Kabanata 7.2: Pagsibol

1256 Words
Pero hindi man lang ito bumati pabalik sa kaniya. Bagkus sinuntok nito ang dibdib niya. Napahawak siya sa parteng 'yon at ngumiwi. Mabigat ang kamay ni Rowena. "Nakakainis ka," lapat ang ngiping bulong nito. At sa oras na 'yon, alam niyang totoong galit at naiinis ito sa kaniya. Mahilig ito sa biro kaya kapag sinisigaw nitong naiinis ito sa kaniya ay alam niyang biro lang 'yon. Pero kapag ganitong bulong lang ang pagsambit nito ay totohanan na ang nararamdaman nito. Napakamot siya sa batok at nag-iwas ng tingin sa kababata. "Pasensya na, Wena. Nalimutan ko." "Nakakainis ka," ulit nitong bulong at hinampas ang braso niya. "Nakakainis ka talaga, Estong." Hinimas niya ang nasaktang braso at hilaw na ngumiti sa babae. "Kumain ka na ba?" Pero hindi nito sinagot ang tanong niya. Bagkus pinaghahampas siya nito. Mabilis niyang hinuli ang mga kamay ni Rowena at mariing tumitig sa mga mata nito. "Wag ka nang magalit," suyo niya. "Sinong hindi magagalit? Hinanap kitang linta ka," angil nito habang masamang nakatitig sa kaniya. "Nagtanong-tanong pa ako sa mga titser at talagang makakalbo kitang linta ka," gigil nitong bulong. "Babawi ako sa susunod." "Wag na!" Inis na binawi ni Rowena ang mga kamay. "Kumain ka kasama ang kalaguyo mong linta ka!" At tumakbo ito palayo sa kaniya. Napahilamos naman ng mukha si Estong. Hindi niya gustong magalit si Rowena sa kaniya. Kakaiba pa naman ito magtampo dahil ilang buwan itong iiwas at hindi magpapakita sa kaniya. Bumuntong-hinga siya at nagbaba ng tingin sa bench sa gilid. May dalawang lunchbox do'n. At hindi siya pwedeng magkamali. Kay Rowena ang dalawang lunchbox dahil palagi niyang nakikita ang mga 'yon sa tuwing sabay silang kumakain ng tanghalian. "Wena!" tawag niya pero masyado na itong malayo. Bumuntong-hinga na naman siya at pinulot ang dalawang lunchbox. Tiningnan niya ang malaking puno sa tapat at nakita niya si Jowee doon. Mag-isa nitong kinakain ang pandesal na dala niya. Napangiti siya. Humakbang siya pabalik sa puno at tumayo sa harap ni Jowee. Nag-angat ito ng tingin sa kaniya at bahagyang ngumiti. "You're back." Naupo siya sa tabi nito at binuksan ang lunchbox ni Rowena. "Gusto mong kumain?" alok niya. Tiningnan ni Jowee ang laman ng lunchbox at nanlaki ang mga mata nito nang makakita ng adobo. Bigla nalang kumalam ang sikmura nito na narinig ni Estong. Palihim na ngumiti ang huli. "Tara, kain." Binigay ni Estong ang isang lunchbox kay Jowee. Agad naman 'yong tinanggap ng babae. May nakalagay na disposable spoon sa gilid kaya hindi nahirapan si Jowee sa pagkain. "Who cooked this?" tanong nito. Lumunok ito at sumulyap sa kaniya. "It tastes better than the one I've tasted from our cook." Lumunok si Estong at ngumiti. "Si Rowena." "Who's that?" "Kaibigan." Nagbaba siya ng tingin sa lunchbox na hawak. "Masarap talaga 'yong magluto." "Tell her that she cook well." Ngumiti nang malapad si Jowee. "At baka pwede siyang mag-part time sa bahay. You know, as a cook?" Napatingin si Estong kay Jowee. "Seryoso ka?" "Of course." Tumango-tango pa si Jowee. "I'll tell Papa na i-ha-hire siya." Bahagyang natawa si Estong. "Titingnan ko kung papayag 'yon." "Okay!" Sumubo si Jowee ng adobo. Nagbaba ulit ng tingin si Estong sa lunchbox at inalala ang nakabusangot na mukha ni Rowena. Mukhang kailangan niyang suyuin ang kaibigan. Bukas na bukas ay babawi siya sa babae. Limang minuto bago mag-ala-una ay nagpaalam na sila Estong at Jowee sa isa't isa. Dumiretso na si Jowee sa gusali ng mga junior habang naglakad naman papunta sa gusali ng sophomore si Estong. Bitbit niya ang ubos sa lamang lunchbox ni Rowena. Bigla nalang siyang nakaramdam ng awa sa kaibigan. Bumuntong-hinga siya at pinangako sa sariling babawi kay Rowena bukas. Ilang oras ang nilagi niya sa loob ng klasrom. Katabi niya ang dalawang kaibigan. Si Alkan sa kaliwa at si Yalke sa kanan. Kapwa nasa dulo ng hanay ng mga upuan ang pwesto ng magkakaibigan. "May bagong chick daw sa junior bai," bulong ni Yalke. Kasalukuyang nagdi-discuss ang math teacher nila. Pero panay ang bulong ni Yalke sa kaniya. "Makinig ka sa guro," saway niyang bulong sa kaibigan. "Di, sandali lang 'to." Umikhim si Yalke. "Yung maputi bai. Balita ko, binabantayan ng Malvic." Nahinto sa pagsusulat si Estong. "Malvic?" "Oo, 'yong number one frat bai." "Sino 'yong binabantayan?" bulong niya. "Yung transferee sa section A sa third year." "Pangalan?" "Jowee yata bai." Doon lang tuluyang bumaling si Estong kay Yalke. "Jowee?" Nangunot ang noo niya. "Bakit binabantayan ng Malvic?" "Crush daw ng leader si Jowee." Hindi niya namalayang nakuyom na niya ang kamao. Bumalik lang siya sa realidad nang tinawag siya at si Yalke ng guro. Pinatayo silang dalawa. "Nag-uusap ba kayo, Emmanuel?" tanong ng guro. Umiling si Yalke. "Hindi po, maam." Nagtaas ng kamay si Alkan. "Nanghiram po sa akin ng ballpen, Miss." Bahagyang ngumiti ang guro kay Alkan. "Gano'n ba?" Bumaling ang guro sa kaniya at kay Yalke. Pinandilatan silang dalawa. "Makinig kayo sa leksyon." Pinaupo sila ng guro at tahimik silang tumalima. Palihim namang sinundot ni Yalke si Alkan at tinaas-baba ang kilay. Napailing nalang si Estong. Walang sinumang guro ang gustong bumangga kay Alkan. Siguro dahil mayaman ang kaibigan niya. At hindi naman barumbado si Alkan kaya hindi palaging nasisita ng guro. Sa katunayan, si Alkan ang teacher's pet ng klase nila dahil mayaman na, matalino pa. Hindi nagtagal, pumatak sa alas-kuwatro ang orasan sa itaas ng chalkboard. Nang magpaalam ang guro ay panay na ang pagkukwento ni Yalke tungkol sa transferee. "Uwi na ako," paalam niya. "Sabay na tayo!" sabi ni Yalke. "May pair work pa tayo," sabi ni Alkan at hinila ang collar ni Yalke. Sumenyas si Alkan sa kaniya. "Kita tayo bukas." Ngumiti siya at tumango. Mabilis at malaki ang hakbang na tinungo niya ang pinto. Dumiretso siya sa gusali ng mga third year. Plano niyang sunduin si Jowee at ihatid sa bahay nito. Naalarma siya sa kuwento ni Yalke. Hindi maganda ang balita nito. Baka kung anong gawin ng Malvic kay Jowee. Mabilis ang naging hakbang niya. Tanaw na niya sa malayo ang gusali ng third year. Nilibot niya ang tingin at nahagip ng paningin niya ang bulto ni Jowee. Nakatalikod ito sa kaniya at may kausap itong dalawang matatangkad na lalaki. Sa palagay niya ay mga fourth year 'yon at kabilang sa Malvic. Bumilis ang hakbang niya. Pero bigla siyang dinamba ng kung sino sa likuran. Mabuti nalang at nabalanse niya ang katawan kaya hindi siya nasubsob sa lupa. Lumingon siya sa likuran. Dalawang first year ang nakita niya. "Sorry, Kuya!" sigaw ng dumamba sa kaniya at tumakbo palayo. "Ana!" sigaw nito sa kaibigan. Natatawang tumakbo palayo ang tinawag na Ana. "Kuya, crush ka niyan!" sigaw nito at binilisan ang takbo palayo. "Hindi, Kuya!" tanggi ng babaeng dumamba sa kaniya at binilisan ang takbo palayo. Maang na tinanaw ni Estong ang dalawang first year. Napailing siya. Akmang tatalikod siya nang mahagip ng paningin niya si Rowena. Nakatungo ito habang humahakbang palapit sa kaniya. Akmang tatawagin niya ito nang bigla itong nabuwag at napahiga sa lupa. "Wena!" Mabilis niyang tinakbo si Rowena. Sinapo niya ang mukha nito. "Wena," pukaw niya pero nanatiling nakapikit ang mga mata nito. Walang pagdadalawang-isip niyang binuhat ang babae at nilibot ang paningin. Kailangan niyang madala sa principal si Rowena. Pero habang nililibot niya ang paningin ay nahagip ng mata niya si Jowee. Kausap pa rin nito ang dalawang lalaki. Nagbaba siya ng tingin kay Rowena, at nagtaas ng tingin sa nakatalikod na si Jowee. Kailangan niyang ihatid si Jowee sa bahay nito at kailangan niya ring mahatid sa principal si Rowena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD