Chapter 43: A monster.
Sa taas ng may kakapalang sanga ng mataas na puno ay patagong tinitignan ni Rain Goodman si Grim Crow na hirap na hirap lumakad. Aktibo ang kaniyang [Hide] at sinasadya niya ring itago ang Aura ng antas ng lakas niya, sa madaling salita ay halos imposible na siyang makita ng pinagmamatyagan niya maliban na lang kung aksidente itong mapatingin sa eksaktong kinaroroonan niya na natatakpan ng iba pang mga puno sa paligid.
Kapansin-pansin na ang bawat hakbang ni Grim Crow ay may kabagalan at halata rin sa nanginginig nitong mga binti na hirap na hirap ito sa paglakad. Hindi naman nakokonsensiya si Rain Goodman dahil sa ginawa nito kanina sa kaniya, hindi rin siya kampante, pakiramdam niya ay isang malaking pagkakamali ang ibaba ang depensa niya sa binata. Malinaw naman na niyang nakalkula ang kasalukuyang antas ng lakas nito, gayunpaman ay malakas ang kutob niya na mapanganib pa rin si Grim Crow at hindi niya ito dapat maliitin.
Pinagmasdan niya sa loob ng lima hanggang anim na minuto ang mabagal na paglalakad ni Grim Crow. Nang makumpirma niyang wala na talaga ang binata ay tumalon na siya sa sangang tinatayuan at pagtapak ng mga paa niya sa lupa ay ibinaling niya agad ang tingin sa direksyon ng teritoryo ng mga Black Tiger.
Pumayag siya na tulungan si Grim Crow sa sariling imbestigasyon upang makakuha ng proweba sa salarin at maprotektahan nila ang dalawang kapwa nila galing sa planetang pinagmulan.
Ngayong wala pa ang tutulungan niyang binata na mukhang may mga ideya sa salarin ay alam niyang mahihirapan lang siya kung itutuloy pa ang naudlot na paghahanap ng mga proweba hangga't wala ito. Pero hindi niya naman sasayangin ang oras niya, tutuloy na rin ulit siya sa teritoryo ng mga Black Tiger para sa kayamanan na hinahanap niya.
Sa tingin niya ay ilang araw rin naman ang aabutin bago tuluyang gumaling ang mga pinsalang natamo ni Grim Crow, lalo na ang kanang kamao nitong pinangsuntok sa mukha niya. Sariwa pa sa isipan niya kung paano niya narinig ang nakakatakot na tunog ng mga nawasak na buto sa kamao ni Grim Crow nang suntukin nito ang mukha niya. Posible rin namang gumaling agad ang kamay nito sa mas maikling panahon kung hihingi siya ng tulong kay Elder Devil.
"Isa hanggang tatlong araw lang ang mayroon ako bago tuluyang gumaling ang kanang kamay ni Grim Crow. Sa mga oras na iyon ay dapat mahanap ko na ang [Inheritance]. Pero kung magpupumilit siyang ituloy ang paghahanap namin ng mga proweba kahit may pinsala ang kamao niya ay maaaring bukas na bukas, babalik agad siya." Wika niya at lumakad na papunta sa teritoryo ng mga itim na tigre. Aktibo pa rin ang kaniyang [Hide] kaya hindi niya na kailangang ikalat sa paligid ang nakakapangilabot niyang aura dahil hindi naman na siya nakikita ng mga halimaw na dapat hahadlang sa daanan niya.
Katulad sa nangyari kahapon ay itinuon niya lang ang buong atensyon sa paghahanap ng mga palatandaan sa ilalim ng mga punong nakikita niya. Sa mga sinusuri niyang puno ay nag-iiwan na siya ng mga maliliit na hiwa, palatandaan niya na natignan niya na ang mga punong ito. Parang walang progreso ang ginagawa niyang paghahanap, pero hindi siya pinanghinaan ng loob. Pinagpatuloy niya ang paghahanap sa mga sumunod na araw hanggang sa sumapit na nga ang pangatlong araw.
....
Sa teritoryo ng mga Wild Boar, sa mapunong bahagi ay may dalawang binata ang magkaharap, nasa tatlong metro ang distansiya nila sa isa't isa habang tahimik silang nagpapalitan ng tingin. Sa panig ni Grim Crow ay ang ekspresyon sa mga mata niyang bumabakas ang awkward na tingin. Hindi niya malaman kung paano sila magsisimula ni Rain Goodman pagkatapos ng nangyari sa kanila. Pinipigilan niya rin ang sariling magsalita, sa totoo lang ay gusto niya talagang magsalita para tapusin ang tensyon, pero malakas ang pakiramdam niya na nais ding magsalita ng kaharap niya.
Tama naman ang hinala ni Grim Crow. Noong nabasa ni Rain Goodman kagabi ang sulat na iniwan ng kaharap niya ay dismayado siya ng kaunti dahil kailangan niya nang itigil ang masuring paghahanap sa kayamanan. Bukod pa rito ay hindi niya rin alam kung paano sisimulan ang pag-uusap sa pagitan nila, sinuntok siya ni Grim Crow sa mukha at p'winersa niya naman ang binata na gumamit ng isang Special Skill na hindi pa dapat gamitin na nagresulta sa pinsalang natamo nito sa katawan.
Lumipas ang limang minuto na magkaharap pa rin sila nang biglang gumalaw ang kanilang mga ulo. Parehas nanlaki ang mga mata nila at nang maintindihan nila ang nangyari sa isa't isa ay sabay silang napangiti bago natawa ng mahina. Sa sobrang pag-iisip nila ay hindi nila namalayan na tulala na pala sila kanina ng ilang minuto.
"Nakalimutan kong humingi ng paumanhin sa'yo, Rain Goodman. Pasensiya kana at hindi ko napigilan ang matinding kagustuhan sa loob ko na kumpirmahin kung totoo ba ang mga hinala ko. Siguradong may rason ka kung bakit tinatago mo ang mga bagay tungkol sa'yo. Pero maaari bang sagutin mo ang isang katanungan ko?" Sinimulan na ni Grim Crow ang usapan sa pagitan nila para magtuloy-tuloy na ang kanilang bagong simula.
"Naiintindihan ko, kalimutan na lang natin ang mga hindi magandang nangyari. Alam kong ginawa mo rin naman 'yon para sa ikabubuti ninyong apat. At tungkol sa katanungan mo, titignan ko kung masasagot ko ito." Tugon ni Rain Goodman at lumakad na siya palapit ng kaunti para mas magkaintindihan sila ng kausap.
Ganoon din ang ginawa ni Grim Crow. Humakbang siya paabante nang makita niya ang paglakad ni Rain Goodman. Sa pang-apat na hakbang niya ay huminto siya at ang palakaibigang ekspresyon sa mukha niya na may kalamigan ay napalitan ng seryosong tingin, tinignan niya ng direkta ang mga mata ng binata at tinanong ito, "Isa kaba naming kalaban o kakampi? May binabalak kaba sa hinaharap na makakasama sa'ming apat?"
Diretsong tanong ni Grim Crow na nakatingin kay Rain Goodman na tila alam niya ang lahat ng sikreto nito. Sa oras na magsinungaling ang kaharap niya ay malalaman at malalaman niya. Parang nakakaloko ang tanong dahil kapag tinanong ang magnanakaw kung may nanakawin ba itong kayamanan ay natural lang na hindi ito aamin. Siyempre, kung may masama mang balak si Rain Goodman sa kanila ay natural lang na hindi rin ito magsasabi ng totoo.
'Ang mga mata niya. Para akong nakatingin sa mga mata ng isang matandang lalaki na nalibot na ang buong mundo at napakarami nang nalikom na karanasan sa buhay. Sa harap ng mapanuring tingin niya ay mahihirapang makapagsinungaling ang kahit na sino. Unti-unti niya na kayang nakukuha ang natural na kapangyarihan ng kaniyang katauhan bilang si Grim Crow?' isip niya at hindi mapigilan ang mapahanga ng kaunti sa nakikita. Hindi naman siya kinakabahan, alam niya sa sarili niya na wala siyang gagawin sa kanilang apat, ang totoo pa nga niyan ay kumikilos pa siya para lumakas at matulungan sila ng patago sa hinaharap.
"Kung naghihinala ka sa katauhan ko ay sinasabi ko na sa'yo ngayon pa lang na nagkakamali ka. Kagaya niyo ay nagmula rin ako sa planetang kinalakihan niyo, may mga bagay lang talagang ayaw kong sabihin dahil 'pag kumalat ito ay maaaring magresulta sa kapahamakan nating lima. Tungkol naman sa tinatanong mo kung may plano ba akong masama laban sa inyo, kahit kailan ay hindi iyon pumasok sa isip ko. Pero may mga hindi ako ginagawa na dapat ay makakatulong sa inyo, kaya humihingi ako ng paumanhin." Paliwanag niya at yumuko siya ng bahagya para ipakita ang sinseridad niya sa paghingi ng paumanhin.
Tahimik na pinagmasdan ni Grim Crow ang mga mata ni Rain Goodman nung nagpaliwanag ito. Sa paningin ng iba ay mata lang ng binata ang tinitignan niya, ngunit ang totoo ay pinagmamasdan niya ang buong katawan nito at detalyado ang lahat ng nakikita niya kahit na nakatutok pa rin sa mga mata ni Rain Goodman ang tingin niya.
Sa napansin niyang kilos ng katawan nito, mga matang puno ng sinseridad, mga kamay na walang nagbago, mga paghinga na minsan ay nagkakaroon ng kaunting paglalim tuwing may hindi sinasabing totoo, lahat ng ito ay masuri niyang pinagmasdan at nakumpirma na niya sa kaniyang sarili na totoo ang lahat ng mga binitawan nitong salita. Hindi niya maintindihan kung paano niya nagagawa ang pagiging mapagmatiyag, at masaya pa rin naman siya dahil makakatulong ito sa kaniya ng malaki.
Tumango si Grim Crow at nilapitan niya si Rain Goodman.
Nang magkaharap na sila ay inihaya niya ang kanang kamay niya upang makipagkamayan sa binata. Noon ay hindi siya sinsero sa pakikipagkamayan dito, pero ngayon, bukal na sa kalooban niya ang pakikipagkamay at tanggap niya na rin si Rain Goodman.
Malugod namang tinanggap ng binata ang kamay ni Grim Crow.
Nang bumitaw ang dalawa sa isa't isa ay agad nagsalita si Grim Crow para tugunan na ang kanilang misyon, "Mabuti siguro kung babalikan muna natin ang pinangyarihan ng pagpatay, tignan natin kung may mahahanap kang ebidensiya o kahit anong bagay na makakatulong sa'tin."
....
Adventurer's Training Room
Nang magkasundo na ng tunay si Rain Goodman at Grim Crow sa Niarich Forest ay sa loob naman ng silid pagsasanay, tensiyonadong nakatingin sa isa't isa si Axel Crimson at Soren Orlando. Nakaukit sa mukha ni Axel ang matinding inis habang sa mukha naman ni Soren ay ang blankong ekspresyon.
Simula nang maganap ang pagkamatay ng dalawang estudyante ni Elder Devil ay tumigil na muna sa pagsasanay ang lahat ng estudyante. Maliban kay Aura Scarlet at Axel Crimson na patuloy pa ring ginagawa ang lahat ng makakaya nila para lumakas. Pero ang binatang si Soren Orlando ay walang ginagawa, hindi niya kasama si Grim Crow na madalas kasama sa pagsasanay; nagkulong kasi ito sa bahay nila at hindi na nakipagusap sa kanila.
Dahil walang magawa ay binisita na rin ni Soren Orlando ang Adventurer's Training Room upang sumama sa pagsasanay ni Axel Crimson at Aura Scarlet. Pero tuwing dumarating ito ay biglang nagbabago ang ugaling pinapakita ng babae, tila kinakabahan siya habang pilit na tinatago ang takot sa loob niya.
Madalas kasama ni Axel Crimson ang kaibigang babae, kilala niya na ito at kahit itago nito sa kaniya ang tunay na nararamdaman, napansin niya na ang takot ng kaibigan tuwing nakikita nito si Soren Orlando. Sa ilang araw na madalas itong nangyayari, hindi na niya napigilan ang sarili at direktang kinumpronta ang pinagmumulan ng takot ni Aura Scarlet.
"Anong ginawa mo kay Aura Scarlet? Bakit parang natatakot siya tuwing nakikita ka niya?" Naiinis na tanong ni Axel Crimson. Sa mga nangyayari ay bumabagal ang mabilis na progreso ng kanilang pagsasanay.
Sa harap ni Axel Crimson ay ang blankong ekspresyon sa mukha ni Soren Orlando. Tinitigan niya ang kaharap na binatang nag-aapoy ang mga mata sa galit at kalmadong nagsalita, "Hindi ko alam. Wala naman akong ginagawa kay Aura, bakit hindi siya ang direkta mong tanungin?"
"Sa tingin mo ba ay sasabihin niya sa'kin ang totoo? Kilala nating dalawa si Aura Scarlet, madalas niyang sinasarili ang mga problema niya. Pero ngayon, may kakaiba sa kaniya tuwing nakikita ka niya. Anong ginawa mo?" Inis na sabi ni Axel Crimson at napangitngit siya ng mga ngipin sa galit. Hindi niya rin namalayan na ang mga braso niya ay nababalutan na ng apoy, tanda na hindi niya na nakokontrol ang galit sa loob niya.
Sa tuwing naiisip niya kasi na may ginawa o hinahamak ni Soren Orlando ang kaibigan niyang si Aura Scarlet, pakiramdam niya ay may kumukurot sa puso niya na kahit kaibigan niya rin ang binata, hindi niya mapigilang pumanig agad sa babae.
"Axel, gusto mo ba talagang malaman ang totoo? Sige, dahil kaibigan kita ay aaminin ko sa'yo ang totoo, 'yun ay kung mananalo ka sa'kin sa isang aktwal na laban." May mapaglarong ngiti sa labi ni Soren Orlando nang sinabi niya ito. Hindi maintindihan ni Axel Crimson kung seryoso ba ito o nang-aasar lang.
"Alam mong hindi ako p'wedeng lumaban. Tuwing uumapaw ang emosyon sa loob ko ay hindi ko nakokontrol ng maayos ang kapangyarihan ko. Baka mapatay kita 'pag naglaban tayo, kaya binabalaan na kita ngayon pa lang, burahin mo sa mukha mo ang mapaglarong ngiting 'yan at sagutin mo ang katanungan ko." Kalmadong wika ni Axel Crimson nang makita niya ang ngiti sa mukha ni Soren Orlando na para bang biro lang ang lahat ng nangyayari.
Pero nang marinig ni Soren Orlando ang kalmadong tono ng pananalita nito ay napahakbang siya paatras at ang mga mata niya ay nagkaroon ng kakaibang liwanag. Hindi maintindihan kung natatakot ba siya o natutuwa sa nakikita, at isa lang ang sigurado siya, sa ginawa niyang biro ay nagising niya ang halimaw sa loob ni Axel Crimson na hindi nito namamalayan.
"Sinasabi ko na nga ba, isa ka ring halimaw na nagtatago sa palakaibigang ngiti mo." Mahinang wika ni Soren Orlando na may mga butil ng pawis sa noo habang tinitignan niya ang buong katawan ni Axel Crimson na nababalot ng nagngangalit na apoy. Hindi lang iyon, ang mga mata nito ay naging purong pula na parang pinipilit kumalma upang hindi mailabas ang nag-uumapaw na inis sa loob niya, na hindi naman nito nagawa ng mabuti.