay ang malakas na pagkonsumo nito ng lakas sa katawan niya. Isang atake lang ang ginamit niya, pero ang pagod sa kanang braso niya ay parang maihahalintulad sa pag-atake ng daan-daang beses na talaga namang nakakapagod. Gayunpaman, nakatayo pa rin siya ng tuwid at walang balak na sumuko sa kanilang laban. Kahit ano pa ang mangyari ay hinding-hindi siya aatras hangga't hindi niya nakukuha ang mga impormasyon na nais niyang malaman. Wala siyang pakialam kung sa gitna ng paghahangad niya sa katotohanan ay maubos ang lakas niya, mabalian ng mga buto, at magdusa, ang mahalaga sa kaniya ay malaman ang dahilan kung bakit kinakabahan ang kaibigan niyang si Aura Scarlet. Sa tuwing nakikita niya kasi itong gayon ay may nararamdaman siyang emosyon sa loob niya na hindi niya maipaliwanag, pero hindi siya komportable rito kaya nais niyang wakasan ang bagay na nasa loob niya. "AXEL CRIMSON!" Sigaw ni Soren Orlando at tinitigan niya si Axel Crimson na parang mangangain siya ng buhay sa galit. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito katinding sakit sa katawan, pakiramdam niya ay mararamdaman niya ulit ang pagdurusang ito hangga't hindi niya pa napapatay ang puno't dulo ng lahat. Bago pa man makalapit ng tuluyan si Axel Crimson ay napatay na nga niya ang apoy na sumunog sa kalahati ng mukha niya. Agad siyang bumangon sa galit at mabilis na tumakbo papunta sa kalaban niya. Nabigla naman si Axel Crimson nang makita niya ang kalahati ng mukha ni Soren Orlando na naging purong itim. Sa hindi malamang dahilan ay hindi naman napinsalaan ang kanang mata nito kaya tanging ito na lang ang hindi itim sa kalahating bahagi ng mukha. Subalit, ang mas gumulat sa kaniya ay ang pagkahayok sa dugo ng kalaban niya, bakas sa mga mata nitong namumula sa galit ang kinikimkim nitong poot. Sa mga nakita niyang emosyon sa mukha ng kalaban ay hindi na siya nag-alinlangan. Tinaas niya ulit ang kanang kamay niya at itinapat ang palad niya sa binatang mabilis na tumatakbo pasugod sa kaniya. Pagkatapos iporma ang palad ay nagsalita siya, "Burning Palm." Ang pumutok na galit sa loob ni Soren Orlando ay sinakop ng matinding takot sa isang iglap nang makita niya ang panibagong Burning Palm. Ang apoy na palad na dahilan ng pagkasunog ng mukha niya ay papalapit na naman sa kaniya. Madarama na naman niya ang matinding sakit na maaaring ikamatay pa niya. "H-HINDI! TUMIGIL KAAAAAAA!" Desperadong sigaw ni Soren Orlando at ang mukha niyang namumutla sa takot ay malinaw na nakikita ni Axel Crimson. Pero ang takot sa mukha ni Soren Orlando ay napalitan ng gulat, gulat na makalipas ang ilang saglit ay napalitan ng ngiti sa labi. Taimtim na nakatapat ang palad ni Axel Crimson sa kalabang binata nang hindi na niya kinaya ang kabayarang pinsala sa katawan na makukuha niya sa pangalawang beses na paggamit ng Burning Palm. Sumakit ang loob ng sikmura niya at kahit ang buto ng mga braso at binti niya ay parang mabibitak sa sakit. Sa biglaang pagsakit ng katawan niya ay hindi na niya nakontrol ang Burning Palm at dumiretso ito pataas na malayong-malayo sa tinatayuan ni Soren Orlando. Bukod pa rito ay nawala na rin ang bumabalot sa katawan niyang nagngangalit na apoy. Sa mga nadarama niya ay pinakamalala pa ang mga braso niyang parang punong-puno na ng mga bitak ang buto. Nang tumama ang Burning Palm sa dingding ay sumabog ito sa maliit na espasyo at lumikha ng maliit na bitak bago naglaho. Hindi naman nakagalaw si Soren Orlando kahit nakita niya ang sinapit ng kalaban niya na kasalukuyang nanginginig ang buong katawan habang sumusuka ng dugo. "Kung gayon ay ako nga talaga ang pinakamalakas. Pero hindi ko itatago sa'yo, pinakaba mo ako ng kaunti kanina, haha." Tumatawang wika niya at lumakad paabante sa kalaban niyang hindi na makagalaw sa pinsalang natamo. Nang malapitan niya na ang kalaban ay muli siyang nagwika, "Sinunog mo ang mukha ko, bilang kabayaran ay wawasakin ko naman ang mukha mo gamit ang mga kamao ko. Sana lang ay kayanin ng katawan mo ang mga suntok ko." Marahas niyang dinakma ang mukha ni Soren Orlando at binuhat ito pataas na parang wala lang sa kaniya, "Pero siyempre, bago yan ay ipapatikim ko muna sa sikmura mo ang kamao ko." Ibwinelo niya ang kanang kamao at nang sumagad na ito hanggang sa layo ng kaya niyang iatras ay huminto na siya. Pero bago niya pa maigalaw ang kamao ay isang matulis na bagay ang tumusok sa kaliwang bahagi ng pisngi niya, hindi lang iyon, dama niya rin kung paano bumaon ang matulis na bagay na nagresulta sa pagtulo ng sugat sa pisngi niya. Ang arogante at mapang-asar na ekspresyon sa mukha ni Soren Orlando ay napalitan ng takot. Sa hindi niya malamang dahilan ay nanlamig ang katawan niya at pakiramdam niya ay nasa mapanganib na sitwasyon ang buhay niya na maaari niyang ikamatay ano mang oras. Hindi, hindi siya natatakot dahil nasa panganib siya, natatakot siya dahil sa isang iglap ay naimahe niya ang kaniyang sarili na namatay nang tumusok ang maliit na bagay sa pisngi niya. Ganoon kapanganib ang tingin ng katawan niya sa bagay na tumusok sa kaniya. "A-aura Scarlet," wala sa sariling wika ni Soren Orlando nang mapagtanto niyang ang nakatusok sa kaniya ay ang matulis na kuko ng babaeng lagi nilang kasama magsanay. Tama, ang dahilan sa malakas na kutob ni Soren Orlando na mamamatay siya ay dahil sa abilidad ni Aura Scarlet na tapusin siya sa isang iglap. Sa buong baryo ay ipinamalas na rin ng dalaga ang Special skill na Blood Manipulation at kung ang iba ay alam na kung gaano ito kapanganib, mas pamilyar naman sa panganib na dala nito ang tatlong binata na lagi nitong nakakasama. Nanginginig na tumingin sa kaliwa niya si Soren Orlando at ang buong paligid niya ay bigla na lang dumilim. Ang sakal-sakal niyang si Axel Crimson, ang silid na madalas pinagsasanayan, literal na lahat ng nakikita niya ay nawala at kinain ng kadiliman. Pero sa madilim na paligid, dalawang pulang mata ang bumungad sa gilid niya na nagbibigay ng aura sa paligid na kaya nitong pumatay kahit sa simpleng pagtingin lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD