Nakauwi siyang ligtas mula sa mga Malvic. Hindi niya alam kung paano niya nagawang makaligtas sa mga lalaking 'yon. Para ngang impossible ang nangyari. Kung hindi lang dumating si Raven ay baka bangkay na siya ngayon. Hindi pa naman kaya ng katawan niya ang sobrang bugbog. Ni hindi pa nga siya napagbuhatan ng kamay ng Papa o maski ng kuya niya. Kanina pa nakauwi si Raven. Nagpaalam na ito nang marating nila ang bungad ng eskina. Hindi na raw ito tutuloy dahil may pupuntahan pa ito. Isa pa, napansin niyang hiningal ito nang husto. Mukhang hindi ito sanay na tumakbo nang matagal. At dahil sanay na ang katawan niya sa takbuhan ay hindi na siya masyadong hiningal. Tinudyo pa nga niya ang lalaki pero sinagot lang siya nito ng tawa at nagpaalam na. Pumara ito ng papadaang tricycle sa kalsada.

