Nakatayo ako sa harap ng dambuhalang pintuan ng penthouse, ang palad ko ay malamig habang nakahawak sa aking bag. Ang buong palapag ay nasa ilalim ng lockdown mode—isang security protocol na tanging si Karius lang ang may kontrol. Alam kong hindi niya ako kakausapin nang harapan matapos ang pagsabog niya kanina.
“Karius,” mahinahon kong tawag sa intercom. “Pupunta lang ako sa ospital. Bukas na ang operasyon ni Benji. Kailangan kong makasiguro na handa siya.”
Katahimikan ang sumagot sa akin. Ngunit makalipas ang ilang sandali, narinig ko ang mahinang click. Bumukas ang electronic lock. Isang tahimik na pagpayag. Isang paraan para ilayo ako sa kanya habang nilalabanan niya ang sarili niyang mga demonyo.
Nakaalis ako ng penthouse nang hindi man lang tinatanaw ang anino ni Karius. Ang bigat ng kanyang mga salita kanina—na isa lamang akong empleyado at bahagi ng kontrata—ay tila mga tinik na nakabaon sa aking dibdib. Pero kailangan kong maging matatag para kay Benji.
Pagdating ko sa ospital, ang puting paligid at ang tunog ng mga monitor ay tila nagpapaalala sa akin kung gaano kanipis ang sinulid na nagdudugtong sa buhay ng kapatid ko.
Nakaupo ako sa gilid ng kama ni Benji habang hinahaplos ang kanyang buhok. Masigla siya, taliwas sa inaasahan ko, tila ba hindi siya nakaharap sa isang malaking operasyon bukas.
“Ate, bakit ka umiiyak? Dahil ba bukas na ang operasyon ko?” tanong niya, ang kanyang maliliit na daliri ay pilit na pinapahid ang luha sa aking pisngi.
“Natatakot lang ang Ate, Benj. Ayaw kitang mawala,” bulong ko.
“Huwag kang matakot, Ate. Sabi ni Kuya Karius noong bumisita siya rito, kukunin niya raw ang pinakamagaling na doktor sa mundo para sa akin. Sabi niya, ‘Benji, kailangan mong gumaling dahil kailangan mo pang alagaan ang Ate mo.’ Ang bait niya, 'di ba?”
Napatigil ako. Bumisita si Karius nang hindi ko alam?
“Alam mo Ate, nung una, akala ko masamang tao siya dahil laging nakasalamin at mukhang masungit,” patuloy ni Benji, ang kanyang mga mata ay nagniningning sa tiwala.
“Pero nung hawakan niya ang kamay ko, naramdaman ko na malungkot din siya. Pakiramdam ko, gusto niya tayong maging pamilya. Kaya Ate, huwag mo siyang iiwan ah? Kasi sabi niya, ikaw lang daw ang liwanag niya sa gabi.”
Sa bawat salita ni Benji, unti-unting nadudurog ang puso ko. Ang balak ko sanang pagpunta sa apartment ni Sarah, ang paghalungkat sa lihim na pilit niyang itinago—bigla akong nakonsensya. Baka kaya ayaw niyang sabihin ay dahil hindi pa siya handang buksan ang Pandora’s box ng kanyang nakaraan. Baka natatakot lang siyang itaboy ko siya kapag nalaman ko ang lahat.
Nanatili ako sa tabi ni Benji hanggang sa dalawin siya ng antok. Mag-aalas otso na ng gabi nang lumabas ako ng ospital, pagod ang isip at katawan. Habang naghihintay ng sasakyan, isang SUV ang huminto sa tapat ko.
“Sebrina?”
Si Marco. “Gabi na, anong ginagawa mo rito? Kumain ka na ba?”
“Marco... galing lang ako kay Benji,” matipid kong sagot.
“Mukhang pagod na pagod ka. Let’s grab a quick dinner. May malapit na bistro rito. Hindi kita hahayaang umuwi nang walang laman ang tiyan,” pilit niya.
Dahil sa gutom at pangangailangan ng makausap na normal na tao, tumango na lang ako.
Dinala ako ni Marco sa isang cozy na bistro. Masarap ang pagkain, at sa sandaling iyon, tila nakahinga ako nang maluwag habang nagkukwento si Marco tungkol sa mga dati naming kaibigan. Ngunit sa gitna ng aming pag-uusap, bigla niyang hinawakan ang kamay ko sa ibabaw ng lamesa.
“Sebrina, kung nahihirapan ka na sa trabaho mo kay Montero, alam mong nandito lang ako. Kaya ko na. Pwede na kitang tulungan—”
BAM!
Ang pinto ng bistro ay bumukas nang may ganoong kalakas na puwersa. Ang lahat ng customer ay napahinto. Mula sa dilim ng gabi, pumasok ang isang lalaking tila galing sa impyerno ang galit. Si Karius.
Balot siya ng itim na coat, ang kanyang mukha ay bahagyang natatakpan ng sumbrero, pero ang kanyang mga mata ay sapat na para itigil ang t***k ng puso ko. Sa isang iglap, nasa harap na namin siya.
“Bitawan mo ang kamay niya,” ang boses ni Karius ay parang kulog sa katahimikan ng bistro.
“Karius! Anong ginagawa mo rito?” gulat kong tanong.
Hindi niya ako sinagot. Ang tingin niya ay nakapako kay Marco, puno ng poot at matinding selos. “I don't repeat myself. Bitawan mo siya bago ko ipasara ang lugar na ito kasama ka.”
Tumayo si Marco, pilit na nagmamatapang. “Sino ka ba para diktahan siya? Nakita mo namang kumakain kami nang maayos—”
Bago pa matapos ni Marco ang sasabihin niya, hinablot na ni Karius ang braso ko nang may awtoridad. Hinila niya ako patayo, ang kanyang pagkakahawak ay mahigpit hindi para saktan ako, kundi para iparamdam na hindi niya ako pakakawalan.
“She’s coming with me,” malamig na sabi ni Karius. “And if I ever see your face near her again, sisiguraduhin kong hindi ka na masisikatan ng araw kinabukasan.”
Kinaladkad ako ni Karius palabas patungo sa kanyang sasakyan. Isinakay niya ako at mabilis na pinaandar ang makina. Ang loob ng sasakyan ay balot ng tensyong nakakasakal.
“Karius, nag-dinner lang kami!” sigaw ko. “Wala kaming ginagawang masama!”
Bigla niyang itinigil ang sasakyan sa isang madilim na gilid ng kalsada at hinarap ako. Ang kanyang mga mata ay nangingilid ang luha sa galit at sakit. “Dinner? Sebrina, halos mamatay ako sa pag-aalala cause I can't reach your phone! Akala ko ay iniwan mo na ako dahil sa sinabi ko kanina! Tapos makikita kitang nakikipag-hawakan ng kamay sa lalaking 'yan?”
Hinila niya ako palapit at isinandal sa upuan, ang kanyang mukha ay ilang pulgada na lang sa akin.
“Huwag mong subukan ang pasensya ko, Sebrina. Dahil kahit anong gawin mo, hinding-hindi kita ibibigay sa kanya. Sa akin ka lang.”