Chapter 42: Lying down.
Sa loob ng Niarich Forest, sa teritoryo ng mga Wild Boar ay tahimik lang silang naglalakad ni Grim Crow. Hindi nagsasalita ang kahit na sino sa kanila na medyo nagpa-awkward ng kanilang sitwasyon, pero parehas nilang nilalasap ang kagandahan at kapayapaan ng tahimik nilang paligid kaya wala ring sumubok na tumapos sa katahimikan.
Mataas ang depensa ni Rain Goodman at walang kahit na anong Wild Boar ang makakawala sa sakop ng deteksyon ng maliit na espasyo ng paligid. Pero ang katabi niya ay kagaya nila na may [System], bagay na nagbibigay sa kanila ng abilidad na itago ng walang kahirap-hirap ang aura at tunay nilang antas ng lakas. Sa kadahilanang ito, ang biglaang pag-atake ni Grim Crow suot-suot ng kamay ang [Dark Fist] ay hindi niya rito nagawang protektahan ang sarili.
Direktang tumama sa mukha ni Rain Goodman ang kanang kamao ni Grim Crow na nababalutan ng itim na usok. Gulat na gulat na tumingin ang binata sa mga mata ng kasama niyang may malamig na tingin, dama niya kung paano bumaon sa pisngi niya ang kamao nito, at sa isang iglap, ang buong p'wersa ng suntok ay sinalag ng mukha niya. Ang mga paa niya na nakatapak sa sahig ay tumaas ng kaunti at ilang saglit pa ay bahagyang pinalipad ng p'wersa nito sa ere ang buong katawan niya na tumalsik paabante ng ilang metro.
Padapang bumagsak ang katawan ni Rain Goodman at agad din naman siyang tumayo na parang wala siyang natamong pinsala sa natanggap na suntok.
Ang mukha niyang kalmado kanina ay nagdilim at ang kamay niya ay napakuyom sa inis bago humarap sa kasamang binata. Hindi siya mangmang para hindi maintindihan ang hangarin ni Grim Crow sa pinakawalang suntok, natuklasan niya rin na sa lakas ng suntok na iyon, kung ang antas ng Rank niya ay [Body Strengthening 8] pababa, walang duda na mamamatay siya sa suntok na ito.
'Hindi kaya? Siya ang totoong pumatay sa dalawang kasama nila na tinuturuan ni Elder Devil? Balak niya rin akong patayin kaya hinikayat niya ako rito? Baka naman matagal na talaga siyang naghihinala sa'kin? Pero bakit siya maghihinala? Wala akong iniiwang kahit na anong ebidensiya at impormasyon na nagsasabing mas malakas ako sa ipinapakita ko.' sunod-sunod na isip niya na labis niyang ikinaiinis. Pero kahit gayon ay hindi sumagi sa isip niya ang tapusin si Grim Crow hangga't hindi pa niya nasisigurong ang hangarin talaga nito ay patayin siya.
"Tama nga ang hinala ko, may tinatago ka sa'min. Buhay ka pa rin pagkatapos tanggapin ang suntok na pinakawalan ko, sa suntok na iyon ay ginamit ko ang isa sa mga Special Skill ko, ang [Dark Fist]. Isang abilidad na hindi kailangan ng Natural na Enerhiya at Mana para magamit, tanging matibay na buto lang ay sapat na para magamit ito ng walang kabayaran. At alam mo ba kung gaano kalakas ang suntok kong iyon? Hindi, hindi ko na kailangan pang itanong, sigurado akong alam mo naman na ito kahit hindi ko sabihin." Agad na paliwanag ni Grim Crow nang humarap sa kaniya si Rain Goodman suot ang madilim nitong ekspresyon na hindi niya maintindihan.
"Kung ganoon ay naghihinala kana pala sa'kin dati pa? Alam mo ba ang mangyayari kung nagkataon na mali ang hinala mo tungkol sa'kin? Isinugal mo ang buhay ko para lang sa kagustuhan mong malaman ang totoo, ang buhay na pinakaiingatan ko ay tinatrato mo na parang wala lang." Naiinis na wika ni Rain Goodman. Sa totoo lang ay wala siyang natanggap na kahit anong pinsala sa natamo niyang suntok. Ang tibay pa lang ng katawan niya ay nasa antas na, na ang katulad ni Grim Crow na nasa [Body Strengthening] pa lang ay walang magagawang pinsala kahit na buong lakas pa ang gamitin nito. Ngunit sa ipinakita nitong ugali ay talagang nainis siya.
Humakbang paabante si Rain Goodman na nakatingin pa rin ng direkta sa malamig na pares ng mata ni Grim Crow. Hindi naman gumalaw ang binata, alam niya naman na mali ang ipinakita niya at wala siyang karapatan na tumakas sa parusang nais nitong ipabatid sa kaniya.
Pero nang halos magkaharap na sila ay nadama niya ang aura ni Rain Goodman na nag-aapoy sa galit, ikinuyom nito ang kanang kamao niya at ibwinelo ito para ibalik ang suntok na ibinigay niya sa mukha nito kanina. Sa pagkabigla ay wala siya sa sariling napatingin sa kamao ni Rain Goodman, at sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng panganib para sa buhay niya nang dumapo ang tingin niya rito.
Para siyang nakatingin sa isang matulis na kutsilyo, armas na sa oras na tumama sa kaniya ay ang magiging pagtatapos ng buhay niya.
Bago pa dumikit ang suntok sa mukha niya ay desperado niyang ginamit ang isang uri ng [Special Skill] na mayroon siya, biglang nabalot ng itim na usok ang mga paa niya at pinilit itong tumalon paatras bago tumama ang suntok. Sa hindi niya malamang dahilan ay mukhang mabagal ang suntok kumpara sa lakas ng aura na taglay nito, matagumpay niyang naitalon ang mga paa at nang halos isa't kalahating metro na ang taas niya sa ere ay doon lang tumama sa kanina niyang kinaroroonan ang suntok ni Rain Goodman. Dahil wala na siya ay natural lang na sa hangin tumama ang mapanganib na suntok.
Habang nasa ere si Grim Crow ay taimtim na tumingin sa kaniya si Rain Goodman at nang makita niya ang kalagayan nito ay bumalik ang madilim nitong mukha sa normal.
Pagtapak naman ng mga paa ni Grim Crow sa lupa ay maayos ang naging bagsak niya. Pero nang dumagdag ang bigat ng katawan niya ay nalaman niyang wala na pa lang lakas ang mga tuhod niya para suportahan ang pagtayo niya. Bukod pa rito ay para siyang masusuka sa nararamdaman, at paglipas nga ng ilang saglit ay hindi na niya napigilan ang pagsuka at isinuka niya na ang maraming dugo sa loob niya. Unang bumagsak sa lupa ang likod niya at ang pagsuka niya ng dugo ay tuloy-tuloy, dahil sa nakahigang posisyon habang sumusuka siya ng dugo ay bumulwak ito sa mukha niya.
Ang mapanganib na suntok ni Rain Goodman ay hindi tumama sa kaniya at ganito pa rin katindi ang pinsalang natamo niya. Hindi naman na siya nagulat sa nangyari, hindi rin siya nagsisisi sa desisyon niya na gamitin ang isang Special Skill na dapat ay hindi niya pa ginagamit, kung hindi kasi siya umilag ay walang dudang mamamatay siya sa suntok na pinakawalan ng kasama niya.
Puro pula ang nakikita niya dahil may mga dugo ring tumalsik sa mga mata niya. Hindi niya naman na inaksaya ang oras na tanggalin ito at kuyumusin ang mga mata niya para luminaw ang tanawin. Naiintindihan niyang wala rin namang mangyayari kahit na makakita pa siya o hindi, sa huli ay nasa kasama niya ang desisyon kung mabubuhay ba siya o mamamatay. Tahimik niya na lang nilasap ang ihip ng hangin at ang mga lupa sa likod niyang nagbibigay ng malamig na pakiramdam.
"Dahil wala ka na rin namang abilidad na libutin ang Niarich Forest para humanap ng mga ebidensya, hihintayin kita sa tahanan ko sa pangatlong araw. Kung hindi ka pa rin magaling sa oras na iyon ay hindi mo na maaasahan ang tulong ko. At h'wag na h'wag mong ipapaalam sa iba ang tungkol sa sikreto ko, 'pag natuklasan ito ng kahit mga kaibigan mo ay tatapusin kita." Mahinahong sambit ni Rain Goodman sa nakahigang binata. Pero sa huli niyang sinabi ay diniinan niya ang banta para mas pagtuunan ito ng pansin ni Grim Crow.
"N-naiintindihan ko." Hirap na tugon naman ni Grim Crow na wari'y kinonsumo ng pagsasalita ang lahat ng enerhiya sa katawan niya.
Tumango si Rain Goodman nang marinig niya ang tono ng pananalita ni Grim Crow. May tiwala naman siya rito dahil kahit hindi niya pa ito lubusang kilala, malakas ang kutob niya na ito ang tipo ng tao na papanindigan ang mga binitawan niyang salita. Tiyaka, hindi rin siya nakakaramdam ng kaba at banta sa buhay niya.
Tahimik na lumisan sa pinanggalingan ng binata si Rain Goodman.
Nang umalis ang binata ay nanatiling nakahiga si Grim Crow sa malamig na sahig. May ilang butil ng mga pawis ang namumuo sa noo niya at pakiramdam niya ay napakalamig ng paligid, hindi siya komportable rito kaya pinikit niya na lang ang kaniyang mga mata habang wala pa siyang sapat na lakas.
Makalipas ang halos labing-apat na minuto ay muling bumukas ang mga mata niya at bumungad sa tanawin niya ang madugong kalangitan kasama ng mga dahon ng puno na nasa gilid niya. Nanginginig niyang iginalaw ang kaliwang kamay niya at hirap na hirap itong itinaas para pumindot ng nais niyang kunin na gamit sa [Inventory]. Habang tumataas ang kamay niya ay paubos ng paubos ang natitirang lakas sa katawan niya, mas dumami pa ang mga butil ng pawis sa noo niya at ang mukha niya ay unti-unti nang namumutla.
Gayunpaman, matapos ang paghihirap sa ginawa ay naging matagumpay naman siya sa pagpindot ng bagay sa [Inventory] na nais niyang kuhanin. Eksaktong pinindot niya ng daliri ang hangin ay may maliit na pulang bote ang namuo sa kamay niya. Mabango ang amoy nito at sa unang tingin pa lang ay maiintindihan na agad ng karamihan na ito ang uri ng Potion na makakapagpagaling ng mga pinsala sa katawan.
Taimtim niyang ininom ang mababang kalidad ng Healing Potion. Sa paglunok niya nito ay nadama niya ang sarap sa pakiramdam ng paggaling ng ilang pinsala sa loob ng katawan niya, para siyang naglalakbay sa gitna ng walang katapusang disyerto na biglang nakahanap ng maiinom na tubig.
Nang maubos niya ang Healing Potion ay inilapag na niya ang maliit na bote sa sahig at naramdaman niya na ang unti-unting pagbalik ng lakas sa katawan niya. Idinikit niya sa malupang sahig ang kaliwang palad niya at ginamit ito para maibalanse ang katawan sa binabalak na pagtayo. At pagtayo na pagtayo niya ay nanginig ang mga tuhod niya pero nagawa niya naman nang ibalanse ang katawan.
Bahagya niyang iniyuko ang ulo niya at tumingin sa kanang bahagi kung saan nakalaylay ang kabuuan ng kanang braso niya. Hindi niya na maramdaman ang brasong ito at malinaw niya ring nakikita ang kalagayan nito. Napangiti si siya sa nakita niya at nagwika, "Nabali ang kabuuan ng kanang braso ko at mukhang hindi rin nakaligtas ang mga buto sa kamao ko."