Chapter 41: Helping Grim Crow?
Sa pag-iisip ni Rain Goodman nang may katagalan ay buo na rin sa wakas ang loob niya na ilaan ang oras sa paghahanap ng [Inheritance], kayamanan na iniwan ng isang makapangyarihang Adventurer sa teritoryo ng mga Black Tiger.
Ang totoo ay isa lang sa mga [Event] ng World of Fantasy ang balak niyang hanapin na kayamanan sa malawak na teritoryo ng mga Black Tiger. Binigyan lang nila ng maiksing kuwento ang buhay ng Adventurer na hindi na binanggit pa ang pinagmulan, ang nasabi lang dito ay nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan ang Adventurer sa kamay ng mga kalaban na humahabol sa kaniya.
Buwis buhay ang pagsubok na hinarap niya para sa mga kayamanang kinuha niya sa isang mapanganib na lugar na balak namang nakawin ng mga humahabol sa kaniya, sa galit at pait ng puso niya ay pinili niyang itago na lang ang mga kayamanan sa kasalukuyang gubat na kinaroroonan, sinakripisyo niya ang kaniyang sarili para mapalayo sa pinagtaguan niya ng mga kayamanan ang mga gahamang humahabol sa kaniya.
Bumangon si Rain Goodman sa kaniyang higaan at inayos ang sarili bago lumabas sa kaniyang munting tahanan. Sinuot niya rin ang itim na damit para hindi ito madaling madumihan sapagkat alam niyang kakailanganin niyang humukay ng kaunti sa oras na mahanap niya ang [Inheritance].
....
Adventurer's Training Ground
Malilim na ang paligid sa labas at malinaw sa kanila na ang kasalukuyang oras ay hapon na. Ilang oras na lang ay didilim na ang paligid, pero sa malawak at malinis na silid ay may tatlong binata pa rin ang naiwan para sa kanilang pagsasanay.
"Sumosobra kana, Soren Orlando! Bakit mo siya pinuruhan?" Naiinis na wika ni Jon, isa sa mga nakakatandang Adventurer na estudyante din ni Elder Devil.
Puno ng mga pasa ang mukha nito at malayong-malayo na ang hitsura niya sa ginagalang at hinahangaan ng karamihan, ang suot naman niyang damit ay basa na rin ng dugo na mukhang nagmula sa bibig niya. Hindi maintindihan kung nagmula ba ito sa pagsuka ng dugo o sa tuloy-tuloy na tulo ng dugo sa gilid ng labi niya. Pero kahit na ano pa ang totoong nangyari ay malinaw na sumobra ang gumawa nito sa kaniya.
Ang inis sa mga mata ni Jon ay mas tumindi at hindi niya na rin napigilan ang sarili na mapangitngit ng mga ngipin. Patago niyang ikinuyom ang magkaibang kamao niya na makikitaan ng mga pasa, tila sinuntok niya ng malakas sa pader ang mga kamao.
"Paanong sumobra? Binali ko lang naman ang braso niya dahil ayaw niyang seryosohin ang pagsasanay. Anong sumobra roon?" Inosenteng tanong ni Soren Orlando na ang ekspresyon sa mukha niya ay parang sinsero talaga na naguguluhan sa sinasabi ni Jon.
Pero ang totoo ay talagang naiintindihan ni Soren Orlando ang resulta ng ginawa niya. Sa tingin niya ay masiyado pa nga siyang mabait dahil sa iyon lang ang ginawa niya, kanina pa siya nag-iinit sa loob niya na magkaroon ng magandang laban sa pagsasanay. Kaso hindi nila maibigay-bigay ang laban na hinahangad niya, pakiramdam niya ay hindi sineseryoso ng dalawa ang laban kaya tuluyan na siyang nainis at binalian ito bilang parusa.
Kaya naman nagtataka siya kung bakit ganito ang reaksyon ni Jon sa ginawa niya. Kung alam lang ng dalawa na kanina pa may bumubulong sa loob niya na tapusin sila para madama ulit ang sarap ng pakiramdam noong tinapos niya ang kaibigan ni Bret ay siguradong iba ang magiging reaksyon nila. Iyon pa naman ang unang pagkakataon na nakadama siya ng kaligayahan na kahit kailan ay hindi niya pa nararanasan.
Ang galit na mukha ni Jon ay tulala sa mukha ni Soren Orlando habang naririnig niya ang mga binibitawan nitong mga salita na wari'y dapat pa silang matuwa sa paghihirap na ginagawa niya para sa kanila.
"Wala kana sa katinuan. Sinasabi ko sa'yo, kahit kailan ay hindi ka na namin tutulungan sa kahit anong uri ng pagsasanay!" Naiinis na reklamo ni Jon at inalalayan ang kaibigan niyang hirap tumayo para tulungang makaalis sa presensiya ng baliw nilang kasama.
Iniwan nila ang binata na may naguguluhang ekspresyon. Pero bago pa tuluyang mawala ang pigura ng dalawa ay umukit ang ngiti sa labi ni Soren Orlando.
....
Black Tiger's Territory, Niarich Forest
Matiwasay na naglalakad si Rain Goodman sa teritoryo ng mga itim na tigre. Labing-limang minuto na siyang naglalakad na sakto lang ang bilis para mapagmatyagan pa rin niya ng malinaw ang bawat detalye ng sahig at mga puno sa paligid. Sa maikling panahon na paglilibot niya ay may isang Black Tiger na ang patagong sumusunod sa kaniya na humahanap ng pagkakataon para sunggaban siya ng patago. Subalit nang iparamdam niya ang presensiya niya ay bumahag ang buntot ng halimaw at tumakbo ito palayo.
"Isang hindi maaalis na maliit na bato sa harap at limang kalmot ng mga daliri naman sa ilalim ng puno. Posible ba talagang hanapin ang ganitong palatandaan para sa kayamanan? Isa pa, ang bato ay walang eksaktong sukat, ang maliliit lang na kalmot ang mas kailangan kong hanapin." Wika niya na pinagmamasdan pa rin ang bawat ilalim ng puno na nakikita niya sa paligid. Malinaw naman ang mata niya at kahit na ilang metro pa ang distansiya niya sa puno ay wala siyang magiging problema para makita ang nagliliitang mga kalmot.
Labing-limang minuto pa lang siya nang simulan ang paghahanap sa napakalaking gubat na ito. Pakiramdam niya ay naghahanap siya ng isang butil ng lupa sa milyon-milyong lupa na nasa harap niya. Higit pa rito ay may bumabagabag din sa kaniyang isipan, ito ay kung mayroon ba talagang Inheritance sa gubat na ito.
"Isang linggo, kapag wala pa rin ang Inheritance sa loob ng isang linggo ay posibleng wala talagang Inheritance. Kung gayon nga ang nangyari ay tatagal ang paghahanda ko para sa kayamanang nakatago sa Potara Village."
Ang [Event] na nangyari sa pagkakaroon ng Inheritance ay mangyayari lang kapag ang laban ng mga batang Adventurer sa pagitan ng Potara Village at Blood Clan ay nagsimula. Isang hindi kilala na Adventurer ng Blood Clan ang magiging susi para matuklasan niya ang kayamanan na iniwan ng makapangyarihang Adventurer. Pero sa ginawa niyang pagkuha ng mga Herbs at Pills sa mapanganib na Tandang Alchea ay pinutol niya ang ugat na magsisimula ng laban sa dalawang baryo na mauuwi sa pagkawasak ng isa.
"Pero ang mundong ito ay masiyadong makatotohanan. Kung ibabase sa kuwento ng World of Fantasy ang nangyari ay imposibleng hindi naiwan ng Adventurer ang Inheritance niya sa Niarich Forest. Mahihirapan lang akong hanapin ang kayamanan dahil wala ang Adventurer na magbibigay daan para sa eksaktong kinaroroonan nito." Sa naisip ay bumalik ang sigla sa mukha niya at mas lumakas ang determinasyon na hanapin ang Inheritance.
Pinagpatuloy niya ang paghahanap sa loob ng ilang oras. Sa sobrang pokus niya sa paghahanap ng palatandaan na iniwan ng Adventurer ay hindi na niya namalayan na ang kalangitan ay padilim na ng padilim. Hindi pa siya kumakain at nang kumulo ang tiyan niya ay doon lang siya bumalik sa reyalidad. Kumuha siya sa mga natirang pagkain sa [Inventory] niya at umakyat sa sanga ng may kataasang puno. Sa sangang inuupuan ay pinagmasdan niya ang mapayapang paligid at sa hindi niya malamang dahilan ay parang komportable siya sa kinaroroonan; tahimik, mapayapa, at walang isipin.
Sumandal siya sa puno at sinimulan na ang pagkain. Matapos ang mapayapang pagkain ay bumaba na siya sa sanga at lumakad na pauwi sa kaniyang tahanan. Totoo na luminaw ang paningin niya kumpara sa dati, pero ang mga mata niya ay kagaya pa rin ng mga mata ng tao. Hindi pa rin nito kayang tignan ang madilim na paligid na para bang umaga pa rin kagaya sa ibang uri ng mga halimaw, kaya naman pinili niyang umuwi muna dahil mahihirapan lang siyang maghanap sa gitna ng kadiliman.
....
Sunod-sunod na katok ng pinto ang maririnig sa tahimik na bahay ni Rain Goodman. Ang nakahigang binata sa kama niyang sarap na sarap sa pagtulog ay naiinis na binuksan ang mga mata. Wala sa plano niya ang gumising ng masiyadong maaga kaya naman naiinis siya ng kaunti, nais niya pa naman sanang sulitin ang nalalabing oras bago ituloy ang paghahanap sa gubat.
Bumangon ang binata na nakapikit ang mga mata. Dumiretso siya sa pinto at pinagbuksan ang binatang may malamig na tingin.
"Anong kailangan mo?" Papikit-pikit na tanong niya sa bisitang ang aga-aga bumulabog.
"May nabalitaan kaba tungkol sa nangyari kahapon?" Tanong naman ni Grim Crow na hindi sinasagot ang katanungan niya. Suot nito ang asul na damit na bumabagay sa emosyong madarama sa mga mata niya.
"Anong nabalitaan?" Ang pumipikit-pikit na mga mata ni Rain Goodman ay sumeryoso ng kaunti sa kaniyang narinig na tono ng pananalita ni Grim Crow. Hindi lang ito kagaya sa normal na sobrang lamig at parang pinipilit na magtunog malumanay sa harap niya, napansin niya rin ang tensyon sa pananalita nito na para bang may problema siya.
"Tama nga ang hinala ko, hindi mo nabalitaan ang nangyari kagabi. P'wede bang sa loob na lang natin pag-usapan 'to?" Tugon ni Grim Crow.
Tumango ang inaantok na binata at pinagbuksan si Grim Crow para unlakan ang kahilingan nitong mag-usap sa loob ng kaniyang tahanan. Inaantok sa labas si Rain Goodman pero sa loob niya ay seryoso siya at pinapaalalahanan ang sarili na mag-iingat sa kaharap niyang binata.
Pinaupo niya sa upuan ang bisita at siya naman ay umupo sa malambot na kama. Tinitigan niya ang mga mata ni Grim Crow at hinintay itong magsalita. At 'di kalaunan ay nagsalita na nga ang bisita niya.
"Tungkol ito sa dalawa pang estudyante ni Elder Devil. May pumatay sa kanila sa Niarich Forest. Bali-balita na dapat daw ay pupunta sila sa teritoryo ng mga Black Tiger para tumapos ng ilan na ibebenta nila sa Guild. Pero may pumatay sa kanila na hindi pa rin natutukoy kung sino. Wala pa ang ibang Elder at ang mga Adventurer na may sapat na abilidad para imbestigahan ang nangyari ay nasa labas din ng baryo para tugunan ang kanilang isinasagawang misyon. Hindi naman p'wedeng iwanan ni Elder Devil ang baryo para lang imbistigahan ang pagkamatay ng dalawa. May pinaghihinalaan akong isa na maaaring may kagagawan sa nangyari, kaso wala akong ebidensiya para patunayan ito."
Pagkatapos marinig ang lahat ay nanlaki ang mga mata ni Rain Goodman sa kaniyang narinig. Hindi kasama sa naaalala niya ang pangyayaring ito, ang nag-iisang daan lang na mababawasan ng estudyante si Elder Devil ay sa oras na umusbong ang laban sa pagitan ng dalawang baryo.
'Anong nangyayari? Bakit may namatay sa kanila?' tanong niya sa kaniyang sarili. Tahimik na inisip ang rason sa likod ng pangyayaring ito, at sa paglipas ng minuto ay mas nanlumo siya nang mapagtantong maaaring may kinalaman dito ang pagsubok niyang baguhin ang mga mangyayari sa hinaharap.
Pinagmasdan lang ni Grim Crow ang tahimik na binata sa harap niya. Kitang-kita niya kung paano manlumo ang mukha nito sa kaniyang sinabi. Panlulumo na halatang hindi dahil sa takot sa taong tumapos sa dalawang estudyante, panlulumo ito sa ibang rason na hindi niya maintindihan, at sa kaniyang nakita, pakiramdam niya ay nakumpirma niya ang kaniyang matagal nang hinala.
'May nalalaman nga siyang hindi namin alam. Hindi ko pa alam sa ngayon kung ano ang itinatago mo, ngunit sisiguraduhin kong malalaman at malalaman ko rin ang lahat.'
Makalipas ang ilang saglit ay bumalik na sa sarili si Rain Goodman, kasunod nito ay ang naguguluhan niyang tanong, "May hinala ka? Hindi naman siguro ako ang pinaghihinalaan mo, 'di ba?"
"Hindi ikaw. Dahil sa kalagayan naming apat ay wala akong ibang maisip na p'wedeng isama bukod sa'yo para imbistigahan ang nangyari." Tugon ni Grim Crow na naghihintay sa susunod na tanong niya.
"Bakit ako? Sa tingin ko ay may mga kasama ka na makakatulong ng mas malaki sa binabalak mo." Naguguluhang tanong ng binata.
"Wala akong mga kaibigan at kakilalang puwedeng pagkatiwalaan bukod sa tatlo. At kung wala ang tatlo, ikaw na lang ang tanging naiiwan sa listahan na maaari kong hingan ng tulong." Direktang paliwanag niya kay Rain Goodman.
Natahimik si Rain Goodman sa narinig na sagot ng binata. Hindi niya maintindihan kung bakit siya pa ang kailangang tumulong sa binata. Kung isa nga sa tatlo nitong kaibigan ang pinaghihinalaan nito, na malaki ang posibilidad na totoo ay bakit hindi siya humingi ng tulong sa dalawang kasama?
"Katulad nga ng sinabi ko kanina, may pinaghihinalaan na akong salarin sa kamatayan ng dalawang estudyante ni Elder Devil. Ang paghihinalang ito rin ang rason para hindi niya matunugan ang ginagawa ko. Sa oras na sabihin ko sa dalawa ang binabalak kong imbestigasyon ay walang duda na mababago ang tingin nila sa pinagdududahan ko, at 'pag nangyari 'yon ay imposibleng hindi nito mapapansin ang mga pagbabago kahit na gustuhin pa nila itong itago, na sa tingin ko ay magreresulta sa paghihinala niyang may mga natuklasan kami. Alam mo naman na siguro ang resulta kapag natunugan niya ang ginagawa ko, 'di ba?"
Hindi mapigilang mapatango ni Rain Goodman sa narinig na sagot ni Grim Crow. May punto ang mga sinasabi nito at sa mga naririnig niya ay tanging siya na lang ang natitirang Adventurer na maaari niyang pagkatiwalaan na hindi nakukuha ang atensyon ng pumatay. Gayunpaman, sa nakikita niyang sitwasyon ay wala siyang benepisyong matatanggap para sa pagtaya niya ng kaniyang sikreto, sikretong dapat niyang ingatan dahil konektado ito sa buhay at hinaharap niya.
"Sabihin na nating ako nga lang ang p'wede mong pagkatiwalaan. Paano kung tumanggi ako? Kung kaya nitong patayin ang mga kapwa niyo estudyante ni Elder Devil ay walang duda na kaya rin akong patayin ng taong iyon. Sa tingin mo ba ay may sapat kang kapabilidad para mapanatili mo ang kaligtasan ko 'pag tinulungan kita?" Paliwanag niya na pinapakita ng malinaw ang kaniyang negatibong opinyon sa binabalak ni Grim Crow.
Natahimik naman si Grim Crow sa kaniyang narinig. Tama ang sinasabi ni Rain Goodman, kung nagawa nitong pumatay ng kapwa nila estudyante na siguradong ikapapahamak nito ay hindi imposibleng sapitin nila ang malagim na sinapit ng dalawa. Gumuhit ang alinlangan sa mukha niya habang iniisip ang mga senaryo na p'wedeng mangyari, at makalipas ang halos isang minutong pag-iisip ay sumagot na rin siya, "Sa tingin ko ay kaya kitang protektahan. Hindi mo na kailangang problemahin ang proteksiyon mo, babantayan ko ang bawat galaw niya at 'pag napansin kong may binabalak siyang kakaiba, lalo na 'pag sa'yo ay gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para pigilan siya."
Malamig at mapapansin ang tapang sa tono ng pananalita niya. Sa loob ni Rain Goodman ay napapahanga na siya sa mga sinasabi ni Grim Crow, pakiramdam niya ay ligtas na talaga siya hanggang sa narinig niya ang huli nitong sinabi na "pigilan siya." Ibig sabihin ay wala pa rin itong balak na lumaban hanggang kamatayan sa isa sa kanilang apat na maaaring tumapos sa buhay nila, o kaya naman ay alam ni Grim Crow na hindi ito sigurado kung mananalo ba sa salarin.
Pero sa nakikita niyang dedikasyon ni Grim Crow na protektahan ang dalawang kaibigan sa pamamagitan ng imbestigasyon ay unti-unting lumalambot ang puso niya. Kahit na isa siyang makasariling binata na hindi magsasabi ng kahit na anong impormasyon sa iba para mapanatili ang kaligtasan niya, mayroon pa rin naman siyang limitasyon.
Ginagawa niya rin naman ito upang lumakas siya at ma-protektahan ang apat niyang kasama sa mga delubyong babagsak sa kanila. At ngayong kailangan na rin ni Grim Crow ng tulong niya para mapanatiling ligtas ang dalawa, wala na siyang naiisip pang rason para tumanggi.
"Pumapayag na ako sa kahilingan mo. Tatanggapin ko ang mga sinabi mo at sana ay tuparin mo ang mga binitawan mong salita tungkol sa proteksiyon ko. Alam mo naman na sa ating lima, ako ang pinakamahina at kahit na sino sa inyo ang makaharap ko ay malalagay sa panganib ang buhay ko." Sagot ni Rain Goodman.
"Kung gayon, tatanawin ko bilang malaking utang na loob ang tulong mo." Malamig na saad ni Grim Crow at inihaya niya sa harap ni Rain Goodman ang kamay niya para makipagkamayan.
Malugod namang tinanggap ni Rain Goodman ang kamay niya.
Malamig ang ekspresyon na makikita sa mukha niya. Pero sa loob niya ay ang nag-aapoy niyang emosyon sa pagkasabik.
....
Niarich Forest
Tahimik na naglalakad si Rain Goodman at Grim Crow sa teritoryo ng mga Wild Boar. Wala namang mga halimaw ang pumipigil sa kanila kaya naging mas mabilis ang kanilang paglalakad. Pero sa kalagitnaan ng paglalakad nila, ang paligid na tanging mga punong tinatamaan lang ng hangin ang maririnig ay biglang nagkaroon ng pagbabago.
May namuong enerhiya sa kanang kamao ni Grim Crow at walang kamalay-malay ang katabi niyang si Rain Goodman na nakahanda na pala siyang umatake. Sa isang iglap, ang kaninang naglalakad lang niyang katawan ay nakaharap na pala sa kasama, hindi lang iyon, sa bilis ng mga binabalak niya ay hindi pa rin nakakatingin si Rain Goodman nang tumama na ang kamao niya.
Bumaon ang kamao niya sa pisngi ni Rain Goodman, nilakasan niya pa ang puwersa ng suntok hanggang sa saluhin ng mukha nito ang buong lakas ng kamao niya. Tumilapon ang katawan nito ilang metro ang layo, nakasuntok pa rin sa hangin ang nababalutan ng itim na usok na kamao niya at umukit ang ngiti sa labi niya habang nakatingin sa katawan ng sinuntok niyang binata.