CHAPTER 16
Observation
Nang matapos ang trabaho ni Noah ay nagpaalam na siya sa kanyang nga kaibigan na maliligo muna siya. Habang nasa loob siya ng banyo at tahimik na dinarama ang malalamig na patak ng shower na nagpakalma sa kanyang sistema ay narinig niya ang pagbukas ng pinto sa kanilang kwarto, hininaan niya muna ang shower, nagbabakasakali na marinig niya kung sino man ang pumasok pero kahit na mahina na ang shower ay wala siyang narinig na kung ano man. Pero ilang segundo ang lumipas ay narinig niya muli ang pagsarado ng pinto. Hindi na lang niya pinansan iyon tiyaka niya muling nilakasan ang shower, baka may kinuha lang si Antonniete sa kanilang kwarto.
Ang weird lang dahil alam niya na ni-lock niya ang pinto bago siya pumasok sa banyo. O baka naghingi siya ng susi kay Cassandra? Bakit? Hindi ba siya makapaghintay na matapos si Noah sa pagligo bago siya pumasok sa kanilang kwarto? Ganon ba ka-importante ang kukunin niya? Gaano ba ka-importante iyon at hindi man lang siya mahintay sa pagligo? Imposibleng may emergency siya sa kanyang cellphone dahil kahit anong gawin niya ay wala siyang nakukuhang signal. Iyan lamang ang mga katanungan na tumatakbo sa kanyang isipan ang kaso nga lang ay kaagad niyang inalis dahil baka nagkakamali siya, baka hindi naman niya talaga na-lock ang pinto at inakala niyang nasarado niya ito.
Pagkatapos niyang maligo ay hinila niya ang towel na nakasabit tiyaka niya ito pinalupot sa kanyang beywang. Lumapit siya sa lababo kung saan nilagay niya roon ang kanyang toothbrush at mouth wash tiyaka niya iyon ginamit para matapos na ang routine niya sa kanyang pagligo. Matapos niyang mag mouthwash ay napatingin siya sa kanyang mukha sa salamin.
Pagod niyang sinusuri ang kanyang mukha. Pero pumikit lang siya ng mariin habang inaalis niya kung ano man ang iniisip niya. Nasa bakasyon siya kaya hindi niya dapat isipin ang problema niya sa pagiging athlete niya, tiyaka na lang niya problemahin iyon pagkabalik nila ng Manila. Gusto niya rin na takasan ang reyalidad dahil kung siya ang tatanungin ay hindi siya masaya kung ano man ang meron siya ngayon. Oo, masaya siya sa t'wing hawak niya ang bola—sa t'wing naglalaro siya ang kaso nga lang ay hindi niya maiwasan na maawa sa kanyang sarili para lang i-please niya ang kanyang mga magulang dahil simula palang nung una ay tutol na sila sa pagiging atleta niya. Ang kaso lang ay wala silang magawa kasi pinilit niya kung ano man ang gusto at pangarap niya.
Umiling siya tiyaka niya sinindihan ang faucet sa lababo tiyaka niya hinilamos iyon sa kanyang mukha para matauhan siya na hindi niya kailangan alalahanin iyon ngayon lalo na't magsasaya sila mamaya. Hindi niya kailangan magsagawa ng pity party sa kanyang sarili dahil gusto niya rin na ipakita sa kanyang kaibigan na naging successful siya sa path na pinili niya at gusto niyang ipakita na masaya siya kahit na siya lang ang lumihis ng landas sa kanyang pamilya.
Binuksan niya ang pinto ng kwarto tiyaka siya dumeretso sa kama kung saan nakalagay doon ang kulay dilaw niyang polo na puno ng bulaklak dahil iyon ang napag-usapan nilang magkakaibigan na lalaki sa kanilang GC na susuotin nila. Mabuti na lang din at nakahanap siya sa mall nang ganoon gabi bago sila pumunta sa Batangas.
Sandaling lumaki ang kanyang mata dahil sinigurado niyang mabuti kung tama ba ang nakikita niya na nasa ibabaw ng kanyang polo. Kung tama ba ang bagay na nakikita niya, inalala niya kung saan niya nakita iyon. Alam niyang nakita na niya ang ganoong style na ID kaya baka naligaw lang sa kanilang kwarto. Hindi siya pwedeng magkamali dahil nakita niya ito sa bulsa ng kaibigan niyang lalaki kahapon. Kinuha niya ito para matingnan kung kanino iyon at ganon na lang ang kanyang pagkagulat nang makita niya ang kanyang litrato maging ang kanyang pangalan.
Licensed for Failure
Noah Pineda — Most Valuable Player, Athlete.
Para bang gusto niya itong wasakin pagkatapos niyang makita kung ano ang nakasulat sa ibaba ng kanyang pangalan. Kinuyom niya ang kanyang kamao na may hawak ng ID na halos bumaon na iyon sa kanyang palad pero hindi niya ininda ang sakit.
Sino ang posibleng gumawa noon sa kanya? Wala siyang kakilala na nakaaway niya sa kanyang mga kaibigan. Naging maganda ang pakikitungo niya sa mga ito at paanong nalaman nila ang malagim niyang sikreto kung paano niya nalalasap ang tagumpay niya ngayon?
Napailing siya na halos hindi makapaniwala dahil tinuring niyang parang isang pamilya ang mga kasama niya ngayon pero ganito ang igaganti nila sa kanya? Sigurado siya na kakalagay lang ng bagay na iyon sa ibabaw ng kanyang damit dahil wala naman iyon kanina bago siya pumasok sa banyo.
Sa banyo.... Pagbukas ng pinto…. Maingat na paggalaw na halos wala na siyang marinig galing sa labas…. Muling pag sarado ng pinto hudyat na nakalabas na kung sino man ang may gawa noon… Hindi kaya ang kasama niya sa kwarto ang naglagay noon? Ano namang balak ni Antonniete? Anong gustong mangyari ni Antonniete?
“I’ll prepare na,” paalam ni Madelyn sa kanyang kasintahan tiyaka niya ito marahan na hinalikan sa pisngi. Tumango si Brandon habang nakaupo sila sa sala, nagtiim ang bagang ni Isiah habang pinagmamasdan niya ang dalawa.
Siya ang dapat na nandoon pero bakit hindi man lang siya makita ni Madelyn? Anong meron kay Brandon na wala sa kanya? Kayang-kaya niyang tumabasan ang pagmamahal ni Brandon sa kanya, sigurado siya doon. Simula noong junior high school pa lang sila ay napansin na niya ang pagsibol ng nararamdaman niya sa dalaga at simula noong narealize niya na may nararamdaman siya sa dalaga ay pinabayaan lang niya iyon sa kanyang dibdib tiyaka pa niya ito lalong pinalago sa halip na iwasan dahil umaasa siya na mapapansin siya ni Madelyn. Dahil umaasa siya na darating din ang panahon na mamahalin siya ni Madelyn kahit na hindi na katulad ng pagmamahal niya sa dalaga basta siya lang ang piliin nito.
Tinapik ni Hermes ang balikat ni Isiah, napansin niya kasi ang mariin na titig nito sa dalaga at hindi naman lingid sa kanyang kaalaman ang nararamdaman ni Isiah kay Madelyn. Lahat silang magkakaibigan ay alam ang pagtingin ni Isiah kay Madelyn pero hindi nila alam kung bakit hindi man siya tiningnan ni Madelyn higit pa sa salitang kaibigan. Ayos lang naman din sa kanila si Brandon dahil anim na taon din naman silang magkakasama bago siya nagtransfer sa ibang bansa para sa last senior year.
“Hindi ka pa nakaayos?” pagtatanong ni Hermes sa kanya para mawala ang atensyon ni Isiah kay Brandon na ngayon ay malalim ang iniisip habang nanonood siya s aTV kung saan naglalaro sina Vanz. Umiling si Isiah dahil hindi niya pa napanisn ang pagbaba ni Sheena.
“Hindi pa tapos si Sheena,” sagot ni Isiah sa kaibigan. Saktong pagkatapos niyang sabihin iyon ay pababa na si Sheena sa hagdan at mukhang may hinahanap na isang tao, kumunot ang noo ni Isiah dahil kanina pa siya naweweduhan sa kinikilos ni Sheena.
“Tapos na pala siya,” komento ni Hermes habang tinitingnan niya ngayon si Sheena na katulad ng hinala ni Isiah, tingin niya ay may hinahanap ito. Kahit na matalino siya kumpara sa kanyang mga kasing-edad, dahil siya ang pinaka bunso sa kanila ay nababasa kaagad nila kung ano ang emosyon nito dahil halatang-halata sa kanyang mukha. Hindi ito marunong magtago ng emosyon.
Dumapo pa ang mata ni Sheena kina Hermes at Isiah pero mabilis ang paggalaw ng kanyang mata dahil hinahanap niya ang kanyang pinsan. Nang hindi niya io nakita ay nagmartsa siya pababa para lapitan si Vanz na ngayon ay busy’ng busy dahil sa paglalaro niya.
“Nasaan si ate?” nakapamewang na tanong ni Sheena kay Vanz, iminuwestra ni Vanz ang itaas gamit ang kanang ulo tiyaka patagilid pa itong ngumuso para maituro ang second floor.
“Kwarto,” maikling sagot ni Vanz, walang pakialam kay Sheena dahil kailangan niyang manalo sa larong ito, kanina pa nanalo sa kanya si Ranz kaya kailangan niyang pagbutihan kung hindi ay aasarin na naman siya ng kanyang kaibigan. Hindi lang siya makapag-focus sa game dahil bigla na lang sumusulpot sa kanyang isipan ang pinag-usapan nila ni Sacha kagabi.
Mabilis na nag martsa pabalik sa itaas si Sheena pagkatapos na pagkatapos sabihin ni Vanz iyon dahil kailangan niyang makausap ang kanyang pinsan. Siya lang ang mapagkakatiwalaan niya sa dami ng kanyang mga kaibigan na nasa sala, kusina, o maging sa swimming pool na pagdarausan nila ng party maya-maya.
“When did Sheen start to act like that?” hindi mapigilan na itanong ni Hermes. Mukhang may tinatago sa kanila ang dalaga lalo na kaninang bumaba siya at nakakuyom lang ang kanyang isang kamao na tila ba may tinatago siya, hindi man lang niya binuksan iyon.
“Why?” pagtatanong ni Isiah, hindi iya maiwasan na magulat dahil mukhang inoobserbahan ni Hermes ang lahat ng kanilang mga kaibigan kung napansin niya ang pagiging weird ni Sheena.
“Just asking,” tipid na sagot ni Hermes na mukhang wala naman siyang makukuhang kasagutan kay Isiah at ayaw niya itong tanungin pa dahil baka sa kanya pa mabaling ang pagtataka na nararamdaman niya kay Sheena.
“Isn’t she a bit weird?” pagtatanong ni Brandon na ngayon ay nasa gilid ng dalawa. Pupunta sana siya sa kusina para kumuha ng maiinom dahil nanunuyo ang kanyang lalamunan sa kakaisip ng tanong na alam niyang hindi mabibigyan ng kasagutan.
“What do you mean?” Isiah shifted his seat to listen to what Brandon was thinking. Aminado siya na nagseselos siya sa kanyang kaibigan pero sa huli ay kaibigan niya pa rin ito. Isa pa, tatlo na silang nagwewerduhan kay Sheena.
“Nothing? She’s just acting weird today,” kibit-balikat na sagot ni Brandon bago niya tinuro ang kusina para makainom na siya ng tubig.
Natahimik si Isiah, kung tama ngang nawewerduhan na maging ang iba niyang kaibigan ay marahil tama na ang kanyang hinala na si Sheena nga ang may kagagawan ng ID sa loob ng kanilang kwarto? Pero hindi niya lang maintindihan kung bakit kailangan gawin ni Sheena iyon? Wala naman siyang ginawa sa kanyang kaibigan.
Kapareho ni Isiah ay natahimik din si Hermes sa kanyang tabi habang malalim ang kanyang iniisip, kung tama ba na si Cassandra talaga ang pinagbibintangan niya o si Sheena na? Wala namang bago sa kilos ni Cassandra pero sa kilos ngayon ni Sheena ay mukha siyang tuliro na hindi niya maintindihan.
Natigil si Zyrene sa pag-akyat nang marinig niya ang pag-uusap ng tatlo, posible nga kayang si Sheena ang may kagagawan noon? Pero parang ang imposible naman sa part niya lalo na’t hindi naman nila kasama ang dalaga noong nag-grocery sila. Ang tanging kasama niya lang ay si Cassandra at ang tatlong maloko niyang kaklase. Bago siya umakyat ay tiningnan niya ngayon si Cassandra na tumatawa habang kausap si Joanne at mukhang may ginagawa silang fruit shake sa blender, imposible namang gawin sa kanya iyon ng matalik niyang kaibigan. Napatingin siya sa tatlong ugok na naglalaro sa sala, posible kayang isa sa kanila? Hindi niya alam.
Mula sa may sliding door ng pool area ay pinagmamasdan ni Jefree ang kanyang mga kaibigan mukhang ayos naman ang kanilang mga galaw. Wala naman bago at kakaiba. O mayroong bago pero pilit lang bina-block ng kanyang isipan dahil alam niyang masamang pagdudahan ang kanyang mga kaibigan?
Pagkatapos alisin ni Calyx ang mga dahon na nahulog sa pool ay tumingin siya sa kanyang mga kaibigan na kakatapos lang maglinis sa yard at maghanda. May nilagay silang mga lights para magandang tingnan at maganda sa picture taking mamayang gabi. Mukhang normal lang naman ang kinikilos nila kaya wala siyang alam kung sino ang pagbibintangan niya sa nakita niyang ID. Bumuntong hininga siya at aksidenteng napatingin siya sa loob ng bahay, aksidenteng nagtama ang mata nila ni Isiah. Sila lang dalawa ang may alam non pero imposible naman na si Isiah ang may kagagawan noon hindi ba?
Magkasama sina Aaron at Christy na inayos ang mga upuan at lamesa sa may pool yard. Nang matapos sila ay naupo si Christy sa pagod samantalang pinagmasdan ni Aaron ang kanyang mga kaibigan kung sino ang nagpadala ng ganon sa kanya. Hindi biro kung ano man ang nakasulat doon dahil hindi malabong mawalan siya ng lisensya at ang masaklap pa roon ay makulong siya lalo na kung mayroon sapat na ebidensya ang nagpadala.
Tumingin si Christy kay Aaron na sunod-sunod ang pagtiim ng kanyang bagang habang pinagmamasdan nito ang kanyang mga kaklase. Tamad na tiningnan ni Christy ang kanilang mga kaibigan na may sari-sariling buhay. Mukhang tinitingnan ni Aaron kung sino sa kanila ang nagpadala ng ID, Ang kaso nga lang ay hindi matanggap ni Chirsty na isa sa mga nakangiti o ‘di kaya ay nakabusangot na mukha ng kanyang mga kaibigan ang may kakayahan na sirain ang pagkatao niya maging si Aaron. Ano bang gusto niya?
Hindi maintindihan ni Hahn ang kanyang nararamdaman pagkatapos niyang mag-bake dalawang cake dahil hindi naman mahilig sa mtatamis ang mga kaibigan niyang babae, alam niya na nagdi-diet sila katulad niya tiyaka napagkasunduan din nila na dalawang cake lang ang kanyang ibe-bake. Marunong siyang mag-bake dahil in-enroll siya ng kanyang ina noong bata pa lamang siya para maturuan siya kung paano mag-bake. Nang matapos siya ay para bang bumalik ang mga katanungan sa kanyang isipan, parang nagkaroon lang siya ng break na isipin kung sino ang nagpadala sa kanya dahil naging distracted siya maghapon lalo na’t wala pa siyang magandang tulog. Totoo nga kayang isa sa kanyang mga kaibigan ang nagpadala non?
Bago rin umakyat si Clarence para makapag bihis na ay nilibot niya ang kanyang tingin sa kanyang mga kaibigan. Anong kailangan naman ng nagbigay ng ID sa kanila? Bakit kailangan niyang gawin iyon? Kailangan niya ba ng pera? Wala naman siyang napapansin sa kanyang mga kaibigan na nangangailangan sila ng pera lalo na noong nakaraang buwan na halos sunod-sunod ang mga balita sa kanilang mga achievements. Sandali niyang ginulo ang kanyang buhok dahil sa stress, hindi niya alam kung tama bang pagdudahan niya ang kanyang mga kaibigan? Ang tanging gusto niya lang ay huwag ipagkalat ng taong may alam sa kanyang sikreto ang sikreto niya. Gusto niya itong makausap na kahit lumuhod siya ay gagawin niya para lang huwag masira ang binuo niyang pangalan sa loob ng ilang taon.
Iisang katanungan ang nabubuo sa kanilang isipan habang pinagmamasdan ang isa’t-isa. Anong kailangan ng nagpadala sa kanila ng ID? Hindi nila lubos maisip na kaya palang traydurin ng isa sa kanila sa loob ng anim na taon nilang pagsasama noong high school. Halos mawala na sila sa ulirat dahil hindi nila alam kung paano nila malalaman kung sino ba ang tao sa likod ng kanilang set-up.
Samantala ang isang babae ay bagot na bagot na sa nangyayari dahil wala man lang nangyayaring pag-aaway sa kanila kahit na halatado na sa kanilang mga na in-obserbahan nila ang lahat ng kanilang mga kaibigan. Hindi na talaga siya makapaghintay para sa surpresa nila mamayang gabi. Dapat lang mawala na ang mga ngiti sa kanilang labi at mapalitan ito ng takot at pangamba.
Mukhang tama nga sila na ang tibay ng samahan ng section na ito pero alam din naman niya kung ano ang nagpapatatag sa nakaraan, ito ay dahil natatakot silang mabunyag kung ano mang kahayupan na ginawa nila noon. Iyon ang nagsisilbing ‘bond’ nila dahil takot silang magsalita ang isa. Kapag nangyari iyon? Ay damay silang lahat ginusto man nila o hindi.
At bakit niya iisipin na hindi nila ginusto? Gustong-gusto nila kung ano man ang nangyari noon na hindi kailanman sila nagsalita o nagbukas ng mata para tulungan ang kaawa-awang nilalang. Tinrato nila itong parang baboy at pagkatapos ay tinrato nila tong hindi nag-exist sa kanilang buhay.
Mag-isa niyang hinarap. Mag-isa niyang kinaya. Nakita nila kung gaano sa araw-araw ay ang bigat ng dinadala niya. Pero wala man lang nangahas na magsalita, wala man lang nangahas na tumindig, wala man lang nangahas na magbukas ng mata at wala man lang nangahas na kumampi sa hustisya.